K A B A N A T A - VII
VII
BIANCASTA
Daan-daan ang namatay. Ang ila'y kinitil sa loob ng kanilang sariling mga balay at ang karamihan nama'y pinabayaang maubos ang hininga sa kanila mismong tinubuang lupa.
Ramdam ko ang kakaibang bugso ng kaba para sa bawat Aldriniang nakikita kong tumatakbo sa kapalarang hindi namin naagapan. Mga luha kong nais pumatak ay aking ikinulong sa selda nito at hinayaang huwag mabahiran ng takot at panghihina ang bawat sangga, suntok, sipa, at atake.
Ngunit bakit ganoon?
Bakit tila yata lahat ng ito ay pawang nakatakdang nang mangyari?
Bakit tila yata pinabayaan na kami ng mga bathalang aming palagiang sinasangguni?
Kahit ilang beses akong makapagpatumba ng Castrinian na kawal, animo'y mga langgam silang hindi nababawasan at walang tigil sa pagsupil sa ibig na makamtan.
Pagsabog, sunog, malalakas na mga yabag ng mga tao, usok, pagdaong ng mga dayuhang barko, at sigawan mula sa iba't ibang direksyon.
Ito nga ang siyang ipinapahiwatig ng kulay pulang buwan.
Mga binti ko ma'y sumusuko na, ang katawan ko'y walang pigil sa pagwasiwas ng aking kampilan. Kampilan na siyang binahiran na ng dugo ng samu't saring mga mananakop na walang ibang maisip gawin sa kanilang mga buhay kundi ang manguha ng lupain na hindi naman sa kanila.
"Bian! Sa likod mo!" sigaw ng kung sino sa akin.
Ngunit nakakapagtakang hindi ko maigawang ikilos ang aking katawan upang sanggain ang paparating na atake. Nang magawa ko kahit papaano ang lingunin ang kalaban ay batid kong huli na ang lahat para sa akin.
Handa na akong mapaslang sa mismong punto na iyon.
Wala ng ibang mas mataas na karangalan kundi ang mamatay bilang isang matapang na mandirigma ng kanyang bansa.
At sa bawat segundo na papalapit nang papalapit ang kanyang espada sa akin ay nakakasurpresang bumuhos na lamang na tila ulan ang mga naging kabanata ng buhay ng isang kagaya ko. Noong pagkakataon na iyon, biglaan na lamang tila may gumising sa akin sa pagkakalulong sa isang sumpang inihandog sa akin.
Doon ko napagtanto ang isang mahalagang bagay.
Hindi pa ako maaaring mamatay.
....
"Tiya!"
"Mahabagin!"
Abang napabalikwas ako mula sa aking pagkakahiga nang marinig ko na naman ang malakas na boses ng aking pamangkin. Kung anong ikinatahimik at ikinahinhin ng kanyang ina ay siya namang ikinasigla at ikinadaldal niya.
Mangamot-ngamot sa ulong sinubukan ko na buksan ang aking mga mata sa harap ng paniguradong kay tirik na namang araw. "Aish. Ang aga-aga..."
"Tiya Bian! Si Ode Preia po!"
Preia? Sandali... Preia? Ang prinsesa?!
Nagmamadaling umalis ako sa aking kinahihigaan at lumabas ng kubo upang hanapin sina Antonio at ang prinsesa. Agad ko naman silang nahanap sa mga halamanang inaalagaan ni Ate Leila. "Ano bang—"
Tumiklop ang dila ko sa kung ano ang aking nadatnan. Sinasabi ko na nga ba't dito na naman sila naglaro. Hindi ito ang unang beses na sinubukan nilang maglalalakad dito nang wala man lang suot na kahit anong panapin sa paa. At mas lalong hindi rin ito ang unang beses na nasugatan ang isa sa kanila nang dahil dito.
"Mahal na—Uhm. Raz, hindi ba't pinagbilinan na kita na huwag kayo rito magliliwaliw? Tingnan mo't nasagutan na namang muli ang iyong mga paa."
Napasampal na lang ako sa aking noo. Anim na taon na ang nakalipas at sa tingin ko'y hindi na talaga ako masasanay na tawagin ang nag-iisang miyembro ng sagradong pamilya na nabuhay mula sa pananakop sa kanyang palayaw.
Pinukulan ko rin ng mapanuring tingin ang aking pamangkin na ginamit na naman ang tunay na pangalan ng prinsesa. Ilang beses ko na rin siyang napagsabihan noon pa man.
Kahit na ba nagdaan na ang araw na iyon, malaking kapahamakan pa rin ang naghihintay sa aming lahat kung sakaling mapag-alaman nilang nandirito ang huling pag-asa ng Aldrina upang ibangon ang kaharian.
"Antonio, maaari bang bumalik ka muna sa kubo at tulungan ang iyong ina sa paghahanda ng almusal?"
Akmang aangal pa sana ito subalit nang magtama ang aming mga mata ay sumusukong tumango na lamang ito. "Opo. Pasensya na rin po sa pagtawag sa tunay na ngalan ni ode," paghingi ng tawad nito na siyang tinanggap ko naman sa pamamagitan ng paghalik sa kanyang noo.
Matapos nito ay bumalik na ang ngiti sa kanyang mukha at tumatakbo na itong nagtungo sa may kubo. Hindi ko maiwasang ngumiti habang pinapanood siyang makalayo sa akin.
Kahit papano nama'y laking pasasalamat ko na na lumaking masunurin ang bata. Kadugo man niya'y kinamumuhian ng marami, huhubugin namin siya sa mabubuting aral na hindi yata nakuha ng kanyang ama sa pagkamusmos.
"Bian, pasensya na. Hindi na talaga ito mauulit. Masyado lamang kaming nasiyahan ng iyong pamangkin sa paglalaro."
Tinuunan ko naman ang dalagang kinalinga namin sa kabila ng pagtatago namin sa kanya ng katotohanan ukol sa aming pagtatago at sa kung sino ang tunay na ama ng batang kanyang laging kasa-kasama.
Nasiyahan? Masisiyahan ka pa rin ba mahal na prinsesa kung ipagtatapat ko sa'yo na ang paslit na lubos mong minamahal sa kada araw na iyo mong nakakasama ay siyang anak ng taong pumaslang sa iyong buong pamilya at kumuha sa iyo ng karapatan na mamahala?
Abang napabuntong hininga ako sa sitwasyon na aming kinahinatnatan. Naging tahimik man ang anim na taon, hindi pa rin mawawala ang mga sikretong ibig naming ibaon sa limot. Kalakip ng pagbaon nito sa limot ay ang posibilidad na ikaw ang pumalit dito sa lupa sa oras na mabungkal ito.
"Siguro nga't ilang taon na ang nakalipas ngunit 'wag niyo sanang mamasamain ang aking suhestiyon, prinsesa," panimula ko na siyang ikinaseryoso ng aking kausap. "Kung maaari sana'y alalahanin ninyo ang inyong katayuan. Nais kong iparating sa inyo na kayo'y miyembro ng sagradong pamilya pa rin at kami'y 'di hamak na mga sibilyan lamang. Ang tanging dapat ninyong inaasikaso ay ang inyong pagbabalik."
"Batid ko iyon," maagap nitong tugon. "Subalit ano ang aking magagawa kung wala man lang akong kakampi maliban sa mga Abrias? Anong laban ng isang babae sa isang emperador na may hawak sa leeg ng lahat?" balik na mga tanong nito sa akin na siyang ikinatikom ko naman.
Kung sabagay... Hindi lamang siya ang nakararamdam ng ganito.
Sa mundong ito, isang sumpang maituturing ang isilang maging babae. Ito'y buhat ng nakatakdang kapalaran na kailangan mong danasin nang panghabangbuhay.
Sabihin man nating nasa panig niya ang mga mandirigmang gaya namin, hindi pa rin ito sapat upang makapagtamo siya ng kapangyarihan at karapatan na ipagtanggol ang trono ng Aldrina.
Hay. Dapat yata'y hindi ko na inungkat pa. "Sumakay ka sa aking likod, Raz. Ipagamot natin kay Ode Leila ang iyong mga sugat." Hindi na ako naghintay pa ng kanyang iwiwika. Dali-dali na lamang akong lumapit sa kanya at siya nama'y sumampa sa aking likuran.
Sa isip-isip ko, ako pa ri'y nababahala. Panghabangbuhay na ba kaming magkukubli rito?
"Oo nga pala. Bukod sa Delfamia, wala na akong ibang maisip pang lugar upang pagtaguan. Paano niyo natagpuan ang lugar na ito? Paanong hindi ko ito namataan sa mapa ng Aldrina?" usisa nito habang kami'y papalapit nang papalapit na sa kubo kung saan nakikini-kinita ko na ang aking irmana na naghahanda ng umagahan naming lahat.
Iniayos ko ang pagkakasampa ni Raz sa aking likuran. "Nailipat na ang mga lumang dokumento sa pinakakailaliman ng punong silid-aklatan. Mas makilatis at detalyado ang mga ito kumpara sa inyong mga kinalakihan, kamahalan."
"Kamahalan? Karapat-dapat pa ba akong tawagin niyan? Dugong bughaw ngunit dugong duwag."
Abang napatigil na lang ako sa kanyang katanungan. Nagkamali ako. Kahit kailan, hindi nakalimutan ng prinsesa ang kanyang pinangakuang tungkulin sa bansa. Ngumingiti't tumatawa man siya, isang unos ang nasa loob niya at naghihimagsik.
"Ako'y magpapanggap na hindi ko narinig ang mga iyan, Prinsesa Preia. Kung marinig iyan ng mga natitira mong mga nasasakupan, panigurado'y malulumbay sila. Para sa kanila, ikaw na lamang ang natitirang pag-asa upang makalaya. Tinatangkilik ka nila bilang ina ng lupaing ito. Kaya kamahalan, huwag po kayong panghinaan ng loob."
Mabigat ang hiningang tinanggap ng dugong bughaw ang aking payo. Hanggang sa kami'y makarating sa loob ng kubo ay nanatiling tahimik ito. Hanggang sa tila tinahi na ang kanyang bibig at hindi na muling nagsalita pa hanggang sa paglubog ng haring araw.
Nababahalang nilapitan ako ni Ate Leila. "Anong nangyari, Bian?"
Parehas kaming napatingin sa direksyon kung saan nakaupo ito. Yakap-yakap ang kanyang mga tuhod at animo'y kay lalim ng kanyang iniisip.
"Tingin ko'y nayayanig ang loob ng prinsesa sapagkat anim na taon na ang nakalilipas pero walang progreso ang nagaganap," malungkot kong sagot sa kaniya.
Ilang sandaling dama ko ang pagtingin sa akin ng aking nakatatandang kapatid. Sumunod na lamang niya akong inalo at pinuluputan ng kanyang mga braso. "At gayon na rin ikaw, hindi ba?"
Sino ba ang may nais sa ganitong sitwasyon, ode?
"Walang saysay ang pag-aalala, aking irmana. Oo nga pala, dumayo rito kanina ang ibong pagmamay-ari ng Abrias. Ang liham ay nasa iyong baul. Tingin ko'y kailangan ka nila bukas ng gabi."
Napakalas ako sa kanyang mga bisig nang marinig ang pag-iiba niya ng paksa. "Bukas ng gabi?"
Isang ngiti ang pinakawalan niya at ipinatong ang dalawang kamay sa aking magkabilang balikat. "Nalimot mo na ba? Bukas ng gabi ay lilitaw na ang unang kabilugan ng buwan ngayong taon. Hindi ba't nabanggit mo sa akin na iyon din ang araw para sa seremonyas ng pagkabuhay ng mga Portellum?"
Ang Seremonya ng Pagkabuhay ng mga Portellum...
Ang seremonya kung saan sinasabing nagpapakita ang Bathalumang Elizaria sa panaginip ng isang Abrias upang ibigay ang kanyang basbas dito. Kanyang bubuhayin ang mga batuk at pagkakalooban ng kakayahang ayon sa pagkatao ng taong nasasadlak sa pagkakahimbing.
Subalit, sa oras na ika'y kanyang nakitang hindi karapatdapat, maglalaho ang kahit anong rason para ika'y gumising pa.
At ako... isang babaeng nagsinungaling ukol sa kanyang kasarian at nagpumilit sumali sa grupo ng mga kalalakihan... mayroon nga ba akong karapatan para harapin ang bathaluman?
Subalit wala sinuman sa amin ang maaaring hindi dumalo sa seremonya.
Sa tingin ko'y nararapat lamang din sabihin sa aking sarili ang aking tinuran kay Prinsesa Preia. May iba pa ngang bagay akong dapat isipin at asikasuhin.
Ako'y mananatili pa ba nang panghabangbuhay sa liblib na lugar na ito o aking matatagpuan na ang kamatayang hindi ko nakamtan noong digmaan sa kamay ng bathaluman ng grupong aking nilinlang?
Mabubunyag na ba ang lihim na ilang taon ko ring pinanghawakan?
****
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top