K A B A N A T A - V
V
BIANCASTA
"Bian? Bakit hindi ka umidlip man lang? Mahaba-haba pa ang ating lalakbayin pauwi sa Consier," puna ni Mateo sa akin habang minamaniobra ang karitelang aming nakuha para sa pagpunta sa siyudad at pag-uwi sa probinsya.
Kasalukuyan na hinahatak pa rin ng dalawang kabayo ang karitelang naglalaman sa akin at ng mga kasamahan kong pawang nakatulog na sa layo at haba ng biyahe. Malalim na ang gabi at mukhang malayo-layo pa ang aming dadagitin upang makabalik sa aming pinanggalingan.
Matapos kong makabangga ang lalaking pakay ko, hindi ko na magawa pang humimbing. "Naghahanda lamang akong palitan ka sa pagpapatakbo. Bakit hindi kaya ikaw ang magpahinga?" palusot ko at bahagyang nag-unat-unat ng aking katawan.
"Tsk. Hindi na kailangan. Hatinggabi na. Pagpapahingahin ko na rin muna ang mga kabayo sa oras na makakita ako ng maaari nating pagtigilan."
Abang napatango na lang ako bilang sagot sa kaniya.
Tama. Hatinggabi na. Pero hindi pa rin maalis ang pangamba ko sa mga narinig ko sa mga kawal ng Castrinya.
"Kahit anong araw sa linggong 'to, sasakupin na ng Castrinya ang Aldrina."
Hindi ko matanggal sa aking isipan kung paanong maaaring makaapekto lalo ang aking ginawa sa prinsepe sa plano nilang pagsakop sa bansa. Pero maaari rin namang wala sapagkat umatake ako nang walang bakas na pagkakakilanlan.
Bakit mo pa iyan iniisip, Biancasta? Mawawalan na rin naman kayo ng kasarinlan sa bandang huli. Ano pa ang saysay ng pagsisi sa iyong sarili?
Nais kong tuktukan ang aking sarili sa mga salitang naisisiksik sa aking isip. Walang maidudulot na maganda ang paghahanap ng butas o hindi kaya'y masisisi. Ang mahalaga ay maihatid ko ang ulat na ito kay Pinunong Apo pagkabalik na pagkabalik namin upang makapagsagawa ng malawak na pagpupulong kung paano namin ipagtatanggol ang Aldrina mula sa mga nais umangkin dito.
Kinakailangan namin silang maunahan.
"Argh!"
Alistong napalingon ako kina Astor nang marinig ko ang mahihinang pag-inda nila mula sa kung ano. Mabilis ko silang dinulutan at tiningnan kung ano marahil ang dahilan kung bakit sila nagkakaganito. "Mateo, itigil mo muna ang karitela!"
Dali-daling napatigil ang mga kabayo sa pag-abante at lumulan si Mateo sa aming kinaroroonan para tulungan akong usisain kung ano ang mali sa aming mga kaibigan. Gayunpaman, walang senyales ng kung anong pisikal na sugat sa mga ito. Panay sila pag-aray at bakas mo sa kanilang mga mukha ang paghihirap sa bagay na hindi man lang namin mapagtanto kung ano.
"Mahabaging bathala, anong nangyayari sa kanila?"
Kahit na ba si Mateo ay nababagabag na sa mas lumalakas na pag-ungol sa sakit nilang lahat. Ni hindi rin namin alam kung paano sila maaagapan mula sa dinaramdam nila.
Mga ilang segundo pa ang lumipas ay nasurpresa na lang ako nang mapansin kong pati si Mateo ay unti-unting nawawalan ng lakas at balanse.
"Mate—Argh!"
Dumapo ang palad ko sa aking tiyan. Bakit ganito? Bakit pati ako'y tila may iniinda na rin? May kung anong mahapdi akong nararamdaman. Para bang pinapaso ito ng nagliliyab na apoy. Animo'y hinihiwa ang mga parte ng aking katawan kung nasaan ang aking mga batuk.
Sandali...
Batuk...
Agad kong iniangat ang aking pantaas na damit, tanging upang makita lamang ang mumunting liwanag na bumabalot sa aking Portellum. "Ang mga batuk..."
"Sa tingin ko'y isa itong senyales."
"Ano?"
"Tingnan mo ang buwan."
Sinunod ko ang winika niya at sa pagtama ng aking mga mata sa buwang naghahari sa gabing kalangitan, mga mata ko'y nanlaki sa nasaksihan, puso ko'y dumarambong nang walang humpay. "Ang buwan... nagkulay dugo..."
"A-Ayon sa alamat, ang kabiyak ng patron ng Abrias na si Elizaria ay ang diyos na naninirahan sa buwan. N-Nang mamatay ito, ang bathaluman ang siyang kumalinga nito. Sa m-madaling salita, maaaring ginagamit niya itong babala," nahihirapang paliwanag ng aking kasamahan habang hawak-hawak ang kanyang brasong pinanggagalingan din ng pulang liwanag.
Babala? Senyales?
Ano pa nga ang ibang kahulugan ng dugo para sa iyo, Biancasta? Hindi ba't kamatayan lamang?
Hindi pwede 'to...
Ang tinutukoy ba ng babala na ito ng bathaluman ay ang nalalapit na pagbuhos ng dugo? Kung ganoon, nakatakda na ang mga kilos ng Castrinya upang kunin mula sa amin ang kalayaan. Hindi magtatagal ay masasama na ang Aldrina sa listahan ng mga lupaing sakop ng kanilang kapangyarihan. Libu-libong mga tao ang muling mamamatay. Maraming mga musmos na naman ang mauulila kasabay ng paglaho ng kanilang pagkakakilanlan.
Halos manlambot ako sa pagbuo pa lamang ng imahe ng magaganap.
"Bian! Bian! Hindi ito ang oras upang panghinaan ng loob. Pinapaalalahanan tayo ng ating patron upang may magawa bago pa mangyari ang pinakamasamang senaryo. Kailangan nating makabalik sa kuta sa lalong madaling panahon," determinadong turan ni Mateo sa akin habang niyuyugyog ang magkabilang balikat ko.
Kita pa rin sa kanyang mukha ang kirot ng mga nagliliwanag na mga batuk. Mga batuk na kapwa binibigyan din kami ng babala at paalala. Paalala para sa aming mga napagkalooban nito. Paalala para sa mga Abrias na nangakong gagamitin ang kaalaman sa pakikidigma mula pa sa mga naunang salinlahi sa pagtatanggol sa mga nangangailangan ng tulong at agapay.
"Sang-ayon ako. Ngunit sa ngayon, dapat tayong makahanap ng maaaring makapagpahiram sa atin ng ilang kabayo upang makabalik sa lalong madaling panahon," nag-aalala kong suhestiyon.
Aabutin pa kami ng ilang oras kung kami'y pawang magtitiwala lamang sa karitela. Nararapat na samantalahin namin ang paunang babala na ito para maunahan ang mga Castrinian.
At habang tumatakbo ang oras ng komplikasyon, kamay ng aking kaibigan ang bumagsak sa aking balikat. Tinuunan ko naman siya ng tingin. "Bakit?"
"Wala na tayong mahahanap sa ganitong kalalim na gabi. Dalhin mo ang isa sa mga kabayo at huwag kang titigil sa pagpapatakbo."
Ako'y napamaang sa kanyang sinabi. Nais ba niyang iwanan ko sila rito sa kalagitnaan ng daan kasama ang isang kabayo lamang? Paano niya maaasikaso ang aming mga kaibigang may sakit pa ring kinikimkim nang mag-isa?
Hinablot ko ang kanyang kamay at tiningnan siya mata sa mata. "Hindi kita maaaring iwan dito!" Subalit marahas lamang niyang kinalas ang pagkakahawak ko sa kanyang kamay.
"Mapapatagal lamang tayo. Ramdam kong may karagdagan ka pang nais iulat kay Pinunong Apo base sa lalim ng iyong pag-iisip kanina pa. Huwag kang mag-alala. Kami'y susunod din sa'yo. Mas magandang maiwan muna kami rito upang makibalita rin kung sa mga susunod ng anunsyo galing sa siyudad," aniya at siya na mismo ang kumuha ng aking kampilan at mga gamit mula sa isang gilid.
Halata man ang panginginig ng kanyang mga kamay, iniabot niya sa akin ang mga ito nang marahan. Panginginig na sa tingin ko'y dala ng takot sa paparating na unos sa aming lahat.
Naging mabilis ang aming pagkilos base sa napagkasunduan. Kinalas ni Mateo ang pagkakatali ng isa sa mga kabayo at dali-dali akong inalo na sumakay dito. Siya na rin ang nag-ayos sa pagkakasukbit ng aking kagamitan.
"Maayos na ang lahat. Humayo ka na, Bian. Madali ka."
Nanginginig pa rin ang kanyang mga kamay.
Pasimple kong inialis ang kanyang kamay na nakapatong sa kabayong gagamitin ko. Hindi ko ibig na makitang nagkakaganito ang kababatang una kong inidolo bago ang mga Abrias. Kababatang pinili kong linlangin ukol sa aking kasarian nang sa ganoon ay makapanatili pa ako sa kanyang tabi at makapaglingkod sa bayan tulad ng pangarap niya.
"Mag-ingat kayo. Gagawin ko ang lahat para makaabot sa kuta bago sumikat ang araw," pangako ko rito.
"Ika'y mag-ingat din."
Tanging isang ngiti lamang ang naibalik ko sa kanya. Animo'y naputol ang aking Matapos nito'y itinutok ko na ang aking titig sa daang babagtasin nang walang tigil. Huminga pa ako nang malalim at saka tuluyang hinawakan ang tali at patakbuhin ang kabayo.
Kahit na ba kakarampot na pag-asa na lamang ang natitira para sa aming mga Aldrinian, hindi naman mali ang tanggihan ang pasuko, hindi ba?
****
-T A L A S A L I T A A N-
KARITELA
Maaaring karton o kuwadradong gawa sa kahoy na may mga gulong at hinahatak ng kabayo o hindi kaya ng kalabaw. Ginagamit itong transportasyon ng ilang mangangalakal at manlalakbay lalo na kung may mga dalahin o kung magtutungo sa mga probinsyang malayo sa siyudad.
BATUK
Termino na nangangahulugang 'tattoo' o mga pinintang mga larawan, letra, o disenyo sa balat ng isang tao. Ito ay simbolo ng katapangan, tagumpay, at katanyagan. Sa mundong kinabibilangan ni Biancasta, ang mga batuk ay ipinagkakaloob lamang sa mga pinakamagigiting na mandirigma sa mga nagdaang digmaan at sa mga miyembro ng Abrias.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top