K A B A N A T A - IX
IX
BIANCASTA
"Iyong lihim aking kukupkupin. Iyong katapangan ay sapat nang dahilan upang ito'y kanlungin. Kapalit ng pabor na ito ay aatangan kita ng tungkulin na nawa'y hindi mabigat para iyong katawang balingkinitan."
Natapos man na ang seremonyas ay hindi pa rin maglaho sa aking isip ang imahe ng bathaluman. Oo, ako'y nabigyang kapatawaran at higit sa lahat ay kanyang binigyang pagkakataong masilayan siya. Ang kagaya kong manlilinlang at tagalabag ng kanyang batas, hinayaan makalapit sa banal na presensya niya.
Ako'y hindi pa rin makapaniwala.
Buhay ako. Ni isang galos ay wala.
Ang pagmasdan ang aking mga batuk na nagliliwanag sa ilalim ng buwang tila sumusuyo rito ay hindi matutumbasan ng kahit ano pa man. Ang dating mga hamak na simbolo, ngayo'y binasbasan at may kakayahan na upang ako'y tulungan sa mga susunod na taon pang tatahakin ko bilang tagong Aldrinian at miyembro ng Abrias.
Muli kong pinasinayaaan sa aking kaisipan ang responsibilidad na iginawad sa akin.
"Mula sa iyong mga Portellum, pares ng nagbabagang kampilan ay maaaring mabuhay. Dala nito ang alab ng puso at dulot nito ay kayang manwasak ng kahit ano o sino. Apoy ang kaagapay ngunit kapayapaan ang hangad. Sagipin ang mga nangangailangan at bigyang lunas ang kawalan ng katarungan, tuparin mo ang mga ito nawa at mabuting bunga ay sisibol kalaunan."
Tunay na kay hiwaga ng mga katagang kanyang binigkas para sa isang hamak na hindi nakapag-aral at lumaki sa dungis at hirap. Anuman ang nais niyang ipahiwatig sa akin, batid kong ito'y makabubuti para sa lahat.
"Liyab at alab..." pagbanggit ko sa mga pangalang pinataw ko sa mga kampilang nagkukubli sa aking mga braso.
Hanggang ngayo'y tila lumulutang pa rin ang aking katawan sa kalangitan.
Animo'y hindi nangyari ang halos pag-alok sa akin ni kamatayan na sumama sa kanya gawa ng kahindik-hindik na sakit sa pagbuhay sa mga batuk. Triple ang sakit nito kumpara sa nauna rati nang magkulay dugo ang buwan. Tila literal kang sinusunog mula sa loob at sa labas. Tila ba pinapatawan ka na ng kamatayan at walang katapusan na pananatili sa kaharian na nasa kailaliman ng lupa.
Halos kurutin ko na ang aking sarili para lamang iwaksi ang sinapit kong iyon. Ang mahalaga sa ngayon ay may kakayahan na akong paglahuin at palitawin ang aking mga Portellum kahit kailan ko man ibig. Hindi ko na kailangan pang magtago sa mga taong maaaring makakilala sa mga simbolong ito.
At higit sa lahat, maaari na rin akong umuwi para saluhan sa gabing ito ang aking pamilya. Paniguradong naghihintay na sina Ode Leila, Antonio, at Raz. Mabuti pa'y magpaalam na ako kay Pinunong Apo at sa aking mga kasamahan bago pa lalong lumalim ang gabi.
Subalit walang hakbang akong nagawa.
Bakit siya naririto?
"Bian! Natagpuan namin ang iyong pamangkin sa kahahuyan. Ika'y kanyang hinahanap," balita sa akin ni Alfredo matapos mahabol ang kanyang hininga.
Agad kong sinundan ang direksyong tinuturo ng kanyang daliri at roon ko nakumpirma ang kanyang ulat sa akin. Nandirito nga si Antonio at nababalot ng pagkabahala't takot ang kanyang mukha.
Pasaglit kong sinulyapan ang aking mga kasamahan upang kami'y bigyan ng sapat na oras para mag-usap. Nang matiyak kong sila'y nakalayo na, mabilis akong lumuhod upang makatagpo ang lebel ng tingin ng aking pamangkin. "Paano ka nakarating dito? Bakit tila may kung anong bumabagabag sa iyo? Tinakasan mo ba ang iyong ode't ina?"
Ngunit kung inaakala ko'y siya'y mababagabag sa pagbanggit ko sa kanyang ina, nagkamali ako. Hindi basta-basta takot ang bakas sa kanya. At hindi lang sa kanyang mukha ito banaag kundi pati na rin sa kanyang buong katawan na sa ngayo'y hindi mapirmi sa panginginig.
Dinapuan ng kung anong pangamba ang loob ko sa pagkakabasa pa lamang sa ikinikilos ni Antonio. Batid nila nina Raz at Ate Leila ang aking sikreto sa pagiging Abrias at paglilihim sa aking tunay na kasarian. Batid din ng musmos na ito na kung minsa'y nililisan ko ang aming balay upang magtungo rito.
Hindi niya tatangkain dumaong sa galit namin ng kanyang ina't ode kung hindi kinakailangan.
"T-Tiya..."
"Ano ang nais mong sabihin, Antonio?"
"M-May mga k-kawal pong papunta sa a-ating b-balay... D-Dumiretso n-na po ako rito sa inyo upang h-humingi ng tulong," mangiyak-ngiyak niyang pagsagot sa katanungan halos ibigkis na ako sa kakaibang takot.
At mukhang napagtanto ko na kung ano ang takot na iyon.
Ang mga Castrinian... kikitil na naman silang muli ng mga buhay...
Tulalang napatayo ako at bumaling sa mga kaibigan kong nasa hindi kalayuan. Sakto namang nagtagpo ang mga tingin naming nangungusap.
Tulong...
...
Panandalian kong iniwan muna si Antonio sa pangangalaga ni Astor sa tagong pampang sa kabilang dulo ng kabundukang kasalukuyan naming tinitirahan. Mabuti na ang maging tiyak kung sakaling mapunta sa pinakahindi inaasahan ang magaganap ngayong gabi.
"Bian, apoy!" senyas sa akin ni Hanan na siyang nakapagpatigil sa amin sandali.
Hindi...
Ang apoy na kanina'y kinamamanghaan ko sa aking mga batuk, ngayo'y nilalamon na nang buo ang balay na siyang nagkubli sa amin nang mahabang panahon. Sa mga oras na ito, bigla akong dinaluyan ng takot pati na rin sa elementong akala ko'y kakampi ko.
"Ode! Raz!"
"Ang prinsesa!"
"Prinsesa Preia!"
"Leila!"
Kasabay ng aming mga pagtawag ay ang pagdagundong ng lakas ng apoy. Mas lalo lamang itong lumalakas sa hampas ng hangin sa bukas na kalupaan. Ngunit ang siyang mas nakapagpalinaw pa sa lahat ay ang mga kawal na nakapalibot dito at ang ilan na nagmamadaling lumabas mula sa kubo.
Mga Castrinian... Hindi ako maaaring magkamali. Ang simbolo sa kanilang mga baluti ang nagsasabi sa aking sila pa rin ang parehong grupo ng mga mamatay-tao na kumitil sa buhay ng ilang daang mga buhay ng mga Aldrinian.
Mabilis kong ipinuslit ang limang patalim mula sa aking bulsa at itinapon ito sa mga kakalabas lamang na mga kawal. Sa pagdapo sa kanila ng mga ito ay agad din silang bumagsak sa damuhan. Ang isang atakeng nagmula sa akin ay siyang kumuha kaagad ng atensyon nilang lahat.
"Sino kayo?!" tanong ng isa sa kanilang bilang.
Gusto ko mang sagutin iyan ngunit walang saysay kung mamamatay ka rin sa aking mga kamay. Sinulyapan ko ng tingin ang lima kong kababata na sumama upang tugunan ako ng suporta.
Ang mga tango nila ang siyang nagbigay katiyakan sa akin na hindi ako nag-iisa sa labang ito. Binalikan ko ng tingin ang mga kalaban sa gabing ito at hindi na hinayaan pang lumipas ang oras upang maghintay.
Sinalubong ko ang pagsugod ng dalawang Castrinian at hinawakang mahigpit ang kanilang mga braso. Pumaikot ako sa nang ilang beses habang hawak-hawak ang mga ito na siyang nagresulta upang mabalian sila ng buto sa mga braso. Namilipit ito sa sakit habang ako naman ay binabagtas ang daan papasok ng balay.
"Ode Leila? Raz?!" sigaw ko sa aking paghahanap. Abang pinangharang ko ang aking mga braso sa nagngingitngit na apoy na nais din akong lapain.
"Apoy ang iyong sandigan. Hindi ka nito masasaktan bagkus ito ang iyong sandata."
Tama. Ako'y hindi masasaktan nito.
Inialis ko ang aking mga braso sa pagkakaharang at hindi na nasindak pa muli sa aking paligid. Bawat sulok ng bahay na natutupok ay aking hinalugad ngunit isang katawan ang siyang lubos na umubos ng aking lakas sa pagkakakita pa lamang nito.
Ate...
Hinang-hinang bumagsak ang aking mga tuhod sa kanyang tabi. Niyakap ng aking mga bising ang katawan niyang nanlalamig na sa kabila ng init na namamayani. Bukas niyang mga mata, nagpahiwatig sa akin na takot ang huli niyang naranasan. Mga luhang tumulo sa kahuli-hulihan niyang hininga, nagpahiwatig sa akin na ang makita kaming lahat ang huli niyang kahilingan.
Nanginginig kong tinanggal ang gawa sa pilak na punyal na napansin kong ilang beses sa kanya'y itinarak. Ang punyal na tumapos sa buhay ng babaeng sumalo ng lahat ng pasakit para sa akin mula sa pagkabata. Ang punyal na nagnakaw ng buhay ng isang taong nais lamang lumaya at sumaya.
"Bian, kung sakaling ako'y mamayapa nang maaga, maaari bang alagaan mo si Antonio na para bang tunay mo siyang anak?"
"Ano ba ang iyong tinatanong, ode? Dalawampu't tatlong taong gulang lamang ako at ika'y dalawampu't lima. Kay bata mo pa upang mawala."
"Kung sakali, Biancasta. Kung sakali. Ang batang iyon ay isang nararapat na tagapagmana ng kanyang ama. Nilalayo natin siya sa kapalaran na iyon subalit tingin ko'y balang araw ay kakailanganin niyang panindigan ito upang mabuhay. Walang nakakatakas sa kanyang kapalaran, aking irmana."
Mali ka, ode. Ang kapalaran ay isang bagay na ikaw lamang ang makapagtatakda.
Balot-balot ng kanyang dugo, itinuon ko na ang aking mga hakbang papalabas ng malapit nang maging abo na kubo. Buong kapit ko pa ring dala ang punyal na siyang maagap kong isinaksak sa dibdib ng unang kalaban na sumalubong sa aking paglabas.
Gagamitin ko rin sa inyo ang mismong punyal na ginamit ninyo upang paslangin ang aking kapatid. Mga Castrinian, ngayo'y mas higit ko pa silang kinamuhian.
Maliksi kong iniwasan ang pagwasiwas ng espada ng isa pang kawal mula sa aking likod at mariing kinuha ang kontrol sa sandata laban sa mismong may-ari nito. Hindi rin nagtagal ang aming agawan at ang unang may hawak nito ay binawian din ng buhay sa malalim na sugat ng sariling sandata.
Lumibot ang aking paningin at nadatnan ko ang kapitan ng mga lalaking ito. Mga mangmang na nag-iisip na kakayanin ng dami ng kanilang bilang ang anim na Abrias na ang mga Portellum ay kakabuhay lamang.
Akmang handa na akong gamitin sa unang pagkakataon ang mga kambal na kampilang nasa aking katawan nang hatakin ako ng isang malakas na pwersa. "Nahihibang ka na ba? Pakalmahin mo ang iyong sarili!" pangaral nito sa akin nang kami'y magkatapat.
"Rafael..."
"Tandaan mo, hindi pa ngayon ang tamang oras upang ipakilalang muli ang ating mga sarili! Iyong isantabi muna ang galit na namumuo sa iyong puso..."
Hindi ko magawang maitago ang pagnanais kong ipaghiganti ngayon din ang aking kapatid. Mas maganda na ang tapusin sila ngayon kaysa ang hanapin pa sila kung kailan may pagkakataon na silang magtago sa aking nakahandang hagupit.
"Bian! Rafael! May mga paparating pang ibang kawal! Tila tayo'y kanilang inaasahan!"
Nanlilisik na mga matang pinagmasdan namin ang halos hindi mabilang na mga hwepeng papalapit dito sa aming kinaroroonan. Ano ang ibig sabihin nito? Paanong tila kanila kaming inaasahan? Bakit tila isang plano ang lahat ng ito?
Isang hablot sa aking braso ang siyang nagtanggal sa akin sa pagkalunod sa maraming teorya't kaguluhan ng aking isip. "Kailangan mong umalis. Kami na ang bahala sa paghahanap sa prinsesa. Dalhin mo si Antonio. Magtungo kayo sa Ocusmea. Si Astor ay naghihintay na sa pangpang. Madali ka!"
Mariin akong tumanggi sa kanyang nais ipagawa sa akin. Ang iwanan sila rito upang kalabanin ang mga hangal ay maaaring ang huling bagay na aking maiisip na gawin. Ako ang nagdala sa kanila rito at ako ang humingi ng tulong at proteksyon sa loob ng anim na taon. Hindi ko sila hahayaang lumaban habang ako'y tumatakas papunta sa kaligtasan.
"Hindi ngayon ang oras upang pairalin ang matigas mong ulo, Biancasta!"
Umurong ang aking dila nang banggitin niya ang buo at tunay kong ngalan na kahit kailan ay hindi ko nabanggit sa kanila. Ang pangalan ng isang babaeng nanlinlang sa kanila mula pagkabata. Paanong...
Napapikit naman ang aking kaharap gawa ng aking reaksyon ngunit agad siyang nakabawi kung kaya't hinatak niya ako upang yugyugin, nagbabakasakaling ako'y magising sa tunay na nangyayari.
"Huwag kang mag-alala. Tanging ako pa lamang sa aming lima ang nakaaalam. Mahusay kang magtago ngunit hindi sa lalaking simula pagkabata ay minamatyagan ka na mula sa hindi kalayuan. Humayo ka na," bilin nito sa akin sa madiin niyang tono.
'Di mawari kung ano ang unang dapat madama.
Ang alam ko lang ay may mensahe siyang nais iparating sa akin sa pamamagitan ng pagpapaliwanag na kanyang binigkas. At ang mensaheng iyon marahil ay ukol sa pagtitiwala sa taong matagal ka nang kakilala.
Ako na ang mismong nagsabi. Mangmang ang magtatangkang isipin na walang laban ang iilang Abrias sa napakaraming sundalo ng Castrinya.
Walang duda sa kanyang mukha ang kahirapan ng desisyon na ako'y paglakbayin mag-isa. Subalit tingin ko'y mas naging mahirap sa kanya ang pakisamahan ako at magpanggap na walang alam ukol sa aking tunay na kasarian. Kasabwat sa aking kasinungalingan, tagabantay ng aking lihim, tagaprotekta sa kapaligiran.
Nang makita niyang nabubuo na sa aking mga mata ang desisyong kay hirap din gawin ay dumako ang kanyang kamay sa aking palad at may inilagay dito. Bago ko pa man subukang tingnan ito at walang pasabing itinulak niya ako papalayo.
Kamay naman ni Hanan ang siyang sumalo sa akin at nagtuluy-tuloy ang pagtangay niya sa akin papunta sa pangpang sa kabila ng aking natitirang pagtangging umalis.
Nang kami'y makarating, laking surpresa ko nang mamataan ang aking pamangkin na nakasakay sa likod ng isang dragon. Sinuyod ko ang buong paligid ngunit wala rito ang taong dapat ay naririto.
Huwag mong sabihing...
"Bian, sumakay ka na kay Astor! Humayo na kayo!"
Kasabay ng pagbigay hudyat niya sa akin ay ang pagkulog at pagkidlat sa kalangitan. Mga nakabibinging bagay na tila nagtulak na lamang sa aking sarili na sumabay sa agos ng nagaganap.
"Humayo ka at ika'y humimbing. Sa iyong paggising, ang gabing ito'y malulutas din. Sa mga susunod na oras, ako ang iyong asahan. Buhay mo'y lagi kong pangangalagaan."
Kanino... Kanino galing ang boses na iy—
****
-T A L A S A L I T A A N-
PUNYAL
dagger
HWEPE
torch
OCUSMEA
Isang bansang matatagpuan sa bandang norte ng Aldrina na siyang sagana sa kakaibang tubo ng mga bulaklak at mga pananim. Ang patron ng bansang ito ay si Dmitrina, ang diyosa ng agrikultura. Ito ay kilala bilang lugar ng pantay-pantay na kalakalan ng iba't ibang bansa kung kaya't partikular itong inihihiwalay sa mga lupain maaaring sakupin. Napaliligiran ng matataas na kabundukan at mga yamang tubig tulad ng Aldrina. Ocusa ang tawag sa mga mamamayan nito. Dito lamang matatagpuan ang kulay puting bulaklak na tinatawag na Leilira, ang pinagmulan ng ngalan ng nakatatandang kapatid ni Biancasta na si Leila.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top