K A B A N A T A - IV
IV
"Ina? Saan po kayo pupunta? Malalim na po ang gabi," usisa ko sa aking ina na aking natagpuang naglalakad pa rin sa mga pasilyo ng kastilyo at may mga dalang nakabalot sa tela.
Hindi siya dapat nagliliwaliw ng ganitong oras lalong-lalo na't wala siyang kasama kahit na isang dama. Mainit pa naman ang tingin sa aming pamilya ngayon matapos magpahiwatig ng pagtutol ni ama sa mga desisyon ni tiyo sa pamamalakad sa ilang probinsya. Maraming panganib ang maaari naming kaharapin dahil dito.
At hindi ko maaatim kung isa si ina sa mga mapapahamak.
Unti-unti siyang humarap sa akin at tila alanganing ngumiti. "Ikaw, Leon? Bakit hindi ka pa nahihimbing sa iyong silid? Nais mo na naman bang mapagsabihan ng iyong ama?"
Napailing-iling ako habang humahakbang papalapit sa kanya. Nang siya'y aking madatnan ay walang pasabing niyakap na lang ako nito nang buong higpit. Nabigla man, sinalubong ko pa rin ang kanyang yapos nang buong puso.
"Ina? May problema po ba?"
Sandali itong nanahimik. Pawang ang paggalaw ng kanyang ulo ang siyang naging paraan niya upang sagutin ang aking tanong ng wala. Subalit, hindi ko malaman ang dahilan kung bakit pakiramdam ko ay ang kasalungat ang tunay na kasagutan.
Tulad ng lagi niyang ginagawa upang ako'y dulutan ng antok, paulit-ulit niyang hinagod ang aking likod at kinantahan ng oyayi. Kay ganda ng boses ni ina kahit na ba sa paghimig lamang. Kasing ganda ng kanyang tinig ang wangis niyang hindi matutumbasan ninuman.
Dahil dito, nanghina ang mga talukap ng aking mga mata at nakiayon din ang aking katawan. "Ako'y inaantok na, mahal kong ina."
Sumunod kong narinig ang mahinang paghagikgik niya. "Sige na. Ika'y matulog na. Paggising mo'y panibagong pagtahak na naman."
Hindi ko mawari ang kanyang mga huling sinabi. Ang alam ko lang noong mga panahon na iyon ay malapit na akong himimbing at si ina ang aking unang makikita sa aking paggising.
Sa huling pagbukas ng aking mga mata, halik niya ang aking naramdaman.
"Patawad, anak."
...
"Ina!"
Malalamig na pawis, hingal na hingal, at hindi mapakali.
Mga memoryang matagal na dapat na nakalimutan, nagsisibalikan na naman nang walang pakundangan sa aking mga panaginip.
Aking dinampot kaagad ang kupitang nasa kalapit na lamesa at ininom ang tubig na laman nito nang hindi na iniintindi kung may nakakatakas na mga patak mula rito. Ang nais ko lang ay mapakalma ang pusong nalinlang ng babaeng iyon. Ang babaeng tinalikuran ang kanyang pamilya.
Hindi siya karapatdapat na alalahanin.
Sakto namang bahagyang lumalam ang pakiramdam ko nang may kumatok sa pinto ng aking silid. "Sino 'yan?" tanong ko at agad na bumukas ang mga pinto, tanging para iluwa lang nito si Kapitan Carlos na isa rin sa mga sumama sa akin dito sa Aldrina.
Iniayos ko kahit papaano ang pagkakalatag ng kumot sa kama nang sa ganoon ay hindi malamigan ang aking hubad na katawan. "Anong balita?"
Saglit itong yumuko at saka nagsimula sa kanyang ulat. "Ayon sa aming napagtanungan, ang punyal na iyon ay may kagaya base sa kung paano ito ginawa at sa pag-ukit ng disenyong mayroon ito."
Kagaya?
Nagsisalubungan ang mga kilay ko.
Hindi lamang siya ang mayroong ganoong punyal?
Alistong inihanda ng kapitan ang isang maliit na mesa sa aking kama at doon ipinatong ang dalawang bagay na nababalot ng mga panuelo. "Ang nasa inyong kaliwa ay ang punyal na ating pinasuri. Ang nasa kanan naman ay ang halos katulad nito ng pagkakagawa ngunit iba ng disenyo."
Tinanggal ko ang balot ng dalawang patalim. Una kong inobserbahan ang itsura ng dalawa. Parehong-pareho ng katawan, takip, at pagkakabuo. Ngunit pagdating sa mga nakaukit na mga bagay at mga letra, magkaiba na.
"Ano ang ibig sabihin ng mga nakasulat dito?" Para sa isang kagaya ko na nag-aral ng maraming lenggwahe at alpabeto ng iba't ibang bansa, mayroong kung anong napukaw sa aking kaloob-looban habang hinahawakan ang mga dayuhang letra.
Makailang sandali rin nang mapansin kong hindi tumutugon ang kawal. "Bakit hindi ka sumasagot?" pagkabigkas ko ng aking katanungan ay siya ring pagluhod niya.
"Patawad, kamahalan ngunit kinitil ng lalaking napagtanungan namin ang kanyang buhay matapos niyang ilantad sa amin na ang tanging makapagbabasa ng alpabetong iyan at magkakaroon ng punyal na kagaya niyan ay isang miyembro ng Abrias lamang," siwalat nito na siyang ikinabahala ko.
Nailapag ko na lang ang dalawang punyal na hawak ko at doon nalulong ang aking isipan sa malalim na pagninilay-nilay. Abrias? Alpabetong sila lamang ang nakaiintindi? Tanging Abrias lamang ang nagmamay-ari ng ganito? Bakit kinitil ng lalaki ang sariling buhay matapos ilantad ito sa aking mga tauhan?
Paano nagkaganito? Ang ibig sabihin ba nito'y isang Abrias ang aking nakaengkwentro kagabi? Tunay ngang may mga natitira pang lahi ng Abrias sa mismong pinagmulang bansa nila?
"Isipin mo na lamang na ito ang una at huling handog mula sa isang taong nais makaalpas sa gapos ninyong mga Castrinian."
Tama. Ngayo'y naiintindihan ko na. Napagdugtong-dugtong ko na ang lahat.
"Kapitan Carlos," tawag ko.
"Mahal na prinsepe."
"Sa oras na dumating na ang telegrama ng emperador sa kanyang espiya, lipunin niyo ang ating mga kawal at angkinin na ang bawat hangganan ng Aldrina," atas ko na siyang batid kong taliwas sa naunang plano namin ni ama at ng kapulungan ng mga ministro.
Darating din naman tayo rito kung kaya't bakit hindi pa natin gawin sa lalong madaling panahon? Ang desisyon kong ito ay hindi dulot ng Abrias na aking nakatagpo bagkus ang pagkuha ng buong kontrol sa buong bansa na ito ang siyang magiging unang hakbang ko upang makuha rin ang Abrias. Tila ba dalawang ibon na aking matatamaan gamit lamang ang isang bato.
Magagamit ko ang ulat na ito upang mapalakas ang impluwensya namin ni ama sa mga mamamayan ng Castrinya kung sakaling panahon na para magkaroon ng panibagong emperador. Paniguradong hindi magdadalawang-isip ang mga tao na pumanig at mangako ng buong katapatan sa amin kapag nalaman nilang may paraan kami para mahanap ang taong nasa propesiya.
Hindi lamang ang propesiya ang magagawa naming isakatuparan kundi pati na rin ang paghahanap ko sa lalaking miyembro ng Abrias na nagligtas sa akin noon ilang taon na ang nakalilipas habang nagkakaroon ng kaguluhan dulot ng pagtakas nila sa pamahalaan ng Aldrina.
"Subalit, hindi ba tayo mahuhuli ng mga Aldrinian kung isasagawa na po natin kaagad ang plano? Paano po itong natuklasan natin? Na buhay pa pala ang mga Abrias?"
Inabot ko ang kwintas ng aking ina na siyang nakasukbit pa rin sa aking leeg. "Hindi. Dahil kahit pa malaman nila, iuudyok na natin ang Haring Trevos na ipadala ang kanilang buong sandatahan upang harangan ang mga maaalamat na mandirigma. Kung tunay ngang buhay sila, walang dudang nagtatago na lamang sila upang mabuhay. At ang pinakamadaling mapagtataguan?"
May pagdadalawang-isip man ay sumagot na rin kalaunan ang kapitan. "Kagubatan at kabundukan?"
Napangisi na lamang ako nang punan niya ang mga patlang sa aking salaysay.
Wala ng mas ikalulubha ang sakit na ipagtabuyan ng sariling Inang Bayan. Alam kong batid din ito ng mga mandirigma dahil ito mismo ang dahilan ng kanilang eksistensya. Kahit na ba dumating sila upang ipagtanggol ito, wala silang magagawa kung mismong ito na ang sumusuka sa kanila.
At sa mga panahon na nagkakaroon ng pagtatalo sa pagitan nila, ito ang gagamitin naming pagkakataon para gamitin ang pwersang naipon namin sa mga kampong itinayo rito ng Castrinya at sakupin ang bansa.
Malakas na buntong hininga ang aking nagawa. Napatingin na lang ako sa haring araw na malapit nang sumilay sa buong kalupaan. "Kapag nagkaganoon na nga, kasama nating masusupil ang mga kawal at Abrias gamit ang mga tropang ikinalat natin sa mga hangganan," pagtapos ko sa paliwanag ukol sa aking plano.
Hindi na ako makapaghintay pang makamit ang tagumpay.
Paano ba iyan munting pangahas? Tila yata mas mapapaaga ang ating muling pagkikita kaysa sa aking inaasahan.
Magbabalik din ako sa iyo ng isang handog na hindi mo malilimutan.
"Ihahanda ko na po ang inyong baluti't mga sandata?"
May kakaibang pakiramdam na sumipa mula sa aking loob maalaala lamang na ito rin ang pagkakataon ko upang tanggalin na ang takip sa mukha ng balingkinitang mandirigma na aming nasagupa.
Binitawan ko na ang kwintas at nagdesisyong umalis sa aking kama.
"Isama mo ang punyal sa aking mga kagamitan. Wala sinuman ang maaaring makaalam tungkol sa ating naging usapan, maliwanag ba?" paglilinaw ko rito.
Walang pagdadalawang isip naman itong sumang-ayon at kalaunan ay lumapit upang dulutan ako ng tulong sa pagsusuot ng aking kasuotan.
Ang Aldrina lang pala ang magiging sagot sa aking mga katanungan.
At ilang sandali na lang ay tuluyan na itong mapapasailalim ng aking kapangyarihan.
****
-T A L A S A L I T A A N-
HARING TREVOS
Trevos Raz Molefreme, ang bunsong anak ng yumaong Haring Adilan at apo ng lalaking nagtaguyod sa Aldrina bilang isa sa mga pinakamayamang bansa noong kanyang pamumuno, Haring Palejos. Isang malaking kontrobersya nang siya ang hinirang na hari at mas lalo na ang kanyang pamamalakad na sinasabing hindi makaturungan at hindi pinag-isipan. Sa una niyang taon ay nakumbinsi siya ng mga Castrinian na tanggalan ang Abrias ng ranggo at kalayaan sa dahilan na sila'y banta sa korona ng Aldrina.
OYAYI
Termino na nangangahulugang kantang pampatulog.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top