K A B A N A T A - II



Ayon sa alamat, dulot ng digmaan sa pagitan ng mga diyos at diyosa, pumagitna ang Bathalumang si Elizaria at iwinaksi ang kanyang kapangyarihan na siyang nagpira-piraso sa noo'y isang buong kontinente na tinatawag na Pangaea.



Simula noon, hindi na nagkaroon pa ng pagtatalo ang mga imortal ngunit sinong mag-aakala na sa pagkakabiyak ng Pangaea ay siya ring hudyat ng pagkakabuwag ng sangkatauhan?



Bansa laban sa bansa. Lahi laban sa lahi. Paniniwala laban sa paniniwala. Tradisyon laban sa tradisyon. Gawi laban sa gawi. Ang dating magkakaisa ngayo'y nagpapatayan na.



At sa dumaang mga siglo ng ilang digmaan ng mga tao, Castrinya ang siyang namuro at nakapag-ipon ng kapangyarihan upang angkinin din ang iba pang kalupaan. Marami ang nangamatay sa kanilang mga kamay. Maraming nangulila at maraming tumangis ng tila pagsanjan.



Ang Abrias na sana'y pag-asa upang hindi magapi ay siya mismong ginapi ng bansang kanyang lubos na pinaglingkuran.



"Anong iyong ginagawa riyan, Bian? Kararating mo lamang ngunit hindi ka nakikihalubilo sa iba."



Natawag nito ang aking atensyon at sa aking paglingon ay si Pinunong Apo lang pala ito.



Agad akong nagbigay galang sa pamamagitan ng pagyuko at paglapat ng aking kamay sa kaliwang dibdib. "Pinuno."



Matapos ang ilang segundo ay iniangat ko ang aking ulo, tanging upang masaksihan lang kung paano tingnan nang buong pagtangkilik ni Pinunong Apo ang kalangitan kung saan walang buwan ang masisilayan. Panay mga ulap at bituin lamang ang naghahari sa kalawakan.



"Hindi po ba't kayo dapat ang nasa loob at nagpapahinga? Kay lamig ng hangin at baka kayo magkasakit," paalala ko sa kanya.



Hindi na bumabata pa ang aming pinuno. Isang milagro na ngang maituturing na buhay pa siya at malakas na nakapagtuturo sa amin sa edad na walumpu't pitong taong gulang. Lagi namin siyang pinaaalalahanan na alagaan ang kanyang sarili ngunit ang tugon lang niya palagian sa amin?



"Mamatay ako kung itinakdang oras ko na. Nabubuhay pa ako marahil sa rason na hindi ko pa naisasakatuparan ang tungkuling ipinagkaloob sa akin ng mga diyos at diyosa."



Tumawa naman ito na tila ba isang biro ang aking binitawan.



"Maiksi lamang ang buhay, Biancasta Litchsteinmore," aniya.



Halos mapasampal ako sa aking noo. "Iyon na nga po. Kaya nararapat na iaruga niyo ito na animo'y isang sanggol."



"Bata ka pa nga talaga. Maiksi ang buhay kung kaya't iaruga? Mali. Maiksi ang buhay kung kaya't dapat huwag sayangin ni isang patak ng oras nito," pagtatama niya sa akin.



Wala ng salitang lumabas sa aking bibig. Kusang lumubog ang ibig niyang sabihin sa akin na tila ba alam ko na sa una pa lang na siya'y tama. Sa ganitong mga pagkatataon, napagtatanto ko kung paano hinahasa ng panahon ang iyong isipan sa kabila ng pagdadagdag nito ng bilang sa iyong edad.



Gayunpaman, paano ko magagamit ang buhay na halos wala ng saysay?



Hindi ko rin alam kung paano namin palalakihin ni ode ang kanyang anak.



Walang katiyakan kung mabubuhay kami ng ilang pirasong gintong mayroon siya.



Ni ideya kung may kakahinatnatan pa ba ang aming grupo upang maibalik sa dating posisyon at dangal nito ay wala rin ako.



Ano na ang iyong plano, Bian?



"Bian! Halika rito't uminom ka muna," pagyayaya ni Cesar nang ako'y kanyang mamataan pagkabalik na pagkabalik ko sa kuta.



Mukhang nasimulan na nga nila ng aming kababata ang pagkakalulong sa agwardiyente. Hindi nga ba't nakapagtataka? Ang Abrias ngayon ay isang grupong nagtatago na lamang sa kabundukan at maaaring mamatay sa oras na makilala. Walang dapat ikapagsiya ngunit nag-iinuman ang aking mga kasamahan.



Bawat araw, pati ang natitirang alab sa aming mga puso ay unti-unting humuhupa.



Hinatak ko ang upuang itinira nila sa akin at saka inagaw ang kupitang dapat ay iinumin ni Rafael na aking katabi. Mabilis na pinadaloy ko sa aking lalamunan ang lahat ng laman ng kupita.



Pero kung wala ang Abrias, sino na ang magtatanggol sa aming inang bayan?



"Aba! Tila may kung anong bumabagabag sa bata natin ngayon ah!" kantyaw ni Hanan na kababalik lamang sa lamesa ng pagkain.



'Di maitago sa aming mga mukha ang surpresa sa dami ng pagkaing kanyang inilalagay sa hapagkainan. Aakalain mong sampung katao ang hinahainan niya ng mga ito.



Saang parte ba ng kanyang katawan niya nilalagay ang ganito karami?



Upang tanggalin ang gulat sa aming lahat kay Hanan ay sinubukan ni Rafael na magbukas ng panibagong paksang mapag-uusapan. "Narinig niyo ba ang gaganaping engrandeng piging sa palasyo?"



Nabuhay naman ang dugo ng aking mga kaibigan at gayon na rin ang mga nakarinig naming mga kasamahan kung kaya't sila'y nagsisiksikan. Pawang mga sabik sa mga katagang kasiyahan, pagdiriwang, at piging. Mga katagang hindi mo maririnig sa mga maliliit na probinsyang tulad ng aming tinitirahan.



Hindi pa ba sila nagsasawa sa kakadada ukol sa kastilyong tila napaliligiran ng sankaterbang mga tinik? Tinalikuran na kami nito ngunit bakit nagpupumilit pa rin silang sumilip dito?



"Ang sabi pa nga nila, kasama sa mga panauhin ang susunod na emperador ng Castrinya! Ano nga ba ulit ang pangalan ng prinsepe na iyon? An-Andreas?"



Binagsak ko nang maagap ang kupitang hawak ko at halos kwelyuhan ang kasamahan kong nagsiwalat ng impormasyon kani-kanina lang. Susunod na emperador?



"Ang ama ng batang aking dinadala ay ang pamangkin ng kasalukuyang emperador at ang susunod sa trono ng Castrinya."



Kung ganoon, ito ang ama ng batang dinadala ng aking kapatid?



Ang hayop na nagbigay ilang piraso ng ginto para sa dangal ng isang babae?



"Andreas? Susunod na emperador?"



Aking naudlot ang kasalukuyang pagsasama-sama ng mga miyembro ng Abrias sa aking paunang reaksyon nang marinig ang tungkol sa lalaking iyon. Agad kong inialis ang aking mga kamay kay Astor at humingi ng kapatawaran.



Sa pagbabalik ko sa ayos ng upo ay maliksing ibinalik ni Mateo ang usapan. "Oo nga pala. Hindi ba't isa lamang siyang pamangkin ng emperador? Kung ganoon, bakit siya ang magmamana ng trono? Wala ba anak na lalaki ang kasalukuyang namumuno?"



Animo'y mga tsismosang mga babae na nagsaluhan ng iba't ibang teorya ang mga ito. Napapailing na lang ako sa kanilang pagkamangha sa mga naririnig na patakaran sa monarkiya sa tuwing ibinababa ko ang kupitang aking iniinuman.



Nandirito pa rin siya.



Hindi iyan maalis sa aking isipan. Ang akala ko'y magagawa ko na lamang kalimutan ang kanyang ginawa. Dahil unang-una ay si Garvan ang tunay na may sala sa pagkawala ng dangal ni Leila at hindi direktang siya. Pero hindi mawawala ang katotohanan na siya ang ama ng batang dinadala ng aking irmana.



"Ayon sa mga mangangalakal na kasabay ng barkong sinakyan ng prinsepe, matunog na na magsasagawa ng kudeta ang kapatid ng emperador! Kahit na ba isuko niya ang kanyang posisyon o hindi kaya'y magmatigas, mapupunta at mapupunta pa rin sa Prinsepe Andreas ang trono," sagot ni Alfredo na isa sa mga naging pinaborang teorya.



Nagsitanguan naman sila na tila ba nauunawaan nila ang galaw sa loob ng mga malalaking kastilyo ng mga maharlika. Kahit kailan talaga.



"Alam ninyo, imbes na inyong tinatalakay ang buhay ng mga taong iyan, dapat niyong isipin ang pakay ng prinsepe sa pagdaong niya rito sa ating bansa. Hindi niyo man lang ba naisip na pwedeng ito na ang simula ng tuluyan nilang pagsakop sa atin?" singit ni Enrique, ang binatang kinupkop ni Pinunong Apo matapos matagpuan sa kahahuyan ilang taon na ang nakalilipas.



Tulad namin, nagsanay din siya upang maging Abrias. Ang samahan ng mga kalalakihang may nangungunang kakayahan sa pakikipaglaban at mga natitirang tao maliban sa mga babaylan na may koneksyon sa bathaluman ng digmaan.



Kagaya ng nakasanayan ay hindi mapigilan ng lahat ng punan muli ng mapanuring tingin si Enrique. Lagi kasi itong layo at hindi nakikihalubilo sa kahit na sino kung hindi kinakailangan.



Matapos nitong ibigay ang kanyang opinyon ay mabilis na rin itong naglakad papaalis.



Sa mga sinabi niya... Totoo ang bawat isa sa mga ito. Tunay na may mga punto.



Hindi magtatagal ay paniguradong dadaong na rin dito sa Aldrina ang hukbong sandatahan ng imperyo upang gawing opisyal na ang pagiging kolonya ng Aldrina sa Castrinya.



Ngunit bago pa man mangyari iyon, sa tingin ko ay dapat lang na pabaunan ko siya ng alaala mula sa isang mababang mamamayan ng lupaing ito.



****



"Nahihibang ka na ba? Nais mo bang maparusahan tayo ni Pinunong Apo? Ikaw higit kaninuman ang nakaaalam na ipinagbabawal sa atin ang magliwaliw sa siyudad, hindi ba? Papaano kapag natuklasan nila na mga kasapi tayo nang dahil sa ating mga Portellum?" nagngingitngit na pabulong na sermon sa akin ni Mateo na dumagdag pa sa pagkakatakip ng aking bibig at hindi mapakali sa galaw ng mga tao sa paligid.



Kaibigan ko ba talaga ang mga ito?



Isa-isa kong inabot ang kanilang mga kamay at abang pinagpipihit ang bawat isa, dahilan upang halos mapasigaw sila sa sakit.



"Ano pa't naging mga Abrias tayo kung hindi natin kayang lusutan ang isang 'to? Isa pa, may mga tela, maskara, at iba pang bagay na maaari nating gamitin upang ikubli ang ating mga batuk." Ako naman ang nagkaroon ng lakas ng loob upang biyayaan sila ng tig-iisang mga palo sa kani-kanilang mga ulo.



"Kahit na ba, Bian! Walang lobo ang hindi matatakot sa galit ni tanda!" pagmamatigas ni Hanan na halos hindi ko na maintindihan dala ng ilang pagkaing nakasalpak na namang muli sa kanyang bibig.



Napatingin tuloy ako sa isa sa aking mga batuk.



Portellum ang tawag rito na ang ibig sabihin ay mapagpalang mga batuk. Tradisyon ang paggagawad nito sa mga nakapasa ng mga paunang pagsusulit ng pinuno. Tanging ang ritwal ng pagbuhay na lamang ang hihintayin upang mabigyang basbas ito ng patrong bathaluman at ito na ang siyang magiging hudyat na isa ka nang ganap na Abrias.



Kilala sa buong daigdig ang mga markang ito kung kaya't sa oras na mamataan kami ng mga kawal ay tiyak na sa bilangguan ang aming kababagsakan. Hangga't maaari, ipinapalagay namin ito sa parte ng katawan namin kung saan hindi magiging pansinin sa mga mata ng mga tao.



"Pakiusap?"



Subalit, tila hindi sila tinatablan ng aking mga pakikiusap. Bagkus ay nagsilipatan ang mga tingin nila sa iba't ibang direksyon na para bang iniiwasan nila ang aking mga mata.



Heh. Nagaya na rin ba sila sa mga nagbibingi-bingihang mga opisyales ng bansang ito?



Napahalukipkip na lamang ako dulot ng hindi nila pagkibo sa akin at sinubukan kong mag-isip ng magagamit upang mapasunod sila sa aking hiling. Kung hindi sila madadala sa pakiusapan, daraanin ko na lamang sila sa pwersahan. Hanggang sa may maalala ako.



"Ah! Alam ko na!"



Nagsitinginan silang muli sa akin nang may pagtataka at bakas ang pagtatanong sa kanilang mga mukha.



Pinanliitan ko sila ng tingin at saka isinalita ang aking naisip. "Paano ba naman iyan? May mga dalaga sa bahay aliwan na inimbitahan ako upang dumalaw ngayong gabi. Sa kanila na lamang ba ako tutungo? Tutal, bilang hindi rin naman ako dadaluhan ng aking mga mahal na kababata sa siyudad." Akmang tatayo na sana ako upang tunguhin ang pinto papalabas nang sabay-sabay kong naramdaman ang pagdampi ng mga kamay nila sa mga braso't balikat ko.



Napangisi na lamang ako.



Napakadali talagang paikutin ng mga ito.



"Tsk. Oo na! Basta't siguraduhin mong hindi tayo sasabit, Bian, ha?"



"Makakasiguro kayo," nakangiti kong tugon.



Prinsepe Andreas ng Castrinya, magkikita rin tayo. Bibigyan kita ng isang handog na makakapagpaalala sa'yo na may mga tao pa ring naghahangad ng kalayaan sa pagitan ng pag-aangkinan.



At higit sa lahat, para na rin ito sa aking kapatid na lubos pa rin ang hinagpis sa dami ng kanyang pinagdaanan para lamang makamit ang tiyansa na makalaya kami sa aming ama.



Ito na ang magiging kahuli-hulihang kilos ko bago ko dalhin ang kapalaran naming magkapatid at ng iyong anak sa malayong kabundukan na hinding-hindi mo na maaabot pa. 



****


-T A L A S A L I T A A N-

KATAWAGAN PARA SA MGA MAHARLIKA

Ang mga anak ng unang linya ng mga prinsepe at mga prinsesa ay itinuturing pa ring mga prinsepe at mga prinsesa ng kaharian. Mangyari mang ang mga ito'y magkaanak muli, maaaring mag-iba ang paunang katawagan sa kanila at sa kanilang mga anak base sa kanilang makakaisang-dibdib.

PORTELLUM

Tanyag na mga markang tanging mga Abrias lamang ang nabibiyayaan. May iba't ibang disenyo ito base sa katangian at pagkatao ng isang tao. Tinuturing pa itong natutulog hangga't hindi pa sumasapit ang araw ng pagbuhay at pagbibigay basbas ng patrong bathaluman ng grupo ng Abrias. Sa oras na mabigyang basbas ito, magkakaroon na ng kakayahan ang nagmamay-ari nito na paglahuin o 'di kaya'y pasulputin ito sa kahit anong oras niya naisin. Pagmumulan din ito ng kakaibang kapangyarihan na itinugma ng bathaluman sa makatatanggap nito.

ELIZARIA

Bathaluman ng karunungan at digmaan. Patrong bathaluman ng Aldrina at ng mga Abrias. Itinatag ang Abrias upang labanan ang mga ganid na mananakop ng mga lupain na pinaghati-hatian ng iba't ibang mga lahi. Sinasabing hindi na muli ito nagpakita sa karamihan matapos na angkinin ang trono ng Aldrina ng isang iresponsableng hari. Simula nito ay tanging sa mga babaylan at kay Pinunong Apo na lamang ito nagbibigay senyales at pahiwatig.

PANGAEA

Ang maalamat na isang buong kontinente na natatanging mayroon ang mundo. Ayon sa kwento ay napagwatak-watak ito ni Elizaria habang pumapagitna sa pagtatalo ng mga diyos at diyosa. 

AGWARDIYENTE

Ayon sa diksyonaryo, ito ay ibang termino para sa alak.


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top