Day 27.2

3:18 am

Dahil sa nasaksihan ni Cassey kung paano unti-unting nabulok ang kamay ng doktor ay napasigaw ito at agad na binalak ang pagtakas.

Ngunit bago paman siya nakatayo ay sinakal na ng nabubulok na braso ng doktor si Cassey. Naiwan siyang nagpupumiglas habang ang braso ng doktor ay unti-unting humihigpit sa leeg niya.

Dulot ng desperasyong makawala ay nanatiling nakakakapit ang kanang kamay ni Cassey sa braso ng doktor na sumasakal, hinihila ito nang sa gayon ay makakahinga siya. Pero sa kasamaang-palad ay masyadong mahigpit ang pagkakapulupot ng braso ng doktor at sa tuwing hinihila ng dalaga ay naaagnas na laman lang ang nakukuha nito.

Samantalang ang kaliwang kamay naman niya ay kung saan-saan kumakapa sa katawan ng doktor. Malaking bagay na nagawa niyang mahawakan ang hiringgilya sa bulsa ng damit ng doktor, ginamit niya kaagad ito at walang pagdadalawang-isip na sinaksak ang mukha ng doktor.

Kahit hindi na sakop sa paningin ng dalaga ay saktong nasapul niya ang mata ng doktor, dahil do'n ay nabitawan siya nito at naitulak pabagsak sa sahig.

Walang sinayang na oras si Cassey at agad na bumangon. Nang makatayo siya'y namulat siya sa katotohanang ibang lugar na ang kinatatayuan niya.

Teka...

Ang buong pasilyo ng ospital ay luma na at kitang-kita ang mga malalaking bitak sa pader. Ang kulay nitong matingkad na puti kanina ay nawala na at napalitan na ng mga linya ng alikabok, dumi, at mga bakas ng dugo. Ang ilaw ay gano'n pa rin at patay-sindi lamang. At mas umalingasaw ang nabubulok na amoy kasabay ng paglakas ang mga iyak, bulong, at tawa ng kung sino mang nilalang.

Nakakakilabot...

Nasaan ako?! Anong nangyari?!

Sa likod ng biglaang pagbabago ng paligid niya ay nagawa pa ring tumakas ni Cassey, lalo na nang makita niyang nahugot ng doktor ang hiringgilya sa nabubulok nitong mata at nagsimula na rin itong humakbang papalapit sa kaniya.

"Hindi ka na makakalayo pa." Nahihibang na sabi ng doktor.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top