Day 23
5:38 pm
Nagising si Cassey sa 'di inaasahang kwarto. Hindi na ito bago sa kaniya pero sadyang malaki ang pagtataka niya kung bakit narito siya at nakahiga sa higaang napakalambot.
Amoy na amoy niya ang kung anong mga kemikal na ginagamit ng mga nurse at doktor sa ospital. Nakakasilaw rin ang bumbilyang nakadikit sa kismae at nakakabingi ang katahimikan habang mag-isa sa private room.
Dahan-dahan siyang bumangon at laking-gulat niya nang maramdaman ang nakakapanghinang sakit sa binti. Nang tapunan niya ito ng tingin ay labis na nanlumo ang babae dahil sa nakabalot ang binti niya ng benda.
"Anong nangyari?" Tanong niya sa sarili.
Napansin niya rin kaagad ang mga bakas ng mga latay at sugat sa braso niya na sadyang masakit kapag gagalawin. Hindi niya alam kung kung paano niya natamo ang lahat ng iyon.
"Gising ka na pala..."
Nakuha kaagad ang atensyon ni Cassey at nailipat sa kakapasok sa kwarto niya—ang kaniyang ina.
"M-ma, a-anong nangyari?"
"Hindi ko rin alam anak, basta natagpuan ka na lang naming nakabulagta sa bakuran. Buti na lang at sa kumpol ka ng damo nahulog, dahil kung sa semento pa ay tiyak mas malala ang matatamo mo." Salaysay ng ina, "Kumusta ka na? Cassey ano ba talagang nangyari ba't ka tumalon do'n?"
Napaiwas ng tingin si Cassey at natulala ng ilang saglit. Wala na siyang naaalala pa sa kung bakit siya nahulog o bakit siya tumalon.
Pero sariwang-sariwa sa kaniyang isipan ang nangyari bago siya nakalimot.
Ang halik...
Ang nakakatakot at nakakasukang inaagnas ma babae...
At ang tawag ni Thomas...
"W-wala akong naaalala, ang huling natatandaan ko lang ay 'yong may tumawag sa 'kin."
"Sinong tumawag?"
"Ah-ah? S-si... W-wala po, nakalimutan k-ko... Panaginip lang pala 'yon." Pagsisinungaling niya sa sariling ina.
Naisip niyang mahirap ipaliwanag sa kaniyang ina ang lahat. Maraming posibleng mangyayari kung gagawin niya iyon, kaya napagpasyahan niyang h'wag sabihan ang ina.
Ayaw niyang malaman nito ang problema na pati siya ay hirap sa pagreresolba. Problemang binabagabag talaga siya 'pagkat ito ay nakakakilabot at may nagtatangka na ng buhay niya.
Hangga't makakaya niya ay gusto niyang sarilihin ang lahat. Gusto niyang siya muna ang sasagot ng lahat bago pa madamay ang ina.
Gaya ng kaniyang ina ay nag-aalala rin siya sa kaniyang sarili, natatakot, at unti-unting nawawalan ng pag-asa...
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top