GT 1

"Is there anything else I can help you with?"

"None. You’ve been great, sweetie. You helped me a lot."

Hinintay kong i-drop ng caller ang tawag bago ko pindutin ang log out button sa Avaya.

Nang matagumpay kong mai-power off ang computer ay nanatili muna akong nakaupo sa station ko. Tila ba ninanamnam ang lambot ng upuang naging karamay ko sa nakalipas na labing-apat na oras.

Lumingon ako sa paligid. May mangilan-ngilang naroon, siguro ay nag-o-overtime din.

Kung hindi nga lang ako tinatalo ng antok, siguro ay tulad din nila ako. Hindi naman sa pagbubuhat sa sarili pero kilala ako ng mga katrabaho ko bilang si OT Guy. Paano kasi’y hindi bababa sa apat na oras ang ino-OT ko araw-araw. Minsan pa nga’y inaabot ng anim na oras. Bukod pa roon ang RDOT na imbes na ipahinga ko sa bahay ay ino-OT ko pa.

Wala eh, kailangan kasi. Mula nang pumasok ako sa call center industry ay ako na ang inaasahan ng pamilya namin.

Si itay, tumigil na pagkokonstruksiyon. Matanda na rin kasi. Kaso nga lang, ayun laging laman ng sabungan at sugalan.

Si inay naman, nangangatulong sa mag-asawang Intsik sa barangay namin. Ayun, kumikita naman ng limanlibong piso isang buwan pero hindi pa rin sapat.

Si Kuya Obet, nag-asawa agad sa edad na disi y nuebe. Nabuntis ’yung girlfriend e. Hindi nakatapos ng engineering tapos nakapisan pa sa bahay. Minsan pa nga, ako ang sumasagot ng panggatas ni Kokoy, ’yung pamangkin kong anak niya.

Si Ate Eunice naman, nabuntis ng kainuman. Sa amin din siya nakatira pati ang pamangkin kong si Jessica. Anim na buwan nang walang trabaho si ate kaya ako muna ang sumasagot ng pambili ng gatas ng anak niya. Okay lang naman sa akin. Dugo at laman ko naman si Jessica. Sobrang cute ng batang ’yon. Mana sa akin. He he he!

’Yung sumunod sa akin, si Tere. Matino-tino naman ’yon. Masipag mag-aral kaso may kamahalan ang tuition sa eskwelahan. HRM kasi ang kinuhang kurso. Maraming pinabibiling kung ano-ano ’yong propesor niya.

At ang panghuli ay ang kambal na sina Jopay at Jepoy. Parehas SHS. Si Jepoy, lulong sa kompyuteran. Si Jopay naman ay masyadong hayok sa social media. Hayun, laging nakatutok sa cellphone.

Antok na antok na ako pero hindi ako sigurado kung makatutulog ako nang maayos sa bahay. Bukod sa paglilikot ng mga pamangkin ko na maya't maya ang pagtakbo e maya't maya akong ginigising ng mga kapatid ko para hingian ako ng pera. E minsan hindi na ako nakababalik sa pagtulog.

Ah, mabuti pang sa sleeping quarters na lang ako matulog. May dala naman akong pamalit.

•••


Nagising ako dalawang oras bago magsimula ang shift ko. Magsha-shower na sana ako pero nag-check muna ako ng messages.

Tulad ng inaasahan, puno ang inbox ko ng chat ng mga kapamilya ko.

Text lang ni inay ang binasa ko. Nanghihingi ng pang-ulam. Hindi naman ako nagdalawang-isip. Nagpadala agad ako ng P300 sa GCash.

Pagkatapos noon ay nag-shower na agad ako. Lalaki naman ako kaya madali lang akong nakapag-ayos ng sarili.

May higit isang oras pa bago ang shift. Maglalaro sana ako ng Mobile Legends. New season na eh. Mag-oopen na sana ako ng app nang may maisip ako. I-o-OT ko na lang ’yung oras kaysa ipanlaro. Magkano rin kasi 'yon.

In-open ko na ang PC ko. Nag-check muna ako ng messages sa Outlook ko habang nagpu-pull up ng tools. Baka kasi may importanteng e-mail akong na-receive.

Pagkatapos kong mag-check nang ilang minuto ay ini-minimize ko muna 'yung Outlook. Wala namang bago bukod sa e-mail sa Golden Ticket Contest na wala naman akong kainte-interes. Pinasadahan ko lang ng tingin pero hindi ko na binasa.

Hindi ko namamalayang unti-unti nang dumarami ang mga tao sa paligid ko. Busy rin kasi ako sa pagte-take ng calls eh.

Nang mayamaya, kinalabit ako ng team leader namin. Mag-log out daw ako!

Kung alam n’yo lang kung gaano kalala ang kaba ko, makikita n’yo na lang na parang lalabas ang puso ko.

Hindi ko maiwasang mag-overthink. Bakit ako pinag-log out? May hotline behavior ba ako? Client escalation? May ginawa ba akong ikatatanggal ko sa trabaho?

Hindi puwede. Inaasahan ako ng pamilya ko!

***

Tila tinirahan ng isandaang daga ang dibdib ko habang nilalakad ko ang station ni TL. Seryoso ang mukha niya.

Tiningnan niya ako sa loob ng limang segundo at pagkatapos ay nagpakawala siya ng buntong-hininga.

Isang ngiting abot-tainga ang pumalit sa seryoso niyang mukha.

"Tristan, nanalo ka ng golden ticket."

"Golden tick— what?"

Sunod-sunod na pagtango ang ginawa niya habang nakangiti. Noon din niya ipinaliwanag na ang golden ticket ay nakatakdang ibigay ng management sa pinakamasipag na ahenteng malaki ang ambag sa OT hours, at base kay TL e ako ang napili ng nakatataas.

Inclusive sa golden ticket ang lahat-lahat para sa tatlong araw at dalawang gabing bakasyon. Wala na akong gagastusin.

"TL, hindi ko po matatanggap 'yan. O kung tatanggapin ko man pero ibebenta ko na lang."

Unti-unting nawala ang ngiti sa mga labi ni TL. "Bakit?"

"TL, nanghihinayang ako sa tatlong araw na hindi ko ipapasok. Panggatas na 'yun ng pamangkin ko, pambayad sa tuit—"

"Tristan, minsan ba, naisip mo rin ang sarili mo?"

Napatigagal ako sa tanong na iyon ng team leader ko. Maikli lang ang tanong niya pero sumusugat sa kailaliman ng utak ko.

Kailan nga ba?

•••


Malamig na hangin ang sumasalubong sa akin sa balkonahe ng hotel room na pansamantala kong pinaglalagian.

Nandito na ako ngayon sa Boracay. Matapos ang matinding pag-iisip at pagtitimbang ng mga bagay-bagay ay sa wakas e napahinuhod din ako ng team leader ko.

Tinanggap ko ang premyo kong golden ticket.

At oo, isa iyon sa pinakamagandang desisyon na nagawa ko. Na ito na ang pahingang matagal na isinisigaw ng katawan ko pero hindi binibigyang-pansin ng utak ko sa loob ng ilang panahon.

Sinipsip ko ang buko juice na binili ko sa baba.

Ah, napakasarap. Para bang tinanggal noon ang uhaw ko dulot ng ilang daang beses na pagpipigil ko sa sariling bumili ng Starbucks at milktea.

Masarap palang unahin din minsan ang sarili. Nakaka-energize. Para bang nagkaroon ako lalo ng direksiyon sa buhay at ng ganang magtrabaho.

Napatingin ako sa phone ko. Sunod-sunod ang texts at tawag doon.

Ilang araw na rin kasi akong hindi umuuwi which is unusual kasi isang araw lang ang pinakamatagal kong hindi pag-uwi. Ngayon ay dalawang araw na akong wala. Walang kaalam-alam ang pamilya ko na nasa Boracay ako ngayon.

Kinuha ko ang phone ko at pinatay muna iyon.

Inay, itay, mga kapatid, mga pamangkin, hindi ko kayo pababayaan. Hihinga lang ako nang kaunti para lalo ko kayong maalagaan.

Umahon ako mula sa pagkakaupo. Nag-inat-inat at iginala ang mga mata sa paligid.

"Tristan."

Napalingon ako sa pinagmulan ng malambing na tinig na iyon.

"Nicole."

Dali-dali akong bumaba para puntahan siya sa baba ng hotel.

Nakilala ko si Nicole sa eroplano. Magkatabi kami. Tulad ko ay solo vacationist din siya at saktong sa Boracay din ang kaniyang destinasyon. Mula nang lumapag kami sa isla ay hindi na kami mapaghiwalay.

"Tara, sa Willy’s Rock. Mag-picture tayo!" anyaya niya sa akin.

Wala akong pag-aalinlangang tumango at umakbay sa kaniya.

Isa lang ang sigurado ko. May golden ticket man o wala, palagi na akong maglalaan ng oras para sa sarili ko.

This time, ako naman.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top