XXIV
---💛---
"Pinas na talaga ito," bulong ni Dulce sa kanyang sarili nang masdan ang mukha ng mga taong nakakasalubong sa paglabas nila ni Lazaro sa paliparan.
Sumama si Lazaro sa kanyang pag-uwi sa bansa dahil sa naisipan nitong magbakasyon muna at bigyan ng panahon ang sarili at ang pamilya. Parehong may ngiti sa kanilang labi nang tuluyang makalabas. Napatabon siya sa kanyang noo nang salubungin siya ng tirik na araw. Nahuli niyang ngumisi si Lazaro at agad pumara ng taxi.
Inalalayan siya ni Lazaro sa pagpasok ng kanyang maleta sa compartment ng sasakyan. "Ihahatid lang kita tapos uuwi na ako sa amin."
"Huwag na, ano," tutol ni Dulce. "Alam kong pagod ka sa byahe."
Umiling ito at inilagay rin ang sariling bag sa tabi ng kanya. Minsan talaga hindi ito marunong makinig. Napabuntong-hininga na lamang siya at nauna nang pumasok sa taxi. Pagkatapos nitong ayusin ang mga gamit sa likod ay pumasok na rin ito at pinausog siya nang kunti.
"Sa Buenaventura po tayo, Kuya," aniya sa drayber nang sumilip ito sa kanila.
Mabilis ang naging pagtakbo ng sasakyan at kalahating oras lang ay nakarating na sila sa bahay nila ni Raphael. Magkasabay silang lumabas ni Raphael ngunit inunahan siya nito sa paglabas ng mga maleta niya sa likod ng taxi.
"Dulce?"
Napasinghap siya at mabilis na hinarap ang pinanggalingan ng boses. "Raphael!"
"Akala ko, sa susunod pang buwan ang uwi mo?" naguguluhang wika ni Raphael at siniplatan ng tingin ang gawi ni Lazaro. "O pre, umuwi ka rin pala?"
Ibinaba saglit ni Lazaro ang maleta niyang bitbit nito, humakbang palapit kay Raphael at kinamayan ang huli. "Long time no see, pare."
"Oo nga, eh," nakangiting sambit ni Raphael bago muling bumaling kay Dulce. "Nakapaghanda sana ako kung nagsabi kang uuwi kayo."
"Sa loob na tayo mag-usap ..."
Nabitin sa ere ang mga salitang dapat sabihin ni Dulce nang mula sa kung saan ay nang mamataan niya ang bulto ng isang babaeng palabas ng kanilang gate. Umawang ang labi niya nang mapagtantong nasa bahay si Rosalinda.
"Raphael..." tawag nito sa dati niyang asawa bago sinilip ang gawi nila.
Napalingon ang dalawang lalaki sa gawi nito. Napasinghap si Rosalinda at nanlaki ang mga matang napaatras. "Ah... Pasok na muna ako ulit."
Hindi sumagot si Raphael, bagkus ay tumingin ito sa kanyang direksyon. Tila may gustong sabihin ang mga mata nitong nakatitig sa kanya.
Imbes na bigyang kahulugan iyon ay ibinaling niya ang atensiyon kay Lazaro at pinasibat na ito. Sa pangungunot ng noo nito, alam niyang ayaw nitong iwanan siya.
"Gusto ko sanang imbitahan ka sa loob pero alam kong pagod ka na." Hinawakan niya ang braso nito at bahagyang itinulak. "Sige na at naghihintay iyong drayber."
Tiningnan nitong maigi ang kanyang mukha. May kislap ng pag-aalala ang mga mata nito. Nang siguro'y tingin nito, kaya na niya ang sarili sa pagharap sa pamilya ay doon lamang ito bumigay.
"Raphael, una na ako," pormal na paalam ni Lazaro sa binatang kanina pa pala nakamasid sa kanila.
"Sige, pre," sagot nito at tumango. "Balik ka dito anumang araw."
Matapos lumarga ng sinasakyan ni Lazaro ay sumenyas si Raphael na pumasok na. Ito na mismo ang nagbitbit sa kanyang maleta. Nauuna ito sa kanya sa paglakad kaya malaya siyang napagmasdan ang bulto nito. Matipuno pa rin naman si Raphael pero tila pumayat ang mga bisig nito.
Mabilis niyang naibaling ang tingin sa bandang garden niya nang huminto sa paglakad si Lazaro at biglang lumingon sa gawi niya.
"Magbabakasyon lang ba dito ang kaibigan mo?" ani Raphael, tukoy nito kay Lazaro.
Tumango si Dulce. "Iyon ang sabi niya."
"Ah, akala ko dito na rin siya mamumuhay. Kumusta ang Amerika?"
"Ang buhay ko doon?" pagklaro niya. "Maayos naman pero iba pa rin dito sa Pinas."
Tumango ito at sumabay na muli sa kanya sa paglakad papasok ng bahay. Sa kwentuhan nila'y saglit niyang nakalimutan ang tungkol kay Rosalinda. Ngunit nang mahagilap niya ang presensiya nito sa kanilang sala ay muling bumalik sa kanyang ang reyalidad na ang babaeng pinagseselosan niya noon ay narito't nakaupo sa sopa kasama sina Dill at Dolly.
Biglang bumigat ang kanyang paghakbang, nilalasap ang bolta-boltaheng sakit tumagos sa kanyang buong pagkatao. Hindi niya akalaing may pumalit na sa kanyang pagiging ina sa kambal niya. Hindi siya nakapaghanda sa kaganapang ito.
"Dill... Dolly..." paos niyang tawag sa mga anak na kasalukuyang naglalaro ng clay, pinipilit na ilabas ang boses sa gitna ng pinipigilang paghikbi.
Napalingon ang kambal sa kanya, parehong nanlalaki ang mga mata. Rinig niya ang pagsinghap ni Dill at ang pagtakbo nito sa kanyang kinatatayuan. Halos matumba siya sa dala nitong pwersa nang yakapin siya ng anak. Ang ulo nito'y bumaon sa kanyang balikat. Ilang pulgada ang itinangkad ni Dill, wari niya.
Napaluha si Dulce sa mainit nitong pagtanggap sa kanya. Yumuko siya at ilang beses na hinalikan ang buhok ng anak, binubulong dito ang pangungulila niya sa piling nito.
"Uuwi na ako, Pael," paalam ni Rosalinda sa gilid na hindi gaanong nadinig ni Dulce.
"Dolly," tawag naman ni Raphael sa anak nilang babae nang silang apat nalang ang naiwan sa sala.
Lumuwag ang yakap ni Dulce kay Dill at lumipad ang tingin sa dako ni Dolly. Bigla siyang nanlumo nang hindi siya nito pinansin. Akmang hahabulin niya ito nang tumakbo paakyat sa hagdan ngunit pinigilan siya ni Raphael.
"Ako na muna ang kakausap sa bata," mahinahong wika ni Raphael.
Napabuntong-hininga si Dulce at tumango na lamang, nagpipigil ng mga luha sa gilid ng kanyang mga mata. Wala palang epekto sa reyalidad ang paghahanda niya sa hindi nito maluwag na pagsalubog. Labis-labis pa rin ang sakit, ngunit kontra ng sarili, wala siyang karapatang masaktan sa naging reaksiyon ng anak sapagkat siya naman ang puno't dulo ng pagkamuhi nito sa kanya.
"Mama... Miss na miss po kita."
Mapait siyang napangiti sa naging turan ni Dill. Nakatingala ito sa kanya at gaya niya, ang mga mata nito'y may kislap rin ng luha. Napawi ng bata ang kaunting hapdi sa kanyang puso nang muli itong yumakap sa kanya nang napakahigpit.
Natahimik si Dill sa ilang minuto nitong kwento tungkol sa nakalipas na dalawang taon nang marinig ang yabag ni Raphael pababa ng hagdan. Napatingala silang pareho sa direksiyon nito. nang makitang umiling si Raphael.
"Ayaw bumaba," ani Raphael sa dismayadong tono, pagkatapos ay tumingin kay Dill. "Nak, puntahan mo muna ang kambal mo."
Napapakamot ng ulo si Dill ngunit sumunod din sa sugo ng ama. Muling namuo ang ginaw sa kalooban ni Dulc nang mahiwalay sa piling ng anak. Pakiramdam niya'y binabalik ang kaluluwa niya sa Amerika, sa mga araw na sinisikap niyang hindi malunod sa pangungulila sa mga anak.
"Nabigla lang iyon," ani Raphael at naupo sa upuang nasa tapat. "Ba't kasi hindi mo nalang sinabi na uuwi ka, edi sana naihanda ko silang dalawa."
"Hayaan mo na. Naiintindihan kong may tampo talaga sa akin ang bata. Wala akong dapat sisihin kundi sarili ko," mahinang sambit ni Dulce bago humugot ng malalim na hininga. "A-ano, pwede bang dito muna ako ng ilang araw?"
Sinubukan niyang tagpuin ang mga mata ni Raphael ngunit siya rin ang unang umiwas. Nahihiya siya dito sapagkat naging saksi ito kung paano siya kamuhian ng anak nila.
Ano bang inaasahan mo, Dulce? Ito ang bayad mo pasakit mo sa mga anak mo, kontra niya sa sariling isipan.
"Iaakyat ko na muna sa itaas ang mga gamit mo," ani Raphael at binuhat na ang kanyang maleta, senyales ng pag-oo nito sa kanyang hiling. "Magpahinga ka na rin muna sa kwarto."
"Dito na muna ako," aniya at isiniksik ang sarili sa gilid ng sopa. "Saan nga pala si Dita?"
"Hindi ko ba naikwento sa'yo?" kunot-noong tanong ni Raphael. "Isang buwan na simula noong umuwi siya sa kanila. May sakit daw ang ina niya at walang mag-aalaga. Kaya eto, si Ro ̶ "
Rosalinda. Hindi man nito itinuloy ang sinabi, alam niyang may kinalaman doon si Rosalinda. Sa pag-iwas pa lamang nito ng tingin, alam na alam na niya kung ano ang paksang hindi nito mabanggit sa harap niya.
Pumeke ito ng ubo bago ito muling nagsalita. "Mamaya na tayo mag-usap. Ilagay ko muna itong gamit mo sa silid mo."
"Sige," tipid niyang sambit at nilibot ang tingin sa kabuuan ng sala, unti-unting napapansin ang pagbabago sa plastada ng mga kagamitang siya mismo ang bumili at nag-ayos.
NAPAHILOT si Raphael sa kanyang sentido nang madatnan niyang iniismiran ni Dolly ang ina nitong si Dulce nang umupo ang huli sa tabi nito. Tatlong araw nang namamalagi ang asawa sa bahay nila ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin umiimik ang anak nilang babae dito. Batid ni Raphael na malalim ang naging pagtatampo ni Dolly at hindi iyon agad mapapawi pero hindi ibig sabihin noon ay hindi na nito rerespetuhin ang ina.
"Dolly..." maawtoridad niyang tawag dito na agad namang kumuha sa atensiyon nito. "Hindi maganda iyang ginagawa mo."
"Raphael," saway naman ni Dulce at tinapunan siya ng makahulugang tingin. "Hayaan mo na."
"Hahayaang ano?" Umigting ang kanyang panga dulot ng pinipigilang iritasyon. "Lalaki iyang walang asal kung hindi natin didisiplinahin. Ikaw pa mismo ang nagsabi niyan, 'di ba? Tapos ngayon, dedepensahan mo?"
"Intindihin mo rin ang bata," pangangatarungan ni Dulce at hinawakan ang kamay ni Dolly.
Umakyat ang dugo sa kanyang ulo nang mahuling iwinaksi ni Dolly ang kamay ni Dulce at kumaripas ng takbo paakyat ng hagdan.
"Dolly!" dumagundong ang boses ni Raphael sa bawat sulok ng sala nang tawagin niya ang anak ngunit hindi ito natinag.
"Pinabayaan mo nalang kasi sana ako," mahinahong sambit ni Dulce nang silang dalawa na lamang ang maiwan doon.
"Ayokong makitang binabastos ng mga anak ko ang ina nila," malamig naman niyang sagot.
Pinakatitigan niya si Dulce. Basa niya sa malamlam nitong mga mata ang pasensiyang baon nito sa pagbalik nito ngunit hindi noon matabunan ang sakit na dulot ng pag-iwas ng kanilang anak na babae dito. Napabuntong-hininga siya at tumabi dito. Nagbilin siya ng kaunting distansya sa pagitan nila.
"Noong araw na umalis ka..." panimula ni Raphael sa kanyang paliwanag, kasabay ng pagsiklop ng mga kamay sa gitna ng nakabukang paa. "Hindi iyan matigil sa pag-iyak. Pero pinaintindi ko sa kanya na kahit umalis ka, mahal na mahal mo sila."
Saglit siyang huminto. Napayuko naman si Dulce. Sa malapitan ay kita niya ang mga luha sa gilid ng mga mata nito. Dalawang taon din ang lumipas na tanging boses lang nito ang nahahagilap ng kanyang pandama. Ngayong nandito na ito sa harap niya ay tila bawat detalye tungkol sa babae ay awtomatikong rumerehistro sa kanyang isipan.
"Talagang malalim ang pagtatampo ng anak mo, Dulce," dugtong ni Raphael. "Pero babalik din ang lambing no'n kapag naalala niya kung paano mo sila inalagaan noon."
Tila nabuhayan ng kaluluwa, nagliwanag ang mukha ni Dulce at napangiti sa kanyang gawi. Gumaan ang loob ni Raphael sa nakitang pagbalik ng kasiyahan sa hugis-puso nitong mukha. Kakausapin pa sana niya ito tungkol sa presensiya ni Rosalinda sa bahay nila nitong mga nakaraan ngunit isinantabi na lamang muna niya ang paksa.
Tumayo siya't tinapik ang balikat nito. "Lutuan mo kaming adobong manok ngayon. Matagal nang hindi nakakakain ang mga bata no'n dahil hindi makuha ni Dita timpla mo."
Umiiling man, nabinat ang labi ni Dulce sa isang matamis na ngiti. Nauna pa itong tumungo sa kusina. Napapangisi siyang sumunod dito, hindi maiwasang aninawin ang mga kurba sa maliit nitong katawan.
---💛---
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top