Kabanata XXXVI



Subalit pinakawalan ni Raphael si Dulce sa kanyang bisig, naging dahilan lamang ito upang mas mabasa nila ang emosyon ng bawat isa. Sa isang dangkal na distansya sa kanilang pagitan, hindi mahirap kay Raphael na mahuli ang kislap ng luha sa mga mata ng dating asawa. Nakakalula ito't nakakapanghina ng kanyang mga tuhod. Luha iyon na itinago nito sa ilang taong hindi niya pagsukli sa pag-ibig nito at sa ilang taong isinakripisyo nito ang pangungulila sa pamilya upang palayain nitong tunay ang sarili sa kanya.

"Raphael," biglang bulong nito habang nakatingala sa kanya't tila nanginginig ang labi sa pagpipigil na muling lumuha.

Akmang hahaplusin niya ang pisngi nito nang dahan-dahan itong umiling. Naikuyom ni Raphael ang kanyang mga palad, humugot ng malalim na buntong-hininga, at dali-daling humakbang palayo sa dating asawa.

"Paumanhin," magalang niyang sambit at tumikhim upang kahit papaano'y makaahon sa pagkapahiya niya sa sarili, at mabigat ang loob na tinalikuran si Dulce.

Ayaw nito sa ginagawa niya. Ayaw nito sa ipinaparamdam niya. Habang binabagtas ang pagitan ng bahay na tinitirhan ni Dulce at ng sasakyan niyang nakaparada sa harap ng gate nito, tila binuhusan siya ng ilang balde ng yelo habang pinoproseso ang napagtanto.

_____

Naging matamlay si Dulce sa mga araw na nagdating. Madalas siyang napapatulala sa tuwing naghuhugas ng pinggan, nagwawalis ng sahig, nagluluto ng almusal, at kahit sa paghahanda ng baon ng dalawang anak. Dulot ito ng pabalik-balik na paglaro ng mga kaganapan noong gabing iyon, kung saan bigla na lamang tumalikod si Raphael sa kanya at tila natauhan ito sa pinaggagawa.

Isang malalim na buntong-hininga ang kanyang binitawan habang naglalagay ng kanin sa asul na lunchbox ni Dill. Tatlong araw na ang nakalipas mula noong isinayaw siya nito at biglang naglaho. Hindi ito nagparamdam. Kahit na kumustahin ang kambal ay hindi nito nagawa.

Isa pang bumabagabag sa kanya ay ang tuluyan nang pagbitaw ni Lazaro sa katanungang noon niya pa inaasahan, pero hindi niya nagawang bigyang-pansin dahil sa presensiya ni Raphael. Kung awa lamang ang pag-uusapan, ni hindi siya makatulog sa gabi nang hindi siya binubulabog ng kalungkutan sa mukha ni Lazaro nang sabihin niyang ihinto na nito ang panliligaw.

Lubha siyang nasaktan sa desisyon niyang hindi na subukang suklian ang pag-aalay nito ng pagmamahal. Lubha siyang nasaktan para sa kaibigan. Muli ay naglaro sa kanyang isipan ang naging senaryo nila kahapon.

"Dulce," panimulang sambit nito bago marahang hinuli ang kanyang kaliwang palad.

Hindi naman na bago sa kanya ang ganitong paglalambing ng binata kung kaya't hinayaan niya lamang ito at hindi binawi ang sariling kamay mula dito. Nasa loob sila ng sala noong panahong iyon at magkatabing nakaupo sa isang pahabang sofa. Nagkakadikit ang kanilang hita sapagkat umusog ang binata at dumukwang upang mas makuha nito ang atensiyon niya. Hindi naman ito nabigo sapagkat agad siyang napatitig sa mga mata nito.

"Medyo matagal na rin simula noong sumubok akong ipahayag ang damdamin ko para sayo..." seryoso nitong sambit kasabay nang marahang pagpisil ng kamay niya.

Biglang naghaharumentado ang kanyang puso. Hindi magkandamayaw sa pagtibok sapagkat hindi niya naihanda ang sarili sa ganitong komprontasyon.

Tila naman nabasa ni Lazaro ang kanyang nerbiyos, sapagkat nanlalamig ang palad niyang nakadampi sa palad nito, at pinisil nitong muli ang kanyang kamay bilang pagpapakalma nito sa kanya. "Alam kong hindi rin ito ang perpektong panahon upang itanong sa'yo ito, pero Dulce, ikaw lang ang tanging kong inibig at iniibig. Nais ko sanang hingin ang iyong permiso na maging kasintahan mo..."

Naging pipi si Dulce sa mga sandaling iyon at wala sa sariling nabawi ang sariling kamay mula sa hawak ni Lazaro.

Tila naalarma si Lazaro at dali-daling dumugtong, "Pero kung hindi ka pa handa ay hindi naman ako namimilit, Dulce. Maghihintay pa rin ako."

Nagtagpo ang mga hinlalaki ni Dulce at bahagya niyang pinisil-pisil ang sariling palad upang hilutin ang tensiyong namumuo roon at humugot din nang malalim na hininga.

"Batid kong matagal ka na ring nanliligaw sa akin, Lazaro. Binibigyan kong halaga ang lahat ng ginagawa para sa akin, para sa mga anak ko. Pero Lazaro, pinagpapaumanhin ko kung hindi ko kayang suklian ang pagmamahal na pinapakita mo. Mahal din kita..."

Nang sambitin niya ang huling pangungusap na iyon ay diretso ang kanyang tingin sa mga mata, pilit na nilalabanan ang 'di pagkapakali ng sarili. "Pero sa ilang buwang lumipas ay hindi ito tumubo't lumagpas sa pagmamahal ng isang kaibigan. Iyon lang talaga ang kaya kong ibigay sa'yo. Siguro'y nararapat na ihinto mo na ang panliligaw, Lazaro, at ibaling sa iba ang iyong atensiyon. Alam kong matatagpuan mo rin ang babaeng para talaga sa'yo."

Ilang segundong naghari ang katahimikan sa pagitan ng dalawa. Mapait ang ngiting gumuhit sa mukha ni Lazaro habang ang tingin ay nakadirekta sa suot niyang saya at sa kamay niyang nakapatong roon. Napapakagat-labi na lamang si Dulce dahil nahihiya siya sa nasabi.

"Thank you," sabi nito kalaunan, matapos tumikhim, at ang palad ay naglakbay sa ulo ni Dulce. Marahan nitong hinaplos ang kanyang buhok, dahilan upang mapapikit siya. "At naging totoo ka sa iyong damdamin, Dulce. I appreciate your honesty. And I know this is a rejection, pero gusto kong malaman mong hindi lang dito ang pag-ibig ko sa'yo. I can take many rejections. Malay mo bukas, mapagtanto mong may puwang na rin pala ako sa puso mo, iyong mas higit pa sa kaibigan. Titigil lamang ako sa pagpapaalam na gusto kita kung hindi na talaga pwede."

Makahulugan ang bawat salitang binitawan ni Lazaro, pabiro man ang pagkakasabi nito. Napatango na lamang si Dulce at pinagpasalamat na hindi nito masyadong dinibdib ang pang-ilang beses na pagkabigo. Masakit sa kanya ang ginawa dahil noon ay naranasan niya rin ang 'di masuklian ang pagmamahal.

Lazaro. Raphael. Lazaro. Raphael. Noon, si Raphael lamang itong nagpapasakit ng ulo niya't dahilan ng kalungkutan niya. Pero ngayon, dalawa na. At ang nangyari pa'y si Lazaro ang naging instrumento upang maintindihan ni Dulce ang damdamin ni Raphael noon. Tunay ngang may dumadating upang magbigay leksiyon sa iyo. Kay Lazaro niya rin napagtanto kung gaano kahirap saktan ang taong may halaga na rin sa'yo dahil lang hindi ito ang tunay na tinitibok ng puso mo. Iyong mahal mo naman siya pero hindi sapat upang maibasura mo na nang tuluyan ang nauna. Hindi pala talaga ganoon kadali, kahit gaano naman kayo kalapit, kahit ilang ulit na kayong naging matalik sa isa't isa, kahit utak mo na ang nagsasabing siya na sana. Kung wala talaga'y wala kang magagawa.

Iyon din siguro ang naging dilemma nito noon. Hindi rin pala talaga madali ang diktahan ang pusong may pagkasutil.


----


Sawi na ba si Lazaro? Parang mas gusto ko siya para kay Dulce. Ipapamigay ko nalang siguro si Raphael sa iba. 

Salamat pala sa paghihintay na ma-update ko itong kwento. Sobrang tagal bago nakabalik pero hopefully magtuloy-tuloy na ito hanggang matapos. <3

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top