Kabanata XXXV

Habang pumaparada si Dulce sa harap ng bahay ng mga magulang ni Raphael ay biglang naglaro sa kanyang isipan ang mga kaganapan kagabi. Panlimang beses na ito simula nang magising siya ngunit ang tibok ng puso ay hindi pa rin makalma. Mariin siyang napapikit habang nilalabanan ang sariling alaala.

Hanggang ngayon, ramdam niya pa rin ang yapos ng dating asawa, ang mga palad nitong nagpirme sa kanyang likod at dahan-dahang humahaplos, tila pinapawi ang pagod niya sa buong araw. Hindi niya maipagkakailang pinagaan nito ang araw niya sa mga sandaling iyon.

Nahilamos ni Dulce ang kanyang palad bago tuluyang lumabas ng kotse. Pagpasok na pagpasok niya pa lang sa bahay ng mga biyanan, sinalubong na siya ng yakap ng dalawang anak. Sinuklian naman niya iyon ng pagpugpog ng halik sa mga pisngi nito.

"Aba, dalawang gabi lang nawalay sa ina, halos hindi na makatulog kagabi ang mga iyan," ani naman ng ina ni Raphael habang pinagmamasdan ang lambingan ng apo nito at ni Dulce.

Tipid namang napangiti si Dulce at bilang respeto ay nagmano sa ina ni Raphael. Ang mga bata naman ay nakasunod lang sa kanya. Si Dill ay hinahatak pa ang kanyang sayang suot.

"Nakaranas na kasi na naiwan," mahinang sambit ni Dulce, mabigat man sa damdamin.

"Hayaan mo na," konsuwelo naman ng kanyang biyenan na may kasamang marahang pagtapik sa kanyang balikat. Pagkatapos ay iniba na nito ang usapan, "Oo nga pala, mag-agahan muna kayo dito."

Dahil nahihiyang tumanggi ay pinaunlakan ni Dulce ang pagyaya ng biyenan na mag-almusal muna. At iyon na nga, pinagsaluhan nila ang mainit nitong nilagang manok at pritong itlog. Sa kalagitnaan ng pag-aalmusal ay bigla namang dumating si Raphael na may dalang mga hinog na mangga sa isang supot.

"Aba'y nakahabol ka pa sa agahan, anak," bati ng ama nito habang pinapatong ni Raphael ang dala sa libreng espasyo ng lamesa.

Tila hindi pa nito napapansin ang kanyang presensiya. Ngunit nang lumingon ito sa kanyang gawi ay napatigil sa pagnguya si Dulce. Ang sariling isipan ay pinapakiusapang kumalma at huwag nang gawing malaking bagay ang nangyari kagabi. Ngumiti lang naman si Raphael sa kanya bago tinapik ang braso ng kambal na magkatabi sa isang gilid ng lamesa bago humalik sa pisngi ng ina, at bago tuluyang umupo sa bakanteng upuan na nasa kanyang gilid.

"Akala ko mamayang hapon mo pa susunduin ang mga bata," kaswal nitong komento habang inaabot ang mga kubyertos sa gilid.

Nailunok ni Dulce ang laman ng bibig nang biglang may maramdamang bigat sa kanyang hita. Ang salarin nito'y pasimple lang na ngumiti sa kanya. Ang lakas na talaga ng apog nito ngayon. Parang nasasanay na itong humawak-hawak napayagan lang ng isang yakap kagabi. Tuloy, napalitan ng inis ang pagkaasiwa ni Dulce kanina. Sinuklian niya ito nang mabilis na paghawi sa kamay nito na sinundan ng matalim niyang tingin.

Nagpatuloy siya sa pagkain. Kung napansin man ng mga kasama niya ang biglaan niyang pagtahimik ay hindi na lamang ito nangusisa.

Subalit nang papauwi na sila ng mga bata matapos magpaalam sa dating mga biyenan ay siya namang pagharang ni Raphael. Nasa labas siya ng kotse nang dalhin siya ni Raphael sa isang gilid. Gusto daw nitong makipag-usap. Kung para saan ay hindi niya alam. Nagpatianod na lang din siya para hindi na ito mangulit pa.

"Alam kong nainis ka sa'kin kanina," panimulang wika nito habang ang mga kamay ay isinuksok sa magkabilang bulsa ng sariling maong.

Wala itong nakuhang reaksiyon sa kanya maliban sa pagsalubong ng kanyang kilay.

Huminga ito nang malalim at marahan nitong inabot ang kanyang palad. Napatikhim si Dulce at dumapo ang tingin sa hinlalaki nitong dahan-dahang dumadampi sa kanyang pala-pulsuhan. Nanlalambot ang kanyang kalamnan subalit hindi niya magawang putulin ang sensasyong lumalasing sa kanya ngayon.

"Dahil sa biglaan kong paghawak kanina," masuyong sambit ni Raphael. "Kung nabastos ka man sa nagawa ko, humihingi ako ng paumanhin."

Kung sino mang Santo ang nasa likod ni Raphael ngayon ay tiyak na papamisahan niya sa tuwa nang mahuli niya ang pagpipigil ng ngiti ni Dulce habang tinititigan ang kanyang mga mata. Siguro'y hinahanap nito ang sinseridad ng kanyang mga sinabi at nakita iyon ng dating asawa. Sa galak ay napapangisi na rin siya at nahalikan ang likod nang palad nito.

"Kakahingi mo pa lang ng tawad, Raphael!" natatawa rin nitong sermon, napapailing, bago muling sumeryoso, "Hindi ibig sabihin na pinapayagan kita na yumakap ay aabusuhin mo na iyon."

"Oo na, magpapaalam na sa susunod," nakangising tugon ni Raphael ngunit may bigat sa likod ng bawat salitang binitawan. "Pati, pwede ko ba kayong ihatid ng mga bata ngayon?"

Sa pagitan ng malamlam nitong mga mata at sa muling pagsibol ng kung anong nilalang sa kanyang puso na sumisigaw sa pangalan ng dating asawa ay hindi nakatanggi si Dulce. Naihatid nga sila ni Raphael. At natagpuan niya ang sariling pinagluluto ang kanyang mag-ama ng hapunan habang ang mga ito'y nasa sala, nanonood ng pelikula. Mula noong dumating sila kaninang umaga ay hindi na nakauwi si Raphael dahil na rin sa kahilingan ng mga anak na manatili ito sa bahay.

"Papa, dito ka ba mags-sleep ngayon?"

Tila tinubuan ng dalawa pang pares ng tenga si Dulce nang marinig ang tanong na iyon sa labi ng babaeng anak. Biglang lahat ng kaluskos sa paligid, at kahit ang tahimik na pagtikhim ni Raphael, ay nasasagap ng kanyang pandinig.

"Tanungin muna natin ang Mama niyo," rinig niyang sagot ng dating asawa na siyang pumutol sa hindi namalayang pagpipigil niya ng hininga.

Takbuhan. At magagaan ngunit mabilis na hakbang na dahan-dahang lumalakas habang papalapit sa kusina, hanggang sa makarating sa gilid ng ina na kasalukuyan pa ring inaabala ang sarili sa pagpupunas ng mga hinugasang pinggan.

"Mama..." paunang sambit ni Dill na siyang nagpatigil kay Dulce sa ginagawa.

"Ano iyon, anak?" tanong niya, nagpapanggap na walang ideya sa maaaring sabihin ng kambal.

Si Dolly naman na siyang nasa kabilang gilid niya ang sumagot, "Ma, dito mags-sleep po si Papa, please."

Napakurap si Dulce. Inaasahan niyang magtatanong ito at hindi agarang manghihiling sa gusto nito.

Inilipat niya ang tingin kay Dill. Ipinakita nito ang magkalapat nitong palad, nagmistulang nananalangin na mapagbigyan ang gusto. Tapos sinamahan pa iyon ng kislap ng pag-asa sa mala-tsokolateng mga mata, paano pa niya matatanggihan ang mga bata?

Isang buntong-hininga ang pinakawalan ni Dulce bago siya tumango. "Sige, pero ngayong..."

Ang sabay na pagsigaw ng "yehey" ni Dolly at Dill ang nagpatikom sa bibig ni Dulce. Napapailing na lamang siya, pigil ang ngiti, nang sundan niya ng tingin ang palukso-lukso nitong pagtakbo pabalik sa sala kung saan nakatambay ang ama.

Matapos iyon, natagpuan ni Dulce ang sarili na nakaupo sa gilid ng sofa katabi ni Dill habang si Dolly ay nasa kabilang tabi nito at nakayapos sa ama na nasa kabilang gilid naman ng sofa. Tahimik silang nakatutok sa pelikula nang basagin iyon ng paghikab ni Dolly, hudyat na inaantok na ito.

Nagkatinginan sila ni Raphael.

"Patulugin ko na muna si Dolly," pabulong nitong wika at dahan-dahang binuhat ang anak sa mga bisig nito.

"Papa, ako rin po. Inaantok na ako," singit naman ni Dill at tumayo na rin.

Nagtungo ang mag-ama sa silid ng dalawa at si Dulce naman ay pinatay muna ang telebisyon bago sumunod roon. Nadatnan niya si Raphael na hinahaplos ang buhok ni Dolly sa isang kama. Malalim na ang tulog ng huli, habang si Dill ay nasa sariling kama at nakatanaw sa ama at kapatid.

"Papa..." Humikab si Dill bago nagpatuloy, "Bakit hindi po kayo pwede dito tumira?"

Natigil si Raphael sa pagsuklay sa buhok na nakatabon sa noo ni Dolly. Napatikhim din si Dulce habang nakatingin sa mag-ama mula sa nakabukas na pinto ng kwarto.

"Dill, alas nueve na," paalala ni Dulce na oras na ng pagtulog nito, "Matulog ka na rin."

Nakanguso itong tumango at kinumutan na ang sarili. Pansin ni Dulce ang pagsulyap ni Raphael sa kanya bago ito lumipat sa kama ni Dill at tinapik-tapik ang balikat nito. Ang bawat galaw nito'y sinundan ng tingin ni Dulce. Yumuko ito at may ibinulong sa tenga ni Dill subalit hindi iyon umabot sa kanyang pandinig. Tumaas na lamang ang kanyang kilay nang makitang tumango si Dill, may pilyong ngiti sa labi.

"Ano iyon?"

Kuryosidad ang tumulak sa kanya upang mangusisa kay Raphael nang dumaan ito sa kanyang gilid upang lumabas sa silid ng kambal. Nagkibit-balikat lang ito at ngumisi.

Napapailing na lamang siya at pinatay ang ilaw sa kwarto bago ito isinara. Pagkatapos ay bumalik na siya sa sala upang sana'y asikasuhin ang higaan ni Raphael. Subalit natagpuan niya itong nilalaro ang cassette. Bago pa man niya napagbawalang gumawa ng ingay ay nagpatugtog na ito ng isang romantikong kanta. Buti na lang at hindi gaanong malakas ang volume nito.

"Raphael..." pasinghap na aniya nang lapitan siya ni Raphael, may ngiti sa labi nito habang inaabot ang kanyang palad.

Napuno ng tensiyon ang maliit na espasyong pumapagitna sa kanila.

"Dulce," sagot ni Raphael makalipas ang ilang segundo. Ang mga mata'y nakatitig sa likod ng kanyang palad na dahan-dahang hinahaplos ng hinlalaki nito. "Pwede ba kitang isayaw?"

Labis ang paninikip ng dibdib ni Dulce sa pagkakataong ito. Dulot ng haplos ni Raphael. Dulot ng pagiging malumanay at pagsuyo nito. Dulot ng nakaraang pagsasama kung saan pinagkait nito ang ganitong mga karanasan. Nagtipon-tipon ang mga traydor niyang luha sa gilid ng kanyang mga mata, nagbabadyang tumulo kahit anong minuto.

"Dulce..." muling sambit ni Raphael sa malambing na tono.

Napatango si Dulce, kagat ang nanginginig na labi. Marahang itinaas ni Raphael ang kamay niyang hawak nito. Hindi ito nakatingin sa kanyang mukha kaya malaya siyang pagmasdan ang pagdampi ng labi nito sa likod ng kanyang palad. Wala siyang ibang maapuhap na emosyon sa mukha ng dating kundi pag-ibig at respeto sa kanya. Lalo lamang lumobo ang puso ni Dulce at doon na tuluyang tumulo ang kanyang mga luha.

Subalit hindi iyon pinunasan ni Raphael nang makita nitong umiiyak siya. Bagkus ay niyapos siya nito at ginabayan sa isang banayad na sayaw. Tahimik lamang itong nakikinig sa kanyang paghikbi habang ang mga paa at balakang ay dahan-dahang umuugoy sa mga kantang nasa background. Iniyak niya ang lahat ng sakit na dinulot nito sa kanya. Iniyak niya ang mga maling desisyong nagawa dahil sa pagmamahal niya dito. Iniyak niya ang mga pangarap na matagal na sana niyang ibinaon sa limot, subalit pilit pa ring bumabangon. Na sana siya naman ang mahalin nito.

Ramdam niya ang minsanangpaghigpit ng yakap ni Raphael at ang tensiyon sa matipuno nitong balikat. Tilaba pinipilit nito ang sariling huwag siyang bitawan sa kabila ng kaalamang ito mismoang dahilan ng bawat pagpatak ng kanyang luha. Dumadaloy sa magkalapat nilangmga katawan ang pagdaramdam at pangako nito; ang pagdaramdam nito sa mgapasakit ng nakaraang pagsasama at ang pangako na sa pangalawang pagkakataon aytanging ligaya na lamang ang handog nito. Pinakawalan lamang siya ni Raphaelnang maputol na ang pagtunog ng cassette.


Dear readers,

Sobrang tagal bago ko naipagpatuloy ang pagsusulat sa Kabanata 35. Pasensiya na. At salamat sa lahat ng mga naghintay ng updates, sa mga nagcocomment. Natutuwa akong malaman na mayroon pa talagang gustong magpatuloy ang kwentong ito. Salamat sa inyo. Sana magustuhan niyo ang update na 'to.

Love,

aryanpel

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top