Kabanata XXXIV

---💛---

  Habang nasa daan ay napagdesisyon ng dating mag-asawa na kumain na lamang sa labas. Kanina pa nga naghahanap ng nakabukas na resto itong si Raphael ngunit mailap ito sa kanilang lugar at tanging mga karinderya na lamang ang nakabukas.

"Dito na tayo," ani Dulce habang tinuturo ang isang maliit na karinderya na ang establisyemento ay gawa sa kahoy.

"Hmm?" sagot ni Raphael at tumingin din roon bago nito dahan-dahang ipinarada ang sasakyan sa isang gilid.

Nauna itong lumabas at pinagbuksan siya ng pinto. Napangiti ng wala sa sarili si Dulce at pinagpagan ang kanyang suot na palda.

"Salamat," tipid niyang sambit.

Habang papasok sa karinderya ay isang pamilyar na boses ang tumawag sa pangalan ni Raphael.

"Raphael?" ani ng boses sa kanilang kaliwa.

Magkasabay na napatingin doon si Raphael at Dulce. Bumungad sa kanilang mga mata ang nakangiting si Rosalinda. May dala itong supot sa kanang kamay.

"Ah, Dulce..." pagbati nito nang mapansin ang kanyang presensiya. "Magandang gabi sa inyo. Ginabi yata kayo."

Pinakiramdaman niya ang sarili, kung naaasiwa pa rin ba siya dito. Ngunit wala na siyang maramdamang kung ano habang nakatingin sa babae. Bagkus, sinuklian niya ito ng isang tipid na ngiti.

"Oo eh," aniya. "Galing pa kami sa bayan."

Napatango lamang ito.

"Rosalinda..." biglang sabat naman ni Raphael sa kanyang gilid, ang tingin nito'y lumipad mula sa botikang nasa kanan lang ng karinderya tungo kay Rosalinda.

Tila naman nahulaan na ng babae ang itatanong ni Raphael kaya nauna na itong magsalita, "Ah, galing akong botika, bumili lang ng medisina para kay Waldo."

Naaasiwa sa lungkot na puminta sa mukha ni Rosalinda habang binabanggit nito ang asawa, iniwas na lamang ni Dulce ang tingin at lumipad iyon sa mukha ni Raphael. Nahuli niya itong tumango at sinusuklian ang tipid na ngiti ni Rosalinda.

"Ganoon ba. Ikamusta mo nalang kami kay Waldo. Pa'no, dito na muna kami," ani Raphael at bumaling na kay Dulce.

Nagpatianod na lang din si Dulce nang hapitin siya ni Raphael sa beywang at naglakad na papasok sa karinderya. Ngunit bago pa man tuluyang makalayo sa kinatatayuan ay nilingon niya si Rosalinda at muli itong binigyan ng tipid na ngiti.

"Mag-iingat ka sa daan," pahabol ng isipan na hindi niya mapigilang maibulalas.

Napatigil si Raphael at ganoon din si Dulce. Lumingon itong muli sa kanya, pagkatapos kay Rosalinda, at balik naman sa kanya. May tipid na ngiti sa labi nito bago siya tuluyang inakay patungo sa loob ng karinderya.

Tahimik ang dalawa habang nilalantakan ang kanilang hapunan. Si Dulce naman ay napapangiti sa nakikitang gana ni Raphael sa pagkain ng ilang putahe na inorder nito. Halatang pagod at gutom mula sa ilang oras nitong pagmamaneho kung saan-saan.

"Talaga bang hindi na natin susunduin ang mga bata?" biglang tanong nito matapos uminom ng isang baso ng tubig.

Oo nga pala, ang mga anak niya. Natigil si Dulce sa pagnguya sa huling piraso ng puto na nilantakan niya nang mapagtantong nakalimutan niyang isipin ang kambal habang kasama ang ama ng mga ito. Tila kasi, sa mga pagkakataong ito ay bumabalik sila sa dati, noong silang dalawa pa lamang, ngunit ang kaibahan ngayon ay siya ang sentro ng atensiyon nito. Tila siya at siya lamang. Hindi gaya noon na kahit idikit na niya ang mukha sa mukha ni Raphael ay hindi pa rin siya nito nakikita. Ngayon, parang nagsisimula silang muli, kinikilala ang isa't isa sa labas ng namamagitan sa kanila — sila Dill at Dolly.

"Ayos ka lang ba, Dulce?" muling nagtanong si Raphael, ang boses nito'y tila mula sa ibang dimensyon at hinihila siya pabalik sa reyalidad.

Napasinghap si Dulce at kinurap-kurap ang mga mata bago ito sinagot, "Ah, ayos lang. Medyo pagod na rin kasi ako kaya ang bilis kong mawala sa pokus."

"Kung gan'on..." Tumikhim ito at tinawag ang nagseserve ng pagkain.

Binayaran lang nito ang kanilang inorder at sabay na silang lumabas ng karinderya. Napapangiti si Dulce habang pinagbubuksan siya ni Raphael ng pinto at inalalayan papasok ng kotse. Sumunod naman ito agad at pinasibad na ang sasakyan pauwi sa bahay.

Alas nueve na ng gabi nang dumating sila sa bahay ni Dulce. Gaya kanina, inalalayan na naman siya ni Raphael palabas ng kotse at sumunod pa ito sa kanyang gilid habang binubuksan niya ang pinto ng bahay. Nilingon niya ito matapos hilain ang susi mula sa doorknob.

"Akala ko uuwi ka na?" kunot-noong tanong niya na sinuklian lang nito ng pagkibit ng balikat.

Tuluyang hinarap ni Dulce si Raphael at inekis ang mga braso sa harap nito. "Raphael..."

"Hindi ako uuwi hangga't hindi ko nasisigurong safe ka sa loob," seryosong sagot naman nito.

Doon lang nabitawan ni Dulce ang ginhawang kanina niya pa pinipigilan nang wala sa loob. Kasi naman, akala niya ay sinusubukan siya ni Raphael, kung hanggang saan ang limit nito sa kanya.

"Walang mangyayari sa akin dito, kung iyon ang inaalala mo," sagot niya bago tinulak ang pinto pabukas.

Akmang papasok na siya sa bahay nang muli siyang tinawag ni Raphael. "Dulce?"

Napalingon siya dito, tumataas ang dalawang kilay.

Namuo ang tensiyon sa loob ni Dulce, tila ay puso'y biglang naghahabol ng pitik, nang humakbang si Raphael patungo sa kanya, hindi binibitawan ng tingin ang kanyang mga mata. Natigil lamang ito nang magkatagpo ang sapatos nito at ang sandal na suot niya.

"Raphael..." bulong niyang tila hindi umaabot sa sariling tenga.

Subalit alam niyang rinig iyon ng binata dahil sa biglang pagkislap ng mga mata nito matapos niyang sambitin ang pangalan nito.

"Pwede bang yumakap kahit saglit lang?"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top