Kabanata XXXII
---💛---
Ang buong maghapong iyon ay isang kaparusuhan para kay Raphael. Halos isang oras niyang pinagdusahan ang pakikinig sa usapan ni Lazaro at Dulce, pati na ang pagpapakita ng aliw ng mga bata sa presensiya ng binata. Nasasali naman siya sa usapan pero may kung ano sa dalawa na hindi pabor sa dibdib niya.
Nabunutan lamang siya ng tinik nang magpaalam na si Lazaro na aalis na. Ngunit agad din itong bumalik nang matagpuan ang sarili sa likod-bahay kung saan naroon ang maliit na hardin ni Dulce. Sila lamang ng dating asawa ang narito samantalang ang dalawang bata ay naglalaro sa loob. Inaya siya ni Dulce dito para daw makapag-usap sila nang maayos.
Napapalunok ng laway si Raphael habang pinagmamasdan ang pag-upo nito sa kanyang tapat. Hindi niya alam kung anong dapat sabihin. Hindi siya tunay na handa para dito.
"Narinig kong klaro ang sinabi mo kanina," ani Dulce makaraan ang ilang segundong pamumuno ng katahimikan. "Hindi na ako bata para hindi iyon maintindihan pero gusto kong klaruhin para hindi naman ako magmukhang tanga. Noong sinabi mong gusto mo ring gawi ang kung anong ginagawa ni Lazaro, ibig mo bang sabihin na gusto mo ring... uh... manligaw?"
Napaubo si Raphael, hindi mapantayan ng kanyang kompyansa sa sarili ang prangkahang pakikipag-usap ni Dulce. Subalit, hindi niya nilubayan ng tingin ang dating asawa.
Humugot siya ng isang malalim na hininga at inipon ang lahat ng tapang ng loob sa puso bago tuluyang binigyan ng bagong anyo ang kanyang nararamdaman sa pamamagitan ng paglalahad ng mga salitang kaunting beses lamang nabuo sa kanyang dila. "Tama ka. Gusto kitang ligawan din."
Labis-labis ang pintig ng kanyang puso. Pero hindi niya iyon ipinahalata. Subalit ang kalmado niyang postura ay natupok nang umiwas si Dulce ng tingin. Ang mga mata nito'y nakatitig lamang sa pinagsugpong nitong kamay na nakapatong sa ibabaw ng lamesa. Kapansin-pansin rin ang biglaang pagtahimik nito.
"Dulce..." malunamay niyang tawag dito. Nang hindi ito sumagot ay itinuloy niya ang mga nais pang ipabatid sa babae. Puno ng pag-iingat niyang inabot ang kamay nito sa ibabaw ng lamesa. "Alam kong huli na para dito pero nitong mga nakaraang buwan ̶ "
"Napapagod ka na ba sa set-up natin?" biglang pagputol ni Dulce sa sana'y pagtatapat na ni Raphael, kasabay ng pagbawi nito sa sariling kamay.
Nangunot ang noo ni Raphael at mabilis na napailing. Mabilis niyang nakuha ang ibig sabihin ng dating asawa. Inaakala nitong ginagawa niya ang bagay na ito para lang matapos na ang ganitong buhay nila: ang pagpapalitan ng pag-aalaga ng kambal.
Napatayo siya sa kanyang kinauupuan at lumapit sa pwesto ni Dulce. Nanatili lamang itong nakayuko. Nais niyang makita ang emosyon sa mga mata nito kung kaya't lumuhod siya gamit ang isang tuhod sa gilid nito. Bigo mang makita ang kung anong kislap sa mga mata nito, pansin niya ang bahagyang panginginig ng mga labing mahigpit na nakatikom.
"Hindi ako magdedesisyon ng ganito kung ̶ "
Nabitin sa ere ang mga salitang gustong sabihin ni Raphael nang biglang mag-angat si Dulce ng tingin. Ngayon, kitang-kita na ng kanyang mga mata ang namumuong luha sa gilid ng mga mata nito. Kumikislap iyon dulot ng sinag ng araw na tumatama sa kanilang kinaroroonan.
"Raphael, mas gusto ko itong ngayon," sabat ni Dulce, mas mabigat na mga salita ang binitawan.
Nanlugmok ang buong pagkatao ni Raphael nang mapagtantong tinatanggihan na siya ni Dulce kahit wala pa naman siyang naipapamalas dito. Agad siyang napatayo dahil pakiramdam niya hindi niya na mabalanse ang sarili sa pagkakaluhod.
Nang makabawi sa masakit na tama ng mga salita ni Dulce ay muli siyang sumubok na kumbisihin ang dating asawa. "Pwede naman na manatiling ganito ang relasyon natin, hindi ba, habang nanliligaw ako. Hindi naman kailangang magbago."
Dumaan ang mahabang katahimikan. Sa bawat segundo'y lumalakas din ang kabog ng puso ni Raphael, dala ng magkahalong takot na muli na namang mabokya ang alok niya at ang antisipasyon na makarinig nang maganda mula kay Dulce. Sa likod naman ng kanyang isipan, binubulong niyang sana bigyan siya ng pagkakataon ng babae, na sana sapat na ang muling pamumuo ng kanilang pagkakaibigan upang payagan siya nito sa gusto niya. Iyon lang ang tanging hiling niya.
Ganoon na lamang ang paninigas ng kanyang kalamnan nang maramdaman ang presensiya ni Dulce sa kanyang harapan. Isang buntong hininga ang pinakawalan nito bago humawak sa kanyang kaliwang braso. Bahagya siyang napaatras nang tila manguryente ang nanlalamig din nitong kamay.
Nagbaba ito ng tingin bago pinakawalan ang isang pahayag na lumusaw sa buong katapangan ni Raphael.
"Paumanhin, Raphael, pero hindi ko kayang ibigay ang ninanais mo," pabulong nitong sambit na mas lalo pang humina nang magpatuloy ito, "Aminado akong may nararamdaman pa rin ako para sa'yo. Pero gaano man iyon kababaw o kalalim, hindi ko ito kayang i-entertain. Ayokong maging bastos kay Lazaro. Nanliligaw nang maayos ang tao. Isa pa, kontento na ako sa kung anong mayroon tayo ngayon."
Hindi agad nakahuma si Raphael. Mukhang sa mga pagkakataong iyon ay hindi kayang iproseso ng kanyang isipan ang lahat ng mabibigat na sentimento ni Dulce. Pero nang malinawan, biglang namuo ang magkahalong tampo at dismaya sa kanyang puso. At sa hindi hinihinging tiyempo, biglang nagbalik sa kanyang memorya ang mga pagkakataong iniyakan ni Dulce ang katigasan ng kanyang puso noon, mga pagkakataong ito pa ang nanlilimos ng pagmamahal mula sa kanya. Kung kinaya nitong magtiis sa kanya noon, kakayanin niya ring tanggapin ang pagtanggi nito. Paulit-ulit man iyon.
Hinuli niya ang kamay ni Dulce na kasalukuyang pa ring nakakapit sa kanyang braso at dahan-dahang hinaplos ang likod ng palad nito sabay sabing, "Kung may nararamdaman ka na kay Lazaro, walang kaso sa akin iyon. Gusto ko lang na magkaroon naman ako ng pagkakataon na maibatid sa'yo ang nararamdaman kong ito..."
Puno ng ingat niyang hinila ang kamay ni Dulce pataas, at sinalubong ang likod ng palad nito ng marahang pagdampi ng halik. At nang mapansing nanindig ang mga balahibo nito ay isang tipid na ngiti ang gumuhit sa labi niya.
"Rapahel..." malumanay ring sambit ni Dulce, ngunit halata sa tonada nito ang pagtutol sa gusto niyang mangyari.
"Hayaan mo lang ako hanggang sa hindi na pwede," mabilis na depensa ni Raphael ngunit nagkaroon ng bikig sa lalamunan niya nang magpatuloy, "Hanggang sa maging kayo na ni Lazaro."
Napapasinghap si Dulce sa bawat segundong umeentradang muli sa kanyang isipan ang naging pag-uusap nila ni Raphael. Naaalala niya ang bawat salitang binitawan nito pati na ang mga haplos, ang marahan nitong paghalik sa kanyang palad, ang mga mata nitong puno ng sinseridad at hindi niya na mabilang kung ilang beses na itong nanggagambala sa kanya nitong mga nakaraang araw.
Pero kasi... Napapailing si Dulce sa harap ng mga bulaklak na walang malay sa lahat ng kalituhang nararamdaman ngayon. Nadamay pa talaga ang mga ito sa araw-araw na pagpupursige ni Raphael. Simula noong araw na nagpaalam itong manligaw daw kuno ay walang humpay ito sa pagpapadala ng mga rosas o daisy o anu mang bulaklak. Himala nga at wala pa siyang natatanggap ngayong araw.
Buti nalang talaga at hindi pa ito nagpapakita simula noong iuwi ang kambal sa dati nilang bahay. Hindi niya sigurado kung makakaya niya itong harapin ng walang malisya. Magiging mali iyon at hindi patas para kay Lazaro. Labis ang respetong pinapakita nito sa kanya at gusto niya iyong suklian.
Subalit, hindi pa iyon sa puntong ibibigay na niya ang kanyang pag-oo sa isang relasyon kasama ito. Hindi pa siya handang ideklara na may nararamdaman na siya ditong gaya ng nararamdaman niya noon kay Raphael. Hindi pa siya umaabot sa romantikong lebel at, itanggi man niya ang katotohanan, hindi talaga lumalagpas sa pagkakaibigan ang nararamdaman niya para kay Lazaro.
"Dulce..."
Napabalikwas si Dulce mula sa pagkakaupo sa sementadong upuan nang marinig ang boses ng kanyang kapitbahay sa bandang likuran niya. Nangungunot ang noo nito nang makaharap siya. Hindi naman na siya nagtaka kung paano itong nakatapak sa kanyang hardin dahil may daanan naman doon sa likod-bahay na konektado rin sa kanilang lote.
"Ayos ka lang ba?" May dalang pag-aalala ang tanong nito. "Tulala ka kasi."
Marahang umiling si Dulce at nginitian na lamang ang ale. "Wala naman po. May iniisip lang."
"Hmm?" sagot naman ni Aling Wella, tila hindi kumbinsido sa naging sagot niya. Pagkatapos, bigla na lamang itong ngumisi. "Baka naman si Raphael lang iyan, iha."
Napasinghap si Dulce sa narinig. Itatanggi niya pa sana ang naging bintang nito nang muling magsalita si Aling Wella. Nagtungo lang pala ito sa kanyang bahay upang bigyan siya ng niluto nitong gulay. Nagpasalamat siya at tinanggap ang tupperware na pinaglagyan nito ng niluto.
Saktong nagpaalam ang ginang nang may bumusina mula sa harap ng kanyang bahay. Dali-dali niyang binuksan ang gate at napasinghap nang bumungad sa kanyang paningin ang kotse ni Raphael. Sa isip niya ay sinusumpa niya ang lalaki sa walang pasabi at solo nitong pagbisita. Hindi pa man ito nakakalabas ng kotse ay naaasiwa na siya. Napaatras siya nang muli itong bumusina at binigyan ito ng espasyo para tuluyang makapasok sa bakuran.
"Naparito ka..." naguguluhang pagsalubong ni Dulce kay Raphael nang lumabas ito mula sa kotse nito, may bitbit na pumpon ng puting gerberas.
"May inasikaso ako sa kabilang barangay," ani Raphael nang makalapit sa kanyang tabi. Nakangiti nitong inabot ang bulaklak. "Para sa'yo nga pala."
Sa kabila ng init sa labas dulot ng mataas na tirik ng araw, nanlalamig ang palad ni Dulce nang tanggapin ang handog ni Raphael. Napapakagat na lamang siya sa kanyang pisngi upang mapigilan ang pagguhit ng ngiti sa kanyang labi. Nakakarupok naman kasi talaga ang galawan nito, lalo pa nang pagtingin niya sa mukha ng dating asawa ay kumikislap ng kasiyahan ang mga mata nito.
"Salamat," mahinang bulong ni Dulce bago inimbitahan si Raphael sa loob.
Inalok niya ito na mananghalian dahil alas onse na rin naman. Sa gitna ng tahimik na pagsasalo nilang dalawa ay biglang tumikhim si Raphael na nasundan pa ng pagbukas nito ng usapan.
"Nalaman ko kay Mama na may plano ka daw magpatayo ng sarili mong bakery..." ani Raphael bago ito sumubo ng kanin, ang mga mata nito'y direktang nakatitig sa kanyang mukha.
Napatango lamang si Dulce.
"May nakita ka nang site na pagtatayuan mo?" usyoso nitong muli. "Pwedeng maghanap tayo ngayong hapon. Wala naman akong gagawin."
"Nakahanap na kami ni Lazaro noong isang araw," wala sa sariling sagot niya.
Hindi nakaligtas sa mapanuring tingin ni Dulce na bahagyang tumigil si Raphael sa pagnguya nang marinig ang pangalan ni Lazaro. Napainom na lamang siya ng tubig at nag-isip ng ibang paksa.
"Oo nga pala..."
Ngunit naputol ang dapat niyang sabihin nang muling magsalita si Raphael gamit ang mas malalim nitong boses. "Kung kailangan mo ng tulong, magsabi ka lang."
Isang tipid na ngiti pa ang inalay nito pagkatapos, dahilan upang lalong maguho ang depensa niya laban sa pagiging romantiko nito.
----
Hi, hello!
Sa mga naunang kabanata, talagang ini-edit ko pa iyong sulat ko bago nag-uupdate. Pero ngayon, pagpasensiyahan niyo na. Hindi ko na ini-edit bago ako mag-update dahil mas na ooverpower na ng excitement ko ang kagustuhan kong mapolish muna talaga ang kabanata bago maipabasa sa inyo. Kasi gusto ko na agad na mabasa niyo agad iyong dugtong ng kwento. Hayaan niyo po, aayusin ko ang pagkakasulat ko kapag natapos ko na ito nang buo.
Salamat din po sa inyo. Talagang napapasaya niyo ako. Iilan lamang kayo pero isang milyon ang katumbas niyo sa puso ko. Hinahangad ko lang din na masuklian ko rin ang sayang dulot niyo sa akin sa pamamagitan ng kwentong ito.
Muli, maraming salamat po!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top