Kabanata XXX


                                                                                     ---💛---


Naging abala si Dulce sa kanyang sariling kaarawan, paikot-ikot sa kusina kasama ang isang kapit-bahay na binayaran niya upang tulungan siya sa pagluluto. Kahit naman kasi kaunti lang ang inimbita niya, mga dating kaibigan pamilya niya at ni Raphael, ay pinaghandaan niya ito nang maraming putahe.

Natigil siya sa paglagay ng mantika sa kawali nang biglang may tumikhim sa gilid. Nilingon niya kung sino ito at sumalubong sa kanyang paningin ang tipid na ngiti ni Raphael.

"Nagdala ako ng kakanin," anito at nilagay ang bitbit na tray sa lamesang nasa gitna ng kusina.

"Magandang umaga po, Manang," bati pa nito sa kapit-bahay niya nang mapansin nito ang presensiya ng matandang ale sa kabilang lababo.

"Nag-abala ka pa," ani Dulce, may munting ngiti sa labi nang muling inabala ang sarili sa paglagay ng rekados sa kawali. "Pero salamat, Raphael."

"Walang anuman," maikling sagot nito at tumabi sa kanya. "May maitutulong ba ako dito?"

Habang naghihintay na mangamoy na ang sibuyas at bawang ay nilingon niya ang binatang kasalukuyang nakatitig sa kanyang niluluto. "Kailan ka pa naging interesado sa gawaing kusina?"

Nagkibit-balikat lamang si Raphael sabay lagay sa karneng baboy sa kawaling may bumubukal na mantika. "May kailangan pa bang hiwain o ano?"

"Wala na," aniya matapos lingunin ang lamesa. "Asikasuhin mo nalang ang mga bata. Paliguin mo na."

Sa halip na sundin nito ang gusto niya ay bigla na lamang itong tumabi kay Aling Wella na kasalukuyang naghuhugas ng mga bowl na nagamit at gagamitin pa mamaya.

"Manang, ako na po dito," rinig niya pakiusap ni Raphael sa kawawang ale na walang nagawa kung 'di ang pagbigyan ito.

Ayun, dalawa na silang nagluluto ni Aling Wella ngayon kaya hindi pa nagdadatingan ang mga bisita niya ay natapos na sila sa pagprepara sa sala. Noong bumalik sila sa kusina ni Aling Wella ay naabutan niya si Raphael na hinuhugasan ang mga kubyertos na huli nilang ginamit. Dumapo ang tingin niya sa damit nitong kasalukuyang nakasampay sa balikat nito at napatikhim.

"Ah, Raphael, ako na diyan..." aniya.

"Mag-ayos ka na doon," mahinahong wika nito, hindi mahiwalay ang tingin sa kawaling hinuhugasan. "baka may bisitang dadating, nakapang-apron ka pa."

Natikom ni Dulce ang bibig nang mapansing lumabas ng kusina si Aling Wella, may bitbit na basket. Isang makahulugang ngiti ang inalay nito sa kanya bago nito naisara ang pinto. Napatikhim siya at muling ibinaling ang atensiyon kay Raphael.

"Kapag tapos ka na diyan, magpalit ka rin ng damit. Kung may dala ka," aniya at nagpaalam nang mag-aayos ng sarili sa silid niya.

Naroon na ang mga pinsan niya pati ang ina at ama ni Raphael noong lumabas siya suot ang dilaw na bestida. Isa-isa siyang binati ng mga ito na sinuklian naman niya ng pasalamat at matamis na ngiti.

"Maligayang kaarawan sa iyo, iha," wika ng kanyang manugang at walang sabing niyakap siya nang mahigpit.

"Salamat po, Ma," ani Dulce, may mapait na ngiti sa labi, at bumitaw na sa yakap nito.

Hanggang ngayon ay nahihiya pa rin siya sa pang-iiwan niya sa anak nito. Batid niyang nagdulot iyon ng pasakit sa kanilang damdamin ngunit hindi iyon ipinaramdam ng magulang ni Raphael sa kanya. Taos-puso nitong tinanggap ang paghingi niya ng patawad noong minsang dumalaw siya sa bahay nito, mag-isa.

"Dulce..." Napalingon siya sa kanyang likuran nang tawagin siya ni Raphael. "Alas-dose na. Baka malipasan na ng gutom ang mga bisita natin."

"Naku, Kuya Raphael, kung alam mo lang kanina pa akong naglalaway sa kaldereta," pabiro namang sabat ng bakla niyang pinsan.

"Pasensiya naman!" sabay ni Dulce sa biruan. "Ano..." Inilibot niya ang tingin sa mga taong naroon. Mukha namang nandito na halos lahat ng inimbitahan niya, liban sa ilang dating kaibigan na hindi pa dumadating. "Kain na tayo. May mga plato pati kutsara't tinidor nakahanda dito."

Narinig niyang tumikhim si Mama Narcing at inanyayahan ang lahat na magdasal muna upang basbasan si Dulce at ang pagkaing pagsasaluhan. Pagkatapos noon ay isa-isa nang naging abala ang mga bisita niya sa pagkuha ng pagkain sa lamesa. Samantala, silang dalawa naman ni Raphael ay nakatayo lang doon, pinagmamasdan ang komosyon para kung may kailangan ang mga bisita ay agad nila itong maasikaso.

"Kanina ko pa hindi nakita ang mga bata," bulong niya sa tabi ni Raphael.

"Nasa labas, nakikipaglaruan sa mga anak nila Tina at Nicholas," maikli nitong sambit bago dinala sa kusina ang isang mangkok na wala nang laman upang punan ito ng humba.

"Iha, kumain ka na rin," anyaya ni Amon, lalaking manugang ni Raphael, nang makita siya nitong pinagmamasdan lang ang mga bisitang masayang nagkukuwentuhan habang inuubos ang mga pagkaing nasa kanilang plato.

Saktong nagsasandok na siya ng pagkain nang bumalik si Raphael. Inaya niya na rin itong kumain ngunit ang binata ay may ibang plano pala. Papakain pa raw muna nito ang mga anak. Hinayaan na lang din niya at naupo sa tabi ng mga manugang.

"Hindi ko gustong manghimasok sa inyo ng anak ko, Dulce," pabulong nitong sambit habang nakadukwang sa kanyang gilid. "Pero mukhang mas komportable na kayo sa isa't isa ngayon."

"Ah..." Natameme si Dulce, hindi maapuhap ang mga salitang maaaring sambitin. "Parang ganu'n nga po."

Mukhang nabasa naman ng manugang ang pagkaasiwa niya kaya minabuti nitong ibahin ang usapan at ayun, hindi na nila namalayang ilang oras silang okupado ng sariling usapan. Natigil lamang iyon ng isa-isa nang nagpaalam ang mga pinsan at kaibigan ni Dulce.

"Maligayang kaarawan, Dulce. Salamat sa pag-imbita," ani ng mga ito at hinalikan siya sa pisngi.

"Walang anuman," nakangiting sambit niya. "Bisita kayo dito minsan."

"Oo ba!"

"Pero teka muna..." sabat naman ni Lilia, ang kilalang tsismosa noong kolehiyo pa lamang sila. "Hindi ako makakauwi kung hindi ko ito itatanong." Bigla itong dumukwang sa kanyang tabi at bumulong, "Nagkabalikan na kayo ni Raphael, ano?"

Napasinghap siya at hindi mapigilang tumawa, hindi alintana ang pag-iinit ng kanyang mga pisngi. "Naku, saan mo naman napulot iyan? Wala, hindi na kami magkakabalikan pa."

Bahagya itong lumayo sa kanya at tinaasan siya ng kilay. "Eh, kung makatingin habang kausap mo ang ina niya parang nagdadasal nang bumalik ka."

Lalong namula ang pisngi ni Dulce, biglang naglalaro sa isipan ang pagtatagpo ng paningin nila ni Raphael, halata ang kislap sa mga mata nito habang pinagmamasdan silang mag-usap ng ina. Napatikhim siya at pilit iwinaksi ang imaheng iyon sa isipan.

"Huwag mo nang bigyan ng ibang kahulugan iyon," aniya sa kaibigan. "Masaya lang iyon na kahit papaano, hindi nag-iba ang turingan namin ni Mama."

Napasinghap siya nang walang anu-anong sinundot siya nito sa tagiliran. "Asus, kung alam lang namin..."

Nagpalitan pa sila ng asaran at depensa bago tuluyang umalis ang makulit na kaibigan. Matapos iyon, nag-uwian na rin ang kanyang mga pinsan, maliban sa ilang pinsang lalaki na nasa likod-bahay at nag-iinuman. Sumunod namang nagpaalam ang kanyang mga manugang.

Nang bumalik siya sa loob ng sala, natagpuan niyang wala ng tao doon maliban kay Raphael na nagsasandok ng kinilaw na bariles. Namumula ang tenga at ang buong mukha nito. Napainom yata ng mga pinsan niya ito.

"Wala ng dadating na bisita?" biglang tanong nito nang mapansin siya sa likuran nito.

Nagkibit-balikat lamang si Dulce at kumuha ng lumpia sa lamesa. "May dadating pa siguro. Alas tres pa lang naman."

At hindi naman binigo ng panahon ang kanyang palagay nang biglang dumating si Lazaro, may bitbit na bulaklak na agad nitong inabot sa kanya. May ngiti sa labing tinanggap iyon ni Dulce. Talagang maraming matamis na buto itong binata at walang kupas ito sa pagpaparamdam na mahalaga siya.

"Maligayang kaarawan, Dulce," nakangiting bati nito, bago walang pasabing nilapat ang labi nito sa kanyang pisngi.

Nabigla man, pinasalamatan niya ito sa pagdalo at sa bulaklak. Narinig niya ring tumikhim si Raphael sa gilid at bago pa ito mabati ni Lazaro ay tumalikod na ang huli at tumungo sa kusina. Ipinagkibit-balikat na lamang niya ang naging asal nito at inaya na si Lazaro na kumain.

"Kumusta na ang pagtatayo ng negosyo?" pagbubukas niya ng usapan habang nilalantakan nila ang fried chicken.

Napapailing ito at nagpakawala nang malalim na buntong-hininga. "Hindi madali, ano. Lalo na kung naghahanap pa ng investors."

Napatango-tango si Dulce. "Sa umpisa lang iyan, Lazaro. Alam ko namang pursigido ka kaya hindi imposible mag-boom ang negosyo mo. Ako ang unang costumer kapag naipatayo mo na ang Kapehan."

"Talaga lang, ha? Aasahan ko 'yan," nakangising nitong sambit bago hinanap ang mga anak niya.

"Kanina ko pa nga iyon hindi nakikita," aniya. "Naroon kasi sa labas, panay laro."

Makalipas ang ilang minutong kwentuhan ay nagpaalam na rin si Lazaro dahil may katatagpuin pa raw itong negosyante na prospek nito sa puhunan. Sakto namang palabas silang dalawa ng binata sa sala nang pumasok si Raphael doon at nagkasalubong silang tatlo. Pasuray-suray ang lakad ng dating asawa. Halatang lasing na talaga. Nang mamukhaan silang dalawa'y lumapad ang ngisi nito at biglang inakbayan si Lazaro. Napasinghap si Dulce habang si Lazaro'y kunot-noong inalalayan si Raphael.

"Pre..." garalgal ang boses ni Raphael nang magsalita. "Pansin mo bang walang Bicol Express sa mga putahe kanina?"

Isang nalilitong tingin ang ipinukol ni Lazaro kay Dulce bago muling nagsalita ang lasing na Raphael. "Kasi noong nagbuntis iyan sa kambal, halos isang buwang Bicol Express ang pinaglihian. Pagkatapos, hindi na niya masikmurang kumain ulit no'n."

Umawang ang labi ni Dulce at marahang hinablot si Raphael kay Lazaro. Tinatakasan na naman kasi ito ng katinuan dahil sa alak. Halos mawalan siya ng balanse nang bigla nitong ipulupot ang mga braso sa kanyang beywang at sumandal sa kanyang balikat.

"Pasensiya ka na, Lazaro..." mabigat ang hiningang sambit ni Dulce habang pilit itinatayo nang maayos ang dating asawa. "Hindi na kita maihahatid sa sasakyan mo."

"Wala namang problema iyan, Dulce. Pero mukhang kailangan muna nating dalhin sa isang silid si Raphael."

Tinulungan siya nitong akayin si Raphael patungo sa kanyang silid. Idineposito nila sa kanyang kama ang dating asawa na panay ang pag-ungot at pagsambit ng kung anu-ano. Matapos iyon ay hinatid niya sa labas ng silid si Lazaro at pinasalamatan ang kabutihan nito bago tuluyang pinasibat.

Nang pumasok siyang muli ay nakaupo na si Raphael sa paanan ng kama at hinihilot ang ulo nito. Nag-angat ito ng tingin nang pihitin niya ang pinto pasara.

"Mahiga ka muna," ani Dulce habang kumukuha ng pamunas sa kanyang drawer.

Umungot lang si Raphael at muling hinilot ang ulo.

Napapabuntong-hininga sa itsura ng binata, agad niya itong dinaluhan. Tumayo siya sa harapan nito, sa pagitan ng magkahiwalay nitong mga hita, at pinalitan ang kamay ni Raphael sa paghilot ng noo nito.

"Naparami na naman ba ang inom mo, hmm?"

Wala siyang naapuhap na sagot mula rito kaya tumahimik na lamang si Dulce. Pinagpatuloy niya ang mariin ngunit marahang paghilot dito kahit na medyo hindi komportable sa matalik na posisyon nilang dalawa ni Raphael, lalo na't para siya nitong tinutunaw sa nangungusap nitong mga tingin.

Nabasag lamang ang katihimikan sa kanilang pagitan nang bigla nitong hulihin ang kanyang pala-pulsuhan, dahilan upang mapasinghap siya, at nagbitaw ng katanungang, "Kayo na ba... ni Lazaro?"

"A-ano?" Biglang nagkaroon ng bikig sa lalamunan ni Dulce.

Sa halip na kulitin siya sa isang konkretong sagot ay binitawan siya ni Raphael. Nahilamos nito ang palad sa sariling mukha at nagpakawala ng buntong-hininga, tila nagdadalawang-isip kung magsasalita o tatahimik na lang.

"Raphael..." ani Dulce, pasimpleng nanghihiyakat na klaruhin ng dating asawa ang intensyon nito sa pagtatanong.

Dumapo ang malamlam na tingin ni Raphael sa kanyang direksyon at ngumiti, ngunit hindi iyon umabot sa mata.

"Mukhang ang saya mo sa kanya. Hindi ko mapigilang isiping kayo na nga," anito makaraan ang ilang segundo.

Nanigas ang mga tuhod ni Dulce dahil sa narinig. At ang puso niya, parang binalot ng dismaya, kahit hindi mawari kung anong pinanggalingan ng emosyong iyon.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top