Kabanata XXVIII
---💛---
Kinabukasan, maagang dumating ang mga bata sa bahay ni Dulce. Siyempre, si Raphael ang naghatid sa kanila doon. Wala sa hinagap niya na magpapakita ito sa kanya matapos silang magkasagutan kahapon. Mas sibil pa yata si Raphael kaysa sa hinuha ni Dulce.
"Gustong magpunta dito kaya pinagbigyan ko na," kaswal nitong paliwanag nang iniwan silang dalawa ng kambal sa terasa at nagtakbuhan ito papasok sa bahay.
"Wala naman iyong kaso sa akin," kibit-balikat na sagot ni Dulce. "Baka ikaw pa nga ang magreklamo."
Napaiwas si Dulce ng tingin patungo sa kotseng dala ni Raphael nang mataman itong tumitig sa kanya, tila binabasa nito ang nasa kanyang isipan.
"Hindi... hindi naman," rinig niyang sambit ni Raphael makaraan ang ilang segundo.
"Okay..."
Biglang namagitan ang katahimikan sa kanilang dalawa.
"Ano..." Napatikhim si Dulce at bahagyang nilingon si Raphael, painosenteng pinasadahan ng tingin ang suot nitong T-shirt na puti at puhaw na maong. Tipikal sa isang Raphael. "Wala kang lakad ngayon?"
"Wala," tipid nitong sagot na hindi na nasundan pa ng ibang paksa.
Muli na namang namayani ang katahimikan. Naroon lamang silang dalawa, parehong tikom ang bibig at nakatanaw sa kalsada sa unahan. Ilang minuto rin ang lumipas bago binasag ng matinis na tinig ni Dolly ang katahimikang iyon.
"Papa, ahas!" muling sigaw ng anak nilang babae mula sa loob ng bahay na siyang dahilan upang magkatinginan sila, nanlalaki ang mga mata, at nagpaunahan sa pagsagip sa kanilang anak sa nagbabadyang kapahamakan.
Nasalubong nilang pareho si Dolly at Dill sa sala. Basa ng luha ang magkabilang pisngi ni Dolly at nasa likuran nito si Dill. Mabilis na napayakap sa kanyang dibdib. Niyakap niya rin ito at marahang hinaplos-haplos ang ulo ni Dolly.
"Saan mo nakita ang ahas?" naaalarmang tanong ni Raphael sa kanilang anak, nangungunot ang noo.
"Doon po," humihikbing saad ni Dolly sabay turo sa direksyon ng silid ni Dulce. "Bigla po siyang nagdaan paglabas ko po sa kwarto, Papa."
Ang kwartong tinutukoy nito ay katabi ng kanyang silid. Napatingin siya sa kanyang kwarto habang yakap pa rin ang anak at napasinghap nang makitang may maliit na awang sa pinto. Hindi pa man nasisigurong nakapasok roon ang ahas, napapatayo na ang balahibo ni Dulce sa takot.
"May mga kahoy ka ba diyang pwedeng panghampas?" mabilis na tanong ni Raphael habang napapalingon sa bawat banda ng sala at kusina, naghahanap ng kung ano.
Agad siyang napatakbo sa kusina nang maalala ang tubo na isinandal ni Lazaro sa gilid ng lababo noong naglinis sila ng likod-bahay. Dinala na rin niya ang walis-tambo na kawayan ang hawakan.
"Raphael, ito o." Inabot niya sa dating asawa ang tubo at pinaupo muna si Dill at Dolly sa sofa roon. "Dito muna kayo, ha. Sasamahan ko muna Papa niyo. Dill, bantayan mo kapatid mo."
Pagkatapos magbilin, muli siyang tumungo sa loob ng silid. Nakabukas na ang ilaw nang pumasok siya. Natigil si Raphael sa pagtapik-tapik sa paa ng kama nang siguro'y mapansin siya nito sa gilid.
"Bakit sumunod ka pa dito?" kunot-noong tanong nito at mabilis siyang tinapunan ng tingin. "Kaya ko na ito, bantayan mo nalang ang mga bata."
"Paano kung atakehin ka no'n patalikod? Mabuti na iyong ̶" naputol ang paglalahad ni Dulce sa kanyang argumento nang biglang may kumaluskos sa kung saan.
Nagkatinginan silang dalawa ni Raphael, parehong pinapakiramdam ang paligid. Muli na naman silang nakarinig ng kaluskos na sinundan ng manipis na sitsit. Nagmumula iyon sa kanyang kabinet.
"Baka nasa ilalim nito," kagat-labing sambit ni Dulce at bahagyang itinulak ang kabinet sa unahan gamit ang hawak na walis-tambo.
Hindi nga siya nagkamali. Nang maitulak niya ng sakto ang kabinet roon ay biglang gumapang palabas ang ahas na kasinglaki ng kanyang braso at may tagpi-tagping kulay ng kape at itim. Halos maubos ang hangin sa kanyang baga nang mapasinghap, dahilan upang mag-iba ng direksyon ang paggapang ng ahas at ngayo'y palapit na sa kanyang paa.
Kung hindi pa siya marahang tinulak sa gilid ni Raphael ay baka nakagat na siya nito o kung ano.
"Tumabi ka, Dulce," pasigaw nitong utos sabay palo ng ilang beses sa katawan ng ahas.
Tulalang nakamasid si Dulce sa komosyong nasa kanyang harapan ngayon. Magkahalong takot at pangamba ang naghari sa kanyang puso ngayon nang makitang kahit natatamaan ni Raphael ang ahas ay tila nanlalaban ito at aksiyong inaangat ang uluhan nito.
"Raphael!"
Hindi niya mapigilang mapasigaw nang akala'y tutuklawin ng ahas si Raphael ngunit mabilis itong umatras at hinatawan na naman ng isang beses ang ahas. Mariing napapikit si Dulce, pinipigilan ang pagtili nang tila may sumabog sa sahig.
Sa kanyang pagdilat, nakita na lamang niya sa paanan ni Raphael ang ahas na halos maputol na ang ulo. Ang kalahati nitong katawan ay nagsusumikap pa ring gumapang sa sahig. Muli itong hinampas ni Raphael, tila sinusuguro ang kamatayan nito.
"Tama na iyan," ani Dulce nang makabawi mula sa takot na kanina lang ay namayani sa kanyang sistema.
Natigil si Raphael sa paghindot ng tubo sa katawan ng ahas at agad siyang nilingon.
"Ayos ka lang?" nagawa pa nitong magtanong sa kabila ng paghahabol nito ng hininga at tagaktak ng pawis sa noo nito.
Sa itsura ng lalaki ngayon ay parang napasali ito sa pakontes na takbuhan. Nanlalaki ang mga mata ni Dulce nang mapansing tila naligo si Raphael sa sarili nitong pawis, dahilan upang bumakat ang maskulado nitong katawan sa suot nitong T-shirt. Todo-bigay talaga ito sa pagpatay sa ahas kanina.
Mabilis na tumungo sa banyo upang abutan ng tuwalya si Raphael. "Magpahinga ka muna bago maligo. May extra ka naman sigurong dala, 'di ba?"
Tinanggap naman ni Raphael ang tuwalya at pinunasan ang mukha nito.
"Wala," ani Raphael na hindi niya masyadong narinig dahil sa tinatakpan ng tuwalya ang bibig nito.
"Ano?"
"Sabi ko, wala. Hindi ako nakapaglagay ng T-shirt kanina sa kotse," paliwanag nito kasabay ng tuwalya sa leeg nito.
Napakamot si Dulce ng ulo at kinuha sa isang sulok ng kanyang silid ang dustpan. "Wala rin akong damit na panlalaki dito, eh."
Sapagkat inabala niya na ang sarili sa paglinis ng sahig kung saan nakalatag ang patay na ahas, hindi niya napansing natigilan si Raphael sa sinabi niya ngayon-ngayon lang.
Akmang ilalabas na niya sa silid ang napatay na ahas nang biglang bawiin ni Raphael mula sa kanyang kamay ang dust pan at ito na mismo ang nagdala noon palabas. Nangunot ang noo niya noong una ngunit napalitan iyon nang pag-awang ng labi nang masundan niya ng tingin ang hubad na likod ni Raphael. Lalong nadepina ang katawan nito dahil sa pawis nitong tila kumikislap dulot ng ilaw sa loob ng kwarto.
Nailihis lamang ni Dulce ang kanyang mata sa imaheng iyon nang magtakbuhan ang mga anak sa gawi nila ng ama nito. Nagpupunas ng luha si Dolly at mabilis na kumapit sa kanyang ama. Samantalang si Dill naman ay walang pakundangang hiniling sa ama na ipakita ang napatay nitong ahas. Inobliga naman ni Raphael ang sarili na sundin ang gusto ng dalawa.
"Papa, ano pong klase ng ahas ito?" nanlalaki ang mga matang tanong ni Dill habang maiging nakatitig doon sa nalukot na katawan ng ahas.
"Sawa iyan," ani Raphael at tinapik ang balikat ng anak. "Wala iyang venom pero delikado pa rin."
"Papa, natakot po ako kanina," humihikbing sambit ni Dolly at lalo pang sumiksik sa tiyan ng ama. "Akala ko nakagat kayo ni Mama."
"Hindi tayo ipapahamak ng Papa niyo, Dolly," wala sa sariling tugon ni Dulce, hinahaplos ang ulo ng anak na babae.
Napatingala si Dulce nang maramdaman ang bigat ng tinging pinukol ni Raphael sa kanyang gawi. Tila siya ginamitan nito ng magnet at kahit ang kaunting ngiti sa labi nito ay nasuklian niya ng isang matamis na ngiti.
Matapos itapon ni Dulce sa likod-bahay ang patay na ahas, binalikan niya agad ang mag-ama sa kanyang sala. Kasalukuyan itong nanonood ng pambatang pelikula. Si Dill ay naroon sa pang-isahang sofa, tumatawa nang madatnan niya. Samantalagang si Dolly ay nasa tabi ng ama nito.
Inakala niyang sumibat na si Raphael pero heto pa pala ang lalaki. Hindi naman niya masikmurang ipagtabuyan ito sa bahay matapos ang nangyari kanina kaya hinayaan na lang niya. Ito ang unang nakapansin sa kanya sa gilid.
"Nagdala kami ng CD," maikling saad nito patungkol sa pinapanood nilang pelikula ngayon.
Napatango lamang si Dulce at hindi napigilang ibaba ang tingin sa maskuladong tiyan ng dating asawa na nakabalandra ngayon sa kanyang harapan.
"Halika dito, Mama," tawag naman ni Dolly na siyang sumaklolo sa kanya sa biglaang pagkaasiwa sa tanawin kanina.
Sinuklian niya ang malapad na ngiti ng anak at sinabing, "Mamaya, anak. Kunan ko muna ng damit ang Papa niyo."
Iyon nga ang kanyang ginawa.
Naghanap siya ng T-shirt na medyo mas malaki sa kanyang sukat upang ipasuot dito pansamantala. Inabot niya iyon sa gilid ng lalaki. Napatingala si Raphael sa kanya.
"Magdamit ka," pakiusap ni Dulce nang nasa telebisyon ang mata nakatutok.
"Salamat," rinig niya sambit ni Raphael pagkatapos niyang maramdamang wala ng hawak ang kamay niyang naka-angat sa harap nito.
Hindi na niya ito hinintay na makapagbihis pa at nagpaalam nang magluluto.
"Diyan muna kayo at magluluto lang ako ng tanghalian," aniya bago nagtungo sa kusina.
Dumating ang pananghalian. Nangingilid ang luha sa mata ni Dulce nang muling makumpleto silang apat sa hapag. Isang buwan na rin noong huli sila nagkasabay-sabay kumain. Hindi mapigilang ngumiti ni Dulce nang humiling si Dolly na siya mismo ang tumanggal sa balat ng pasayan. Talagang bumabalik na ang amor ng anak sa kanya. Hindi gaya noon na halos hindi makatingin si Dolly sa kanya.
"Matulog muna kayo saglit, Dill," saad niya sa mga bata nang matapos silang kumain at nagpaunahan na ito sa pagtungo sa sala.
Narinig niyang tumawa si Raphael habang sinusundan din nito ng tingin ang dalawa.
"Hindi mo iyan mapapatulog. Magbababad lang iyan sa telebisyon," napapailing nitong ani nang silang dalawa na lamang ang nasa kusina.
"Talaga? Eh, noong narito sila napatulog ko naman," kibit-balikat na sambit ni Dulce at nagsimula nang iligpit ang mga pinagkainan nila.
Naglikha ng tunog ang paggalaw ng bangko nang tumayo si Raphael. Napalingon siya dito, inakalang susundan nito ang mga anak. Ngunit natigil siya sa paglagay ng mga baso sa lababo nang mapansin ang presensiya nito sa kanyang gilid. Nang lingunin niya ang lalaki, nakita niya itong pinulot ang basahan doon.
Nangunot ang noo ni Dulce. "Ako na dito. Samahan mo na ang mga anak mo doon."
Hindi sumagot si Raphael at nagpatuloy lamang ito sa ginagawa. Napapailing na lamang si Dulce at ibinalik na ang atensiyon sa paghuhugas ng mga pinggan. Bahala na si Raphael kung anong gusto nitong gawin sa buhay.
Makaraan ang ilang minuto, naramdaman na naman niya ito sa kanyang gilid. Nang lingunin niya ulit ang gawi nito, nahuli niya itong nakahalukipkip at matamang nakatitig sa kamay niyang abala sa pagpupunas ng mga hinugasan.
Napatikhim si Dulce. "May gusto kang sabihin?"
Umiling lamang ito at walang pasabing tumulong sa kanya sa paglagay ng mga plato.
"Hindi yata nadalaw si Lazaro ngayon," biglang pagbukas nito ng usapan sa mahinahong boses.
Ipinagkibit-balikat lamang ni Dulce ang naging obserbasyon nito sabay sabing, "Hindi ko alam. Baka busy. Hindi naman siya araw-araw na dumadalaw."
"Ganoon ba? Akala ko kasi talagang araw-araw siyang nagpupunta rito."
"Hindi, ano," napatawang sagot ni Dulce sa gilid ni Raphael. "Nagsasawa rin iyon sa akin."
Napatikhim si Raphael sa kanyang tabi at hindi nakaligtas sa kanyang paningin ang pamumulang bigla ng tenga nito. Biglang rumehistro sa kanya ang ibang implikasyon ng sinabi niya. Napaawang na lamang ang labi ni Dulce kasabay ng pagragasa ng dugo sa kanyang mukha.
"Ang ibig kong sabihin..." Biglang may pangangati sa kanyang lalamunan. Gusto niyang bawiin ang mga salitang sinabi na 'di masyadong akma sa usapan nila tungkol kay Lazaro.
"Wala iyong ibang kahulugan, alam ko," sambit ni Raphael sa mahinang boses, hindi na makatingin sa kanyang gawi ngayon.
Lumuwag ang ginhawa ni Dulce nang marinig iyon mula sa dating asawa. Hindi niya mawari kung bakit ayaw niyang dumihan ang pagkababae niya sa isip ni Raphael. May mali na naman yata sa kanya.
---💛---
Hindi ko alam pero kinikilig ako habang sinusulat ko to. Sana ganun din nafeel niyo nang mabasa to. Hahahaha love lots!!!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top