Kabanata XXVI

---💛---

Kasalukuyang binabagtas ni Raphael ang lubak-lubak na daan patungo sa bahay ng magulang ni Dulce, na ngayon ay bahay na rin nito. Dalawang barangay lang naman ang distansya ng kanilang tirahan ngunit nagmimistulang kaylayo nito.

Isang puting kotse ang sumalubong sa kanyang paningin nang makarating siya doon. May bisita pa yata si Dulce. Pumarada siya sa gilid nito ngunit hindi agad lumabas ng kotse, nagbabaka-sakaling sa iilang minuto lang ay uuwi na ang mga bisita nito. Inabutan na lamang siya ng pagkabagot doon ngunit wala pa ring bisitang lumalabas kaya naisipan niyang tumungo na sa loob.

Sa terasa pala ng bahay ay rinig niya na agad ang boses ni Dill. Sumilip muna siya sa nakabukas na pinto bago inilantad ang presensiya. Sa halip na manurpresa ay siya yata ang nasurpresa nang mabungaran si Lazaro at Dill sa sala, magkatapat sa nakaupo sa sofa habang pinapatong ang piyesa ng chess sa board nito. Nagkasalubong ang kanyang kilay sa nadatnan. Mukhang komportable na ito sa isa't-isa.

"Raphael?"

Lumipad ang tingin niya sa may-ari ng boses. Napatayo siya nang matuwid nang magkasalubong ang tingin nila ni Dulce. May bitbit itong tray ng katas ng dalandan, kasunod nito si Dolly na biglang kumaripas ng takbo't yumakap nang makita siya. Parehong naka-bestida ang mag-ina.

"Pasok ka, Raphael!" anyaya ni Dulce na siyang nagpatigil sa paglalaro ni Dill at Lazaro.

Magkasabay na lumingon ang mga ito sa kanyang direksiyon at parehong napatayo.

"Papa!" maligalig na pagtawag ni Dill sa kanya at mabilis na lumapit upang kunin ang kamay niya at magmano.

Ginulo niya ang buhok nito at muling lumingon kay Dulce na kasalukuyang nilalapag ang tray sa parisukat na lamesang gawa sa muebles.

"Pare," rinig niyang bati ni Lazaro mula sa kaliwang dulo ng sofa sabay tumango.

"Susunduin ko lang 'tong mga bubwit ko, pare," simpleng aniya at muling bumaba ang tingin sa mga batang nakayapos sa kanya. "Kumusta kayo dito? Hindi ba kayo naging pasakit sa ulo ng Mama niyo?"

Hinuli niya ang mata ng nakatingalang si Dolly ngunit mabilis itong nag-iwas ng tingin. Nang si Dill naman ang lingunin niya ay umiling-iling lang ito at sinabing, "Okay naman kami dito, Papa. Palagi nga po kaming pinapasyal ni Mama."

Sa pagkakataong iyon ay napunta naman ang kanyang tingin sa dako ni Dulce. Ngumiti ito sa kanya at inaya siyang umupo muna at magmeryenda, pati si Lazaro. Walang nagawa si Raphael kung 'di ang manatili pa sa bahay nang mas matagal. Plano niya kasi kanina'y aalis na sila agad ng mga bata.

"Kakagaling lang naming magsimba," kwento ni Dulce at inabutan siya ng baso ng orange juice, pagkatapos ay naupo sa tabi ni Lazaro sa pahabang sofa.

Sa kanyang gilid, nagpapaunahan ang kambal kung sino ang unang makakaubos sa isang baso ng juice.

Akmang magtatanong si Raphael tungkol sa inasal ng mga bata nang inabutan din ni Dulce ng baso si Lazaro. Naitikom niya ang bibig at nilagok ang inuming nasa kamay. Hindi niya wari kung ba't bigla siyang naasiwa sa pinakitang pagkamalapit ng dalawa.

"Swak ba ngayon ang negosyo, pare?" rinig niyang tanong ni Lazaro sa kanyang gilid.

Inilapag niya muna sa lamesa ang basong nangangalahati na lamang ang laman bago ito nilingon. Hagip ng kanyang mga mata ang matamang pagtitig ni Dulce sa kanya habang tila hinihintay ang maaari niyang sabihin.

"Maayos naman ang kita ngayon sa talyer. Sa manggahan, ayun, panay spray kami ngayon," kaswal niyang kwento na tila ba magkaibigan sila.

May kutob siyang mas madalas niya itong makakahalubilo dito kaya uunahan na lamang niya ang pagkakataon. Mukha namang komportable si Lazaro sa kanya. Siguro'y dahil matagal na silang magkakilala. Tumatango-tango ito tuwing may sinasabi siya at ganoon din siya dito. Sa gitna ng usapan, nagpaalam si Dulce na aayusin ang mga gamit ng kambal sa kwarto ng mga ito. Agad na bumuntot ang mga bata dito.

Umayos siya ng upo at napatikhim nang mahuling nakasunod ang tingin ni Lazaro sa kanyang mag-ina. May ngiti sa labi nito nang ibalik sa kanya ang atensiyon.

"Ang lambing ng mga anak niyo, 'no?" makahulugan nitong tanong at nilagok ang huling patak ng juice nito.

Napangiti rin si Raphael at muling sumulyap sa direksyon nina Dulce ngunit naglaho na ang mga ito sa likod ng pinto.

"Kung alam mo lang, pare, minsan sakit sa ulo rin iyang mga 'yan. Lalo na si Dolly," pabiro niyang tugon at hinimas ang sariling tuhod.

Makaraan ang ilang palitan ng tipid na kwento't tanong, bumalik na ang mga bata sa sala, ang mga bag ay nakasukbit na sa likod nito. Nakasunod naman sa kanila ang ina. Napatayo siya at hinintay ang mga anak na umabot sa kanyang gilid bago magpaalam na uuwi na.

"Paano," panimula niya at nilingon si Lazaro matapos tumango kay Dulce. "Mauna na kami, pare."

Nangunot ang noo niya nang tumayo rin ito at sinabing, "Sasabay na rin ako, pare."

Inakala niyang doon ito magpapalipas ng gabi.

"Kumain muna kayo ng mga bata, Raphael," ani Dulce sa gilid. "Ikaw rin, Lazaro."

Nilingon niya ito. Biglang bumalik sa kanya ang dati nang magkasalubong ang kanilang tingin. Hindi niya mapigilang ikumpara ang noon at ngayon. Ang intensidad ng mga titig ni Dulce, noo'y nangungusap at kumikislap. Ngunit ngayon, wala na siyang maapuhap na emosyon sa likod ng karamel nitong mga mata.

Iwinaksi niya ang nasa isipan at itinuon ang atensiyon sa kasalukuyan, kung saan inimbitahan siya ni Dulce na sumalo sa kanilang hapunan na hindi mapauunlukan sa ngayon dahil naroon si Rosalinda sa bahay niya, hinihintay siya sa pag-uwi.

"Sa susunod na lang, Dulce," tipid niyang sambit na sinabayan rin ni Lazaro. Naghihintay daw kasi ang mga magulang nito, paliwanag nito.

"Ganoon ba," wika ni Dulce, may halong dismaya sa tono ng boses nito ngunit binawi naman iyon ng isang tipid na ngiti.

Hindi na ito nagpumilit at hinatid na sila sa labas ng bahay nito. Naunang tumungo sa kotse si Lazaro at sumunod si Dulce sa gilid nito. Siya naman at ang mga bata ay nasa teresa pa, nagsusuot pa ang kambal ng sapatos nila.

"Ikamusta mo nalang ako kay Tiyo at Tiya," rinig niyang sambit ni Dulce kay Lazaro sa maikling distansya sa pagitan ng terasa at ng pinagparadahan nito ng sasakyan. "Mag-ingat ka rin sa pagdrive."

Awtomatikong lumipad ang kanyang tingin sa direksyon ng dalawa nang marinig ang lambing sa pananalita ni Dulce. Ang tanging liwanag sa paligid ay ang repleksiyon ng ilaw mula sa sala kaya malaya niyang napagmasdan ang marahang paghaplos ni Lazaro sa tuktok ng buhok ni Dulce bago ito pumasok sa sariling kotse.

Naputol lamang ang pagmamasid niya sa eksena ng dalawa nang marinig ang mga yabag ni Dill patungo sa kinaroroonan ng mga ito, kasabay ng pagsigaw nito ng "Tito!"

Napahalukipkip siya at ibinaling na lamang ang tingin kay Dolly na ngayon ay direkta ring nakatitig sa pwesto nila Dulce.

"Gusto mong puntahan sila?" tanong niya at sinampay ang kamay sa balikat ng anak.

Kasabay noon ay ang pagtawag ni Lazaro sa pangalan ni Dolly. Biglang tumuwid ang tindig ng huli. Ganito ito kapag nasusurpresa. Nakita niyang kinawayan ni Lazaro ang bata at pagkatapos ay tumango ito sa kanya bago tuluyang pumasok sa putting sasakyan.

Nanatili si Dulce sa gilid noon kasama si Dill at hinatid ng tingin si Lazaro hanggang sa tuluyang maglaho ito sa likod ng mahabang pader na pumapagitna sa bahay ng mga Gimenez at ng maalikabok na daan. May multo ng ngiti sa labi ni Dulce nang umikot ito paharap sa direksiyon ni Raphael.

Tumikhim siya at niyakag na ang anak na babae palabas ng terasa ni Dulce.

"Uuwi na rin kami," ani Raphael nang makalapit sa kinatatayuan ng mag-ina niya.

Biglang umihip ang malamig na hanging sinabayan pa ng pagsipol ng puno ng mangga. Nagtiim ang kanyang bagang. Hindi rin nakaligtas sa kanyang mga pansin ang marahang pagyakap ni Dulce sa sarili nitong braso.

"Pasok ka na roon," mahinahong sambit ni Raphael sabay turo ng nguso sa bahay ng babae. "Ako nang bahala magsara ng gate."

Balot man ng dilim ang paligid, nauukit niya pa rin ang mukha ng babaeng kaharap. Nangungusap ang mga mata nito nang muli silang alukin na kumain muna bago umuwi.

"Sa susunod," magalang niyang tanggi at iginaya na ang kambal papasok sa kotse.

Umabot sa kanyang pandinig ang pasimple nitong pagbuntong-hininga ngunit hindi na siya nagkomento pa. Pareho silang mga magulang ng kambal, at pareho nilang hangad na sana sa bawat oras ay makasama ang mga ito. Ngunit dahil sa kanilang paghihiwalay, kinailangan pa nilang magpakiusapan para sa kakarampot na pagkakataong mapahaba pa ang kanilang pagsasama. Dapat na siguro nilang sanayin ang sarili sa dismaya.

Nagtungo si Dulce sa gilid ng nakabukas na pinto ng kotse kung saan nakalagak ang mga anak nila at hinagkang pareho sina Dill at Dolly.

"I love you, mga anak ko. Behave kayo kasama ni Papa, ha," rinig niyang bilin ni Dulce bago siya umikot papunta sa driver's seat.

"Love you too, Mama," magkasabay na tugon ng kambal at isang matunog na halik ang umalingawngaw sa loob ng kotse.

Matapos iyon ay sinara na ni Dulce ang pinto ng kotse at tumungo sa kanyang gilid. Umayos siya ng upo, hawak ang manibela sa kanang kamay, bago ibinaba ang bintana sa tapat niya.

"Mag-ingat ka sa pagmamaneho, Raphael," seryoso nitong sambit at siniplatan ng tingin ang dalawang batang dumukwang pa paharap sa pagitan ng driver's seat upang masilip ang ina. "May mga bata kang kasama kaya magdahan-dahan lang."

Alam naman niya iyon pero hindi niya yata magawang mairita sa nakita niyang kislap ng pag-aalala sa mga mata nito. Tumango-tango siya bilang sagot at pinakatitigan ito. Mapagmahal talaga ang babaeng ito, sa isip-isip niya.

"Kumuha ka ng maid para may kasama ka sa bahay," suhestiyon ni Raphael at sinulyapan ang kambal. "Ano, uuwi na kami. Mag-ingat ka dito."

Isang matamis na ngiti ang pabaon ni Dulce sa kanila pag-uwi. Habang nasa daan ay biglang lumitaw sa kanyang isipan ang larawang iyon, parang nanunukso sa kanyang bumalik sa bahay ni Dulce at doon na maghapunan.

---💛---

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top