Kabanata XXV

---💛---

Limang araw ding nanirahan si Dulce sa bahay ni Raphael bago siya umuwi sa bahay na kinalakihan niya, sa bahay ng kanyang mga magulang na pumanaw na. Dahil sa siya'y unica hija, awtomatikong naipamana sa kanya itong ari-arian nila.

Noong nagtungo siya sa Amerika ay napunta kay Raphael ang kustodiya ng mga bata. Ngunit napag-usapan nilang dalawa ni Raphael na aasikasuhin ang bagay na ito upang magkaroon silang muli ng pantay na karapatan sa kambal. Isinulat niya ang kanilang napagkasunduan at isinumite ito sa kanilang lokal na korte.

Isang buwan ang lumipas bago mapayapang idineklara ng korte na magkahati sila sa kustodiya ng kanilang kambal. Maaaring tumuloy ang mga bata sa bahay niya kailanman nila gustuhin at ganoon din kay Raphael. Ngayong linggo ay nasa kanya ang mga anak.

"Dill, Dolly..."

Sinilip niya ang mga anak sa silid. Mula sa pagbabad ng mga mata sa librong hawak nito ay mabilis na nag-angat ng tingin si Dill sa kanyang direksyon. Samantalang, ang anak niyang babae nama'y nakasimangot lang sa isang gilid, sinisipa ang paanan ng sariling kama. Napabuntong-hininga si Dulce at umiling-iling sa gilid ng pinto. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin siya pinapansin ng anak.

"Mga anak, maligo na kayo at pupunta tayo sa garden ni lola niyo," aniya nang tuluyang pumasok at naupo sa gilid ni Dolly.

Nanigas bigla ang kanyang kalamnan nang inirapan siya ng anak at padabog itong tumungo sa banyo. Napawi lamang ang sakit na pinalasap ng anak niyang babae nang lumapit si Dill sa kanya at hinalikan siya sa pisngi.

"Doon na po ako sa baba maligo, Mama. Pwede po?" malumanay nitong tanong.

"Oo naman, anak." Hinaplos niya ang itim nitong buhok at tumayo na. Sumama siya kay Dill sa pagbaba at nagtungo sa kusina upang maghanda ng baon.

Makalipas ang tatlumpong minuto ay bumaba na ang mga bata sa sala, presko na't nakabihis na. Napangiti siya nang makitang nakapang-terno sila ni Dolly sa suot nilang dilaw na bestida habang si Dill naman ay tila binata na sa suot nitong T-shirt at shorts na brown.

"Halina kayo," anyaya niya sa dalawa palabas ng bahay at papasok sa nirentahan niyang sasakyan. "Naghihintay na si Manong kanina pa."

Habang inaalalayan niya ang mga bata sa pag-akyat sa kotse ay may humintong kotse sa harap ng nakabukas nilang gate. Nabitawan niya si Dolly at agad na tinignan kung sino iyon. Mula sa nakababang bintana ay kumaway si Lazaro at ngumiti sa direksyon niya. Itinago ni Dulce sa isang matamis na ngiti ang kanyang pagkalito sa biglaang pagdating ng kaibigan.

"Manong, sandali lang po," paumanhin niya sa drayber at nilapitan si Lazaro na ngayon ay nakalabas na't nasa gilid ng kulay abo nitong kotse.

Pansin niya ang pagpasada nito ng tingin sa kanyang katawan ngunit hindi na lamang niya iyon binigyang kahulugan. Sa halip ay binati niya ito at sinabing, "Hindi mo naman sinabing bibisita ka pala."

Napakamot ito ng batok at tipid na ngumiti. "Mali nga yata ang timing ko. May lakad kayo?"

Napatango lamang siya.

Lumagpas ang tingin nito sa kanyang likuran. "Si Raphael?"

"Ah, kami lang ng mga bata. Nirentahan ko lang iyong kotse," malumanay niyang sambit.

Tumango lamang si Lazaro at biglang pumagitna sa kanila ang katahimikan. Kung kanina'y hindi niya pansin ang pagdaloy ng pawis sa kanyang noo dahil sa init ng panahon, ngayo'y pakiramdam niya naligo siyang muli dito.

"Ah, ano..." Napatingin siya sa likuran kung saan nakaparada ang sasakyang nirentahan. "Baka gusto mong sumama."

Nagkibit-balikat ito at ngumiti. "Wala naman akong gagawin ngayon. Kaya, sige."

Sumama nga ito at natagpuan na lamang ni Dulce ang sariling pinapakilala si Lazaro bilang kaibigan sa dalawang bata. Pareho itong nakatingala sa binata, may kuryosidad sa tingin. Namimilog pa nga ang mata ni Dill habang nakakapit sa kanyang braso.

Nakangiting yumuko si Lazaro. "Ako ang bantay niyo ngayon."

Napahigpit ang kanyang hawak sa basket na dala nang mahagip ng tingin ang pag-irap ni Dolly. Hindi niya magawang tingnan si Lazaro sa hiya dahil sa pagmamaldita ng anak. Kung nakita man iyon ni Lazaro ay hindi nito pinahalata sa kanya ang dismaya sa pinakitang asal ni Dolly. Sa halip ay ginulo lang nito ang buhok ni Dill at tumayo nang maayos.

"Ako na ang magdala niyan," sambit ni Lazaro kasabay nang marahang pag-abot nito sa basket.

Hinayaan na lang din ni Dulce ang binata iat inakay na ang dalawang anak papasok sa mala-paraisong hardin ng ina. Hindi pa man nakakalagpas sa malapad na tarangkahan ay kumaripas na ng takbo ang mga bata sa kung saan nakalapag ang mga slides at duyang kahoy. Napapailing na lumingon si Dulce kay Lazaro nang marinig ang mahina nitong pagtawa at nahuling nakasunod ang tingin nito sa mga bata.

Ibinalik ni Dulce ang tingin sa kambal. Hindi niya mapigilang ngumiti nang makita ang nakakahawang ngiti sa mukha ni Dolly habang umiindayon sa duyan, katabi ng inuupuan ni Dill.

"Ngayon ko lang iyan nakitang ngumiti," kwento niya kay Lazaro habang binabagtas nila ang sementadong pathway patungo sa palaruan. "Palagi iyang nakabusangot kapag kaharap ako, eh."

Sa gilid ng kanyang mga mata, nakita niya ang pagtango ni Lazaro. Mukhang basa na nito ang sitwasyon nilang mag-ina ngayon. Kilala niya ito bilang isang maintindihing kaibigan kaya walang pagdadalawang isip niyang inilahad dito ang kinabibigatan ng kalooban.

"Hindi ko alam kung kailan ako mapapatawad niyang babae ko," aniya, tinutukoy si Dolly.

"You have to understand kung saan nanggagaling ang pagtatampo niya," mahinahon nitong sambit at niyaya siyang maupo sa pahabang upuang nasa tapat ng palaruan. "Gawin mo lahat para matanggap niyang muli ang pagmamahal mo."

Walang sinabi si Lazaro na hindi niya pa napagtanto. Nagmistulan iyong paalala sa kanya na dapat ay habaan pa ang pasensiya. Itinago niya ang kanyang pagpapasalamat sa binata sa isang tipid na ngiti. Sinuklian naman iyon ni Lazaro ng marahang pagtapik sa balikat.

"I-relax mo rin iyang isip mo minsan, Dulce," ani Lazaro bago siya binitawan. "Sayang ang mga bulaklak dito kung hindi mo papansinin."

Natauhan si Dulce sa rason kung bakit niya napagplanuhang ipasyal ang mga anak dito. Gusto niyang lumikha ng bagong masasayang memorya kasama ang mga anak. Umihip ang malakas na simoy ng hangin at tinangay noon ang kalungkutang kanina lang ay bumalot sa kanya.

"Doon nga tayo sa mga bata," aya niya kay Lazaro.at nauna tumungo sa kinaroroonan ng mga anak.

"Dill, Dolly, si Mama naman."

Sumingit siya sa eksena ng dalawa. Depensa ng sariling isipan, hindi naman mali na muli niyang damhin ang pagiging bata kasama ang mga anak.

"Ma, ang laki mo na po para maglaro, eh." Lumapit ang bata sa kanya at marahan siyang itinulak sa malapit na duyan. "Diyan ka lang po."

"Oo na. Bantay na lang ako sa inyo dito," pagsuko ni Dulce.

Akmang uupo na siya sa duyan doon nang biglang umalingawngaw ang pag-iyak ni Dolly sa palaruan. Nanlalaking pareho ang mga mata ni Dulce at Dill nang lingunin ang batang kasalukuyang nakadapa sa dulo ng slide. Mabilis pa sa alas kwatrong tumakbo sa kinaroroonan ng anak ngunit nauna roon si Lazaro. Inalalayan nito si Dolly na tumayo.

"May masakit ba sa'yo?" rinig niyang tanong ni Lazaro habang nakaluhod sa harap ng umiiyak na si Dolly.

"Dito po," basag ang boses nni Dolly nang sumagot, at nanginginig ang kamay na itinuro ang kanyang kaliwang tuhod.

Umakyat ang nerbiyos sa tuktok ng ulo ni Dulce nang marinig iyon. Sa pagkakataong iyon ay parang nilayasan siya ng katinuan at ang tanging dumidikta sa kanya ay ang pag-aalala para sa lagay ni Dolly. Lumuhod siya sa gilid ni Lazaro ininspeksiyon kung may sugat ba ang anak sa tuhod at mga braso nito. Kahit papaano'y lumuwag ang kanyang paghinga nang makitang, sa likod ng suot nitong pedal, galos lang ang natamo ng anak.

"Umupo muna tayo doon, anak, ha," ani Dulce at inakay ito doon sa bench na inupuan nila ni Lazaro kanina at pinunasan ang mga luhang rumaragasa sa pisngi nito.

Sa unang pagkakataon simula nang magkasama silang muli, walang pagtutol itong sumunod sa sinabi niya. Siguro'y wala ito sa konsentrasyon. Kaya naman, malaya siyang yakapin ito at hagkan sa ulo.

Binitawan lamang niya ang anak nang maramdaman ang presensiya ni Dill at Lazaro sa magkabilang gilid. Naupo ang anak na lalaki sa tabi ni Dolly habang si Lazaro nama'y nanatiling nakatayo sa harap nila.

"Tahan na, Dolly," rinig niyang bulong ni Dill sa kambal na siyang nagpakalma dito. Natigil ito sa paghikbi at ngayo'y sumisinghot na lamang.

Nahinto si Dulce sa paghaplos sa buhok ng anak na babae nang marinig ang malalim na pagtikhim ni Lazaro kasabay ng pag-abot nito ng isang nakabukas na mineral water sa harap ni Dolly.

"Gusto mong uminom?" malumanay na tanong ni Lazaro at yumuko palapit kay Dolly.

Napalunok siya, inaasahang iwawakli lamang iyon ng anak. Ngunit salungat noon ang nangyari.

Nanginginig man ang kamay, tinanggap ni Dolly ang tubig at, sa pagitan ng mga singhot ay nagpasalamat sa binata. "S-salamat po."

"Walang anuman," nakangiting sambit ni Lazaro at marahang tinapik ang ulo nito. "Ganoon talaga kapag naglalaro 'di ba, Dill? Nadadapa talaga, natatapilok."

Nahuli ni Dulce na inosenteng tumango-tango ang anak na lalaki at sinabing, "Opo, Tito."

Pagkatapos ay umayos ito ng pagkakaupo, patagilid kay Dolly. Sinakop nito ang kamay ng kambal at tinapik-tapik iyon nang marahan. Awtomatikong naglaro ang matamis na ngiti sa labi ni Dulce sa pinakitang pag-comfort ni Dill sa kapatid.

Nang mag-angat siya ng tingin kay Lazaro ay nahuli niya itong nakatitig sa kanilang mag-ina, may ngiti rin sa labi.

---💛---

Hi, Hello!

Isang buwan na naman ang lumipas bago ako nakapag-update sa kwentong ito. Gusto ko kasi sanang iedit muna ang mga previous chapters bago ito ipagpatuloy dahil nagdadalawang isip na naman ako tungkol sa naging daloy ng kwento. Feel ko may mali sa mga naunang kabanata. Ewan. Noon kasing binasa ko ulit parang ang korni pala ng dating ng mga kaganapan.

I know that I must write according to how I want my story to be, but I feel so confused about it now. Probably because paputol-putol ang pagsusulat ko, kaya nalilimutan ko na ang orihinal kong plano. Tuloy, nagiging inconsistent ang daloy ng kwento.

I am hoping you can help me on this. Share your about the previous chapters, especially about Raphael's character and of specific scenes you think does not add to the plot development. It would mean a lot. Thank you!!! 💛

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top