Kabanata XXIII
---💛---
MATAGAL na nanligaw si Lazaro kay Dulce noon. Tanda niya pa ang halos sema-semana nitong pagbisita sa bahay, may dalang kung anu-ano: bulaklak, isang kahon ng kutsinta, keyk. Hatid-sundo siya nito noong hayskul pa lamang sila. Ngunit tanging pagkakakaibigan lang ang napala nito sa panliligaw subalit sa mga panahong iyon ay sinisinta na niya si Raphael nang sikreto.
Minsan, nagkakausap sila nang masinsinan, natatahimik siya at napapaisip kung anong naging takbo ng buhay niya kung sinagot niya ito noon.
"Dulce..."
Naputol ang pagmumuni-muni niya nang marinig ang boses ni Lazaro sa kanyang gilid. Nang lumingon siya sa gawi nito'y isang matamis na ngiti ang sumalubong sa kanya, kasabay ng pangangalandakan nito sa isang kahon ng fried chicken sa kanang kamay.
"Maggagabi na," ani Lazaro at tumingala sa kahel na kalangitan. "Bukas mo na tapusin iyang pagla-landscape mo."
Napailing siya at tumawa. "Kung 'di lang ako gutom..."
Magkasabay silang pumasok sa bahay. Siya ay dumiretso sa lababo sa kusina upang maghugas ng kamay habang si Lazaro ay saglit na umakyat sa silid nito. Pagbaba nito ay nakahanda na ang hapagkainan at inaya niya na itong kumain.
"Libre na naman ako sa hapunan," napapailing niyang komento habang kumukuha ng isang piraso ng chiken leg.
"Para ka namang ibang tao," nakangising sagot ni Lazaro sa kanyang tapat.
"Ayoko namang abusuhin ka 'no! Hayaan mo kapag sweldo ko na, ipagluluto kita ng adobo."
Nakangiting umiling si Lazaro. "Hindi naman ako nanghihingi ng kapalit pero dahil sinabi mo, sige."
Gaya ng halos araw-araw nilang pagsasalo ay busog na busog si Dulce hindi lang sa pagkain pero pati na sa mga palitan nila ng kwento't biro. Kahit papaano, napapawi nito ang kalungkutang dala-dala.
"Siya nga pala," pag-iiba ni Raphael sa kanilang pag-uusap nang makarating sila sa harap ng kanyang silid. "Pasasamahin ako ng boss ko sa Texas bukas. Mga isang linggo siguro kami doon."
"Uh, sinisimulan na pala iyong bago niyong proyekto?" tanong naman ni Dulce, tinutukoy ang trabaho nito bilang isang agricultural engineer.
Pinihit niya ang pinto pabukas at hinarap ang binata.
"Oo. Minamadali nga eh." Napakamot ito ng ulo. "Anyway, nagpaalam lang ako. Kung gusto mo at natatakot kang maiwan dito ng mag-isa, pwede ko namang pakiusapan iyong mga kapitbahay natin dito na pakisamahan ka ng anak nila o ano. Basta lang may makasama ka."
Uminat ang labi ni Dulce sa isang matamis na ngiti dahil sa narinig pati na sa nakikitang pag-aalala sa mata ni Lazaro. "Ano ka ba, hindi ako takot maiwan mag-isa pati wala naman sigurong magtatangkang pasukin ang bahay. Huwag mo akong alalahanin."
Narinig niya itong bumuntong-hininga. "Sure?"
"Sure."
Nanlambot ang kalamnan ni Dulce nang lumalim ang titig ni Lazaro sa kanya, mata sa mata. Tila sinisiguro nito ang katotohanan.
"Sige," ani Lazaro pagkatapos ng ilang segundong paninitig. "Pumasok ka na. Alam kong pagod ka rin sa trabaho."
"Okay, good night."
Nakagawian na ni Lazaro na halikan siya sa noo bago ito tuluyang pumasok sa sariling silid. Kaya naman, inasahan na niya ang mga labi nito sa parteng iyon. Ngunit, bumaba ang dampi nito sa kanyang pisngi, dahilan upang magtaasan ang kanyang balahibo sa batok dahil sa pagkabigla.
"Salamat sa gabing ito, Dulce," mahinahong wika ni Lazaro bago tumalikod at iniwan ang nakatangang kaibigan sa harap ng nakabukas nitong kwarto.
Napahawak si Dulce sa parte ng pisngi kung dumampi ang malambot na labi ni Lazaro. Mag-iisang taon nang hindi siya nakaramdam ng pagmamahal mula sa isang lalaki kaya naisipan niyang hindi na niya ito muling mararanasan. Sa edad niyang ito at sa dami ng pasakit na naranasan niya, hindi niya mawari kung bakit nabuhay pa ang kilig sa kanyang mga buto. Hindi pala talaga nakabase sa edad ang pagtibok ng puso.
Batid ni Dulce ang panandaliang pagkawala ni Lazaro sa nagdaang pitong araw. Hanggang ngayon, ginagambala pa rin siya ng naramdaman niyang kilig sa lalaki. Hindi niya akalain na sa pagbalik nito'y madadagdagan ito ng surpresa: literal na surpresa.
Isang malaking bouquet ng dilaw na mga bulaklak ang bumungad sa kanya sa pagdating nito. Saktong nasa sala siya noon nakatambay kaya agad iyong inihandog ni Lazaro sa kanya kasama ang tipid nitong ngiti.
"Ano..." Napalunok si Dulce, tila nawalan ng laway ang kanyang lalamunan. "P-para saan ito?"
"Nakita ko 'to sa flower shop malapit sa hotel kung saan kami nag-stay," paliwanag ni Lazaro nang siguro'y mapansin nito ang pagkatememe niya. "It reminded me of you, kaya binili ko na."
Umakyat ang lahat ng dugo sa pisngi ni Dulce nang tanggapin niya ang bulaklak at pinasalamatan si Lazaro. Wala sa kanyang hinagap na ang supresang iyon ay masusundan pa't masusundan. Tila ang hindi niya pagtanggi sa binigay ang naging pahiwatig naman para kay Lazaro na ituloy ang kung ano mang sikretong minimithi nito.
Noong kaarawan niya'y dinala siya nito sa isang magarang cake shop at binilhan ng isang pabilog na chocolate mousse. Simple lang ang naging selebrasyong iyon. Tumawag ng maaga si Raphael kaya nakausap niya ang mga bata at binati siya. Iyon lang naman ang inaasahan niya sa araw na iyon. Pero dahil kay Lazaro, tila naging mas espesyal pa ito.
Matapos nilang lantakan ang keyk na binili nito sa kanya ay bigla itong may hinugot sa bulsa nito. Napasinghap si Dulce nang mapansin ang isang maliit na kahong itim. Sa itsura palang halatang ang regalo nito ay isang mamahaling aksesorya.
"Lazaro, hindi ko matatanggap iyan..."
"Pinag-ipunan ko talaga iyan para sa'yo," panimula nito, seryoso sa pananalita. "Wala akong ibang pag-aalayan niyan kaya kung hindi mo tatanggapin ngayon, bukas na lang."
Nabunutan siya ng tinik sa huling sinabi ni Lazaro. Inasahan niyang sasama ang loob nito sa kanyang pagtanggi pero heto't nagawa pa talaga nitong magbiro.
Sinundan niya ito ng tingin nang bigla itong tumayo at nagtungo sa kanyang likuran. Pinakiramdaman niya ang bawat galaw nito: ang tunog ng marahang pagbukas ng kahon; ang pagdampi ng hininga ni Lazaro sa kanyang buhok na siyang nagpatindig sa kanyang balahibo at ang lamig na dumaloy sa kanyang leeg dulot ng marahang pagsabit ng kwintas ni Lazaro doon. Napasinghap siya nang mahagilap sa itaas ng kanyang dibdib ang sunflower pendant ng kwintas na gawa sa pilak. Matagal na niyang napansin na nagiging matalik na ang galawan ng binata ngunit ngayon lang bumanat ang kanyang pandama na akuin ito ng buo. Napahawak siya sa pendant, pilit kinakalma ang puso.
"Nagustuhan mo ba?" nakangiting tanong ni Lazaro at bumalik na sa upuan nito.
Nabitawan ni Dulce ang kwintas at, nahihiya man, sinikap na tingnan si Lazaro upang makapagpasalamat dito ng maayos.
"Sobra-sobra na ang binibigay mo sa akin, Lazaro," pagpapaalala niya. "Pero salamat dito. Nagustuhan ko ang kwintas."
"Walang anuman, Dulce. Espesyal ka sa akin kaya gusto kong maging masaya ka sa araw na ito."
Tila hinaplos ng anghel ang puso ni Dulce sa mga oras na iyon. At sa libong beses, tahimik niyang ipinagpasalamat ang presensiya ni Lazaro sa buhay niya ngayon. Tanging ito lang ang nakapag-alay sa kanya ng ganitong pag-aaruga at malasakit.
Sa pagdaan ng iilang buwan, lalo lamang naging malapit si Dulce at Lazaro. Minsan nga, sa kanilang paglabas ay napagkakamalan silang magnobyo. Natatawa na lamang siya tuwing naaalala iyon.
Aaminin niya, pakiramdam niya ibang lebel na ang pagtrato ni Lazaro sa kanya. Mula kasi noong hinalikan siya nito sa pisngi ay nagkaroon na ng malisya ang lahat. Sa tuwing namamahinga sila at nanonood lang ng kung ano sa telebisyon, bigla na lang nitong huhulihin ang palad niya at hahalikan ang likod nito. Tuwing nagkakasabay naman silang maglakad ay napapahawak ito sa kanyang bewang.
Naglaho ang mga memoryang iyon kasama ni Lazaro nang tumunog ang kanyang cellphone, hudyat may tumatawag. Rumehistro ang pangalan ni Raphael sa screen. Tuwing tumatawag ito noon, halos manginig ang kabuuan niya dulot ng pinaghalong kilig, galak at pagpipigil sa sariling emosyon ngunit ngayon, napapangiti na lamang siya at mahinahon itong sinasagot.
"Kumusta kayo diyan?" magkasabay nilang tanong dalawa.
Pumeke ng ubo si Dulce.
"Ang mga bata?" kaswal niyang tanong sa dating asawa.
"Pagod sa eskwela kaya maagang natulog," kwento nito. "Ikaw... Kailan mo planong umuwi?"
Nakagat niya ang ibabang labi. Isa pa ito sa mga inaalala niya. Noong isang araw kasi, ang huli nitong pagtawag, nabanggit niya ditong gusto na niyang umuwi. Pinakiramdaman niya ang sarili. Tingin niya'y sapat na ang dalawang taong paglimot dito.
"Iaayos ko na ang papeles ko," mahina niyang sambit at humalukipkip. "Pwede mo bang ilakad ang tungkol sa bahay ng mga magulang ko? Doon na sana ako mag-iistay..."
Natahimik bigla sa kabilang linya bago muling nagsalita si Raphael. "Ganoon ba. Sige, wala namang problema. May maintenance naman iyon. Kakausapin ko nalang ang housekeeper."
"Salamat," nakangiting sambit ni Dulce.
Natahimik ang parehong linya. May narinig siyang kaluskos na sinundan ng mahinang pagtawag sa pangalan ni Raphael, boses ng babae. Sa pag-aakalang may nadistorbo siya ay pinutol na lamang niya ang tawag.
Pagkatapos noon ay humiga na siya at inilihis ang isipan sa mga sariling plano sa buhay.
---💛---
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top