Kabanata XXII
---💛---
Bilang ni Dulce ang mga araw ng pamamalagi niya sa Amerika. Ngayon ay Sabado, at ang pang-apat na buwang paninirahan niya sa bahay na nirentahan ni Lazaro. Mahirap para sa kanya ang buhay dito, lalo pa't sa bawat gabi ay inaatake siya ng labis na pangungulila sa mga anak niya. Minsan nga ay naiisipan niyang umuwi na lang at lunurin na lang ang sarili sa kabiguang makalimutan ang pag-ibig para kay Raphael.
"Ehem."
Mula sa malalim na pag-iisip ay nabalik si Dulce sa reyalidad nang may maramdaman siyang presensiya sa kanyang tabi, sa itim na sofa dito sa sala.
"Tulala ka na naman," seryosong komento ni Lazaro nang lingunin niya ito.
Hindi niya namalayang dumating na pala ang kaibigan, suot pa rin nito ang uniporme ng pinagtatrabahuan nitong factory. Siguro'y dumiretso ito sa kanyang pwesto ngunit hindi niya lang iyon napansin dahil sa layo ng nilakbay ng kanyang isipan, pilit bumabalik sa iniwan niya sa Pinas. Napabuntong-hininga na lamang si Dulce at isinandal ang likod sa sofa. Sinundan lamang siya ng tingin ni Lazaro ngunit halata sa mga mata nitong nag-aalala ito sa estado niya.
"Hindi ko lang mapigilang... Alam mo na..." Napapailing siya habang nagku-kwento. "Hindi ko mapigilang isipin na mali ang pagpunta ko dito."
"Normal lang naman ang mangulila, Dulce. Naranasan ko na rin iyan dito," tugon naman ni Lazaro at nag-abot sa kanya ng isang burger.
Wala sa sariling tinanggap niya iyon at nagpasalamat. "Hindi lang ito bastang pangungulila lang, Lazaro. May mga anak akong iniwan doon, mga anak na nangangailangan pa ng aruga at gabay ng isang nanay."
Napatango-tango si Lazaro, tila ba nagpapahiwatig ng pag-iintindi. "Batid kong inaalala mo lang ang kalagayan ng mga anak mo, Dulce, pero naroon naman si Raphael. Tiyak na hindi niya pababayaan ang mga anak ninyo."
"Alam ko naman iyon," mahinang wika ni Dulce at umayos ng pagkakaupo. "Pero hindi noon mababago ang katotohanang napakawalang kwenta kong ina dahil nagawa kong iwanan ang mga anak ko. At... at para saan lang ba itong paglayo ko?" Biglang nabasag ang kanyang boses at tuluyang kumawala ang hikbi na kanina niya pa pinipigilan. "Para lang... para lang sa sarili ko."
Natahimik si Lazaro sa kanyang tabi, at pinagpasalamat niya iyon. Nagpatuloy lamang siya sa paghikbi at ibinuhos sa pagkakataong iyon ang lahat ng kipkip sa puso. Makaraan ang ilang segundo'y naramdaman niya ang palad ng kaibigan sa kanyang balikat. Marahan itong humagod roon at dahan-dahan siyang isiniksik sa dibdib nito.Lalo siyang napahagulgol at nawalan ng inhibisyon sa katawan.
"Hindi ko na alam," napasinghot si Dulce at muli niyang paglalahad ng saloobin. "Pagbalik ko, ano... Baka... Baka may sama ng loob na ang kambal sa akin. Baka hindi na nila ako kilalanin bilang ina."
Dahan-dahang bumitaw si Lazaro sa yakapan nilang dalawa ngunit nanatili ang mga kamay nito sa magkabila niyang braso at ipinaharap siya dito. "Dulce, maayos ang naging paghihiwalay ni Raphael kaya walang rason upang siraan ka niya sa mga bata. Isa pa, hindi lang ito para sa sarili mo, Dulce, kahit iyan pa ang paniniwala mo. Sa nakikita ko, ang paglayo mo ay isang sakripisyo para sa kanila. Para pagdating ng panahon ay mas madali sa kanilang tanggapin na magkahiwalay na ang kanilang mga magulang."
Nakatingin lamang si Dulce sa mga mata ni Lazaro habang nagsasalita ang binata, at kahit na hindi maproseso ng negatibo niyang pananaw ang sinasabi nito, nagawa nitong pakalmahin siya. Marahan siyang tumango at pinahid na ang mga luha. Natapos ang gabing iyon na ipinagdadasal niya ang kalagayan ng pamilya sa Pinas at ipinagpasalamat ang presensiya ni Lazaro, pati na kabutihan sa puso nito.
Hindi akalain ni Dulce na aabot siya ng sampung buwang paninirahan sa Amerika. Kung wala si Lazaro na nakakausap niya ay baka nauwi na siya ngayon sa Pinas o mas malala, baka nabaliw na siya sa pag-iisip ng kung anu-ano. Siguro'y nakatulong rin ang paminsan-minsang pakikipag-usap niya kay Raphael at ng mga bata sa cellphone. Madalas, siya ang tumatawag pero paminsan-minsan din ay nauuna ring mangumusta ang mga ito.
"Mag-kikinder two na ang mga bata sa pasukan," pagbabalita ni Raphael kay Dulce. Ito ay isa sa iilang pagkakataon na ito mismo ang tumawag sa kanyang numero.
"Mukhang kailangan mo na namang maghanda. Magpapabili na naman iyan ng mga bagong gamit," nakangiting sambit ni Dulce at tumayo mula sa pagkakaupo sa kama at nagtungo sa nakabukas na bintana ng bahay'ng nirentahan.
Napatingala siya sa mga bituin sa himpapawid nang marinig ang pagtawa ni Raphael sa kabilang linya. Napayakap siya sa sarili nang biglang nanlamig ang kanyang paligid.
"Oo nga eh," ani Raphael. "Nangungulit na nga na magpunta daw kaming mall. Baka isama ko nalang si Dita para siya na ang mamili sa mga gamit ng mga bata."
Naglaho ang ngiting nakapaskil sa labi ni Dulce.
"Kung nandiyan lang sana ako..." mahinang sambit niya kasabay ng isang malalim na buntong-hininga.
Biglang namutawi ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa nang dating asawa.Siguro'y naghihintay ang binata sa maaari niyang dugtong sa sinabi kanina. Pero nang mapagtanto nitong wala na siyang plano dugtungan ang sariling kadramahan ay binasag nito ang katahimikang iyon.
"Kailan ka nga pala uuwi sa amin?" kaswal na tanong ng binata na siyang nagpatigil sa kanya sa pagdamdam, ngunit bago pa man siya makapagbigay ng ibang reaksiyon ay binawi na nito ang sinabi. "Ano... ang ibig kong sabihin, kailan ka uuwi dito?"
"Hindi ko pa alam, Raphael," seryoso niyang sagot. "Teka, asan ba ang mga bata? Tulog na ba?"
Narinig niyang tumikhim ang binata sa kabilang linya bago ito muling sumagot. "Ayun, nasa silid na nila at natutulog na. Pagod kasi sa kalalaro kanina."
Napanguso si Dulce sa narinig. "Ganoon ba. Sayang at hindi ko sila natawagan ng mas maaga."
"Hayaan mo bukas, tatawagan ka namin sa umaga."
"Okay," ani Dulce kasabay ng pagtango. "Hihintayin ko ang tawag niyo."
"Matutulog ka na ba?" tanong ni Raphael sa kanya nang siguro'y madinig nito ang mahina niyang paghikab.
"Oo sana," simpleng sagot ni Dulce at dahan-dahan nang sinara ang bintana ng silid. "Medyo malalim na ang gabi dito. Ikaw, matulog ka na rin."
Ilang segundong nawala si Raphael sa kabilang linya bago ito muling nagsalita. "Sige, good night na, Dulce."
Sumilay ang matamis na ngiti sa labi ni Dulce kasabay ng pagdagsaan ng mga paru-paro sa kanyang tiyan. Nagkahiwalay na sila't lahat pero may kilig pa rin talagang dala ang mga simpleng salita ni Raphael. Marupok na kung marupok pero sa depensa niya, hindi naman gaanong kalalim na ang nararamdaman niya sa lalaki kaya hinahayaan na lamang niya ang sariling ilabas ang totoong emosyon para dito. Sa isip ni Dulce, kapag tinago, lalo lamang lalabo.
"Okay, good night din," simpleng sagot niya at tinapos na ang tawag.
Dumalas pa ang mga pag-uusap ni Dulce at Raphael tuwing gabi sa cellphone kung kaya't nasanay na siya sa matatamis nitong linya. Napagtanto niyang natural na ganoon si Raphael kay nararapat lang na hindi niya na haluan ng anumang kahulugan ang sinasabi nito tuwing nagkakausap sila. Sa reyalisasyong iyon ay mas naging madala sa kanya ang mag-move on.
"Happy birthday, Dill!" masiglang bati ni Dulce sa kanyang anak na lalaki upang kahit sa malayo, maipagdiwang niya ang kaarawan nito. "May regalo ako sa'yo kaso sabi ng ama mo hindi pa daw umaabot sa inyo iyong package."
"Ano po 'yon, Mama? May skateboard ka po ba na binili?" may galak nitong sambit sa kabilang linya.
Napangiti si Dulce, sa kabila ng labis na pangungulila na muling mahagkan ang anak. "Mukhang naging happy ka sa handa mo ngayong birthday mo, ah?"
"Oo naman po! Kasi maraming nagpunta sa bahay para kantahan kami ni Dolly ng happy birthday. Nandito nga po kanina sila Dexter, Jopet, Benben, pati sila Lola Narcing at si Lolo Amon," kwento nito habang iniisa ang mga pinsan at Naglechon nga po kami, eh. Tapos may cake din po, dalawa. Para daw kay Dolly iyong isa, iyong Hello Kitty and design. Akin naman, chocolate cake lang po."
"Natutuwa akong marinig na nag-enjoy kayo ng kambal mo sa handaan niyo diyan," nakangiting komento ni Dulce habang ninamnaman ng pandinig ang kasiyahan sa tono ni Dill habang nagku-kwento ng mga kaganapan sa kaarawan nito.
Napaungot si Dill nang marinig ang pangalan ni Dolly at nagsumbong, "Kanina, Mama, noong naglalaro pa sila ni Rosa at binubuksan niya pa iyong regalo niya, tumatawa pa siya. Pero noong nasa kwarto na kanina, inaaway na ako at naka-ismid na siya palagi sa'kin. Nagmamaldita na naman po siya."
"Naku..." Napailing si Dulce at biglang tinubuan ng pag-aalala dahil sa kanyang balita tungkol kay Dulce. Hindi ito ang unang beses na narinig niya ang pagpapakita nito ng pagiging suplada. "Baka nawala lang iyon sa mood, iyong kambal mo. Intindihin mo nalang."
"Opo, Mama," ani Dill.
Napabuntong-hininga si Dulce. "Sige na, matulog ka na at magpahinga. Happy birthday ulit, anak."
Tuluyan nang nagpaalam si Dill sa kanya at sinabing ibibigay na sa ama ang cellphone. Makaraan ang ilang segundo ay boses naman ni Raphael ang pumalit sa linya.
"Narinig ko sa anak mong lalaki na medyo nagsusuplada na naman si Dolly," pagklaro niya kay Raphael kasabay ng isang buntong-hininga. "Disiplinahin mo rin sana paminsan-minsan."
Ilang segundong natahimik sa kabilang linya, tapos biglang may dabog ng pintong sinasara at sumunod ang malamig na boses ni Raphael. "Hindi naman ako nagkukulang sa pagpapaalala sa kanila, kung iyan ang ibig mong sabihin. Normal lang naman sa mga bata ang maging suplada minsan, hindi ba? Parte iyon ng paglaki."
Napahilot si Dulce sa kanyang sentido at sinenyasan si Lazaro mula sa kabilang gilid ng hapagkainan na aakyat na siya sa kanyang silid. Isang tipid na ngiti lamang ang tugon nito.
"At hahayaan mo na lang na lumaking maldita ang anak mo?" muli niyang pagkausap kay Raphael habang binabagtas ang iilang baitang ng hagdan.
Tumikhim si Raphael sa kabilang linya. "Teka nga... Ba't parang sa tono ng pananalita mo, ako iyong sinisisi mo kung bakit nagkakaganyan ang anak natin?"
"Hindi naman sa sinisisi kita," depensa niya habang pinipihit ang pinto papasok ng silid. "Eh, bilang ikaw ang nakakasama nila araw-araw, ikaw din ang unang nakakapansin kung may pinapapakita silang 'di magandang asal."
"Ah, kasi ako ang nandito't kasama nila," malamig nitong sambit, halata sa boses ang pagkayamot.
Napabuntong-hininga si Dulce habang humuhugot ng T-shirt sa kanyang cabinet. "Raphael..."
Narinig niya rin ang malalim nitong paghinga bago muling nagsalita. "Oo na, huwag ka nang mag-alala. Pagsasabihan ko ang anak natin bukas na bukas din. Naiintindihan ko naman ang concern mo bilang ina."
Mapait siyang napangiti, kahit hindi siya nakikita ng kausap. "Salamat, Raphael. At salamat din sa pagtitiyaga mong ibigay sa kanila ang lahat."
Biglang natahimik ang kabilang linya. Ibaba na sana niya ang cellphone sa pag-aakalang naputol na ang tawag ngunit naririnig pa naman niya ang mga kuliglig sa background.
Dumaan ang limang segundo bago muling nagsalita si Raphael. "Wala ito, Dulce. Anak ko ang mga iyan kaya natural lang na ibibigay ko kung ano kaya kong ibigay para sa kaligayahan nila."
Lalong lumambot ang puso ni Dulce sa narinig at marahang napatango. Hindi niya maipagkakailang napakabuting ama nitong lalaking kausap niya. At tahimik niyang ipinagpasalamat sa Maykapal na ito ang ama ng mga anak niya. Kung ito na lamang ang maging papel ni Raphael sa buhay niya, hindi na siya hihiling pa ng iba. Magaan ang damdamin ni Dulce habang inaamin sa sarili na tanggap na ng buo niyang pagkatao na hanggang doon lang talaga ang para sa kanilang dalawa.
Mula sa kaunting argumento ay nauwi ang usapan nila sa kung anu-ano. Hindi namalayan ng dalawa nag mag-iisang oras na pala silang nagkausap. Naputol lamang iyon nang may biglang kumatok sa pinto ni Dulce. Saglit siyang nagpaalam sa dating asawa upang pagbuksan si Lazaro. Wala naman nang ibang tao sa bahay maliban sa kanya, at nakaugalian na talaga nitong i-check ang lagay niya bago ito pumasok sa sariling silid at matulog.
"Ayos ka lang?" bungad nito sa kanya, may pahiwatig ng pag-aalala sa tono ng boses nito.
"Oo naman, ano. Huwag mo na akong problemahin at matulog ka na doon," aniya at nginitian si Lazaro bilang kasiguraduhan na wala nga talagang problema. Ayaw niyang mag-alala na naman ito gaya noong mga unang buwan, kung kailan siya ay nakaranas ng labis na pagkwestiyon sa kanyang mga naging desisyon sa buhay.
"Napansin ko lang kasi kanina na medyo nag-iba ang mood mo habang katawagan mo si Raphael," napapakamot-ulong sambit nito pero ngumiti rin pagkatapos. "Mabuti kung ganoon. Paano, pasok na ako."
Tumango lamang si Dulce at nakangiting sinundan ito ng tingin habang naglalakad ito patungo sa kabilang pinto. Nagsara lamang siya ng pinto at bumalik na sa paanan ng kama nang tuluyan na itong naglaho sa kanyang paningin.
Akala niya'y pinutol na ni Raphael ang tawag ngunit nang kunin ang cellphone sa ibabaw ng kama upang itago sa lamesa sa gilid nito ay napansin niyang tumatakbo pa ang mga segundong nagsasabi kung ilang oras na silang magkausap ng katawagan niya. Pero baka nakaligtaan lang nitong pindutin ang end call.
"Raphael?" pagtawag niya sa atensiyon ng nasa kabilang linya. "Andyan ka pa rin ba?"
Sa kabilang dako ng mundo, naroon si Raphael at hinihintay ang pagbalik ni Dulce sa linya. Dapat ay kanina niya pa pinutol ang tawag dahil iilang dolyar na rin ang nagastos ni Dulce dahil sa haba ng naging takbo ng usapan nila sa cellphone.
Pero kinain siya ng kuryosidad kaya heto hanggang ngayon ay nasa linya pa rin siya at dinidinig ang usapan ni Dulce at ng kung sino man sa malayo, kahit na hindi naman talaga niya mapunto ang paksa ng mga ito dahil siguro sa distansya ng cellphone mula sa kinaroroonan ni Dulce ngayon. Ang alam niya lang ay boses lalaki ang kausap nito. Siguro'y si Lazaro. Nagkakamabutihan na yata ang dalawa, aniya sa isipan. Napatango-tango na lamang siya sa sarili habang nakasandal sa bintana. Wala namang kaso iyon sa kanya kung ano man ang gawin ni Dulce sa buhay niya pero gusto niya lang na kahit papaano may alam siya sa tinakbo ng palad nito. Kaya niya lang ginagawa ang sikretong pakikinig ay dahil hindi nagkukwento si Dulce sa personal nitong buhay sa Amerika.
Makaraan ang ilang minuto ay narinig na ulit niya si Dulce sa kabilang linya, tinatawag ang pangalan niya. Napaayos siya nang tayo at tumikhim.
"Si Lazaro iyon?" pagkumpirma niya lang.
"Oo," tipid na sagot ni Dulce. "Ano... matutulog na din ako. Maaga akong aalis bukas, eh, dahil alam mo na, work."
Napailing na lamang si Raphael at napangiti. "Sige, good night na. Alam kong kailangan mo ng beauty rest para naman maganda ka sa paningin ng kaibigan mo."
"Tumigil ka nga. Ang malisyoso mo," natatawang komento nito. "Sige na, good night na din."
---💛---
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top