Kabanata XX
---💛---
MATAGAL na pinag-isipan ni Dulce ang suhestiyon ni Lazaro. Iyong marinig iyon, batid niya agad na may punto ito. Kung patuloy niyang makakasama ang asawa, hindi niya magagawang kalimutan ang pag-ibig niya dito. Kung walang mga batang maaapektuhan ay matagal na nga siyang wala sa tabi nito pero ngayon ay nag-aatubili siyang umalis dahil nga sa mga anak niya. Kailangan siya ng mga ito.
Umabot ng ilang araw bago niya napagpasiyahang kausapin si Raphael hinggil dito. Wala ang mga bata ngayon, nasa eskwela. Si Dita ay naroon din upang bantayan ang mga bata. Malaya siyang kausapin ito ng silang dalawa lang ngayon sa kusina habang nanananghalian.
Tumikhim si Dulce upang makuha ang atensiyon ng asawa. Epektibo naman ito dahil mabilis na lumipad ang tingin ni Raphael sa kanyang mukha. Nagkasalubong ang kanilang tingin kung kaya napasandal siya sa kanyang upuan.
"Naisip ko lang..." Muli siyang napatikhim. "Paano kung lumayo muna ako ng, ano, panandalian."
Nagkasalubong ang dalawang kilay ni Raphael at lumalim ang titig na ipinukol nito sa kanya, tila nang-eestudiyo sa kanyang iniisip. "Gusto mong umalis. Iyon ba ang nais mong iparating?"
May bikig man sa lalamunan ay sinikap ni Dulce na sumagot. "Oo, sana."
Umalingawngaw sa buong silid ang biglaan at padabog na paglapag ni Raphael ng kanyang kutsara sa platong puno pa sana ng pagkain. Umalpas ang singhap sa labi ni Dulce at napahawak siya sa kanyang saya sa ilalim ng mesa. Hindi niya makontrol ang panginginig ng kamay.
"Para saan?" sarkastikong sambit ni Raphael, ang titig nito ay tila tumatagos sa kanyang kaluluwa. "Para sa pansarili mong hangarin? Paano ang mga bata, ha?"
Kagat-labing napayuko si Dulce at pabulong na sinabing, "Isasama ko rin sana ang mga bata."
Lalong bumaon ang ngipin ni Dulce sa kanyang labi nang marinig ang mapagklang tawa ni Raphael.
"Sa tingin mo, papayag ako? Nag-aaral na ang mga bata tapos bigla mong ililipat sa kung saang lugar lang? At parang desidido ka pa talaga, ha?"
Patuloy lamang si Dulce sa pagyuko sa takot habang pinapakiramdam ang ingay sa paligid. Napaigtad siya nang marinig ang marahas na pag-isod ng upuan sa kanyang harapan, hudyat ng pagtayo ni Raphael.
"Wala aalis, Dulce," giit ni Raphael na siyang dahilan ng pag-angat niya ng tingin.
"Pero Raphael..." tanging namutawi sa kanyang bibig.
"Kung gusto mong umalis, sige! Umalis ka," pasigaw nitong sambit habang kinukumpas ang hintuturo sa pinto ng kusina. "Pero hindi mo madadala ang mga bata. Dito lang sila, kasama ako. Kung kaya mong iwan ang mga anak mo, ngayon din pwede ka nang maglaho."
Mariing napapikit si Dulce at naikuyom ang mga palad nang balibagin ni Raphael ang upuan nito at padabog na umalis doon. Pakiwari niya ay nabigla niya ito at nagalit dahil sa pag-aakalang madali lang sa kanyang iwan ang mga anak nila. Huminga nang malalim si Dulce at bumalik sa pagkain, ngunit ngayon ay kasalo niya ang mga luhang pumapatak sa kanyang saya.
Hindi madali sa kanyang iwan ang mga anak pero hindi niya na talaga matiis ang lason ng pagmamahal niya kay Raphael. Kahit isang buwan lang o kalahating taon, makalimot lang siya, ay susunggaban niya. Gagawa na lamang siya ng dahilan upang kahit papaano'y hindi sumama ang loob ng mga anak niya sa kanya.
Noong dumating galing eskwela sina Dill at Dolly, sundo ng kanilang ama, ay agad siyang naghain ng meryenda para sa mga ito. Si Raphael naman ay lumabas ulit ng bahay at hindi niya alam kung saan iyon patungo.
"Dolly, Dill..." tawag ni Dulce sa kanyang mga anak habang nakaupo siya sa pagitan ng dalawa sa kanilang pahabang sofa sa sala, nilalantakan ang gawa niyang sandwich.
Napalingon ang dalawa sa kanya at sabay pang sumagot ng, "Po?"
Marahang humaplos ang palad ni Dulce sa buhok ng dalawa, tila ba hinahanda ang mga bata sa maaaring marinig ng mga ito. Isang malungkot na ngiti ang gumuhit sa kanyang labi matapos huminga nang malalim. Ito na.
"Kasi may sasabihing importante si Mama sa inyo."
Parehong nakatingala ang dalawa sa kanya kaya madali niyang nahagilap ang pag-iba ng ekspresyon sa mukha ng dalawa. Nangunot ang noo ni Dill habang si Dolly naman ay tipid na ngumiti.
"Ano po iyon, Mama?" ani ng babaeng anak.
Muli niyang hinaplos ang mga buhok nito. "Kasi, ano, magtatrabaho muna si Mama sa ibang bansa."
"Trabaho po? Iyon pong magwalis po? Pero diba po nagtatrabaho naman po kayo sa bahay? Pati Mama, ano iyong bansa?" sunod-sunod namang tanong ni Dolly habang si Dill ay tahimik lang sa isang tabi.
"Ano, anak, sa malayong lugar ako magtatrabaho."
"Hindi ka po namin makikita araw-araw?" singit ni Dill.
Mapait siyang ngumiti at hinalikan ang noo ng dalawa. "Uuwi din naman si Mama. Si Papa muna ang mag-aalaga sa inyo habang wala ako."
Tila piniga ang puso ni Dulce nang bigla na lamang yumakap si Dolly sa kanyang tiyan. Agad niyang hinaplos ang buhok nito nang marinig niyang humikbi ang kanyang anak.
"Dolly, hindi naman mawawala talaga si Mama. At tatawagin din naman ako sa telepono," ani Dulce bilang pangungumbinsi niya.
Mahinang tumango ang dalawa na siyang nagpaluwag at nagpabigat din ng kanyang damdamin. Gusto niya talagang makawala muna ngunit nakukunsensiya siya sa pag-iwan sa mga bata. Sana lang ay hindi ito magtanim ng galit sa kanya.
"Mami-miss ko po ikaw, Mama," ani Dolly.
Nakiyakap na rin si Dill at naglahad ng damdamin. "Ako din po, Mama."
Niyapos niya ang dalawa nang mahigpit habang pinipigilan ang pagtulo ng luhang namuo sa gilid ng kanyang mga mata. "Mga anak ko talaga. Malalaki na. Sana maintindihan niyo si Mama."
Matapos ang usapang iyon kasama ang mga bata ay agad na inasikaso ni Dulce ang mga papeles niya paalis ng Pilipinas. Tumatawag naman si Lazaro upang i-monitor ang kung kailan ang alis niya. At matapos ang araw ding iyon ay hindi na sila nagkaroon ng maraming interaksyon ni Raphael. Nagkakasabay silang kumain kasama ang mga anak, nagkakasalubong sila sa bahay at nagkakatinginan pero hindi siya nito kinikibo. Hindi na rin siya nag-abalang kausapin pa ito dahil wala rin namang patutunguhan ang lahat.
Ngunit naputol ang ganitong set-up nila nang himalang niyaya siya ni Raphael na samahan siyang sunduin ang mga bata sa eskwela. Dahil nga sa nakokonsensiya siya sa kanyang pagiging makasarili sa naging desisyon ay walang atubili siyang nagpatianod.
Habang nasa daan ay tahimik lamang silang dalawa ngunit binasag iyon ng malakas na pagtikhim ni Raphael na sinundan pa ng biglang pagtanong nito, "Kailan ang alis mo?"
"Sa susunod pang linggo siguro," maikling sagot ni Dulce habang ang tingin ay diretso lang sa daan.
Hindi niya mawari kung bakit bigla itong naging matanong gayong nawalan naman na ito ng pake sa kanya sa ilang linggong nagdaan.
"Saan?"
"Amerika."
"Kailangan mo ba talagang umalis para makalimot?"
Napakagat-labi si Dulce. Bakit may naririnig siyang hinanakit sa tono ng pananalita nito? Ipinilig niya ang ulo sa bintana ng kotse at pinikit ang mga mata, pilit binubulong sa isipan na ang lahat ng ito ay manipulasyon lamang ng kanyang desperadong damdamin.
"Gusto ko, Raphael," matabang niyang sagot nang matauhan.
"May dadalo sa'yo doon? Sinong matitirhan mo doon?"
"Si Lazaro."
Sa gilid ng kanyang mga mata, kita niya ang paghigpit ng kapit nito sa manibela at biglang bumilis ang pagpapatakbo nito.
"Lazaro? Iyong dating mong maliligaw?" puno ng sarkasmong tanong nito.
"Kaibigan ko iyon, Raphael," depensa niya dahil kahit papaano ayaw niyang mag-isip ito ng masama.
Biglang natahimik ang katabi. Dumaan ang ilang minuto bago ito muling nangulit ng tanong.
"Siya iyong palagi mong katawagan sa telepono?" pagkompirma nito sa hinala.
Mahinang tumango si Dulce. "Oo, minsan. Nangangamusta lang naman siya."
"Tss," ani ni Raphael at biglang inihinto ang sasakyan sa gilid ng kalsada.
Nangunot ang noo ni Dulce at mabilis na lumipad ang tingin sa labas ng bintana ng kotse. Nasa tapat sila ng isang bakanteng lote at wala masyadong nadadaan doon. Tirik pa rin ang araw kahit alas tres y medya na ng hapon.
Bumalik ang tingin niya kay Raphael nang marinig niya ang padabog nitong pagsara ng pinto ng kotse matapos itong lumabas at nagtungo sa unahan. Sinundan niya ito ng tingin at nangunot ang noo nang makita itong dumukot ng sigarilyo mula sa bulsa at sinindihan iyon gamit ang lighter.
Sinundan niya ito at tinawag, "Raphael, saan ka pupunta?"
Imbes na pakinggan siya at bumalik na sa kotse ay humithit pa ito ng sigarilyo. May plano pa nga yata itong magbabad sa ilalim ng tirik na araw.
Napahilot si Dulce sa kanyang sentido bago napagdesisyunang lumapit sa asawa. "Naghihintay iyong mga bata, Raphael. Halika na."
And diretsong tingin nito sa bakanteng lote ay lumipad ang tingin ni Raphael sa kanyang gawi. Napaawang ang labi niya nang dumilim ang mukha nito.
"Ano lang ba itong paghihintay nila ng ilang minuto kesa sa paghihintay nilang bumalik ka galing sa tanginang Amerika na 'yan?" sarkastikong sambit nito at muling humithit ng yosi at bumuga ng usok sa ere.
Umawang ang labi ni Dulce at bigla siyang tinubuan ng hiya. Sa pagkakasabi noon ni Raphael ay naramdaman niyang ang laki ng magiging kasalanan niya sa pamilya. Natahimik siya. Bitbit ang bigat sa puso, iniwan niya doon si Raphael at bumalik na ng kotse.
Mula doon ay pinagmasdan niya ang asawa habang patuloy ito sa paninigarilyo sa harap ng bakanteng lote. Nakatagilid ito at nakapameywang sa kaliwang kamay. Kahit hindi kita ang ekspresiyon sa mukha nito ay wari niya aburido pa rin ito. Ang hindi niya maintindihan ay kung bakit ganito makareak si Raphael, eh sa tinagal na hindi siya nito kinausap ay akala niya wala na itong pakealam kung saang lupalop man siya maglayas.
Makaraan ang ilang minuto ay bumalik din naman ito sa kotse, nangangamoy sigarilyo kaya napaismid siya. "Tigilan mo na ang paninigarilyo, ha?"
"Naninigarilyo lang ako kapag na-iistress ako," yamot nitong sambit habang pinapaandar ang makina ng sasakyan.
Napabuntong-hininga na lamang si Dulce at sumandal sa bintana ng kotse. "Sa susunod na Linggo ay baka aalis na ako kaya wala ng magiging dahilan para manigarilyo ka pa."
Namutawi ang katahimikan sa loob ng kotse nang hindi na dumugtong si Raphael sa usapan. Hanggang sa masundo nila ang kanilang mga anak at sa makauwi ng bahay ay hindi na ito muling umimik sa kanya. Ang mga bata lamang ang kinakausap nito at ganoon din naman siya. Balik sa dati na naman.
Tapos na sana ang araw na iyon. Tulog na ang mga bata at si Dulce naman ay nasa silid na rin nito. Pero si Raphael ay hindi pa talaga dinadalaw ng antok. Tumambay muna siya sa gilid ng nakabukas na bintana. Hindi alintana ng hubad niyang katawan ang paghampas ng malamig ng hangin sa gabi sapagkat nanalaytay sa kanyang kaugatan ang init na dulot ng alak na kanina niya pa tinutungga.
Kung saan-saan napapadpad ang kanyang kaisipan, inaabala ni Dulce. Sumasakit ang ulo niya pati may kung anong tumutusok sa puso niya sa kaisipang aalis ito. Hindi niya alam kung bakit hindi ito kayang tanggapin ng sistema niya. Mas mainam nga iyong wala na si Dulce at maghiwalay na sila ng tuluyan nang sa ganoon ay magkaroon na ng kapayapaan ang buhay niya. Sa frustration ay napapahilamos na lamang siya sa kanyang mukha.
Gusto niya itong pigilang umalis pero paano? At bakit? Di ba nga't gusto niyang makipaghiwalay dito? Ano naman ito ngayon? Napapamura na lamang siya sa sarili.
"Tangina, Raphael. Umayos ka," naibulalas niya.
Biglang sumagi sa isip niya ang annulment papers na noon niya pa inihanda. Nagtungo siya gilid ng kama at kinuha iyon sa drawer. Pero nang hugutin niya ito ay may sumamang litrato ni Rosalinda. Pinulot niya ito at pinakatitigan.
Naging blangko ang lahat. Nahanap na lamang niya ang sariling pinipirmahan ang annulment papers na nakalapag sa lamesang nasa gilid ng kama.
---💛---
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top