Kabanata XVIII
---💛---
Tinitigan niya ang malamlam na mga mata ni Raphael upang matantiya kung ano nga ba ang nasa isipan nito. May kakaibang intensidad ang tinging pinupukol nito sa kanya at tila may sinseridad doon. Ngunit hindi niya magawang paniwalaan ang nakikita ng mga mata dahil baka ilusyon lamang ito ng pusong nagiging desperada na naman.
"Alam mo ba kung anong pinagsasabi mo, Raphael?" makahulugang tanong ni Dulce kasabay ng pagbawi niya sa sariling kamay na kasalukuyang hawak ng asawa.
Hindi nakaligtas sa kanyang tingin ang panandaliang pagbaba ng mga mata ni Raphael sa kamay nitong nasa pagitan nila. Ngunit agad ding bumalik ang tingin nito sa kanyang mga mata. Nahuli niya ang pagbuntong-hininga nito bago magsalita.
"Mahirap bang paniwalaan?" matigas nitong wika na may kasamang pag-igting ng mga bagang. "Alam mong hindi ako naglalahad ng mga bagay na hindi totoo."
Siya naman ngayon ang napabuntong-hininga. Mula sa kaibuturan ay hinugot niya ang lakas ng loob na muling ilabas ang mga hinaing sa asawa.
"Oo, alam ko. Alam na alam ko iyan, Raphael. Kaya nga ni isang beses hindi mo nasabing "Mahal kita, Dulce", diba? Tapos ngayon, sinasabi mong may nararamdaman ka para sa akin?" Saglit na tumigil si Dulce sa kanyang litanya at mapaklang tumawa. Talaga namang nakakatawang isipin para sa kanya ang biglang pagbago ng trato nito sa kanya. "Huwag na nating pilitin, Raphael. At huwag mo na akong pahirapan pa."
Matapos iyong sabihin ay agad na tumalikod si Dulce at iiwan na sana ang asawa sa kanilang teresa. Pero nahinto siya sa paghakbang pababa sa sementadong teresa nang habulin siya ng isang mabigat na tanong ni Raphael.
"Ambilis mo naman yatang mag-iba, Dulce?" ani Raphael. "Paano na iyong higit limang taong pagmamahal mo sa akin?"
Labis ang pamimitik ng puso ni Dulce na tinubuan ng uyam dulot ng binitawang mga salita ni Raphael. Nagtaas-baba ang dibdib niya at naikuyom ang sariling palad. Ngayon niya natuklasang may pagkaarogante din pala itong asawa niya. Taas ang kanang kilay, muli niyang hinarap si Raphael. Naroon pa rin ito sa kinatatayuan kanina at kita sa tindig at uri ng tinging pinupukol nito ang kumpyansa sa sarili.
"Talagang pinapamukha mo iyan sa akin ngayon?" matigas niyang sambit, halos hindi maibuka ang bibig sa pagpipigil na sigawan si Raphael. "May gana ka pa talagang ipagmalaki at ipagyabang sa akin iyang pagmamahal ko sa'yo? Oo! Minamahal kitang gago ka pero, ano, binalewala mo lang pagmamahal ko."
Pinanlisikan niya ito ng mga mata ngunit isang mapanuring titig lamang ang sukli nito sa kanyang pagsusungit. Makaraan ang ilang segundo'y bigla itong humakbang palapit sa kanya. At hindi niya nagawang umatras sa takot na matalisod pababa ng teresa. Nawalan ng espasyo sa kanilang pagitan nang bigla nitong hinila ang kanyang braso at kinulong siya sa isang mahigpit na yakap.
Napasinghap si Dulce sa pagkabigla at ang pangalan ni Raphael ang tanging namutawi sa kanyang bibig. Na-estatwa siya nang biglang isiksik ni Raphael ang ilong nito sa kanyang buhok, tila inaamoy siya. May sumapi ba sa asawa kaya ganito ito kung umasta ngayon? Kailanman ay hindi ito nanguna sa paglalambing, liban kung nasa kama silang dalawa.
Mariing napapikit si Dulce nang bumulong si Raphael sa kanyang buhok, "Hanggang limang taon lang ba ang pagmamahal na iyon, Dulce? Wala na ba akong karapatang maramdaman ang pagmamahal ng asawa ko?"
Mula sa paninigas, tila isang yelong unti-unting tinutunaw ng intensidad ng mga tanong ni Raphael ang katawan ni Dulce. Pati puso niya ay hindi nito sinanto kaya ngayon ay labis ang pagragasa ng sakit doon. Biglang umanghang ang gilid ng kanyang mga mata. Sa kabila ng pagpipigil na lumuha ay nagawa niya pa ring sagutin ang asawa.
"Naaalala mo ba noong sinabi mong makuntento nalang tayo sa wala, Raphael? Iyon ang gusto kong mangyari sa pagitan natin. Bilang hiwalay na tayo, huwag na natin pang gawing kumplikado ang sitwasyon. Para sa mga bata," basag ang boses na ani Dulce at marahang tinulak si Raphael kung kaya't napabitaw din ito sa sariling yakap.
Nagkasalubong ang kanilang mga tingin at nahagip niya ang paglandas ng dismaya sa mga mata ni Raphael. Sa likod ng kanyang diwa ay ang mga katanungang bakit. Bakit nagkakakaganito ang mga asawa? Bakit nag-iba ang ihip ng hangin? Para saan ang dismayang nakita niya sa mga mata nito? At bakit, ngayon na si Raphael na mismo ang may gusto, siya naman itong umaayaw na?
Hinila siya ng mga katangungang ito sa sariling mundo ngunit ang mapait na ngiting nakaladlad sa mukha ni Raphael ang nagpabalik sa kanya sa kasalukuyan.
"Naiintindihan ko, Dulce. Siguro nga, iyon ang mas makabubuti sa ating dalawa," mahinahon nitong sambit, hindi masalubong ang kanyang tingin. "Pasensiya na kung nagawa ko pang mamilit. Hindi ko lang talaga maintindihan kung bakit ko gustong manatiling ganoon pa rin gaya ng dati ang turingan natin. Iyong parang magkaibigan lang, bawas lang iyong panenelos mo."
Naging kalmado na ang usapan. Nais niyang matawa sa naging komento ni Raphael. Pinagpasalamat ni Dulce na humupa na ang tensiyon kanina na walang luhang pumatak sa kanyang mga mata. Mas mabuting ganito ang atmospera dahil mas rasyonal ang kanilang pag-iisip at hindi nadadala ng emosyon.
"Iba noon, iba na rin ngayon, Raphael. Intindihin mo sana iyon," puno ng bigat niyang sambit. "Kailangan nating baguhin ang mga nakasanayan natin dahil, sa ayaw at sa gusto natin, may mga bagay na hindi na pwede dahil tapos na. Siguro, naninibago ka lang dahil sanay kang pinagsisilbihan ko araw-araw tapos ngayon biglang wala na. Hayaan mo, mga ilang araw lang, matatanggap mo rin ang lahat ng ito, Raphael. Dumistansya lang muna tayo sa isa't isa."
Sa kabila ng bigat ng kalooban at muling panghahapdi ng gilid ng kanyang mga mata, sinikap ni Dulce'ng ngumiti nang tipid.
Kumislap ang lungkot sa mga mata ni Raphael at umigting ang mga bagang nito. "Dulce..."
May sasabihin pa sana si Raphael ngunit pinutol niya iyon. Inabot niya ang mga kamay ng lalaki at pinagtagpi ang kanilang mga palad. "Hayaan mo, Raphael, kapag wala ng sakit, babalik ang Dulce'ng tinuturing mong kaibigan."
Hindi niya na hinayaang makapagsalita pa si Raphael at tuluyan na itong tinalikuran. Umalis siya sa bahay, hindi alam kung saan tutungo ngunit bawat hakbang palayo ay mas gumagaan ang kanyang puso. Mapait siyang napangiti nang muling pumasok sa kanyang isipan ang naging pag-uusap nila ni Raphael. Hindi niya inakalang may ganoong kapangyarihan ang isip niya na kontrahin ang makasariling dikta ng puso.
Sa walang direksyon paglalakad, hindi alintana ang sinag ng araw na dumadapo sa kanyang noo, ay dinala siya ng sariling mga paa sa dulo ng kanilang manggahan, kung saan niya natagpuan si Mang Theodor na pumipitas ng hinog na mangga.
"Magandang umaga po, Manong," may kalakasang ani Dulce na siyang nagpahinto kay Mang Theodor sa pagsungkit ng mangga sa kabilang dulo ng lupaing hinahati ng koral.
Mula sa pagkakatingala ay nagbaba ito ng tingin sa kanyang mukha, binitawan ang dalang sungkit at namunas ng pawis gamit ang tuwalyang nasa batok nito nakasabit.
"Iha, naparito ka," pagbati ng matanda sa kanya bago lumipad ang tingin nito sa kanyang likuran. "Ikaw lang mag-isa? Nasaan si Raphael?"
Nang mabanggit ni Mang Theodor ang pangalan ng asawa ay biglang naging pilit ang ngiti ni Dulce.
"Ah, ayun po. Naiwan sa bahay," magalang na sagot ni Dulce.
"Nag-away na naman kayo?" makahulugang tanong ng matanda na nagpakunot ng kilay ni Dulce.
Kung aanalisahing mabutin ang sinabi ni Mang Theodor, mukhang may alam ito sa sitwasyon nilang mag-asawa. Mukhang maraming naikwento si Raphael sa matanda. Akmang magtatanong pa siya nang may matinis na tinig na tumawag sa pangalan ng matanda. Magkasabay silang napalingon ni Mang Theodor dito at nakita ang isang batang malapad ang ngiti at nagtatatakbo palapit sa matanda.
"Dahan-dahan lang, apo. Baka matalisod ka sa mga ugat ng mangga," pasigaw na paalala ni Mang Theodor sa bata at sinalubong ito bitbit ang nakuhang mga mangga.
Nakatingin lamang si Dulce sa dalawa, nagdadasal na huwag muna sanang umalis ang matanda dahil marami siyang gustong itanong dito. Ngunit nang humarap muli si Mang Theodor ay pagpapaalam na lamang nito ang kanyang narinig.
"Iha, mauna na ako, ha. Tinawag na ako nitong makulit kong apo, e," nakangising ani ng matanda bago tuluyang umalis.
Naiwan siyang mag-isa sa manggahan habang sinusundan ng tingin ang papalayong bulto ng mag-apo.
Samantala, si Raphael ay kanina pang nagmumuni-muni sa teresa, sinamahan ng kanyang yosi. Paulit-ulit niyang nakikita sa kanyang matalas na alaala ang bawat paggalaw ng labi ni Dulce noong sinabi nito ang salitang kaibigan. Hindi niya mawari kung bakit kay bigat ng katagang ito sa kanya. Siguro'y dahil iyon talaga ang nararamdaman niya kay Dulce. Iyon ang nais niyang maging papel nito sa buhay niya. Sa ganitong uri ng relasyon niya nakikita ang asawa.
Nang magbaba siya ng tingin sa yosing nasa pagitan ng kanyang mga daliri ay awtomatiko siyang napangisi. Kung kasama niya si Dulce ngayon ay paniguradong kanina pa ito nagdadakdak sa paniningarilyo niya. At siguro...
Natigilan si Raphael nang mapansin ang bulto ni Dulce sa gilid ng kanyang mga mata. Napatikhim siya nang tuluyan itong makatungtong sa teresa, walang emosyong nakaladlad sa mukha nito matapos dapuan ng tingin ang yosing hawak niya. Taliwas sa mga karaniwang pangyayari sa buhay niya noon, walang kibo si Dulce nang makita siyang manigarilyo. Dumaan lang ito sa kanyang harapan at pumasok na rin sa bahay. Talagang tinotoo ng asawa ang nais nitong dumistansya muna.
Napatiim-bagang si Raphael at muling humithit sa kanyang sigarilyo, pinupuno ng usok ang kanyang baga upang kahit papaano'y matakpan noon ang kakaibang kakulangang ramdam ng puso. At pilit kinumbinsi ang naguguluhang isipan na kaya siya nagkakaganito ngayon ay dahil unti-unting nawawala sa kanya ang isang mapagmahal na kaibigan.
---💛---
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top