Kabanata XV
---💛---
DUMATING ang mga bata nang alas singko ng hapon, sundo ni Raphael. Kasalukuyang abala ang kambal sa kanilang pagsusulat sa sala habang si Dulce ay naghahanda ng hapunan. Siya lamang mag-isang nagluto sapagkat hindi pa nakakauwi si Dita.
Habang naglalagay ng paminta sa luto niyang adobo, nahagip niya sa kanyang tanaw sa gilid ang pagpasok ni Raphael sa kusina. Nahuli niya pati ang pagsulyap nito sa kanya bago ito naglakad ng diretso at tuluyang nawala sa kanyang paningin.
Makaraan ang ilang segundo, narinig ni Dulce ang pagbukas-sara ng refrigerator at ang marahang paglapag ng kung ano man sa lamesa. Mariin siyang napapikit. Bawat ingay na likha ng asawa, bawat galaw nito ay kumakalabit sa kanyang puso. Isang dabog pa ay talagang sasabog na si Dulce sa pagpipigil na ilabas ang kanyang hinaing dito.
Pinakiramdam niya ito. Nang muling makarinig ng kaluskos mula dito ay tuluyang napugto ang kanyang pasensiya. Lumihis ng landas ang takbo ng kanyang rasyonal na isipan.
Napabuntong-hininga si Dulce at sa mahinang boses ay isinambit ang kanina pang nasa kanyang isipan. "Tumawag si Rosalinda kanina."
Tumikhim si Raphael sa kanyang likuran. Lagaslas ng tubig ang sunod niyang narinig.
"Binigay ko sa kanya ang numero ng telepono noong nagkita kami," kaswal nitong sagot, tila walang takot sa kung ano man ang matuklasan niya sa usapang ito. "Bakit daw siya napatawag?"
Napakagat-labi si Dulce nang unti-unting dumaloy ang iritasyon sa kanyang mga ugat dulot ng kompiyansa sa pananalita ni Raphael. Para bang normal lang ang lahat dito, gayung hindi. Babae nito ang pinag-uusapan pero nagagawa pa rin nitong makipag-usap ng kalmado. Samantalang siya'y hindi ito maharap sa takot na baka masabunutan ito.
"Pinutol ko agad iyong tawag. Anong akala mo, kakausapin ko iyang kerida mo?" sarkastiko niyang pagbalik sa tanong nito.
"Tumawag lang 'yong tao," mahinahon pa rin nitong sambit. "Sana sinagot mo ng maayos para alam natin kung anong kailangan at napatawag."
Napairap siya sa kawalan at pinihit ang sarili paharap kay Raphael. Humigpit ang kapit niya sa sandok nang makita ang iritasyon sa mukha nito. Aba, ano bang gusto nito? Na sana sinagot niya nang maayos si Rosalinda? O baka gusto pa nitong maging mensahero siya ng dalawa.
"Baka gustong makipagkita, Raphael," wika niyang may halong poot. "Ewan ko sa inyo. Kayo ang may relasyon!"
Nagkasalubong ang kilay nito at sa paraan ng pagtitig nito sa kanya ay parang hinihimay nito kung saan galing ang impormasyong sinasabi niya. "Anong relasyon? Dulce, anong relasyon? Kailan ba matatapos itong pang-aakusa mo?"
"Sige, kung wala kayong relasyon, bakit iyon tumatawag dito?" Tinaasan niya ito ng kilay at pinameywangan bilang panghahamon niya. Halos mapugto ang kurdong kumukonekta sa kanyang lalamunan at baga dahil sa pagpipigil na sigawan ang asawa. "Ang lakas ng loob ng babaeng iyon!"
Nag-igting ng panga ni Raphael, senyales na nagpipigil itong magpakita ng kung ano mang frustration. "Kaya nga sana kinausap mo nang maayos at para alam natin kung anong kailangan ng tao. Eh di, sana hindi tayo nag-aaway ngayon."
"Sa tingin mo, magagawa kong kausapin ang babaeng iyon? Hindi ako manhid! At kahit hindi ako mabait na tao, hindi ako plastik!"
Nagtaas-baba ang dibdib ni Dulce matapos niyang bulyawan ang asawa. Tumalikod siya sa gawi nito pagkatapos at pinatay ang kalan.
"Huwag mo nga akong talikuran, Dulce!" ani Raphael sa mas mataas nang boses ngayon.
Imbes na makipag-argumento ay nagbingi-bingihan siya sa mga pinagsasabi ng asawa. Akmang iiwan na niya ang nilutong adobo pati ang asawa sa kusina nang pumasok sa eksena ang dalawa niyang anak.
Basang-basa ni Dulce ang pag-aalala ng dalawa mula sa humahaba nitong mga nguso. Gumuhit ang konsensiya sa kanyang puso dahil siya mismo ang nagdulot nito sa mga anak. Malamang ay umabot sa pandinig ng kambal ang sigawan nila ng ama nito.
"Mama, nag-aaway po kayo ni Papa?" diretsahang tanong ni Dolly sa harap niya at kumapit pa sa kanyang palda.
"Anak..." kagat-labi niyang pagsisinungaling. "Wala, may pinag-usapan lang kami."
"Pero nagsisigaw ka po, e," sabat naman ni Dill sa gilid. Nakatingala ito sa kanya at parang iniistudyuhan ang emosyon sa kanyang mukha. "Nag-aaway po kayo, Mama. Alam namin."
Akmang hahaplusin niya ang ulo ni Dill nang biglang sumulpot si Raphael sa kanyang gilid at lumuhod ito sa harap ng anak. Ngayon, magkapantay na ang dalawa at naroon lang ang kanyang tingin sa mag-ama. Sa kabila ng tensiyon, nagawa niya pang pagkumparahin ang mga mukha nitong halata namang magkahawig. Manang-mana ni Dill malamlam na mga mata ni Raphael.
"Anak, pagpasensiyahan niyo na kami ni Mama, ha. May hindi lang kami napagkasunduan kaya kami nagkasagutan," mahinahon at may lambing na sambit ni Raphael bago nginitian si Dill. "Huwag kayong mag-alala. Magiging okay din kami ni Mama."
"Talaga po?" sabay na sambit ng kambal, ang tingin ay parehong nasa kay Raphael.
Bumitaw na rin si Dolly sa kanyang palda at niyakap nito ang ama sa leeg. "Papa, love na love ko po kayo ni Mama. Dapat po love niyo rin po si Mama."
Biglang may kampanang tumunog sa tenga ni Dulce at naibaba niya ang tingin sa asawa, na sa pagkakataong ito ay nakatingala rin pala sa kanya. Inirapan niya ito ng pasikreto at umiwas ng tingin. Bago niya pa marinig ang sagot nito ay nagpaalam siyang magbanyo muna.
Si Raphael naman ay natulos sa kanyang kinaluluhuran dahil sa narinig mula kay Dolly. Kaybata pa nito pero ang mga salitang lumalabas sa bibig nito ay tumatarak sa kanyang puso. Para bang naghayag ito ng isang bugtong na hindi niya masagutan. Tango lamang ang naging tugon niya dito.
"Papa, ha, huwag na kayong mag-away ni Mama. Ayoko po malungkot kayo pareho," sambit nito na para bang isang matandang marami ng alam sa mundo.
Sinabayan pa ng isa nitong kambal na si Dill na sinabihan siyang, "Kapag po sinigawan ka ni Mama, i-love mo pa rin siya."
"I-kiss mo po," ani Dolly at humagikhik.
Nanlaki naman ang mga mata ni Raphael sa narinig, hindi makapaniwalang may ideya na ito sa mga sensuwal na bagay na hindi naman nito nakikita sa kanilang dalawa ni Dulce. Ni minsan ay hindi niya pa nahagkan ang asawa sa harap ng dalawa pero mukhang isang away na lang ay ipagtutulakan na nitong anak niya na mag-"kiss" sila. Pero wala sa kanyang bokabularyo ang umabuso ng pagkakataon. Wala na sila kaya wala na siyang karapatang gawin iyon kay Dulce.
Napabuntong-hininga siya at muling kinausap ang anak. "Dolly, saan mo natutunan iyang kiss na iyan?"
"Sa TV po," pag-amin nito sabay nguso.
"Hindi pa ganyan ang mga dapat mong panoorin," saway niya sa anak at nakipagkampihan sa anak na lalaki. "Diba, Dill?"
"Opo, Papa!"
"O, hali na kayo. Naiwan niyo ang mga papel niyo sa sala. Baka tumakas na iyon."
Umungot si Dolly at sinabing, "Pero, Papa, wala naman pong feet ang mga papel."
Tatawa-tawang tumayo si Raphael mula sa pagkakaluhod at inalalayan ang dalawa patungo sa sala. Muling pinagdiskitahan ng kambal ang pagsusulat ng kung ano mang letra ang matipuhan nito at nakamasid lamang siya sa tabi ng dalawa.
Bumaling ang tingin ni Raphael sa mahabang hagdan nang makarinig ng yabag. Naroon si Dulce at bumababa sa sala, ang mga mata nito ay diretso sa kinaroroonan ng mga bata. Napaiwas siya ng tingin nang masilayan ang pinong kutis nito sa suot na maluwag na daster na walang manggas. Kumikinang ang balat sa balikat nito habang lumalapit sa kanilang pwesto.
"Kain muna tayo, mga anak. Mamaya niyo na ipagpatuloy iyan," ani Dulce na agad namang sinunod ng dalawang bata.
Ilang saglit pa'y natagpuan niya na ang sarili sa hapag, kasama ang buong pamilya. Nakaupo ang kambal sa paborito nitong mga pwesto habang si Dulce ay nasa kanyang kanan, abala sa pagsandok ng kanin para kay Dolly at Dill. Napangiti siya nang magkasabay na nagpasalamat ang dalawa sa pag-alalay ng ina nito.
Matapos magdasal ni Dolly ay nilantakan na nila ang adobong luto ni Dulce. Pansin niyang tumatango lang ito sa sinasabi ng kanilang mga anak. At panay silang tatlo lang ni Dill at Dolly ang nagpapalitan ng kwento tungkol sa kahit anong pumasok sa kanilang isipan.
"Tapos kumanta po si Teacher Sam, Papa. Ang ganda po ng boses niya," ani Dulce na parang manghang-mangha doon sa Teacher Sam.
Napatango si Raphael at ngumisi nang manariwa sa isipan niya ang nakaraan, iyong bagong kasal pa sila ni Dulce at naririnig niya itong kumakanta habang nasa loob ng banyo. Maganda ang boses nito, malamyos, pero ngayon ay bihira na lang niya itong marinig kumanta.
"Sabi ni Teacher Sam, magpraktis daw palagi sa pagkanta para maging magaling," dagdag ni Dill.
"Magpaturo kayo sa Mama niyo," naibulalas niya nang may ngiti sa labi. Napansin niya ang paghinto ni Dulce sa pagnguya kasabay ng paglingon nito sa kanya. "Magaling kumanta si Mama."
Napasinghap si Dulce at pinanlakihan siya ng mga mata. "Ano? Saan nanggaling 'yan?"
"Hindi ba?" pangongontra niya.
"Eh, Mama, hindi ko pa ikaw narinig kumanta," ani Dolly, nakanguso. "Kantahan mo po kami, please."
Ang atensiyon nito ay lumipat kay Dolly at narinig niya itong bumuntong-hininga. "Anak, hindi naman magaling si Mama. Pero sige, kakantahan kita mamaya."
"Yey!" magiliw nitong sambit na nagpatawa sa kanilang tatlo. "Excited po ako, Mama."
Nagkatinginan sila ni Dulce. May ngiting nakaguhit sa labi nito kanina pero agad iyong napalitan ng simangot. Wari niya ay galit pa rin ito sa kanya sa dahilang hindi naman niya kasalanan. Ipinagkibit-balikat na lamang iyon ni Raphael at bumalik na sa pagkain.
Matapos ang hapunan ay umakyat na ang kambal sa kanilang kwarto dahil inaantok na ang mga ito. Sinamahan ni Dulce ang mga bata at kinantahan hanggang sa tuluyan itong hilain ng mga magagandang panaginip.
Nang tumayo siya mula sa pagkakahiga sa tabi ni Dolly ay napansin niya ang bulto ni Raphael sa pagitan ng maliit na siwang ng pinto. Nakasilip ito sa kanila, malamlam ang tingin. Napabuntong-hininga siya at kahit labag sa loob ay tumungo siya sa pintong kinaroroonan nito upang lumabas ng silid.
Nahirapan pa nga siyang lisanin ang kwarto dahil sa malaking harang sa pinto na nagngangalang Raphael at naturingang asawa niya na hindi naman siya mahal. Napaiwas siya ng tingin dito nang magkalapit ang kanilang distansya.
"Tulog na sila?" tanong ni Raphael na nagpakunot ng noo niya.
"Kita mo na nga, 'di ba?" pagsusungit niya.
"Sinisiguro ko lang."
Napairap na lamang si Dulce sa naging sagot ng asawa at nilagpasan ito. Bahagyang nagbanggaan ang mga balat nila at nahagip niya ang panlalagkit nito. Mukhang galing itong ehersisyo.
"Matutulog ka na?"
Nahinto siya sa paghakbang at napakagat-labi. Tinutunaw ng galawan nito ang mga yelong tinatabon niya sa kanyang puso. Pero mas kontrolado siya ng isipan kaya hindi nagwagi ang pag-iral ng kanyang emosyon.
"Oo. Matulog ka na rin," tipid niyang sagot bago tuluyang pumasok sa kanyang silid.
---💛---
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top