Kabanata XIV
---💛---
GAYA NG hiling ni Raphael kanina, noong nasa tindahan pa sila ng gulay ni Aling Merna, pagdating na pagdating nila sa bahay ay agad niya itong ipinagluto ng fries. At habang binabalatan ni Dulce ang mga patatas ay abala naman si Raphael sa pagpaslak ng mga karne sa ref nila.
Nahinto siya sa paghiwa ng patatas nang marinig ang lagaslas ng tubig mula sa kanyang likuran. Sumulyap siya doon, tinanaw ang bulto ni Raphael habang naghuhugas ito ng kamay. Mukhang tapos na ito sa ginagawa dahil naglaho na ang mga supot sa lababo. Ibinalik na lang ni Dulce ang atensiyon sa hinihiwa.
"Kailangan mo ng tulong?" kaswal na tanong ni Raphael nang maupo ito sa bangkong nasa tapat.
Namuo ang pagtataka sa kanyang sistema dahil sa mga kilos ni Raphael ngunit hindi niya iyon masyadong dinibdib.
"Hindi na," tanggi ni Dulce at nagpatuloy sa ginagawa. Nakayuko lamang siya at hindi tinatapunan ng tingin ang asawa. "Doon ka na sa sala. Manood ka ng TV."
"Dito muna ako," sagot nito sa isang mahinang boses.
Bahagya niya itong sinulyapan. Nakahalukipkip ang asawa sa kanyang harapan at nasa mga patatas lang ang tingin nito. Parang naglalaway. Siguro ay talagang natatakam na ito at pati sa pagluto ay gustong umabang sa pagkain. Hinayaan na lang din niya. Hanggang sa matapos ang paghiwa, hanggang sa matapos ang pagprito, hanggang sa maisalin niya ang patatas sa isang malaking bowl ay naroon pa rin ang asawa sa kinauupuan nito, taimtim na naghihintay na ihain niya ang fries sa harap nito.
"O, ayan na ang kahilingan mo," ani Dulce at marahang inilapag sa lamesa ang bagong lutong fries na sinasakop ang buong kusina sa amoy nito.
Nang maligpit niya sa lababo ang mga panlutong nagamit kanina ay nagpaalam na siya sa asawa. Tapos na siyang pagsilbihan ito kaya wala nang rason para manatili. Mabilis ang kanyang naging galaw at hindi na hinintay pa ang pagsang-ayon nito.
Ang biglang naiwan na si Raphael ay nahinto naman sa pagnguya. Nangunot ang noo niya at sinundan ng tingin ang papalayong likod ni Dulce. Napabuntong-hininga siya. Hindi niya mawari kung anong nangyari doon at bigla na lang umalis. At lalong hindi niya mawari kung bakit ikinaalarma niya ang naging akto nito.
Napagdesisyunan ni Raphael na tumayo at lakad-takbong hinabol si Dulce sa hagdan. Nang maabutan ay hinuli niya ang kamay nito at marahang pinaharap sa kanya ang asawa. Rinig niya ang pagsinghap ni Dulce dahil sa pagkabigla. May kislap ng pagtataka ang mga mata nito nang magkasalubong ang kanilang tingin.
Nasa gitna sila ng hagdan. Nasa mas mababang baitang si Raphael kaya kailangan niya pang tumingala upang makita ang mukha ng asawa. Nagkatitigan ang dalawa na para bang naghihintayan kung sino ang unang bibitaw, kung sino ang unang mahuhulog, kung sino ang unang gugulong pabalik sa sala. Pero sa kaso ng nalilitong puso ni Raphael, gusto niyang gumulong ito pabalik sa kanya.
"Anong..." May kalituhan sa tono ng boses ni Dulce nang kausapin siya, nangungunot ang noo. "Aakyat na ako, Raphael. May gusto ka pang ipagawa?"
Nabitawan niya ang braso nito. Pagkatapos ay napaiwas ng tingin at napakamot ng ulo. Wala siyang gustong ipagawa dito maliban sa samahan siya.
"Ah..." Nilunok niya ang bara sa kanyang lalamunan at sinikap na makapagsalita ng tama at hindi masakit sa pandinig nito, "Saluhan mo akong kumain doon. Ang dami ng niluto mo."
Umawang ang labi ni Dulce. "Akala ko ba gutom ka?"
"Oo, pero hindi ko iyon mauubos."
"Tirhan mo na lang ang mga bata kung ganoon," suhestiyon ni Dulce na muli sanang pipihitin ang sarili patalikod.
Buti at naunahan ni Raphael si Dulce. Muli niyang hinuli ang braso nito at mahigpit iyong hinawakan. Muling pumuslit ang singhap sa labi ng asawa pero hindi naman nito inalis ang kamay niya sa braso nito.
"Pero manlalamig na iyon pag uwi nila," pagdadahilan niya.
Minumura niya ang isipan sa pinaggagawa niya na hindi niya rin matukoy kung para saan. Ni minsan hindi siya naging ganito kakulit kay Dulce. Isang hindi lang nito, wala na, tapos na ang usapan. Ngayon lang siya naging ganito at tangina, hindi niya alam kung bakit siya nagkakaganito.
"Edi, iinitin ko."
"Pero mas masarap 'yong bagong luto, di ba?" mabilis na balik ni Raphael sa argumento.
Napataas ang kilay ni Dulce dahil sa paninibago niya sa Raphael na nasa harapan niya ngayon. Ibang iba ito sa malamig na Raphael na kung ituring siya ay minsan parang isang hangin at madalas isang babaeng pinagsisiksikan ang sarili dito. Hindi niya kailanman naisip na magagawa nitong mangulit sa kanya na para bang hindi sila nagkakasakitang dalawa.
"Raphael, tapatin mo nga ako, may motibo ka ba kaya ka ganito ngayon?" mariing tanong ni Dulce.
Tinitigan niya si Raphael, mata sa mata. Bigo siyang mahuli ang ano mang senyales na maaaring magturo sa kanya kung anong tumatakbo sa isip nito ngayon. Noong sinabi nitong maghiwalay na sila ay akala niya ito ang unang iiwas. Pero kabaligtaran sa inaasahan niya ang nangyayari sa katotohanan. Talagang hilig nito ang pahirapan siya.
"Wala, Dulce," tanggi nito, tinatago sa pangungunot noo ang katotohanang ayaw nitong mahuli. "Ano na namang nasa isip mo?"
Bumuntong-hininga si Dulce at humugot ng lakas ng loob sa kanyang kaluluwa upang sambitin ang nais sambitin. Kung hindi magawa ni Raphael, siya nalang ang magpapakatotoo para sa ikabubuti nilang pareho.
"Raphael," panimula niya sa isang mahinahong pananalita, "alam mo kung anong estado natin ngayon. At hanggang ngayon, hindi ko pa tanggap. Masakit pa rin. Sana naman dumistansya ka na lang dahil sa tuwing malapit ka..." Bumuntong-hininga bago nagpatuloy, "lalo akong nahihirapang tanggapin ang katotohanan kung ganito ka."
Sa bawat salitang binibigkas ni Dulce ay siya ring pagbigat ng puso ni Raphael. Ang mga pasanin nito ay tila nililipat sa kanya. Lumuwag ang kapit ni Raphael sa braso ni Dulce at unti-unti niya itong nabitawan.
"Paumanhin, Dulce," naibubulas niya sa pinaghalong pagkapahiya sa kanyang katarantaduhan at sa awang biglang namayani sa kanyang sistema habang tanaw sa mata ng asawa ang kagustuhan nitong umiwas sa kanya. "Nais ko lang naman maging normal pa rin ang lahat."
"Sana, Raphael. Sana," ani Dulce sa isang basag na boses. "Pero hindi pa sa ngayon."
Matapos iyong sabihin ay tuluyan na siyang tinalikuran ni Dulce. Nakatingalang sinundan niya ito ng tingin at habang numinipis si Dulce sa kanyang pananaw ay unti-unti namang naging malinaw ang isipan niya sa isang reyalisasyon.
Gusto niyang sa kanya pa rin ang pag-ibig nito pero hindi naman niya ito mabigyan ng kaunting pagsinta. Kumpirmado, isa nga siyang malaking gago.
Napapailing siyang lumabas ng bahay habang sinusulat sa isipan ang pangakong iiwas na rin siya para sa kaayusan ng lahat. Hindi na niya alintana ang pagkakatakam sa fries dahil nawalan na siya ng gana. Nagtungo na lamang siya sa isa pa nilang talyer sa lungsod ng Marasigan sa timog, at doon aaliwin ang sarili.
Samantala, si Dulce ay panay din sa pagpapakalma ng kanyang kalooban. May kaunting parte ng kanyang pusong nagsisi sa mga sinabi kanina. Puro 'sana' at 'paano kung' ang naglalaro sa kanyang kamalayan habang nasa harap siya ng kanyang salamin dito sa loob ng kanyang silid.
Paano kung iyon na sana ang simula ng pagbabago ng trato ni Raphael sa kanya?
Paano kung nag-iba na ang puso ni Raphael at may nararamdaman na ito sa kanya kaya ganoon na lang umasta ang asawa?
Paano kung ito na ang inaasam niyang pagkakataon pero siya mismo ang humindi?
Nahilamos niya ang palad sa kanyang mukha. Kung bakit pinapangunahan siya ng emosyon. Bumaba siya ng sala sa pag-aakalang naroon ang mister. Pero wala siyang nahagilap na Raphael kahit anino lang nito. Naglaho ang lahat ng magagandang imahinasyon sa kanyang isip at biglang nabuhay ang mga masasama niyang akala.
Napaupo siya sa sofa, sa gilid ng lamesa kung saan nakapatong ang kanilang telepono. Sakto namang tumunog ito kaya mabilis niyang nasagot ang tawag ng nasa kabilang linya.
Isang mahinahong tinig ng babae ang sumalubong sa kanyang pandinig na agad nagpataas sa kanyang kilay, pati sa kanyang alta-presyon. Kumukulo ang dugo sa buo niyang katawan, at halos sumabog ang puso niya sa init na dinadamdam. May palagay na siya kung sino ito.
"Magandang umaga. Nandiyan ba si Raphael?"
"Sino ito?" wika niya sa pagitan ng mga malalim na paghinga.
"Si Rosalinda ito, Dulce."
Biglang naputol ang linya nang pabagsak niyang binalik ang telepono sa lamesa. Tila hinigop ang buong lakas niya ng mahinahong boses ni Rosalinda. Nanlambot siya sa kanyang kinauupuan. Ang mga luha ay biglang napaatras, tila nahihiya sa nanghihinang enerhiya ng kanilang pinuno.
Namanhid siya nang mapagtantong tama siya sa kanyang mga hinala. Nagkikita pa rin ang dalawa, nag-uusap, at Diyos lang ang labis na nakakaalam kung ano pang pinaggagawa ng dalawa tuwing magkasama. Mariin siyang napapikit habang ninanamnam ang sakit ng pagtataksil ng asawa hanggang sa tuluyan siyang mapuno, binubulong sa sarili na huling pagkakataon na ito ng kanyang pagpapakatanga.
Hindi niya na kailangang komprontahin pa si Raphael dahil pagsisinungaling lang nito ang magiging sagot. At ipapamukha pa nito sa kanyang wala siya sa lugar upang magselos. Pwes, hindi na siya magpapakadesperada rito. Sapat ng alam niya kung anong nangyayari. Sapat ng alam niya ang panloloko nito.
---💛---
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top