Kabanata XIII
---💛---
IKALAWANG araw ng eskwela ng mga bata at maaga itong pumasok. Si Raphael ang naghatid dito. Si Dulce ay nagpa-iwan lang at inasikaso ang kanyang mga halaman sa harap ng bahay. Pinaliguan niya ang isang hanay ng orchids habang winawaksi sa kaisipan ang posibilidad na magkitang muli si Raphael at Rosalinda. Baka magkasalubong itong muli o baka nga nagplano itong magkita muli.
Dulce, tama na itong kabaliwan mo, pagpipigil niya sa sarili.
Pinatay niya ang faucet na nasa gitna ng damuhan at tumigil ang pag-agos ng tubig sa hose. Malalim ang bawat paghinga, inikot niya sa faucet ang hose hanggang sa maiayos niya ang pwesto nito. Mula sa pagkakayuko ay napatayo siya nang matuwid nang marinig ang ugong ng sasakyang paparating. Pumihit siya paharap sa gate at lumuwag ang kanyang dibdib nang mapansing kotse iyon ni Raphael. Wala pang labing-limang minuto matapos nitong hinatid ang mga bata ay nakabalik na ito agad.
Nasa kanya ang mga mata ni Raphael nang bumaba ito ng kotse. Habang naglalakad palapit sa kanya ay labis ang pagdagundong ng kanyang puso at iyon na lang ang naririnig niya sa paligid. Napamura siya sa kanyang isipan dahil sa supladang puso na ayaw makinig. Sinabi niyang tama na, quota na. Pero heto pa rin, hindi masaway sa pagtibok nito para kay Raphael.
"Tapos ka nang mag-garden?" kaswal na tanong ni Raphael nang magkaharap sila sa gitna ng kanyang maliit na hardin. Ilang dangkal na espasyo ang tinira nito sa kanilang pagitan.
Bumalik sa kanyang kumokontrang isip ang pag-aaway nila ni Raphael kanina. Bigla siyang tinubuan ng inis sa pagmumukha nito kaya umiwas siya ng tingin at pinagka-interesan na lamang ang mga palm tree na nagtataasan na sa gilid ng kanilang gate.
"Oo," tipid niyang sagot.
"Halika na. Mag-almusal muna tayo," ani Raphael.
Kumawala ang singhap sa labi ni Dulce nang hawakan siya nito sa braso. Humaplos sa kanyang balat ang kamay ni Raphael. Dumaloy ang kuryente sa kanyang mga ugat at nagdala ito ng kiliti sa buo niyang katawan. Ayaw na niyang maramdaman ang ganito. Ayaw na niyang umasa pa. Awtomatiko siyang napailing bilang pagtanggi.
Naglandas ang dismaya sa mukha ni Raphael bago siya nito binitawan at mag-isang pumasok ng bahay. Ilang minuto siyang nanatili sa ilalim ng sikat ng araw, nakalatay pa rin sa kanyang kaliwang braso ang init at lambot ng palad nito.
Nang mangalay ang mga paa sa pagtayo at ang init ng araw ay unti-unti nang dumadapo sa kanyang balat, naisipan ni Dulce na magtungo na sa loob ng bahay. Naupo siya sa sala at namahinga. Kahit na kinukutkot na ng hangin ang tiyan niya ay nagawa niyang magtiis sa gutom, hanggang sa lumabas na si Raphael mula sa kusina.
Nagkatinginan sila pero agad din siyang umiwas. Akmang tatayo siya nang kausapin siya nito.
"Kumain ka na. Mamamalengke tayo pagkatapos," deklara nito at sa tono ay parang wala itong ibang tatanggaping sagot maliban sa oo.
"Ikaw na lang muna. Pagod ako," dahilan niya na may katotohanan naman kahit papaano.
"Edi, magpahinga ka muna bago tayo mamalengke."
Napaiwas siya ng tingin at marahang tumayo.
"Hindi ba pwedeng ikaw nalang muna, o kaya isama mo si Dita?" suhestiyon niya bago tumayo at naglakad na patungo sa kusina. "Kayo na munang dalawa."
Nilagpasan ni Dulce si Raphael ngunit ramdam niya sa kanyang likuran ang pagsunod nito ng tingin sa kanya. Napahinto siya sa paghakbang nang sumagot ito.
"Sumama si Dita kina Aling Gina kanina. Mamaya pa daw uwi nila. Nagpaalam sa akin."
Umawang ang labi ni Dulce, agad na pinihit ang sarili paharap kay Raphael at inirapan ito. "Eh di, ikaw na lang muna ang mamalengke. May sarili ka namang katawan. Aanhin mo iyang kakisigan mo, di ba..."
Nabitin sa ere ang dapat na karugtong ng kanyang pangungusap. Blangko ang ekspresyon ni Raphael habang tinitigan siya at tila hinihintay pa nito ang katapusan ng sasabihin niya. Umakyat ang lahat ng dugo sa pisngi ni Dulce. Pipi niyang dasal na sana ay hindi narinig ni Raphael ang papuring biglang na lang naibulalas ng kanyang bibig.
"Ikaw naman kasi ang may alam sa ganyan, kung ano ang kailangan at kulang dito sa bahay," seryosong sagot nito na siyang dahilan ng pagluwag ng kanyang dibdib.
Nilayasan siya ng espiritu ng hiya sa narinig mula sa asawa. Mukhang hindi nito napansin ang papuri niya dito o sadyang umaakto lang itong parang wala.
"Oo na," pagsuko niya upang matapos na ang usapan at baka kung ano pa ulit ang masabi niya.
Tinalikuran niya na ito nang tuluyan at nagtungo sa kusina upang mag-almusal.
"Bilisan mo. Dito lang ako sa sala," habol pa nito.
Matapos niyang kumain, magbihis ng panlabas at bumaba na ng sala ay inaya na siya ni Raphael na mamalengke. Hindi naman siya nito sinaway sa tagal niyang kumilos pero halata ang bagot nito sa paghihintay sa kanya dahil sa pagsimangot nito.
"Hindi tayo sa mall?" tipid niyang tanong habang binabagtas nila ang likod-bahay kung saan nakaparada ang pick-up nilang may kalumaan na.
"Hindi. Doon na lang tayo sa pamilihan ng gulay sa kabilang barangay. Presko naman doon," sagot naman nito at umikot na sa pinto ng driver's seat habang siya ay nasa tapat rin ng front seat.
Napairap na lamang siya. Nagsariling sikap siya para pumasok sa pick-up at nagsuot ng seatbelt. Ano pa bang aasahan niya kay Raphael. Na pagbubuksan siya nito? May himala na nga talaga kapag nangyari iyon.
"Wala kang nakalimutan sa loob? Pitaka mo?" tanong ni Raphael, nilingon siya ng may kasamang pangungunot ng noo.
"Wala na," ani Dulce at humalukipkip. "Dali na. Malapit nang magtanghalian. Dapat makabalik tayo ng maaga para makapagluto pa ako."
Rinig niya ang pagbuntong-hininga nito kasabay ng pag-andar ng makina ng sasakyan. Napasandal siya sa headrest at itinuon ang tingin sa maberdeng kapaligiran na pumapalibot sa kanila. Ilang saglit pa'y tumatakbo na ang pick-up patungo sa kabilang baryo. Namutawi ang katahimikan sa pagitan nila habang binabagtas ang daan.
Labing-limang minuto at nakarating na sila sa palengke doon. Maliit lang ang establisyemento pero sariwa naman ang mga paninda na mula pa sa kalapit bukid itinatanim at inaani. May bilihan din ng preskong karne ng baboy at manok, pati isda.
Kakababa pa lamang niya sa pick-up na ipinarada ni Raphael sa gilid ng daan ay rinig na niya ang kompetisyon sa pang-eengganyo ng mga tindera.
"Dulce, halika at may sariwa kaming mga repolyo at kalabasa!" si Aling Merna iyon na palagi niyang binibilhan ng gulay kasi nga sariwa talaga.
Tinungo niya ang pwesto nito, sikop ang laylayan ng palda sa gitna ng kanyang hita habang bahagyang lumulukso sa mga batong pasigsag ang hanay upang iwasang makaapak sa maputik na daan. Siguro'y naulan dito kahapon kaya ganoon na lang ang paglambot ng lupa.
Nakasunod lang din si Raphael sa kanya at rinig niya ito sa kanyang likuran na nagsabing, "Mag-ingat ka."
Sa pagkakataong iyon, hindi lang mga paa niya ang lumukso pero pati puso ay lumundag rin sa tuwa. Labis ang pagpipigil niya sa sariling kilig. Kung bakit kasi hindi makaintindi ang puso ng tama na? Natural na mabait itong si Raphael kaya dapat hindi siya nagpapaapekto sa mga galaw nito at pananalita.
"Magandang umaga, Dulce! Isang semana ko rin kayong hindi nakita, ah," komento ni Aling Merna nang makatapak siya sa semento ng pwesto nito.
Tumawa lang siya at inusisa na ang mga gulay na nakalatag sa lamesa. "Pang isang semana po kasi talaga ang binibili naming konsumo, Manang."
"Ganoon ba," sambit nito bago lumipat ang tingin sa biglang sumulpot sa tabi niya na si Raphael. Ito naman ang binati ni Aling Merna. "Uy, iho. Magandang umaga."
"Magandang umaga din po, Manang," tipid nitong sagot.
Napatingin si Dulce sa gawi ng asawa nang tawagin siya nito at ipinakita sa kanya ang nakaangat na patatas sa ere. Ngumiti ito sa kanya at ang puso... Pinagmumura niya ito sa sariling isipan.
"Bili tayo ng tatlong kilo nito. Sarap kumain ng fries ngayon."
"Ikaw bahala," ani Dulce at mabilis na umiwas ng tingin.
"Ikaw magluto," sabi pa nito. "Alam mo na ang panlasa ko."
Sa kabila ng naghuhumerentadong puso, inabala niya ang sarili sa pagpili ng mga gulay na may magandang itsura pa. Bumili rin siya ng ilang kilo ng baywang, sibuyas at luya. Lahat ng sangkap sa kanyang mga resipe ay binili niya.
Habang binabalot ni Manang Merna ang mga pinamili niyang sitaw ay dumating ang asawa nitong si Manong Isko. Napaiwas siya ng tingin nang magnakaw ng halik ang lalaki sa pisngi ni Manang Merna. Tinubuan siya ng inggit sapagkat ni minsan ay hindi niya iyon naranasan. At siguro, wala ng magpaparanas nito sa kanya kailanman.
Nahuli ng kanyang pandinig ang pagtikhim ni Raphael sa kanyang gilid nang siguro'y maasiwa rin sa senaryong nasa harapan nila. Doon lang napansin ni Manong Isko na may kostumer ang misis.
"Ay, nandito pala ang mag-asawa," pagkilala nito sa kanilang presensiya.
"Oo nga po! Masarap po mga gulay dito, eh," sagot ni Dulce na may pekeng ngiti sa labi.
Tumango lang si Manong Isko at tinulungan si Manang Merna sa pagbabalot. "Kasi presko pa itong mga gulay namin at araw-araw may bagong deliver. Buti nga nauubos din itong paninda namin araw-araw."
"Magandang negosyo din po talaga ang magtinda ng gulay, Manong, no?" singit ni Raphael sabay hugot nito ng pera sa pitaka at inabot iyon kay Aling Merna.
"Oo, iho. Kaya kayo, mayaman naman kayo, pwede kayong magtayo ng sariling pamilihan sa barangay niyo," ani Mang Isko sabay abot sa isang balot naman ng kalabasa sa harap nila.
Dali-dali iyong inabot ni Dulce ngunit inagaw din agad ni Raphael sa kamay niya. Tuloy, napaatras siya sa kuryenteng dumaloy sa magkalapat nilang balat.
"Ganyan nga, Raphael," nakangiting sambit ni Mang Isko. "Alalayan mo palagi ang asawa mo para masaya lang ang buhay."
Kung alam niyo lang, Manong, naibulong niya sa sariling isipan.
"Sige po, Manong," magalang na sagot ni Raphael na ikinairap ni Dulce. "Aalis na po kami."
Naunang maglakad si Raphael sa gitna ng putik at sa kabila ng dalawang malalaking supot na bitbit nito ay walang hirap nitong tinawid ang semento at ang parte ng lupang hindi na gaanong basa sa ulan. Nahiya siyang bigla sa haba at tibay ng biyas nito.
"Ang bagal mo," natatawang komento nito matapos ilagay sa likod ng pick-up ang pinamili.
Inirapan niya ang asawa at nauna nang tumungo sa bilihan nila ng karne, sa tapat ng hanay ng mga gulay. Sinalubong siya ng masangsang na amoy na wari niya ay kakapit talaga sa kanyang katawan mamaya.
Napahinto si Dulce sa harap ng isang may-edad nang ginang na kasalukuyang niwiwisik ng patpat ang mga langaw na nagliliparan sa tindahan nito. Tantiya niya ay nasa mga pitumpung gulang na ito nang mapansin ang kulubot sa mukha nito.
Lumihis ang tingin niya mula sa matanda nang nasimot niya ang pabango ni Raphael sa kabila ng malansang amoy na nasasamyo niya. Nasa gilid niya na ito at bumabati sa ginang.
"Iha, iho, anong gusto niyong bilhin? May karneng baka kami dito. Baboy, isda, manok. Dito ka na bumili," wika ng ginang sa isang mahinang boses.
"Sige po. Tatlong kilo po ng baboy. Pati tag-dadalawang kilo ng bangus at manok," sambit ni Dulce sa tapat nito habang pinagmamasdan itong pumili para sa kanila.
"Sakto lang ba iyan?" tanong ni Raphael sa kanyang gilid.
Bago pa man naibuka ni Dulce ang bibig ay tinakasan na siya ng mga salita nang umusog pang lalo si Raphael palapit sa kanya. Nanigas siya mula ulo hanggang paa nang makulong ang kalahati ng kanyang katawan sa pagitan nito at ng sementadong gitna. Dumantay ang mainit nitong hininga sa tuktok ng kanyang buhok, dahilan para mapagkat-labi siya.
"May dumaang kariton," ani Raphael sa likuran nang muli itong lumayo bahagya.
Nakahinga siya nang maluwag at nilingon ang sinasabi nitong kariton. Mayroon nga. Tulak-tulak ng isang binata.
"Oh, iha, ito na lahat," pag-abot ng ginang sa binili nila. "Isang libu't dalawang daan lang."
Akmang kukuha siya ng pitaka sa bulsa ng saya nang maunahan siya ni Raphael. Mabilis itong nag-abot ng pera sa ginang.
"Ako na," ani Raphael at kinuha na rin sa kamay ng matanda ang tatlong supot.
"Akin na ang isa," sambit ni Dulce at sinubukang kunin ang isang supot pero inilayo lang iyon ni Raphael.
"Ako na lang kasi," matigas nitong sambit na may kasamang pangungunot ng noo.
"Naku kayo," biglang singit ng ginang na dahilan upang matigil sila at mapalingon dito. "Nakakatuwa kayong panoorin. Ganyan din kami ng asawa ko noon, iha. Kaso wala na siya. Kaya mapapayo ko sa inyo, alagaan niyo ang isa't isa dahil hindi niyo hawak ang panahon. Baka sa isang iglap lang, wala na."
Umawang ang labi ni Dulce at mabilis na lumipad ang tingin kay Raphael. Nagkasalubong ang kanilang mga titig ngunit agad ring nag-iwasan. Narinig niyang tumikhim si Raphael at nagpasalamat na ito sa matanda. Sabay silang nagpaalam dito at walang imik nang naglakad pabalik sa kotse.
---💛---
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top