Kabanata XII

---💛---

KINABUKASAN, maagang nagising si Dulce at papungas-pungas pang bumangon. Tinungo niya ang kabinet at inabala ang sarili sa pagpili ng maaaring suotin ng kanyang mister. Nangunot ang kanyang noo nang puro bestida at blusa lang ang nahagip ng kanyang mga mata.

Ilang segundo ang lumipas bago niya napagtanto sa sarili na magkahiwalay nga pala sila ni Raphael ng silid. Lumipad ang isang palad sa kanyang noo nang matauhan sa kanyang kagagahan.

"Ba't ba nawala sa isip ko?" pagkausap niya sa sarili at nagdesisyong lumabas na lang ng kwarto.

Bumaba siya sa kusina upang maghanda ng almusal para sa pamilya. Hindi niya inaasahang madatnan doon ang asawa, tulalang nakaupo sa harap ng hapag. Ang mga kamay nito ay magkasiklop na nakapatong sa pahabang lamesang gawa sa hardwood. Magulo ang buhok nito, halatang hindi nagsuklay bago lumabas.

"Ang aga mo yatang gumising?" komento niya nang masilip sa nakabukas na bintana ang makulimlim na kapaligiran sa labas.

"Kanina ka pa diyan?" ani Raphael nang mapansin siya nito, kasalukuyang tinatapon ang malamlam na titig sa kanyang kinatatayuan sa gilid ng pinto.

"Bago lang din," tipid niyang sagot at pinigilan ang sariling maglaway sa maginoo nitong mukha at sa balikat nitong malapad na ladlad sa harapan niya.

Naglakad siya palapit sa lababo, kumuha doon ng dalawang tasa at nagtimpla ng kape para kay Raphael. Kunting tamis lang gaya ng gusto nito. Gatas naman sa kanya na may halong kape.

"Himala ata at ang aga mong nagising ngayon," pagkausap niya dito habang inaabot ang kape sa pwesto nito.

Naupo siya sa tapat ng inuupuan ni Raphael. Magkasabay silang sumimsim sa mainit na inumin bago sumagot ang asawa.

"Hindi ako nakatulog," pag-amin ni Raphael sa isang mababa at namamaos na boses bago nagbaba ng tingin sa tasang hawak nito.

Awtomatikong nagkasalubong ang kilay ni Dulce sa narinig. Pinapangunahan na naman ng madumi niyang imahinasyon ang katotohanan. Rumagasa ang selos sa kanyang sistema. Sa isip niya, baka umalis si Raphael kagabi at nakipagkita kay Rosalinda. Baka iyon ang napag-usapan ng dalawa kahapon nang magkasalubong.

"Si Rosalinda ba?"

Mula sa pagkakayuko nito ay nag-angat ng mukha si Raphael at isang masamang tingin ang ipinukol sa kanya. Napaatras ang likod niya sa sandalan ng upuan at napalunok. Iyon lang naman ang tantiya niya. Isa pa, isa iyong tanong at hindi pang-aakusa.

"Ba't napasok na naman si Rosalinda sa usapan?" asik nito.

Ang sabi niya kahapon ay tatanggapin niya na ang katotohanan pero hindi talaga madaling kontrolin ang emosyon.

"Eh, sa siya naman palagi ang nasa isip mo, pati sa puso mo," pagbubuhos niya sa kanyang walang mapaglagyang selos. "Malamang, hindi ka nakatulog kagabi kasi nakipagkita ka sa kanya at sinusulit mo ang mga panahong kasama siya."

Lalong nagdilim ang mukha ni Raphael at  sa isang maling galaw niya lang ay aatake ito na parang torong nakakita ng pulang panyo. Sa takot ay pinapanalangin niyang matunaw na lang siya sa init ng gatas na iniinom niya. Sobrang lakas ng tibok ng puso niya.

"Aksidente nga lang ang pagkikita namin, Dulce. Wala akong ginagawang masama at wala akong balak manira ng pamilya ng may pamilya!" sigaw nito kasabay ng marahas nitong pagtayo, naglikha ng matinis na tunog ang pag-usog ng bangko.

"Pero sinisira mo ang pamilya natin!" Sa kabila ng takot ay nagawa niyang ilabas ang mga kinukubling hinaing. "Tingnan mo ano nang nangyayari sa pamilyang ito, Raphael!"

"Kasalanan ko lang ba ang lahat? Hindi ba't iyang pagseselos mong iyan ang puno't dulo ng pagkasira ng pamilyang ito?" matigas nitong sambit sa bawat salita. "Naririndi na ako, Dulce. Araw-araw na lang bang ganito?"

Napahawak si Dulce sa kanyang dibdib nang tuluyan siyang tinalikuran ni Raphael. Hindi man lang niya nagawang depensahan ang sarili. At talagang siya pa ang pinagmumukha nitong may sala sa lahat. Na-iimbyerna siya. Sa lakas ng pintig ng puso ay para siyang mauubusan ng hininga. Inisang tungga niya ang gatas at pilit pinakalma ang sarili.

"Ma'am, ayos lang po kayo?" biglang sulpot ni Dita na dahilan upang lalong umariba ang tibok ng puso niya.

"Aatekehin ako sa'yo, Dita!"

"Sorry po, Ma'am. Nag-aalala lang naman po ako sa inyo. Narinig ko na naman po kayong nagkasagutan ni Sir, eh," paliwanag ng kasambahay na may kasama pang buntong-hininga.

"Kasi iyang Sir mo!" Nagtaas-baba ang kanyang dibdib. "Ayaw umaming may mali. Aba, baka inakala niyang hindi ko alam na hanggang ngayon patay na patay pa rin siya sa Rosalindang iyon."

"Pero Ma'am, mabuting tao po si Sir. Hindi po kayo no'n pinagtataksilan," pagkampi nito kay Raphael.

Pagak na tumawa si Dulce, puno ng sarkasmo ang timbre ng kanyang boses. "Hiniwalayan niya ako, Dita. Anong rason niya? At talagang ginawa niya iyon matapos nilang magkita ni Rosalinda. Anong gusto mong isipin ko?"

Tumalikod si Dita sa kanyang gawi ngunit bago pa man nito maitago ang ekspresyon ng mukha nito ay nahuli niya itong umiiling-iling.

"Huwag mo po sanang mamasamain, Ma'am Dulce. Sasabihin ko po itong bilang taong may pag-aalala din para sa inyo," mahinahong wika nito na bahagyang natatabunan sa ingay ng pagsandok nito ng bigas mula sa isang malaking balde sa gilid ng lababo. "Baka naman po nasasakal na si Sir sa paulit-ulit mong pang-aakusa."

Napatayo siya at humalukipkip.

"Wala naman akong maibabato sa kanya kung wala akong nakikita, 'di ba? Iyong mga litrato ni Rosalinda sa drawer, iyong pakikipag-usap niya dito, iyong hindi niya pagsama sa akin sa mga lakad niya para siguro makanakaw siya ng oras para kay Rosalinda. Siya mismo ang dahilan ng lahat ng ito!" pagtatanggol niya sa sarili.

Pinatay ni Dita ang faucet matapos lagyan ng tubig ang kalderong may lamang bigas at hinarap siya nang may pag-aalinlangan sa mga mata nito. Ramdam niya ang kagustuhan nitong maglabas ng saloobin kaya huminga siya ng malalim at tinanguan ito, pahiwatig na handa siyang makinig.

"Kung ganoon nga, Ma'am... Kung hindi niya malimutan iyong Rosalinda, kung hanggang ngayon ay mahal niya pa rin ang babae at hiniwalayan ka niya para sa babaeng iyon, kung pinapamukha nito na wala na kayong pag-asa, hindi ba't dapat mo na ring bigyang laya ang sarili mo? Kayo lang din naman po ang masasaktan sa pagseselos niyong iyan. Wala po itong patutunguhan at mas lalo lang pong lalayo si Sir Raphael sa inyo."

Nasampal siya ng mga salita ni Dita. Nahiya siya para sa sarili. Hindi siya nakaimik at basta nalang nag-unahan sa pagtulo ang mga luhang akala niya ay naubos na. Naglaro sa kanyang pandinig ang boses ni Raphael habang sinasambit nito ang katagang "Araw-araw na lang bang ganito?"

Bago pa man siya madaluhan ni Dita ay nagpaalam na siya rito at nagtungo sa kanyang silid. Doon ay walang humpay siyang humagulgol at iniyak ang lahat ng sama ng loob. Para kay Raphael, para sa sarili. Para sa sakit na sagad na sagad na.

Kasabay ng pagtigil ng agos ng luha sa kanyang mga pisngi, nanigas ang kanyang puso at pinangako sa sariling huli na ito. Hindi na niya iiyakan pang muli si Raphael.

Samantala, si Raphael ay bumisita naman sa kanyang kapitbahay na si Mang Theodor. Maaga pa para sa mga negatibong pakiramdamam ngunit maligalig nitong tinanggap ang paglalabas niya ng sama ng loob. Sa kabila ng ilang taong agwat, may pagkakaintindihan sa kanilang pagitan dahil sa parehong interesado sa pangangalaga ng mga lupain.

Nagsindi si Raphael ng sigarilyo upang pakalmahin ang nag-iinit na dugo at labanan ang lamig na dala ng simoy ng hangin. Kanina ay parang binibiyak ang ulo niya dahil nga sa hindi niya nagawang matulog kagabi. Buti at pinagtimpla siya ng kape ni Dulce kaya kahit papaano'y nawala ang sakit, pero tangina, isang delubyo na naman pala ang kapalit nito.

"Hindi ko talaga siya maintindihan, Manong," pag-amin niya sa matanda bago humithit ng sigarilyo. "Iniisipan niya ako ng masama, eh, wala naman siyang pruweba."

"Baka kasi nakikitaan ka niya, hindi mo lang napapansin?" tanong naman ni Mang Theodor sa kanyang tapat.

Marahas siyang umiling at pinagpag sa gilid ng kubong kinasasadlakan nila ngayon ang abo ng yosi. "Wala akong ginagawang masama, Nirerespeto ko siya bilang asawa kaya hindi ko pinapairal kung ano mang gusto ng puso ko."

Tinapunan siya nito ng makahulugang tingin. "Asawa ba talaga ang tingin mo sa kay Dulce?"

Umawang ang labi ni Raphael. "Hiwalay na kami ngayon."

"Kung ganoong hiwalay na kayo, bakit apektadong-apektado ka sa pang-aakusa nito? Na parang ayaw mong may kagalitan kayong dalawa?" tanong nito sabay ngisi, tila may nais iparating. "Wala naman ng mawawala sa'yo dahil wala naman na pala kayong relasyon liban sa marriage contract."

"Iyon na nga, Manong. Wala na kami pero kung makapagselos, wagas pa rin," reklamo niya bago muling humithit ng sigarilyo, ang amoy nito'y abot sa ilalim ng kanyang ilong at dumaloy hanggang sa kanyang magulong isipan.

"Intindihin mo nalang. Huwag mong sabayan ang galit niya," pagpapayo nito na para bang isang ama sa kanyang anak. "Mahal ka no'n at hindi madaling mawala ang pagmamahal. Bigyan mo ng panahon at mahabang pag-unawa hanggang sa tuluyan na noong matanggap na walang patutungunuhan ang kung anong meron kayo noon."

"Palagi na lang bang ako ang mag-aadjust para maging maayos kami, Manong?" puno ng uyam niyang depensa sa sarili sabay hilamos ng kanyang libreng palad sa mukha. "Ang gusto ko lang naman ay huwag niya akong pag-isipan ng masama dahil wala akong ginagawa. Halos araw-araw, naririnig ko iyang pagseselos niya. Nauubusan ako ng pasensiya."

"Nasabi mo ba iyan sa kanya?" mahimahon ngunit malaman na wika ni Mang Theodor.

Tumango-tango si Raphael. "Pero matigas ang ulo. Ayaw makinig."

"Kasi hindi mo kinakausap nang mahinahon," singit ng matanda.

"Siya naman kasi itong nangungunang sumigaw. Binubulyawan ako. Sinong lalaki ang gusto ng ganoon. Ang baba ng tingin niya sa akin," mahinang boses na sambit ni Raphael at umiwas ng tingin kay Mang Theodor.

"Gusto lang no'n na lambingin mo. Ganoon din ang misis ko noon."

Naibalik niya ang tingin kay Mang Theodor dahil sa naibulalas nito. Sinalubong siya nito ng isang makahulugang ngisi.

"Subukan mo," pang-eengganyo pa nito. "Hindi ba't tapos ang problema niyong mag-asawa."

"Hiwalay na kami, Manong," ungot niya. "Isa pa, hindi ko rin magawa iyong gano'n."

Muling gumuhit ang pilyang ngiti sa mukha ni Mang Theodor. "Eh, nakabuo nga kayo!"

Natigilan siya doon pero kalaunan ay napangisi rin. Kabago-bago lang na may nangyari sa kanilang dalawa ni Dulce. At inaamin niyang sa tuwing mapusok sila sa kama ay damang-dama niya ang kagustuhan nitong ibigay ang sarili sa kanya. At may init din talagang dumadaloy sa kaibuturan ng kanyang pagkatao sa tuwing may aksiyong nagaganap sa loob ng kanilang silid. Hindi niya lang matukoy kung purong libog lang ba iyon o dahil ito ang kapareha niya. Hindi niya iyon mabigyan ng kasagutan dahil liban kay Dulce ay wala naman na siyang ibang naikama.

"Natahimik ka," natatawang komento ni Mang Theodor at tinungga nito ang kapeng nasa gilid. "Iba na iyang nasa isip mo, iho."

Napailing-iling siya at inihagis sa malaking butas ng bintana ng kubo ang sigarilyong nangangalahati pa lamang. Sa pagkakataong ito, kahit walang sigarilyo ay nag-iinit na ang kanyang buong katawan.

"Pati ba naman ikaw, Manong. Ang dami ng nang-aakusa sa akin," pabiro niyang sambit.

"Sus, hindi pa aminin. May puwang na iyang si Dulce sa'yo, masasabi ko. Kung wala, wala ka dito ngayon at naglalabas ng hinaing mo. Bigyan mong linaw iyang nararamdaman mo."

Natapos ang usapan nang tuluyang sumikat ang araw at kailangan nang asikasuhin ni Mang Theodor ang mga alaga nitong hayop. Nagpaalam naman siyang uuwi na. Habang naglalakad sa ilalim ng mga puno ng mangga ay iniisip niya kung tama ba ito sa sinabi na may puwang na nga si Dulce sa kanyang puso. Siguro ay tama ito. Mahalaga na rin naman si Dulce sa kanya dahil ina ito ng mga anak niya, nakasama niya ito ng limang taon, at tinuturing niya na itong kaibigan na pinagsisilbihan siya araw-gabi. Pero hanggang doon lang talaga.


---💛---

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top