Kabanata XI
---💛---
MATAPOS ang hapunan, ibinilin niya muna ang mga bata kay Dita habang si Raphael ay lumabas pa ng likod-bahay upang siguro'y magyosi. Sa libreng pagkakataon, dali-daling umakyat si Dulce sa silid nilang mag-asawa at niligpit ang lahat ng gamit sa kanyang bag. Wala siyang tinira. Mabilis niya iyong inilipat sa bakanteng kwarto na nasa ikalawang palapag din at katabi ng kwarto ng kambal.
Wala naman ng rason para magsama pa sila ni Raphael sa iisang silid dahil ang kasal nila ay sa papel na lamang may halaga. Sa reyalidad ay wala na itong bisa, matagal na. Kung ano man ang tinapos ni Raphael ay siya ring tatapusin niya. Gusto niyang masanay na wala na ang asawa. Siguro naman, sa pagdaan ng panahon ay mahahanap rin niya ang sariling kalayaan mula sa mapagparusang pagmamahal niya kay Raphael.
"Malalampasan ko rin 'to," bulong niya sa sarili habang tinutupi ang mga damit niya sa kabinet.
Nang matapos siya sa pag-aayos sa bago niyang kwarto, muling lumabas si Dulce at bumaba sa sala upang asikasuhin ang mga bata. Naabutan niya ito sa sala, abala sa pagsusulat. Napatayo si Dita nang makita siya at mabilis itong nagpaalam.
"Maghuhugas na po ako ng plato, Ma'am," ani Dita.
"Sige, Dita," sagot niya at tinanguan ito.
Pumalit si Dulce sa kinauupuan ni Dita at binati ang mga anak na tutok na tutok sa papel na nasa harap nito. Sumulyap lang si Dill sa kanyang gawi saglit at muling sumulat.
"Mama," ani Dill sa isang mahinang boses.
Sinuklay niya ang buhok nitong may kakulutan sa dulo. Malambot ito sa kanyang mga daliri at tila naghatid ng malamig na sensasyon sa kanyang utak.
"Hindi pa kayo inaantok?" tanong niya.
"Hindi pa po," simpleng sagot ni Dill at patuloy pa rin sa pagguhit ng letrang A sa papel.
Napatingin siya sa orasan sa sala at napabuntong-hininga nang makitang alas nuebe na. Dapat ay tulog na ang dalawa ngayon.
"Dolly... Bukas na lang natin 'yan tapusin. Matulog na muna kayo ni Dill. Magbasa tayo ngayon ng fairytale bago matulog," pang-eengganyo niya sa babaeng anak.
"Ayaw pa nilang matulog?" biglang singit ng isang baritonong boses na siyang dahilan ng biglaang paghumerentado ng puso ni Dulce.
Pinilit niyang umakto na normal lang ang lahat, na kanina ay walang nangyaring paghihiwalay, na ngayon ay wala siyang iniindang sakit sa presensiya nito. Tumingala siya at nagpang-abot ang kanilang titig. Malamlam ang titig nito. Hindi niya mawari kung dahil sa pagod, o sa awa nito sa kanya. Kagat ang labi ay nagbaba ng tingin si Dulce.
"Busy pa sa pagsulat ng mga letra itong anak mo," sagot na lamang niya.
Lumundo ang sofa sa gilid ni Dill, senyales na umupo doon si Raphael. Namayani ang katahimikan sa kanilang pagitan. Liban sa paghinga nilang apat ay wala na siyang ibang narinig. Sumandal na lamang siya sa sofa at pumikit.
"Mauna ka na sa kwarto, Dulce. Ako na ang bahala sa dalawa."
Umawang ang labi ni Dulce at mabilis na sumulyap sa gawi ni Raphael. Pinagalitan niya sa isipan ang nagrarambulan na mga paru-paro sa kanyang tiyan. Aminado siyang nadala siya ng mga salita nito pero agad niyang kinontra ang kinikilig na sarili. Siguro ay inakala ni Raphael na mahal na mahal niya ito kaya sa tingin ng asawa ay hindi niya matitiis na hindi ito makatabi. Pwes, papatunayan niyang kaya niya.
"Hindi na muna. Gusto rin kitang makausap bago matulog."
"Tungkol saan?" puno ng kuryosidad na tanong ni Raphael.
"Mamaya na," tipid na sagot ni Dulce. "Patulugin mo muna ang mga anak mo. Mag-aalas diyes na o."
Tumikhim si Raphael at sinunod din ang gusto niya.
"Dolly, Dill, matulog na muna kayo. Bukas niyo na tapusin iyan," ani Raphael sa isang ma-awtoridad na boses.
Napansin ni Dulce na natigilan ang dalawa at napatingin sa kanya, tila ba humihingi ng saklolo. Umiling lamang siya.
"Makinig kayo sa papa niyo," ani Dulce. "Kanina pa dapat kayo natutulog."
"Sorry po, Mama," ani Dolly sa mababang tinig.
Mabilis na niligpit ng kanyang anak ang lapis at papel sa bag nito. Napapakamot pa si Dill sa ulo. Si Dolly naman ay nahuli niyang sumimangot. Nang malinis na ang lamesa ay inakay na niya ang dalawa papunta sa kwarto nito sa ikalawang palapag ng bahay. Sinamahan niya ang mga anak hanggang sa makatulog ito bago binalikan si Raphael sa sala.
Naabutan niya ito sa parehong pwesto nito kanina ngunit ang kanang braso ay nakasampay na sa ibabaw ng sandalan ng sofa. Sa kanyang paningin ay nagmukha itong binatang naghihintay na dambahin ng yakap ng isang dalaga. At kung naiiba lang ang reyalidad baka hindi siya magdalawang isip na akuin ang pwesto sa tabi nito. Sa halip, nilugar niya ang sarili sa kung saan siya nababagay, malayo kay Raphael. Sinakop niya ang palda sa isang palad bago naupo sa pang-isahang sofa.
"May sasabihin ka, 'di ba?" diretsahang tanong ni Raphael. "Tungkol ba ito kanina?"
Tumango-tango si Dulce bilang sagot, ang tingin ay nanatili sa mga kamay na nasa pagitan ng kanyang hita, pinapaibabawan ang kulay krema niyang palda. Hindi niya man makita ang reaksiyon ni Raphael, rinig naman niya ang pagsama ng timpla ng kalooban nito sa malalim nitong paghugot ng hininga.
"Kinlaro ko na ang sarili ko, Dulce," matigas nitong sambit sa bawat salita.
"Naiintindihan ko naman," depensa ni Dulce. "Kaya nga, ano..."
"Ano?" sabat ni Raphael nang siguro mapansin nitong nahihirapan siyang sabihin ang nasa isip.
"Inilipat ko na ang mga gamit ko sa bakanteng kwarto."
Biglang dumaan ang mga anghel sa tensiyonadong atmospera na pumapalibot sa sala. Natahimik silang dalawa. Dumadagundong ang puso ni Dulce habang inaabangan ang maaaring maging reaksiyon ni Raphael. Umayos ito ng pagkakaupo at tumitig sa kanya. Napalunok si Dulce nang maaaninag ang intensidad ng iritasyon sa mga mata nito.
"Ba't mo pa ito sinasabi sa akin?" sarkastikong tanong nito. "E, nagdesisyon ka naman na."
Nakagat niya ang ibabang labi. Inaasahan niyang masisiyahan ito pero bakit may naririnig siyang galit sa tono ng pananalita nito. "Gusto ko lang ipaalam sa'yo."
Marahan itong tumayo at huminga ng malalim. "Bahala ka sa kung anong gusto mong gawin. Matutulog na ako."
Iniwan siya nitong mag-isa sa sala at talagang nagbilin pa ito ng isang malaking palaisipan. Wala siyang ideya kung saan nag-uugat ang galit na pinakita ni Raphael. Hindi niya ito mabasa.
Samantala, habang binabagtas ni Raphael ang hagdan paakyat, nahulog siya sa misteryong siya mismo ang umakto. Buti na lang at pamilyar na sa kanya ang bawat hakbang ng hagdan kaya hindi siya natatalisod. Hindi niya mawari kung anong dahilan at umusbong ang inis sa kanyang kalooban nang mapag-alamang lumipat ng ibang kwarto si Dulce. Wala naman dapat siyang ikagalit. Pabor iyon sa kanilang dalawa. Napahugot siya nang malalim na hininga at huminto sa paglakad sa gitna ng hagdan. Muli niyang nilingon si Dulce na hanggang ngayon ay nasa kinauupuan pa rin nito. Wala bang itong planong matulog?
"Dulce..." may kalakasang tawag niya na agad kumuha sa atensiyon ng asawa.
Sumulyap ito sa kanya. Kumikislap sa mga mata nito ang ilaw mula sa chandelier. At sa isang iglap ay nawala ang lahat ng nasa paligid. Tila dinala siya nito sa kalawakan at inabot sa kanya ang mga bituin. Nalula siya.
"Raphael, may gusto kang sabihin?" ani Dulce sa isang nag-aalalang boses na siyang nagpabalik sa kanya sa tamang wisyo.
"Ah..." Biglang naubos ang mga salita sa bibig ni Raphael.
"Hmm?"
Lalong kumislap ang mga mata ni Dulce.
Napaiwas siya ng tingin at tumikhim, "Matulog ka na rin."
"Oo, aakyat na," tugon ni Dulce at tumungo na rin sa kanyang kinaroroonan.
Magkasabay silang naglakad paakyat ng ikalawang palapag, napapagitnaan ng ilang pulgadang espasyo at ng katahimikan. Walang nagtangkang magsalita hanggang sa marating nila ang harap ng kani-kanilang mga kwarto. Ang laylayan ng palda ni Dulce ang tangi niyang nahabol ng tingin nang muli niyang sulyapan ang asawa.
Biglang may kumatok na dismaya sa kanyang puso. Siguro ay galing ito sa biglaang pagbabago ng nakasanayan niyang presensiya ni Dulce. Sa gabi kasi ay binabati siya nito ng isang madamdaming 'good night' na may dagdag pang 'mahal kita'. Pero ngayon, ni sulyapan siya at ngitian ay hindi nito nagawa. Naninibago siya sa lahat ng ito.
Napabuga ng hangin si Raphael at umiiling, pilit winawaksi ang mga panghihinayang sa kanyang sistema na hindi niya rin matukoy kung saan nagmula. Kontra ng isip, mas mabuti rin itong mas maaga pa ay masanay na siya na hindi sa kanya umiikot ang mundo ni Dulce. Mas mabuti na ring mawala na ang pagmamahal nito sa kanya para hindi na ito umasa pa at masaktan. Kahit papaano, mahalaga na rin si Dulce sa kanya at itinuturing niya itong kaibigan.
---💛---
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top