Kabanata X
---💛---
"KASUNDUAN?" pagkaklaro ni Dulce, magkasalubong ang dalawang kilay. "Para saan?"
Rumehistro sa mukha ni Dulce ang kalituhan at pag-aalala. Sa ganoong reaksiyon pa lamang ay agad na nakuha ni Raphael na hindi madaling makukumbinsi ang asawa sa gusto niyang mangyari. Humugot siya ng malalim na hininga at muling tumalikod sa gawi ni Dulce. Isinandal niya ang baywang sa gilid ng nakabukas na bintana at tinanaw ang malayong dako, binibigyan ang sarili ng kalinawan para kahit papaano ay magawa niyang ipaliwananag kay Dulce ang lahat ng nais niya.
Nagpakawala siya ng isang malalim na hininga bago pinahayag ang nasa isipan.
"Pag tumuntong ng diyes ang mga bata, magpa-file tayo ng annulment," aniya sa isang mababang boses, walang halong asar o iritasyon. "At simula ngayon, dahan-dahan ko nang ipapaalam sa kanila kung anong katotohanan."
Napasinghap si Dulce, hindi makapaniwala sa kanyang narinig mula kay Raphael. Bigla bumigat ang buo niyang katawan, tila pinagbagsakan siya ng langit at lupa. Hindi niya maintindihan ang pilosopiya ni Raphael. Ito mismo ang gustong maging masaya ang mga anak at palaging ang kapakanan ng kambal ang prayoridad nito. Anong nag-iba ngayon? Dahil lang sa nakausap nito si Rosalinda, kaya ito biglaang magdedesisyon? Sa pangmilyong beses, umusbong ulit ang galit at sakit sa kanyang puso.
"Naririnig mo ba ang sarili mo, Raphael?" sarkastiko niyang sambit at marahas itong pinaharap sa kanya, ang kamay niya'y nakapulupot sa braso nito. "Akala ko ba lahat ng ginagawa mo ay para sa mga bata!"
Kumabog nang malakas ang puso ni Dulce nang maaninag ang iritasyon sa mukha ni Raphael. Naihakbang niya paatras ang kaliwang paa nang buong pwersa nitong tinabig ang kamay niya. Masakit, pero hindi nito natumbasan ang sakit na dinanas niya sa mga nakaraang taon. Parang namanhid na siya sa pisikal.
"Huwag mong kwestyunin ang pagmamahal ko sa mga anak ko!" sigaw ni Raphael sabay duro sa kanya.
"Kung ganoon, para saan ito?" balik na sigaw ni Dulce, sinusuklian ang uyam at frustration na nararamdaman ni Raphael. "Gusto mong makipaghiwalay? Paano ang mga bata? Naisip mo man lang ba na labis silang masasaktan? Na lalaki silang walang buong pamilya? Na hindi sila magiging buo dahil sa pagiging makasarili mo?"
Napantig ang tenga ni Raphael sa naging litanya ni Dulce. Rinding-rindi siya sa paninigaw nito pati sa pananalita nito. Nais niya sana ay katahimikan at masinsinang pag-uusap ngunit imposible ang hangad niya dahil sa pag-uugaling ito ni Dulce.
"Tama na, Dulce!" sita niya sa asawa sabay napasipa sa haligi dahil sa galit na gustong pakawalan. "Huwag mong gamiting rason ang mga bata para lang mapanatili itong relasyong ito!"
"Anong..."
Nangunot ang noo ni Dulce at pilit nitong hinabol ang kanyang tingin, tila ba gustong basahin ang nais niyang iparating doon. At nang bigyan niya ito ng tyansang makita ang repleksiyon nito sa pares ng kanyang mga mata ay kumislap ang butil ng luha sa gilid ng mga mata nito at marahang umiling-iling.
"Hindi ko ginagamit ang mga bata!" ani Dulce bilang depensa sa sarili.
Mariing nakalapat ang mga labi at umiigting ang panga, pinagmasdan ni Raphael ang asawang nakatayo sa kanyang harapan. Rinig niya ang malalim nitong paghinga sa ilang pulgadang distansya sa kanilang pagitan, tila may hinuhugot na emosyon sa kanyang baga. Kumikislap ang takot at pagsusumamo sa mga mata nito. Nagmukha itong miserable sa kanyang paningin ngayon pero wala siyang makapang awa sa kanyang puso. Pinal na ang kanyang desisyon at kahit ano pang sabihin ni Dulce ay hindi na iyon mababago.
Nilunok niya ang bara sa kanyang lalamunan bago binitawan ang salitang hindi pamilyar sa kanyang dila, ngunit halos araw-araw namang sinisigaw ng utak. "Maghiwalay na tayo."
Isang tuldok iyon sa usapang ilang taon ding hindi naputol. Sa pag-aalalang maaari pang dumugtong doon si Dulce ay napagdesisyunan ni Raphael na lisanin na ang silid nilang mag-asawa at umalis sa kanilang bahay. Hindi niya alam kung saan siya patungo. Pero dinala siya ng kanyang malabong pag-iisip sa lomihan na pag-aari ni Rosalinda. Siguro'y ito rin ang direksyong turo ng kanyang napapagod nang puso kaya dito siya napunta.
Wala namang mali, depensa niya sa kanyang konsensiya.
Tapos na sila ni Dulce, at wala naman siyang intensyong idamay ang babaeng mahal niya sa kaguluhan ng buhay niya. Alam niyang may asawa na ito at nirerespeto niya si Rosalinda. Ang gusto lang naman niya ay maging kaibigan ang dating ka-ibigan. Iyon lang. Wala na siyang ibang hiling.
Sa bahay naman na kasalukuyang binabalot ng madilim na atmospera, sa mismong silid ni Dulce at Raphael na maaaring maging kanya na lang sa mga susunod na gabi, naroon pa rin si Dulce sa kinatatayuan kanina, tila estatwang nanlalambot, at paulit-ulit niyang naririnig sa isipan ang katagang maghiwalay na tayo. Halos dumugo ang kanyang tainga at nagkaroon ng blackout ang kanyang sistema. Saglit niyang nakalimutan kung sino siya at kung bakit siya nandito at kung bakit hindi magawang suklian nitong lalaking kaharap niya ngayon ang pag-ibig niya. Biglang natigil ang lahat.
Nabalik lamang si Dulce sa reyalidad nang marinig ang tatlong beses na pagkatok ng kung sino mang nasa likod ng nakasaradong pinto. Umabot pati sa kanyang puso ang lakas ng pagkatok nito. Sa desperasyon ng kanyang imahinasyon ay inakala niyang si Raphael iyon at bumalik para bawiin ang sinabi. Dali-dali niyang binuksan ang pinto.
Laking dismaya niya na si Dita lang pala ang naroon. Sinalubong siya nito ng pag-aalala at mabilis na sinakop ng kamay nito ang kanyang palad.
"Anong nangyari, Ma'am?" Batid niya ang nerbiyos nito sa nanginginig nitong boses. "Pasensiya po kung nakikialam ako. Narinig ko po kasi kayong nagsisigawan kanina ni Sir, tapos bigla nalang tumahimik. Tapos hindi ka pa lumalabas sa silid mo. Nag-alala po ako."
Mula sa pagkakayuko ay tumingala siya upang magkasalubong ang kanilang tingin. Ang kaninang pinipigilang mga luha ay nag-unahan sa pagpatak. Hindi niya alintana ang hapdi ng pagdaan ng tubig sa gasgas na gilid ng kanyang mga mata. Bahala nang masaktan sa ganitong paraan, basta't mawala lang ang paninikip ng puso niya ngayon.
"Dita..."
Gusto niyang ibuhos lahat hanggang sa muling kumawala ang presyon sa kanyang kalooban. Kaunti na lang ay malalagutan na siya ng hininga at mamamatay dahil sa pagmamahal. Diba ito ang nagbibigay buhay sa mundo? Pero bakit salungat no'n ang dala nito sa kanya? Ang pagmamahal niya kay Raphael ang siyang pumapatay sa kanya.
"Wala na kami, Dita. Hiniwalayan niya ako," sumbong niya kay Dita sa pagitan ng kanyang mga hikbi.
Magmukha man siyang batang uhugin sa harap ng kanyang kasambahay ay sige lang. Lulubusin na niya ang kahihiyang sinapit.
"Wala na kami, Dita," muli niyang sambit at lalong lumakas ang hagulgol niya. "Wala na si Raphael sa akin! Paano na ako, Dita? Paano na ako? Mamamatay ako kung wala siya sa buhay ko!"
Sa nauubos na enerhiya ay halos mapaluhod na lamang siya. Pesteng pagmamahal itong dumapo sa kanya na kahit paliguan niya ng holy water ang sarili ay hindi mawawala ang sapi ng isang sawing pag-ibig. Sa bawat araw ay lumalala lamang ang paghihirap niya. Buti nalang at narito si Dita na handa siyang itayo at suportahan. Inalalayan siya nito paupo sa gilid ng kanyang kama habang patuloy ang pagpatak ng mga luha sa kanyang pisngi.
"Ma'am, tumahan muna kayo," pang-aalo ni Dita sa kanyang balikat na umepekto naman kahit papaano dahil agad tumila ang ulan na likha ng kanyang mga mata.
Napasinghot si Dulce at tiningala si Dita sa kanyang gilid. "Ano nang mangyayari sa akin?"
Natigilan si Dita. Gaya ng palagi nitong ginagawa bago magsalita ay tumitig ito ng seryoso sa kanya, tila ba nanghihingi ng permiso kung maaari bang ihayag ang sarili nitong opinyon.
"Hindi ko po alam, Ma'am. Pero nasa inyo po iyon kung paano niyo hahawakan ang ganitong sitwasyon," ani Dita sa isang mababang boses na tila nagpapakalma sa kanyang nagraragasang damdamin. "Basta po, isipin niyo rin po ang sarili niyo."
Isang balde ng tubig ang tila inihampas sa kanyang mukha dahil sa binitawang pangungusap ni Dita. Nahimasmasan siya. Tama ito. Nakalimutan niyang pahalagahan ang sarili dahil nakasentro lamang ang pokus niya kay Raphael. Kung naitatak niya lang sana sa isipin niya na bigyang halaga ang sarili ay baka hindi siya lubos na nasasaktan ngayon. Hindi sana siya manghihingi ng kapalit sa kahit sino para lang sa pagmamahal na kaya niyang ibigay sa sarili.
"Okay na po kayo, Ma'am?" tanong ni Dita sa kanyang tabi habang hinahaplos ang kanyang likod.
Tumango lamang siya bilang sagot. Isang himalang maituturing na nagawa niyang ngitian si Dita sa kabila ng pighating nadarama. At sa pagkakataong ito, ilang imposible pa ang gusto niyang mangyari sa katotohanan: ang pagtanggap niya na, liban sa pagiging magulang sa kanilang mga anak, ay wala na silang relasyon ni Raphael, ang paglimot niya sa pagmamahal para sa lalaki at ang paghilom ng mga sugat sa kanyang puso. Tiwala siyang makakamit niya ito sa takdang oras. Maaaring bukas, makalawa, pagkatapos ng ilang buwan o ilang taon. Panahon na lamang ang makapagsasabi.
"Salamat, Dita," ani Dulce at pinunasan ang namamasa niyang pisngi.
Dumating ang hapon at uwian na ng mga bata. Nang marinig ang ugong ng kanilang sasakyan ay agad na lumabas si Dulce mula sa sa kusina at sinalubong ang mga bata sa terrace ng bahay. Nang mahagilap siya ng mga ito ay nagtatakbo ito patungo sa kanyang kinatatayuan, umaangat ang bag ng kambal sa likod nito kasabay ng bawat hakbang. Nakasunod dito si Raphael na hindi niya makitaan ng emosyon ang pagmumukha. Sa halip na manlumo ay niyapos niya ang dalawa ng may matamis na ngiti sa labi at pinaghahagkan ang noo nito. Sa mga anghel na lamang niya ihahandog ang isangdaang porsyentong ng kanyang pagmamahal dahil sigurado siyang hindi nito bibiguin ang puso niyang uhaw.
"Kumusta ang school?" tanong ni Dulce kay Dolly habang kinukuha mula dito ang dilaw at may kabigatan nitong bag.
"Happy po ako, Mama. May kaibigan po ako. Name niya Sofia," magiliw namang sagot ni Dolly habang sinasabayan sa paglakad papasok ng bahay.
"Buti kung ganoon, anak. Mas magiging madali ang mag-aral kapag may nakakausap ka, hindi ba?"
"Opo!" naglulukso nitong sagot na nagpatawa sa kanya.
"Likot mo, Dolly!" saway naman ni Dill sa kanyang tabi.
Muli siyang napatawa dahil sa pagsimangot ni Dolly sa kambal at binelatan pa ito. Hindi niya inaasahang magagawa niya pa ring humalakhak sa kabila ng bigat na nararamdaman, sa kadahilanang nasa likuran lamang nila ang taong dahilan ng kanyang dalamhati. Iba pa rin talaga ang mahikang gawad ng mga anak.
"Nagluto ako ng paborito niyong sinigang," anunsiyo niya nang mailapag niya ang bag ng dalawa sa pang-isahang sofa ng sala.
Ang tatlo ay nakaupo na sa pahabang sofa na nasa kabila. Si Dolly ay nakakandong sa ama nito.
"Talaga po? Gutom po ako, Mama, dadamihan ko po ng kain," sagot ni Dolly sa isang matinis na boses.
"Paborito rin po iyon ni Papa, diba, Mama?" singit naman ni Dill sa isang seryosong boses.
Hindi man sadya ni Dulce, awtomatikong lumipad ang tingin niya kay Raphael. Bumilis ang tibok ng puso niya nang mahuli itong nakatitig sa kanya. At ano itong nakikita niyang emosyon sa mga mata nito? Pinigilan niya ang sariling manlambot at hindi na pinangalanan kung ano man ang nakita. Quota na siya sa kanyang pang-iilusyon.
Itinuon na lamang niya ang pansin kay Dill at sinagot ito nang may pekeng ngiti sa labi, "Hindi, anak. Ibang putahe na ang paborito ng Papa mo ngayon."
---💛---
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top