Kabanata VIII
---💛---
TILA MAY pumipitik sa ulo ni Raphael nang magising kinaumagahan. Akmang hihilutin niya ang sentido nang may maramdamang bigat sa kanang parte ng kanyang katawan. Napabuga siya ng hangin matapos ibaling ang tingin doon at masaksihan ang kahubadan ni Dulce na nakakunyapit sa kanya. Ang kamay nito ay nakatago sa pagitan ng kanilang katawan, magkasiklop. Hindi nakaligtas sa mapanuri niyang mga mata ang pamumula ng bandang leeg at dibdib nito.
Umiwas siya ng tingin at sinuklay ng daliri ang buhok. Napalitan ng nang-aagrabyadong tibok ng puso ang kaninang masakit na ulo. Sa lakas nito ay para siyang aatakehin ng kamatayan. Lasing siya kagabi pero nasa tamang katinuan pa rin siya noong hagkan niya ang babae.
Aminado si Raphael na ginusto niya ang mga naganap kagabi, dahil syempre, natural sa isang lalaki ang maglabas ng init ng katawan. Pero ngayong tumila na ang makamundong tensiyon na nararamdaman niya ay kinakain naman siya ng sariling konsensiya dahil sa muli niyang ginalaw ang asawa. Lalo niyang pinapahirapan ang sitwasyon nila sa ganitong akto.
"Dapat kasi nagpigil ka na lang," naisatinig niya sa ilalim ng hininga.
Naputol ang pagmomonologo ni Raphael sa kanyang isipan nang maramdamang gumalaw si Dulce sa kanyang tabi. Nilingon niya ito at nahuli ang lungkot at pagka-alarmang dumaan sa mukha nito. Dali-dali itong umusog at naupong hubad sa kama. Bumungad sa kanyang paningin ang makrema nitong balat sa likod at hindi niya mapigilang alalahanin ang pagsasalo ng kanilang kaangkinan kagabi. Marahas siyang bumangon upang iwaksi ang nasa isipan at inabot kay Dulce ang damit pantulog nito na nadaganan pala niya.
"Ang damit mo," ani Raphael, ang mata ay nasa balikat nito.
"Salamat," sambit ni Dulce sa ilalim ng kanyang hininga habang inaabot ang damit, ang mga mata nito ay hindi dumako sa kanyang pwesto. "Ang mga bata pala. May klase na ang mga iyon."
Kalkulado sa ipinapakitang reaksiyon ni Dulce ngayon, napagtanto ni Raphael na ayaw nitong pag-usapan ang nangyari kagabi. Ganoon din naman siya.
"Ginising na siguro ni Dita," sagot niya at nilingon ang kanyang kaliwa, kung saan nakasabit ang orasan nila. "Alas sais pa lang naman pala."
Nang maayos ang itsura nito ay tumayo na si Dulce at nagtungo sa banyo. Siya naman ay nanatili sa kama, hinilot ang sentido bago naisipang bihisan ang kahubadan. Siya na rin ang nag-ayos ng gusot sa kanilang sapin sa kama na resulta ng kanilang pagsisiping. Natigil siya sa pag-aayos sa plastada ng kanilang unan nang bumukas ang banyo at iniluwa doon si Dulce. Hindi nito magawang salubungin ang titig niya.
"Iche-check ko lang ang mga bata," paalala nito na tinanguan lang ni Raphael.
"Sige."
Nang lumabas ang asawa ay doon lamang niya pinakawalan ang hanging halos lumunod sa kanyang baga. Sobrang bigat ng damdamin niya kanina habang pinagmamasdan ang asawa, tila ba karga niya pati ang saloobin nito. Sa kilos ni Dulce, alam niyang nasaktan ito sa pananamantala niya.
"Nagpadala ka kasi," muli niyang paninisi sa sarili.
Noong araw lang, kinumpirma niya rito na ni katiting ay wala siyang maibibigay na pagmamahal dito at hindi naman siya insensitibo upang hindi malaman na nasaktan niya ito. Ulit. Tapos sa mismong gabi ng araw na iyon, nagawa niya naman itong pagsawaan. Malamang, sa isip nito ngayon ay itinuturi niya lang itong parausan. Marahas na napahilamos si Raphael sa kanyang mukha.
Sa kabilang kwarto, naroon si Dulce at pinapaliguan si Dolly. Hindi niya napilit na sumabay si Dill sa banyo at rason nito ang paglaki raw nito. Namumula pa nga noong ayain niya. Habang nakayukong tinutuyo niya ang buhok ni Dolly, panay naman ito sa paghaplos sa kanyang pisngi, naninindig ang mga balahibo sa kanyang batok sa malamig at basa nitong palad.
"Mama, ang ganda mo po ngayon," nakangiting sambit ni Dolly.
"Ngayon lang ba, anak?" nakatawang sagot ni Dulce.
"Hindi po. Palagi naman po pero ngayon po iba," paliwanag nito na sa totoo lang ay hindi niya gaanong nakuha.
Tumawa nalang si Dulce at pinagpasalamat sa itaas na may anak siyang nagpapagaan sa lahat ng bagay, sa lahat ng pasanin niya sa nakaraang limang taon. Basta kaharap niya ito at si Dill, panandaliang nawawala lahat ng sakit na dulot ng asawa. Hinahabi ng dalawa ang mga punit sa kanyang puso.
"Masaya kasi ako na may Dolly ako," ani Dulce sabay halik sa noo ng anak.
Napansin niya ang pagtagpo ng mga kilay nito habang nakatingala sa kanya, halatang hindi naintindihan ang sinabi niya.
Dinugtungan niya nalang ito ng kaunting paliwanag, "Gumaganda lalo ang tao kapag masaya sila, anak."
"Ganoon po? Maganda din po pala ako, kasi saya saya po ng heart ko."
Tumango na lamang si Dulce at ngumiti. Sisikapin niya, ano man ang mangyari, na hindi mabura sa sistema nito ang kasiyahan, ang kainosentehan at ang kapayapaan. Binuhat niya ang anak palabas ng banyo nito at binihisan ng uniporme. Nagpaalam naman si Dill na maliligo na.
"Bakit po si Dill ayaw na magligo kami dalawa?" tanong ni Dolly, may kuryosidad sa tono nito.
"Malaki na kasi si Dill, anak," pagklaro ni Dulce habang sinusuklay ang basa pa nitong buhok, abot sa kanyang paghinga ang mabulaklaking bango ng ulo nito. "Ikaw rin kapag nagdalaga na, maliligo ka na rin na ikaw nalang."
Mula sa salamin ay nakita niya ang nakanguso nitong labi. "Hindi po. Gusto ko po na ikaw po magpaligo sa akin."
Mapait na napangiti si Dulce at inipit ang clip sa iilang hibla ng buhok ni Dolly sa harapan. "Dadating ang panahon, nak, na kaya niyo na ni Dill na wala ako. Alam mo iyong strong, independent woman? Ganoon ang nais ko para sa'yo."
Dahil baka hindi ko makayanan at mapabitaw na lang ako, bulong niya sa isip.
"Strong, independent woman," ulit ni Dolly sa Ingles na nagtunog Tagalog, tila tinatatak ang mga salita sa sariling nitong mundo.
"Kunin mo na iyong bag mo at doon na natin hintayin si Dill sa sala," ani Dulce at iginaya na ang anak palabas ng silid.
Saktong pagpihit niya sa pinto ay iniluwa naman ang bagong ligong si Raphael sa kabilang kwarto. Ang mga ipokrito niyang mata ay talagang pinasadahan pa ng tingin ang kabuuan nito bago lumiko ang tingin sa hagdan. Simpleng itim na T-shirt at puhaw na pantalon lang ang suot nito. Si Dolly naman ay magiliw na lumapit sa kanyang ama. Iniwan nalang niya ang dalawa pero sa tunog ng mga yabag at ng maiikli nitong pagpapalitan ng kwento, natukoy niyang nakasunod lang ito sa kanyang likuran.
"Sasabay ka sa paghatid sa mga bata?"
Natigilan si Dulce sa paghakbang, ang maliliit na ugat sa kanyang puso ay pumipitik at ang kanyang dibdib ay nanikip sa hindi malamang dahilan. Siguro ay dahil sa kaswal na boses ni Raphael na para bang nakalimutan na nito ang kung ano mang namagitan sa kanila kagabi o ang pagkabigla niya na ito mismo ang nagtanong na para na rin namang isang imbitasyon.
"Hindi pa ako naliligo," maikli niyang sagot.
"Ako nalang ang bababa. Sa kotse ka lang," ani Raphael.
"Sama ka na po, Mama," panggagatong pa ni Dolly.
"Hmm, sige."
Iyon lang at nagdire-diretso na sa kusina. May ngiti sa labi ni Dolly samantalang si Raphael at Dulce ay parehong blangko lang ang tingin. Ilang saglit lang din ay naroon na si Dill sa hapag. Si Dita ang naghanda ng almusal nila pero siya naman ang nag-asikaso sa mga pinggan.
"Sige na, kumain na kayo. Aakyat muna ako sa itaas at magbibihis."
Hindi na siya naghintay ng sagot at nilisan na ang kusina. Pagkatapos niyang mag-ayos ng sarili ay bumaba na siya. Naabutan niya ang mag-ama sa terrace ng bahay, nagkukwentuhan na naman. Si Dill ang unang nakapansin sa kanya.
"Halina kayo at baka mahuli pa kayo sa klase," aya niya sa mga bata.
Agad na tumayo si Raphael at binuhat si Dolly. Hawak naman ni Dill ang kamay ng ina habang naglalakad sila patungo sa kotse nilang nakagarahe lang sa harap ng bahay. Inalalayan ni Raphael ang dalawa papasok sa backseat habang siya ay nauna nang pumasok sa harapan. Pagkaraan ng ilang segundo, sumunod din si Raphael at nagmaneho na patungo sa pribadong paaralan na nasa malayong barangay pa nadestino.
Makaraan ang tatlumpong minuto, natapos ang mahabang kuwentuhan at dumating na sila sa mismong gate ng eskwelahan ng mga bata. Magiliw itong nagpaalam at tumango-tango sa mga bilin niya bago ito bumaba sa kotse kasama si Raphael.
"Dill, ha, si Dolly huwag mong pabayaan," muling bilin ni Dulce.
"Opo, Mama."
"God bless sa inyo," habol niya.
Sinamahan ni Raphael ang mga bata sa pagpasok sa gate. Siya naman ay nanatili lang sa loob, tinatanaw ang iba pang mga batang bumababa sa kotse, traysikel o pick-up. Nang mapansing may katagalan na at hindi pa nakakabalik si Raphael ay agad siyang sumilip sa gate mula sa bintana ng kotse.
Nanlaki ang mga mata ni Dulce at biglang lumakas ang tahip ng puso niya sa senaryong lumantad sa kanya. Tila isang nakakatakot na pelikula ang natanaw niya mula sa bintana ng kotse. Si Raphael na nakangiti habang kausap ang nakangiti ring si Rosalinda. Masayang tanawin ng dalawang taong nagmahalan ang nasa kanyang unahan ngayon pero labis na kalungkutan ang dulot nito sa kanya. Tila pinipiga ang kanyang dibdib sa sakit at ang buong katawan ay nanginginig.
Hindi mawari ni Dulce kung lalabas siya o hahayaan nalang na mangyari ang gustong mangyari ng tadhana. Noon, sobrang tapang niya sa tuwing inaaway niya si Raphael at pinagbibintangan nangangaliwa. Pero ngayong nandito na mismo si Rosalinda ay biglang nabahag ang buntot niya.
Pinili na lamang ni Dulce na manatili sa loob ng kotse habang bumubuhos ang mga luhang hindi maubos-ubos sa likod ng kanyang mga mata.
"Hayaan mo na, Dulce," bulong niya sa pagitan ng mga hikbi.
---💛---
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top