Kabanata V



---💛---

GAYA ng nakasanayan sa halos limang taon, nang magising si Raphael ay awtomatikong lumapag ang namumungay niyang tingin sa kabilang parte ng kama. Nangunot ang kanyang noo nang walang Dulce'ng natagpuan roon at nang mapansing ang sapin ay tila plantsado, senyales na hindi ito nagalaw. Napagtanto niyang hindi doon natulog ang asawa.

Napabalikwas siya mula sa pagkakadapa at lumipad ang tingin sa kayumangging kisame, ang ulo ay ipinatong sa mga braso. Sa komportableng pagkakahiga, ang isip niya ay lumipad sa kung saan siya dinala ng konsensiyaㅡang imahe ng lungkot na kumikislap sa pares ng mga mata ni Dulce.

Tumakas ang isang malalim na buntong-hininga sa labi ni Raphael habang pilit dinidiskubre ang rason kung bakit hindi niya magawang tingnan si Dulce nang higit pa sa pagiging ina nito sa mga anak niya o higit pa sa pagiging partner niya sa kama. Lumipas man ang mahabang panahon na sila ang magkasama sa iisang bubong at magkatabi sa pagtulog, ni minsan ay hindi niya narinig ang pusong sinisigaw ang pangalan nito. Hanggang ngayon, ibang babae pa rin ang kabiyak ng puso. Kung sana madali lang ang lumimot...

Isang buntong-hininga ang muling pinakawalan ni Raphael bago isinantabi ang mga tanong na hindi niya rin naman magawang bigyan ng kasagutan. Nandito pa rin siya sa estado ng buhay kung saan pinipilit niyang manatili kahit na malapit na siyang malunod sa kalungkutan.

Dala ang bigat ng katawan at kalooban, bumangon si Raphael sa kama, nagbihis ng sando at mabilis na bumaba sa sala. Doon niya natagpuan si Dulce kasama ang mga anak nila. Napapagitnaan ito ng kambal na parehong okupado sa pagguhit ng kung ano man. Tumikhim siya upang nakawin ang atensiyon nito mula sa mga krayolang hawak-hawak ng mga bata.

Halos magkasabay ang tatlo sa paglingon sa gawi niya. Si Dolly at Dill ay parehong may ngiti sa labi nang tingnan siya at nag-unahan pa ito sa paglapit at pagbati sa kanya ng 'good morning'. Ngunit si Dulce ay nanatili lamang sa sofang kinauupuan nito at mabilis na lumihis ng tingin pabalik sa mga papel na nagkalat sa lamesa.

"Mama, o, gising na si Papa. Wala ba siyang good morning?" nakalabing sambit ni Dolly.

Ang tingin niya ay nakapukol pa rin kay Dulce, naghihintay ng kahit kaunting reaksiyon mula dito. Pero wala, bigo siya. Dahil siguro sa napag-usapan nila kagabi kaya ito nagkakaganito. Tinapik na lamang niya ang ulo ni Dolly.

"Anong ginagawa niyo, anak?"

Nagpatianod si Raphael kay Dolly nang hilain siya ng anak palapit sa table. Pagkatapos ay umupo ito sa sofa katabi ang ina kaya naupo na rin siya. Si Dill ay nakamasid lang sa kanila sa isang gilid.

"Nagguhit po ako ng bahay po tapos sa gilid po ikaw Papa, pati si Mama at si Dill," nakangiting sagot ng anak habang tinuturo ang guhit nitong may lampas pa ng krayola sa gilid.

"Galing ng anak ko," ani Raphael sabay haplos sa buhok ni Dolly.

Humagikhik si Dolly sa kanyang tabi, tila may kumikiliti dito. Ngunit natigilan ito nang tumayo si Dulce at nagpaalam kay Dolly na pupunta lang sa kanyang silid. Sinundan niya ng tingin ang asawa, hinihintay itong magpaalam sa kanya ngunit hindi man lang ito tumingin sa kanyang gawi. Diretso lang ito sa paglakad hanggang sa tuluyan itong maglaho sa kanyang tanaw. Talagang nagtatampo ito. Nagkibit-balikat na lamang siya at tinuon na ang kamalayan sa kambal.

SA KABILANG dako ng bahay, sa loob ng silid ng mag-asawa, tahimik na pinagpapahinga ni Dulce ang pusong pagod na sa pagtibok. Habang ang palad ay nasa dibdib, dahan-dahan siyang naupo sa paanan ng kama, pinapakalma ang mga ugat sa buo niyang katawan na walang ibang naging sigaw kung 'di ang mga katagang 'tama na'.

Kung ito lang ang ikokonsedera niya, siguro takipsilim pa lang ay lumayas na siya dito. Pero may mga anak siyang dapat isipin kaya pinili niyang manatili. Lulunukin niya ang puri bilang babae hanggang sa tuluyan itong tunawin ng kanyang pagkatao, hanggang sa tuluyan niyang matanggap na walang pag-asang ang inaasam niyang pagmamahal mula kay Raphael.

"Mama..."

Hinila siya ng maliit at nag-aalalang tinig na iyon mula sa kanyang malalim na pag-iisip. Uminat sa isang pekeng ngiti ang mga labi ni Dulce nang mahagilap si Dill sa pagitan ng nakabukas na pinto, nakasilip sa kanyang gawi.

"Halika, anak," imbita niya dito na agad namang tinugunan si Dill.

Lumapit ito sa kanya at yumakap sa kanyang tiyan, ang mukha ay lumapat din doon, tila gustong magtago. Hinaplos niya ang buhok ng naglalambing na anak.

"May gusto kang sabihin kay Mama?"

Marahan ang paggalaw ng ulo ni Dill nang umiling ito. Kapag ganito, alam na niya. Nahihiya na naman ito sa gustong sabihin.

"Ano 'yon, anak? May sikreto ka na kay Mama ngayon?" aniya na sinamahan pa ng pagtawa.

"Wala po," mahinang sagot ni Dill ngunit halata sa boses ang iritasyon.

"Hmm. May gusto kang kainin? Magluluto si Mama."

Hindi ito sumagot. Nanatili lang ito sa pwesto at tila hindi man lang nakakaramdam ng pangangalay sa bahagya nitong pagluhod. Hinayaan na lang din niya ang anak at inawitan ito habang sinusuklay sa pagitan ng kanyang mga daliri ang maikling buhok ng anak. Nang matapos ang kanta ay doon lang ito humiwalay sa kanya.

"Ma, bakit po hindi mo pinapansin si Papa?" diretsahang tanong nito, walang kurap-kurap ang inosente nitong mga mata habang nakatingala sa kanya.

Nakagat niya ang ibabang labi habang nag-iisip na naman ng alibi.

"Wala, anak. Ah... Diba busy tayo sa pagguhit kanina kaya hindi ko napansin ang papa mo," pagdadahilan niya.

"Pero bakit nung tayo pa lang ni Dolly doon sa sala, nagkukwento ka pa sa amin, tapos no'ng nandoon na si Papa, hindi ka na nagkwento tapos umalis ka kaagad," sambit nito sa isang nanunumbat na tono. "Baka malungkot si Papa, Mama."

Tila may kamay na humipo sa puso ni Dulce nang marinig iyon mula sa anak. Mapagmahal talaga ito sa ama at may malaking puso. Isa ito sa mga ayaw niyang mabasag at maputol dahil lang sa mga makasarili niyang desisyon.

"Masaya naman ang Papa ninyo palagi lalo na at mababait ang mga anak niya."

Lumiwanag ang mukha ni Dill. "Talaga po?"

"Oo naman," nakangiting kumpirma ni Dulce. "Kaya nga mahal na mahal namin kayo ng Papa mo."

"Love din po kita, Mama."

Napangiti si Dulce. Kagaanan sa puso niya ang dala ng mga salitang dumaloy sa matamis na dila ni Dill. Tila ito ang lunas sa sakit na piping iniinda. Ngayon niya nasaksihan ang katotohanang sapat na sa kanya ang pagmamahal ng mga anak. Kahit na wala ng galing kay Raphael, kuntento na siya sa mga anak nila.

---💛---

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top