Kabanata IV

---💛---

NAPALINGON si Dulce sa parisukat na orasang nakasabit sa kulay kremang pader ng kusina. Nakagat niya ang ibabang labi nang mahagilap ang maikling kamay nito na nakasentro sa numerong sais. Gabi na pero hindi pa nakakauwi ang mag-ama niya kaya tuloy nag-iiba na naman ang takbo ng isip niya. Naaalarma siya.

"Baka kung saan niya pa dinala ang mga bata," bulong niya sa sarili.

Pahakbang na sana si Dulce upang silipin ang likod-bahay nang marinig mula sa sala ang matinis na boses ni Dolly na tumatawag ng 'Mama'. Umalingawngaw hanggang kusina ang galak sa tinig nito. Mabilis niyang tinanggal ang suot na apron at nagtungo sa sala upang salubungin ang anak. Nang makita siya ay naglulukso itong lumapit sa kanya.

"Mama! Ang saya ko po," wika ni Dolly.

Napatawa na lang din siya. Tila isang virus na nakakahawa ang sayang nakikita niya sa mukha ng anak.

"Halata nga," komento ni Dulce at lumuhod upang magpantay sila ng kanyang anak. "Kaya pala ginabi na kayo ng uwi?"

Hinaplos niya ang nakatirintas nitong buhok habang magiliw itong naglalahad ng naging karanasan kasama si Dill at Raphael.

"Ang taas kasi lumipad ng saranggola. Parang ibon lang po. Kahit masakit na kamay ko, go pa din po ang saranggola. Tagal siyang naglipad."

Humina ang boses ni Dolly sa kanyang pandinig nang matanaw niya mula sa likod nito ang paparating na mag-ama. Magkasabay ang bawat hakbang ng dalawa habang papasok sa nakabukas na pinto ng sala. Si Dill ay nakahawak sa laylayan ng T-shirt ng ama na para bang ayaw nitong mahuli o mawala. Si Raphael naman ay bitbit ang asul at dilaw na saranggola ng mga anak. Mabilis siyang tumayo at nagpagpag ng bestida nang makalapit si Raphael sa kanilang kinatatayuan. Inabot nito kay Dolly at Dill ang saranggola. Asul kay Dill. Kay Dolly naman ang dilaw.

Sa isang maawtoridad na tinig ay tinawag ni Raphael si Dita at inutusang dalhin ang mga bata sa silid ng kambal. Agad naman itong sinunod ni Dita at sa isang iglap ay sila na lamang ni Raphael ang nasa sala, nakatayo paharap sa isa't isa, tahimik na nagpapakiramdaman.

Hindi mawari ni Raphael kung ano pang tinatayo niya doon sa harap ng asawa na para bang naghihintay ng kung ano. Natauhan lamang siya sa kanyang lutang na pag-iisip nang talikuran siya ni Dulce at nagtungo ito sa kusina. Ngunit bago pa ito maglaho sa sala ay may pahabol itong utos.

"Tawagin mo na ang mga bata at pababain para makakain na tayo," ani Dulce.

Hindi agad niya nasunod ang sinabi nito at saglit na pinagmasdan ang kabuuan ng maespasyong sala. Ramdam niya ang blangkong atmospera dito. Binalot ng pinturang puti ang dingding at may malaking telebisyon sa harap ng mga kayumangging sofa. Sa gitna ay may maliit din na lamesa na hanggang tuhod niya ang taas at doon ay may nakalatag na mga aklat. May laman naman ang parteng iyon ng bahay pero bakit ramdam niya ang kakulangan?

Napapailing na lamang si Raphael at tinigil ang pag-isip ng kung anu-ano. Umakyat siya sa ikalawang palapag at doon ay sinundo ang kambal. Tapos na itong paliguan ni Dita nang makapasok siya sa silid ng mga bata at preskong-presko itong tingnan sa magkaterno nitong mga pajama.

"Kain na tayo, nak," wika niya sa dalawa na agad namang nagtanguan.

Umalpas ang tawa sa bibig ni Raphael nang takbuhin ni Dolly ang pwesto niya at itinaas ang dalawang braso sa ere, sa mismong harap niya, senyales na nagpapabuhat.

"Sus, ang Dolly namin," ani Raphael sa natatawang tinig.

"Up po, Papa!"

Nakakaramdam man ng pagod dahil sa pagmamaneho ng halos kalahating araw, sinunod niya ang gusto ng anak at kinarga ito pababa sa kusina. Si Dill ay tahimik lang na nakasunod sa kanila at panaka-naka ay kinakausap naman ni Dolly.

"O, maupo na kayo," aya ni Dulce sa kanila nang pumasok sila sa kusina.

Ibinaba ni Raphael si Dolly sa paborito nitong upuan, sa kanyang kaliwang gilid at katabi si Dill. Naupo na rin si Dulce sa kanyang kanan at bakante ang upuang katabi. Nakalatag sa hapag ang malaking bowl ng kanin at sa tabi nito ay ang adobong manok at tinolang manok na nag-aaso pa sa init. Ang bawat isa sa kanila ay may katapat na baso ng mango juice.

"Dita, sumabay ka na sa amin," anyaya ni Dulce sa kanilang kasambahay.

Hindi na bago sa kanya ang pasabayin ito sa pagkain, sa almusal man, tanghalian o hapunan. Kapatid na ang turing niya kay Dita, kahit minsan ay nararamdam niyang natatakot pa rin ito sa kanya.

"Salamat po, Ma'am," magalang nitong sambit at naupo na sa tabi niya.

"Uh, pray po muna tayo," maligalig na sambit ni Dolly at pinagsaklop ang dalawang kamay sa dibdib nito. "Papa Jesus, sana po mabusog kami sa luto ni Mama. Dadamihan ko po ang pagkain para lumaki. At sana Papa Jesus, palagi happy ang family, gaya ngayon, Papa Jesus. Sobrang saya po. Thank you, Papa Jesus."

Tila libu-libong karayom ang tumarak sa puso ni Dulce nang marinig ang dasal ng anak. Napalingon siya sa kanyang mister at sa 'di inaasahan ay sumalubong sa kanya ang malalim nitong titig. Tila ba kinakausap siya nito gamit ang mga salitang tanging sa ekspresyon lamang ng mga mata nito nailalabas. Mabilis na umiwas ng tingin si Dulce. Isang pekeng ngiti ang humagibis sa labi niya.

Masaya siya dahil kahit papaano, nararamdaman niya ang kasiyahan ng mga anak, pero hindi niya rin mapigilang maaawa sa mga bata kapag pumapasok sa isip niya ang bukas. Paano kung magising na lang mga ito kalaunan na isang palabas lamang ang lahat ng ito, palabas na gawa nilang mag-asawa? Alam nilang pareho ni Raphael na hindi ito ang katotohanan nilang magpamilya; na sa pagitan nilang dalawa ay siya lang ang nagmamahal.

Binalot man ng magagandang kwento ni Dolly ang kanilang hapunan, nag-uumapaw pa rin sa puso at kaisipan ni Dulce ang lungkot at pangamba para sa kanyang mga anak.

Matapos ang hapunan at ang pagpapatulog sa kambal, nagkasundo si Raphael at Dulce na tapusin ang araw na ito sa isang madibdibang pag-uusap sa balkonahe ng kanilang kwarto. Sumandal si Dulce sa barandilya at tumingala, tinatanaw ang makulimlim na kalangitan na walang bakas ng ningning ng bituin, tila sinasalamin nito ang nararamdaman niyang kawalan. Napayakap siya sa sarili nang umihip ang malakas na hangin sa kanilang gawi. Kay lamig ng paglapat nito sa kanyang balat. Ganunpaman, hindi nito napantayan ang lamig ng pakikitungo ni Raphael sa kanya sa tuwing sila na lang ang naiiwan sa eksena.

"Alam kong isinapuso mo 'yong naging dasal ni Dolly kanina," panimula ni Dulce at nilingon si Raphael na ngayon ay nakaupo lang sa isang bangko doon, may kalahating metro ang layo sa kanyang kinatatayuan.

"Anong magagawa natin?"

Inilapat nito ang sinindihang sigarilyo sa labi, pagkatapos ay bumuga ng usok. Pinigilan na lamang niyang sitahin ito kahit na umaalingasaw sa kanyang ilong ang malakas nitong amoy. Wala din naman itong tenga para sa kanyang mga hinaing kaya walang silbi ang pangbabawal niya dito.

"Alam na alam mong hindi tayo gaya ng iniisip niya," tila may nabasag sa lalamunan ni Dulce nang sambitin iyon. Sobrang bigat lang talaga ng puso niya ngayon na kahit pagsasalita ay hirap siyang gawin.

Muling nagpakawala ng usok si Raphael sa kawalan, tila ba doon niya nilalabas ang kung ano mang dala ng kalooban nito.

"Masaya naman na ang mga bata ganito. Sila naman ang importante, 'di ba? Hayaan nalang natin."

Tuluyan siyang pumihit paharap sa kanyang asawa at pinameywangan ito bago isiniwalat ang pagtutol sa pilosopiya nito. Minsan kasi talaga ay baluktot ang pag-iisip nito.

"Magkakaisip ang mga 'yan, Raphael. Makikita nila kung ano ba talagang totoo at kapag nangyari 'yon tingin mo hindi sila mabibigo?" Nakagat niya ang labi nang maramdaman ang muling pagkabasag ng kanyang boses kasabay ng pang-aanghang ng gilid ng kanyang mga mata. "Tingin mo hindi sila masasaktan?"

Nahuli ng kanyang pandinig ang malalim nitong buntong-hininga. "Anong gusto mong gawin natin? Magmahalan bilang mag-asawa?"

Umawang ang labi ni Dulce sa narinig at napatitig sa mga mata ng asawa. Inakala niya kanina, wala ng mas madilim pa sa kalangitan ngunit sa mga mata ni Raphael, nakita niya hindi lang ang dilim at kawalan kung 'di ang butas ng kalawakan na hindi niya kailanman mapunan.

"Paumanhin, Dulce, pero hindi ko maibibigay ang gusto mo."

---💛---

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top