Kabanata II

---💛---

"DILL! Dill! Tingnan mo sila," napapalakpak sa tuwang sigaw ni Dolly mula sa loob ng sasakyan habang nawiwiling tinuturo ang mga batang nagpapalipad ng saranggola sa malawak na sakahang nadaanan nila. "Pa, gawan mo kami ng ganyan po, please!"

Lumipad ang tingin ni Dulce sa rearview mirror at mula doon ay sinilip ang kanyang anak na babae na kasalukuyang nakahilig sa bintana ng umaandar nilang sasakyan, hinahabol ng tingin ang iilang saranggolang tanaw sa himpapawid.

"Oo nga po, Pa. Gusto namin maglaro ng ganyan," pagsang-ayon naman ni Dill sa kambal at nakisali na rin sa ginagawa ng kapatid.

"Mababali iyang leeg niyo, Dolly... Dill..." saway niya sa mga bata ngunit hindi man lang siya pinakinggan ng mga ito.

Dumagundong sa loob ng sasakyan ang tawa ni Raphael na tila ba sa harap nito ay isang pelikulang komedya at hindi ang malubak na daan palabas ng probinsya. "Oo, bukas na. Ang kulit niyong dalawa, e."

"Yey! Thank you po, Papa."

Sinilip ni Dulce ang asawa at nakitang pasimple din itong sumisiplat sa repleksiyon ng kambal sa rearview mirror. Tila may humaplos sa kanyang puso kasabay ng pagguhit ng lungkot doon. Masaya siya sa atensiyong binibigay ni Raphael sa kanyang mga anak. Ngunit bawing-bawi naman noon ang kaisipang ni minsan ay hindi nito magawang maging masaya sa kanyang piling.

Hanggang sa marating nila ang kanilang talyer sa Bantayan ay saranggola lang ang nasa bibig ng mga anak. Natahimik lang ang kambal nang alalayan ito ni Dulce palabas ng sasakyan at hawak-kamay na tinungo ang nakabukas ng shop. May nakapaskil na ngiti sa mukha ni Dolly habang si Dill ay wala man lang ekspresyon sa mukha nito. Ngayon pa lang, napapansin na niyang hindi ito masyadong mahilig sa lugar na maraming tao.

Nauna si Dulce kasama ng mga anak niya sa pagpasok sa loob ng shop habang si Raphael ay nagpa-iwan sa labas, may kausap na kakilala. Sinuklian ni Dulce ng pagtango at tipid na ngiti ang mga taong tumigil pa sa pagkakalikot ng mga sasakyan upang batiin ang kanilang pagdating.

"Good morning, Ma'am. Ngayon na lang po ulit kayo nakapasyal, a."

Napapatango na lamang siya at tipid na ngumiti.

"Ayaw ng boss niyong sumama ako, eh," paglalahad niya sa katotohanan na mukhang hindi naman sineryoso ng mga trabahante.

"Baka lang po takot iyong maagawan," pangongomedya nito na hindi niya na binigyang tugon. Kung alam lang ng mga ito.

"Mama, tingnan ko lang po iyon o," turo ni Dolly sa mamang nagkukumpuni ng hood ng kotse, nanghihingi ng permiso na hindi niya rin mahindian dahil sa nakikitang ningning sa mga mata nito.

Tumango na lamang si Dulce at nginitian ang anak. "Sige, pero huwag masyadong magalaw doon at baka lalong masira iyong kotse."

"Thank you, Mama," sambit nito at lakad-takbo nang tinungo ang pwestong itinuro nito kanina.

Bumaba ang kanyang tingin kay Dill nang maramdaman ang paghigpit ng kapit nito sa kanyang kamay. "Mama, si Dolly. Nagkukulit na naman."

"Nasaan si Dolly?"

Mabilis na napalingon ang kanyang mag-ina sa gawi ni Raphael nang sumulpot siya sa tabi ni Dill at sumabat sa naging usapan ng dalawa. Lumapat ang palad niya sa may kaunting kakulutang buhok ng anak at marahan iyong ginulo. Wala naman siyang narinig kay Dulce.

"Doon na muna tayo sa opisina ng manager," anyaya niya sa dalawa.

"Si Dolly po?" tanong ng anak sa tabi.

Sapagkat hanggang beywang niya pa lang si Dill ay kailangan pa nitong tumingala upang makatagpo ang mata nilang mag-ama. Napangisi na lamang siya at mabilis na sinakop ang puwetan nito upang kargahin sa kanyang kaliwang bisig. Sa edad niyang beynte nuebe ay nakakaya niya pa ring buhatin ang mga anak na walang nararamdamang sakit sa likod.

"Dulce, tawagin mo si Dolly at sumunod na kayo sa loob," mahinahon niyang utos sa asawa bago naunang lumakad tungo sa maliit na opisina ng manager sa shop, karga pa rin si Dill.

"Magandang umaga, Sir! Napadalaw po kayo," mainit na pagsalubong ng nangangasiwa ng talyer na si Niko sa pagpasok ni Raphael at Dill sa opisina nito.

"Chineck ko lang kayo dito," sagot ni Raphael sa isang magaang boses at ibinaba si Dill paupo sa isang sofa.

"Ah, Sir, labas lang po ako at bibili ng makakain," magalang nitong sambit na siya namang tinanguan niya lang.

"Papa, babae po si Tito Niko?" pabulong na tanong ni Dill sa kanya matapos magpaalam ng kanyang manager at lumabas na.

"Anak, lalaki iyon," natatawang sambit niya at tinabihan ang anak.

Parehong napalingon si Raphael at Dill sa pinto nang lumangitngit ito, hudyat na may nagbukas. Lumitaw sa paningin ni Raphael ang nakangiting mukha ng anak na babae habang papasok ito sa opisina. Kasunod nito ang ina na kanina niya pa napapansing natahimik.

"Asan si Tito Niko?" usisa ni Dolly, ang mga mata ay naglumikot sa bawat sulok ng silid.

"Lumabas pa saglit, anak," sagot niya kay Dolly at inimbitahan niya itong maupo sa kanyang tabi.

Si Dulce naman ay pumwesto sa pang-isahang sofa. Panay pa rin ang pang-iismid nito sa kanya sa hindi niya malamang dahilan. Hindi nalang niya iyon binigyang pansin. Ilang sandali pa'y bumalik na rin si Niko sa loob bitbit ang isang supot ng loaf bread at iilang coke-in-can. Nahuli niya ang panlalaki ng tingin nito nang mahagilap si Dulce sa loob ng opisina. Mabilis itong napasuklay sa buhok bago lumapit sa kanila.

"Ma'am, nandito pala kayo," magiliw nitong sambit at hindi tinatanggal ang tingin kay Dulce hanggang sa paglapag nito ng pagkain sa lamesang gawa sa glass. "Long time no see po."

"Oo, eh. Ngayon na lang ako nakasama ulit," nakangiting balik ni Dulce sa pagbati nito sa kanyang presensiya bago inanyayahan na ang kanyang mag-ama na kumain na. Siya na mismo ang naglagay ng sandwich spread para sa mga bata.

"Thank you sa foods, Tito Niko," si Dolly iyon na nagsasalita kahit na may pagkain pa sa bibig.

"Dolly, hindi daw dapat magsalita pag kumakain," saway naman ng kapatid nito na nasa kabilang gilid ng ama.

"O, huwag mag-away," mahinahong paalala ni Raphael sa kanyang mga anak bago tinapunan ng tingin ang kanyang manager na kasalukuyang nakatitig sa kanyang misis habang ito'y nag-aabot ng loaf sa lamesa. Nangunot ang noo niya.

"May problema ba ngayon dito?" tanong niya na naging dahilan ng paglipat ng tingin nito sa kanya. "I mean..."

Napaayos ito ng upo sa kanyang tapat at sumeryoso ang mukha. "Wala naman po, Sir. Wala naman pong gulo ang mga trabahante at wala namang reklamo ang mga kostumer sa serbisyo natin."

"Mabuti kung gano'n," walang emosyong sagot ni Raphael at tumayo na. Ni hindi niya nagalaw ang kanyang coke-in-can. "Iyon lang talaga ang pakay ko. Uuwi na kami. Itext mo nalang ako kung may mangyari man o may kailangan kayo dito."

Natigilan si Dulce sa kanyang narinig. Akala niya ay maglalagi pa sila dito hanggang mamayang hapon. Kunot-noo niyang tinapunan ng tingin ang asawa na ngayon ay sinenyasan na rin siyang umalis na.

"Uuwi na po tayo, Papa?" kamot-ulong tanong ni Dolly na gaya niya ay halatang nagtataka rin.

Tanging si Dill lang ang pabor sa desisyon ng ama nito. Ito na mismo ang humawak sa kamay ni Raphael at marahan nitong hinila ang ama sabay sabing, "Tara na po, Papa."

Walang nagawa ang mag-ina nang lumabas si Raphael at Dill. Mabilis din silang sumunod matapos magpaalam kay Niko. Nang makalabas ng talyer ay sinalubong sila ni Raphael. Inalalayan nito si Dolly na makapasok sa backseat ng sasakyan habang siya ay nagsariling sikap na makapasok sa harapan. Asa naman kasi siyang may plano itong pagbuksan siya. Iilang segundo lang ay naroon na rin si Raphael sa kanyang tabi at pinapaandar ang makina ng sasakyan nila.

"Akala ko mamayang hapon pa ang uwi natin?" pagsasatinig ni Dulce sa katanungang naglalaro sa isip niya.

"Wala, maayos naman na daw dito kaya pwede ko na silang iwan," maikli nitong pagpapaliwanag. "Binibisita ko lang ang talyer para alam ko kung ano nang takbo ng negosyo natin."

"Bakit noong mga nakaraan, ginagabi ka sa pag-uwi?" usisa niya, pilit pinapakalma ang sarili kahit na tila tinatambol ang kanyang dibdib sa umuusbong na panggigigil sa mga senaryong likha ng kanyang mapagparusang imahinasyon.

"Tumatambay lang ako," simpleng sagot ng asawa habang lumiliko ang kotse pakanan, palabas sa highway.

Ang kanyang kambal ay may sariling mundo sa likod kaya hindi napansin ng mga ito ang halos lantaran niyang pang-aaway sa kanilang ama.

"Talaga lang, ha?" sarkastiko niyang tugon.

"May mga bata, Dulce," pagpapaalala nito, ang mga mata ay nasa daan ngunit kita niya ang paggalaw ng bagang nito.

Napabuntong-hininga si Dulce at humalukipkip sa tabi ni Raphael. Pinili na lamang niyang itikom ang bibig bago pa siya makalikha ng gulo sa harap ng mga bata. Mukha namang wala siyang makukuhang sagot kay Raphael. Kung mayroon man ay baka alibi lang.

"Ang saya ng kwentuhan ninyo diyan, ah," pagkausap ni Raphael sa kanyang mga anak makaraan ng ilang minutong tanging boses lang ng mga bata ang naririnig sa loob ng sasakyan. "Isali niyo naman kami ni Mama."

"Pa, iyong mga worms sa tiyan ni Dill nagsalita po," pagsusumbong ng anak na babae na animo'y kung ano na ang nangyari sa kapatid nito.

"Wala kasi," inis namang tutol ng anak niyang lalaki.

Uminat ang labi ni Raphael sa isang malapad na ngiti habang pinakikinggan ang pagtatalo ng kambal sa likod.

"Gutom na kayo, mga anak?" rinig niyang tanong ni Dulce sa dalawang bata habang nakadukwang ito sa kanyang gilid at sumisilip sa likod.

Bahagya niya itong sinulyapan. "Anong oras na ba?"

Bumalik ito sa dating pwesto at inalam ang oras sa suot nitong relo. "Malapit nang mag-alas onse. Daan nalang tayo sa drive-thru para makakain na 'tong mga bata. Pati ikaw, medyo malayo pa ang biyahe at baka gutumin ka sa pagmamaneho."

Napangiti siya nang umabot sa kanyang pandinig ang lambing at pag-aalala sa pananalita ng misis. Palagi siya nitong inaaway pero wala rin namang kupas ang pagiging maalalahanin nito. Kung naiba lang ang lugar na kinaroroonan nila ngayon, siguro ay tinubuan na siya ng pagmamahal kay Dulce.

Kaso may Rosalinda.

---💛---

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top