Kabanata I

---💛---


NAHINTO si Dulce sa kanyang entrada sa kwarto nang maabutan ang mister na may tinititigang litrato sa kamay. Hindi man niya silipin, kilalang-kilala niya ang laman ng litratong sinasamba nito.

Talagang dito pa sa sa mismong kama natin ha, sarkastikong aniya sa isipan.

"Tingnan mo nga naman, o," hindi mapigil ang yamot ni Dulce sa kanyang panimulang tutsada. "Miss na miss mo na iyang gagang iyan?"

Pansin niya ang pagkabigla ni Raphael sa biglaan niyang pagdistorbo sa katahimikan nito. Nanatiling tikom ang bibig ni Raphael nang tumayo ito at ibinalik ang litrato sa drawer na nasa gilid ng kama. Umakto itong tila walang naririnig kaya lalong uminit ang ulo ni Dulce.

"Hanggang kailan mo ba panghahawakan ang pagmamahal mo diyan sa babaeng iyan? Wala na siya sa buhay mo, Raphael!"

Labis na ang kanyang pagmamaktol sa harapan nito ngunit dinaanan lang siya ng mister na parang hangin. Ni hindi man lang siya nagawang tingnan nito. Lumabas ito ng silid ng walang paalam. Lalo lamang siyang nainis. Agad niyang nilisan ang kwarto at mabilis na hinabol ang asawa, tila asong ayaw pakawalan ang amo.

"Saan ka na naman pupunta, aber? Magkikita na naman kayo niyang ex mo? Ano, doon ka na naman magpapaligaya?" walang tigil niyang paratang.

Nakabuntot pa rin siya asawa pababa sa kanilang pahabang hagdan, hindi alintana kung matapilok man sa mga baitang basta hindi lang mawala sa paningin ang bulto ng asawa.

"Raphael!"

Nag-isang linya ang labi ni Raphael dulot ng pinipigilang inis sa pinagsasabi ng asawa. Nauumay na siyang talaga sa paulit-ulit nitong pagkayag sa kanya na kuno nangangaliwa siya o kaya ay nakikipagkita siya sa dating kasintahang si Rosalinda.

Minsan, gusto nalang niyang totohanin ang mga delusyon nito dahil sa totoo lang, may nararamdaman pa naman siya sa babaeng minsan niya rin talagang minahal. At hindi niya maitatanggi sa sarili na hanggang ngayon ito pa rin ang laman ng puso niya. Kahit may Dulce na, kahit may mga anak na sila, kahit na may asawa na ring tao ang babae.

"Aalis ako," kalmadong pagpapaalam niya sa asawa nang hindi ito nililingon sa likod. Diretso lamang siya sa paglakad hanggang sa makababa sa sala.

"Saan ka nga pupunta, Raphael? Doon na naman sa kay Rosalinda? Aba, talagang bwisit iyang babaeng iyan! Mapanira ng pamilya!"

Natigilan si Raphael. Kumulo ang dugo niya sa narinig. Lahat ng mga salitang tinatapon ni Dulce ay kaya niyang palampasin sa magkabilang tenga, pero hindi niya maaaring pahintulutan nalang ang pambabastos nito kay Rosalinda. Walang ginagawa ang tao para pagsalitaan niya ng ganoon.

Huminto siya sa gitna ng ma-espasyo nilang sala at pumihit paharap kay Dulce.

"Ano bang pinagsasabi mo, Dulce?"

Pinanlisikan niya ito ng mga mata ngunit hindi ito natinag. Nasa ikalawang baitang pa rin ng hagdan si Dulce kaya hindi nito kinailangang tumingala upang maglebel ang kanilang mga mata ngayon. Tinaasan siya nito ng kilay, gaya ng palagi nitong ginagawa kapag alam nitong galit na siya.

"So, tama nga ako?" paniniguro pa nito sa sariling akusa. "Magkikita kayo? Tapos ano? May asawa na iyong babaeng iyon pero pinupuntahan mo pa rin? At ano? Nagsisiping pa kayo? Napaka mo, Raphael!"

Umigting ang panga ni Raphael sa pagpipigil na takbuhin ang distansya sa pagitan nila ni Dulce at undayan ito ng suntok sa bibig. Ni minsan ay hindi niya naisip na makapanakit ng tao lalo na't babae. Ngunit ngayon, tila nadedemonyo siya sa mga paratang ng asawa at sa ingay ng bibig nito.

"Ganyan ba talaga kadumi ang isip mo, ha, Dulce?"

"Bakit? Totoo naman, 'di ba? Nagpupunta ka sa kanya para magpaligaya..."

"Tumigil ka, Dulce!" mariing sambit ni Raphael.

Halos mapugto ang litid sa kanyang lalamunan sa pagpipigil ng galit. Humigpit ang pagkuyom niya sa isang kamao.

"Tumigil ka na bago ko pa makalimutang asawa kita!"

Rumehistro ang takot sa mata ng asawa ngunit taas-noo pa rin itong buwelo, "Sige, kalimutan mo, nang hindi mo na ako maabutan dito pagbalik mo!"

Bahagyang humupa ang galit ni Raphael nang mabasa sa mukha ni Dulce ang pagtatapang-tapangan sa harap niya. Gaya ng isang tula na matagal na niyang nasaulo, madali na sa kanyang kilalanin ang emosyon sa mukha nito pati mga galaw ng babae. Sa limang taon nilang pagsasama sa iisang bubong, kahit papaano'y masasabi niyang kilala na niya ang pagkatao ni Dulce. Iyon nga lang, hindi niya talaga ito magawang ibigin.

"Mama..."

Biglang naputol ang kanilang mainit na pagbabangayan at, tila nagkaintindihang gumalaw sa isang ritmo, magkasabay na napalingon sa pinaggalingan ng inosenteng tinig na iyon.

Walang iba, kundi si Dolly, na ngayon ay
ay nakatayo sa dulo ng ikalawang palapag.

Alarmang tinakbo ni Dulce ang hagdan paakyat upang daluhan ang anak. May yapos itong teddy bear na bigay ng ama nito noong nakaraang karaawan nito. Lumuhod siya sa harap ni Dolly at hinagkan ito sa pisngi.

"Good morning, anak," pinasigla niya ang boses kahit kani-kanina lang ay purong sarkastikong tono ang naaawit ng kanyang bibig.

"Mama..." muling sambit ng anak sa mahinang boses. Ang maliliit na daliri nito ay dumapo sa balikat ni Dulce. "Bakit po kayo nagsisigaw? Nasaan po si Papa?"

Nabura ang matamis na ngiting nakaguhit sa mukha ni Dulce nang marinig ang mabibigat na yabag mula sa kanyang likuran. Kasabay noon ang boses ni Raphael na bumabati sa kanilang anak ng magandang umaga.

"Nandito lang ako, anak." Tumabi si Raphael sa kanyang mag-ina at nakangiting tinapik ang ulo ng kanyang panganay. "May pinag-usapan lang kami ni Mama kanina tapos hindi lang namin marinig ang isa't-isa kaya sumisigaw siya. Natutulog pa si Dill?"

"Nagtulog pa po siya, Papa," sagot naman ni Dolly, nakanguso.

Tumayo si Dulce mula sa pagkakaluhod, ang palad ay humaplos sa likod ni Dolly. Inirapan niya si Raphael nang mapansin niya ang paninitig nito sa kanya. Napapailing ito nang ilipit ang tingin kay Dolly. Pagkatapos ay binuhat na ang bata sa kanyang maskuladong bisig.

"Sama ka kay Papa ngayon, 'nak. Punta tayo sa isang shop ni Papa sa Bantayan," mahinang wika ni Raphael bago hinagkan sa pisngi ng anak.

Mapait na napangiti si Dulce nang mahuli ng paningin ang pagkislap ng mata ni Raphael habang nakatitig sa maamong mukha ng bata. Talagang mapagmahal si Raphael sa kambal nilang anak, hindi niya iyon maipagkakaila. Bigla ring lumuwag ang kanyang dibdib nang malaman kung saan ang lakad nito ngayon. Akala niya talaga kanina ay si Rosalinda ang dadalawin nito.

"Sama po si Mama, Pa?" inosenteng tanong ni Dolly.

Napalingon si Raphael sa kanyang direksiyon. Nawala ang ngiti sa mukha nito nang magsalubong ang kanilang tingin. Iyon lang, at alam na niya ang dapat sabihin. Siya na mismo ang umiwas sa titig nito.

Huminga siya nang malalim bago tumanggi, "Dito lang si Mama para may kasama si Dill, anak."

"Pero mama," lumalabing pagtutol ni Dolly. "Palagi nalang ikaw hindi makasama sa amin ni Papa at Dill sa labas."

"Kasi anak, ano..." Pinandilatan niya ng mata si Raphael upang saklolohan siya sa rasong ilalahad sa anak. "Kasi..."

"Dito lang si Mama, anak, para hindi siya mapagod sa biyahe. Malayo pa iyon at gagabihin tayo pag-uwi," diretsahang sagot ni Raphael kay Dolly habang may ngiting nakapaskil sa labi nito.

Talagang ayaw siyang pasamahin, 'no? Ganoon naman parati. Nakasanayan na lang niyang magpa-iwan sa tuwing may lakad ang mga ito.

"Pero Papa," ungot ni Dolly, na sa edad ay hindi pa magawang makiramdam sa sitwasyon nilang mag-asawa. "Gusto ko po meron si Mama doon."

Ang pangungulit ng anak ay tila isang puwersang humila sa tingin ni Raphael at Dulce tungo sa isa't isa. Parehong nangungusap ang kanilang mga mata at sa ilang iglap pa'y nagtanguan na para bang doon lang ay may pagkakaintindihan na sa isang desisyon.

"Sige na, Dulce. Pagbigyan na natin ang makulit na 'to," may pinalidad sa boses ni Raphael at muling hinagkan sa pisngi ang anak.

"Yehey! Thank you, Papa," humahagikhik na wika ng anak at ipinulupot nito sa leeg ng ama ang mga braso nito bilang pagyakap.

Tila umulan ng mga bahaghari at paru-paro sa mga oras na iyon. Agad niyang pinihit ang sarili patalikod upang kahit papaano ay maitago ang matamis na ngiti sa labi na pilit sumisilay, gaano man niya sikaping kipkipin ang saya sa puso.

"Naku nga! Hali na muna kayong dalawa sa kwarto ni Dolly," anyaya niya sa dalawa at nauna nang lumakad sa maespasyong pasilyo ng pangalawang palapag. "Papaliguan ko muna si Dolly at hintayin nating gumising si Dill."

---💛---

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top