Chapter Ten

CHAPTER TEN

"HUWAG kang magpanic, hijo. Magkakamalay din si Heleyna magtiwala ka lang."

"Kasalanan ko kung bakit siya nagkaganito. Nangako ako sa inyong puprotektahan ko siya. Kapag may nangyaring masama sa kanya hindi ko alam kung mapapatawad ko pa ang sarili ko."

May mga naririnig na boses si Heleyna pero puro kadiliman lang ang nakikita niya. Gusto niyang gumalaw pero kahit ang mga mata niya ay hindi niya makuhang imulat. Hindi niya alam ang mga nangyayari.

"Wake up, Heleyna. I love you so much. Gumising ka lang at ipinapangako kong aayusin natin ang lahat. Magsisimula ulit tayo. Ayokong iwan mo 'ko. Hindi ngayon. Hindi kailanman."

Gustong-gusto niyang malaman kung ano ang nangyayari pero tila may humihila sa kanya at nawala na naman ang ulirat niya.

UNTI-unti siyang nagmulat ng mga mata at ang unang sumalubong sa kanya ay ang puting kisame at dingding. Napangiwi pa siya nang sumigid ang kirot sa sentido niya. Pakiramdam niya ay hinang-hina siya.

Nang kapain niya ang ulo ay balot iyon ng benda.

"Ma, gising na si Ate Heleyna!"

Hindi siya pwedeng magkamali, boses iyon ng kapatid niyang si Elinah.

"Heleyna, anak, kamusta na ang pakiramdam mo?" tanong ng Mama niya na ilang sandali pa ay nasa tabi na niya.

"Ma? Elinah? Bakit kayo nandito? Ano'ng ginagawa ko dito?" sunod-sunod na tanong niya kahit hinang-hina talaga siya.

"Wala ka bang maalala? Dinala ka dito sa ospital noong isang araw kasi naaksidente ka. Nahulog ka mula sa hagdan at dalawang araw kang walang malay. Nag-alala kami sa'yo ng kapatid mo nang tawagan kami ni Don Genaro kaya lumuwas agad kami. Pinag-alala mo kami pero salamat at gising ka na, anak. Ligtas ka na," maluha-luhang paliwanag ni Helen.

Hindi siya makapaniwala at pilit inalala ang nangyari. Ang huling naaalala niya,

hinahabol pa niya noon si Tristan bago siya nahulog.

Si Tristan.

Sumigid na naman ang kirot sa puso niya nang maalala ang binata.

"Okay na po ako, Ma," sabi niya at pilit na ngumiti.

"Gusto kong makasiguro. Elinah, anak, tawagin mo ang doktor, dali."

Mabilis naming tumalima ang kapatid niya.

“Ano, anak, may gusto ka bang kainin? Nagugutom ka ba? Sabihin mo.”

“G-gusto ko po ng tubig. Nauuhaw po ako.”

Matapos siyang tingnan ng doktor ay idenaklara nitong maganda na nga ang kondisyon niya at baka raw bukas ay makalabas na siya. Nang araw ding 'yon ay dinalaw siya ng ilang co-teachers niya lalo na sina Corrine at Philip na may dala pang madaming get-well-soon cards mula sa mga estudyante niya sa eskwelahan at sa kanilang barangay.

"Mare, pagaling ka para makabalik ka na agad sa trabaho. Miss na miss ka na ng mga estudyante mo," sabi pa ni Corrine na hindi maitago ang pangingilid ng luha.

"Ako din naman, Mare, miss na miss ko na agad ang mga makukulit kong estudyante."

“Get well soon, Heleyna, ha? Grabe, sobra mo kaming pinag-alala,” sabi naman ni Philip.

Nang dumating naman ang hapon ay dinalaw din siya nina Don Genaro at Travis para kamustahin din ang kalagayan niya.

"I brought you fruits. Hope you'll like them," nakangiting sabi ni Travis nang ilapag ang basket sa mesa sa tabi niya.

"Thanks, Travis. Favorite ko talaga ang oranges."

"Kamusta na ang pakiramdam mo?"

"Si Tristan kamusta?" sa halip ay tanong din niya.

"Ikaw ang nahulog sa hagdan, hindi siya."

"Nagtatanong lang."

Nakapa niya ang kwintas na himalang hindi naalis sa leeg niya. Alam kaya ni Tristan na naaksidente siya? At kung nalaman nga nito, dinalaw kaya siya nito nang wala pa siyang malay?

"Alam mo bang kahapon ang schedule ng flight ni Kuya?"

Napatikhim siya para alisin ang namumuong bara sa lalamunan niya.

"G-good for him."

"I'm sorry, Heleyna."

"Bakit ka nagsu-sorry?"

"Ako lang naman  ang puno't dulo ng lahat ng 'to tapos napahamak ka pa. Pasensiya ka na, ha?"

Ngumiti siya at marahan itong tinapik sa balikat.

"Hindi tamang sisihin mo ang sarili mo, Travis. Kasalanan 'yon ng hagdan niyo kasi hindi man lang ako w-in-arning-an."

"Ang lakas siguro ng damage sa bungo mo, 'no? Kung ano-ano na 'yang pinagsasasabi mo," natawang pakli ni Travis.

"Kulang pa nga 'to. Mas okay sana kung nagka-amnesia na lang ako at 'yong makakalimutan ko lang eh 'yong mga masasakit na nangyari sa 'kin nitong mga nakaraang araw."

"Don't say that, Heleyna. Magiging masaya ka rin. Sige na, hindi na 'ko magtatagal. Ang dami ko pang ipapa-photocopy sa opisina, eh."

Nagkatawanan na naman sila. Mukha ngang seryoso na si Travis sa pag-aayos ng buhay nito at siyempre masaya siya.

Nang tuluyang makaalis ang binata ay kinuha niya sa mesa ang mga cards na ginawa raw ng mga estudyante niya para sa kanya.

Parang tumaba ang puso niya dahil sa cute na cute na mga drawing ng mga ito

 at sa mga mensaheng magpagaling na raw ang kanilang paboritong teacher.

Nangangalahati na siya sa pagbuklat ng mga cards nang may pumasok sa pintuan.

"May nakalimutan ka, Travis?" tanong niya sa pag-aakalang bumalik ang binata pero natigilan siya nang mapagsino iyon.

Ilang sandali ring nagtama ang paningin nila ni Tristan. Nagulat siya nang makita ang ayos nito. Magulo ang buhok, nangingitim ang ilalim ng mga mata at parang kulang sa tulog. Gayunpaman, ito pa rin ang lalaking mahal niya, ang dahilan kung bakit siya masaya at nasasaktan.

Dumako ang tingin niya sa dala nitong mga bulaklak.

Ang ipinagtataka pa niya, bakit ito nandito? Hindi ba kakasabi lang ni Travis na kahapon ang schedule ng flight nito?

Siya ang unang nagbaba ng tingin.

"T-tuloy ka."

"How are you feeling?" tanong nito at inilapag sa mesa ang bulaklak.

"Mabuti-buti na."

"It was all my fault. Sorry."

"Hindi naman ako naghahanap ng masisisi, eh."

"I was so worried about you. Seeing you unconscious at may dugo mula sa ulo mo, pakiramdam ko ako ang tumulak sa'yo."

"Aksidente 'yon, wala kang kasalanan."

Na-distract siya nang umupo si Tristan sa gilid ng kama niya.

"Oo, masama talaga ang loob ko nang naglihim ka sa 'kin. Hindi lang 'yon, nagselos din ako nang makita ko kayong magkasama ni Travis at masaya kayong dalawa. Alam mo ba, kapag hindi tayo magkasama, sinusundan kita habang lumalabas kang mag-isa? Nang makita ko kayo noon sa bahay mo, isa lang ang pumasok sa isip ko noon, para kong biglang naalala 'yong time na nahuli ko si Sophie na niloloko ako. Nasaktan ako at nawalan ako ng lakas ng loob na lapitan kayo kaya tumalikod na lang ako. Tinatanong ko ang sarili ko kung bakit nagawa mo sa 'kin 'yon. Pinilit kitang tiisin pero in the end, sarili ko lang ang pinapahirapan ko. At nang mahulog ka sa hagdan, I don't think mapapatawad ko pa ang sarili ko kapag may nangyaring masama sa 'yo. Masaya akong makita kang okay na."

Tristan nudged her chin para magtagpo ang mga mata nila.

"H-hindi ka na galit sa 'kin?" tanong niyang gumaralgal ang boses.

"No, no, Heleyna,” ani Tristan at sunod-sunod na umiling. Masyado kitang mahal para magalit sa'yo. Pasensiya ka na kung masyado akong naging matigas sa 'yo. Naiintindihan ko na kung bakit mo ginawa 'yon. Gusto mo lang namang  tumulong. Ikaw, hindi ka ba galit sa 'kin?"

"Naiintindihan kita, Tristan, kaya hindi ako galit sa'yo. Masyado din kitang mahal para magalit ako sa'yo."

"Matatanggap mo pa ba 'ko uli sa buhay mo?"

"P-pa'no si Sophie? Hindi ba kayo nagkabalikan?" takang tanong pa niya.

"Ano'ng klaseng tanong 'yan?" amused na tanong din ni Tristan.

"Hindi ba siya 'yong nasa office mo noon?"

"Oo pero hindi ibig sabihin nu'n na nagkabalikan kami. Pinatawad ko na siya at magkaibigan na lang kami ngayon. Kung ano man naging meron kami tapos na 'yon. Ikaw na ang present at future ko ngayon. Kalimutan na natin ang mga nangyari at magsimula tayo ulit. Pwede ba 'yon?"

Hindi niya mapigilan ang sayang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon dahilan upang may kumawalang luha sa mga mata niya.

"Yes, Tristan, magsimula tayo ulit," aniyang hinawakan ito sa pisngi.

"I love you, Heleyna. Thank you so much."

Buong puso niyang tinugon ang halik na iginawad nito sa kanya.

"I love you, too, Tristan," sabi niya habang magkadikit ang mga noo nila."Sabi ni Travis kahapon daw ang schedule ng flight mo. Masaya ako na nandito ka ngayon sa tabi ko."

"Sa tingin mo ba makakaya kong iwan ka?"

"Pero pa'no naman ang pangarap mo?"

"Nandito ngayon sa harap ko ang pangarap ko, hindi mo ba nakikita?"

Napangiti siya at hinaplos ang sulok ng labi nito.

"Bakit ba ganito ang ayos mo? Tingnan mo nga ang itsura mo para kang ewan," natawang pansin pa niya.

"Hindi kasi ako halos umalis sa tabi mo noong wala ka pang malay. Kakauwi ko lang kanina nang magising ka at nagdalawang-isip akong magpakita dahil baka itaboy mo lang ako at

 sisihin  mo 'ko sa nangyari. Pero mas nanaig ang kagustuhan kong bumalik ka sa 'kin.

Pinagsisisihan ko na rin lahat ng pambabale-wala ko sa'yo. Sobra talaga akong nagi-guilty. Kung pinakinggan lang sana kita--"

"Tristan," putol niya."Okay na 'ko. Wala nang rason para sisihin mo ang sarili mo. Sapat nang nandito ka na sa tabi ko at okay na uli tayo."

Hinalikan siya ni Tristan sa noo.

"May gusto akong ibigay sa'yo," sabi pa nito.

"Ano naman 'yon?"

Mula sa ilalim ng kama niya ay naglabas ito ng malaking pink na stuffed toy.

"Ang cute!" anas niya.

"Mabuti nagustuhan mo. I was supposed to give you this noong monthsary natin. Happy monthsary, Heleyna."

"Happy monthsary din, Tristan."

Agad niyang niyakap ang stuffed toy at nagulat siya nang magsalita iyon.

"I love you, I love you."

Napaluha siya.

"Thank you so much."

"I'll make sure na wala na uling mangyayaring ganito. Magpagaling ka at babantayin kita."

"Sabi nga ng doktor makakalabas na 'ko bukas. Pinasaya mo talaga 'ko nang sobra, Tristan. Ipinapangako ko, hindi na uli ako maglilihim sa’yo."

“Ipinapangako ko din na hindi na ‘ko magiging makasarili or else sarili ko lang din ang pahihirapan ko. I almost died when I thought I lost you.”

“Hinding-hindi ako mawawala sa’yo, Tristan. Hindi kailanman.”

"Tungkol nga pala do'n sa sinabi ni Lolo," pag-iiba ng binata.

"Bakit?"

"Hindi mo naman itutuloy ang pagpapakasal kay Travis, 'di ba?"

"Siyempre, hindi," sagot niyang ginagap ang kamay nito."Ikaw kaya ang mahal ko!"

"Kung ganu'n, kahit ngayon mismo magpapakasal ka sa 'kin?"

"Kung gusto mo ba naman ng bride na naka-hospital gown at hindi wedding gown, eh!" natawang sagot niya.

Si Tristan naman ay natatawa ring niyakap siya.

"You just don't know how happy you made me, Heleyna."

"I love you. I love you," sabi naman ng stuffed toy na naipit sa pagitan nila.

"IN fairness sa'yo, Lo, may sense ka mag-isip. Kahit kamuntikan nang mapahamak si Heleyna, at least, nagkabalikan naman sila ni Kuya," wika ni Travis habang magkatabi silang nakaupo ni Don Genaro sa isang bench sa park na malapit sa ospital.

"Kung minsan kasi, apo, may mga bagay na akala natin hindi makakatulong pero siya pa pala mismong solusyon. At isa pa, I always knew those two would eventually end up together kahit hindi pa sila nagkakakilala," kampanteng sabi ng Don habang may nginunguyang fishball.

"Sa malamang. Ano ba naman kasi ang pumasok sa mga utak niyo nu'ng bestfriend mo at may kasunduan pa kayong nalalaman?"

"Hindi naman dahil lang sa kasunduan. What I mean is kung ano na sila ngayon, hindi ba nagmamahalan?"

Nakangiti ang Don pero si Travis naman ay napasimangot.

"Sa totoo lang hindi ko alam kung paano sila nauwi sa ganu'n kahit na magkaiba sila ng ugali," anitong nakakunot pa ang noo."Sinigurado mo ba talaga na mahuhulog ang loob nila sa isa't-isa?"

Napatingala sa kalangitan si Don Genaro.

"Travis, hindi na sakop ng kasunduan na mamahalin nila ang isa't-isa. Ang sinigurado ko lang eh magkakilala muna sila bago pa nila malaman ang tungkol sa nakatakda nilang pagpapakasal."

Lalong nangunot ang noo ng binata.

"Medyo nalalabuan ako, eh. Ano naman ang ibig mong sabihin do'n?"

Tumingin sa kanya si Don Genaro at pagkuwa'y tumusok uli sa fishball na hawak ni Travis at kumain.

"Naalala mo 'yong na-dissolved na project ng Kuya mo sa Barangay Paru-paro?"

"And then?"

"Ang totoo ako ang nagsuggest sa kanila ng lupang iyon at siyempre ako rin ang nagbigay ng approval pero wala naman talaga akong balak na paalisin ang mga tao doon dahil ako rin mismo ang nagkaloob sa kanila ng lupang iyon. Ginawa ko lang 'yon para magkrus ang mga landas nina Heleyna at Tristan. Hindi ko naman inakala na higit pa sa inaasahan ko ang pagkikitang mangyayari sa kanila kaya lalong lumakas ang kagustuhan kong ituloy ang kasalan. Hindi lang basta natupad ang kasunduan namin ni Hilarion. Binago din ni Heleyna si Tristan. Nadaig ko pa ang naka-blackout sa bingo, apo. Ano sa tingin mo?"

Shock was written all over Travis' face.

"A-at nu'ng nagkalabuan sina Heleyna at Kuya dahil sa 'kin, ano'ng ginawa mo?"

"I called Sophie para magkita silang muli ni Tristan."

"What?! Ikaw lang pala ang may pakana nu'n?"

"Gusto kong ma-realize ng kapatid mo ang totoong nararamdaman niya. Kung mahal nga ba talaga niya si Heleyna o baka naman hindi pa rin niya tuluyang nakakalimutan si Sophie? Nakita mo naman ang nangyari, hindi ba?"

“Pa’no naman kung ma-realize ni Kuya na si Sophie pa rin ang mahal niya?”

“Edi hindi nga talaga niya mahal si Heleyna. Hindi na matutuloy ang kasal at sa’yon na mai-engage si Heleyna.”

"Ngayon mo sabihing hindi mo sila minanipula."

"Hindi naman talaga. Heleyna and Tristan are both intellegent. Aminin man nila at sa hindi, choice nila kung bakit sila umaayon sa kagustuhan dahil may nararamdaman na sila sa isa't-isa at hindi lang nila maamin. And it's also their choice kung bakit sila masaya ngayon. Now, did you get my point?"

"Sort of," sagot ni Travis na napakibit-balikat.

"At ngayong nahanapan ko na ng partner si Tristan, ikaw naman ang isusunod ko," nakangiti pang sabi ni Don Genaro.

Nanlaki ang mga mata ng binata.

"Don't you dare, old man!"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top