Chapter Five
CHAPTER FIVE
“HOY, Tristan, tumingin ka nga sa paligid mo. Nakakahiya.. .”
“Eh ano ngayon? Opisina ko ‘to, kompanya ko ‘to kaya wala silang pakialam!”
“Masama bang umiwas sa gulo? Halika nga mag-usap tayo!” ani Heleyna at hinawakan sa coat si Tristan at hinila palayo sa mga mata ng mga empleyado doon.
“Hoy, Yvonne,” pansin ni Lino habang sinusundan ang papalayong dalawa. “Sino ‘yong babaeng ‘yon? Bakit hindi man lang siya naghinay-hinay sa pakikipag-usap kay Sir?”
“Hindi ko nga alam, eh. Hindi yata nu’n kilala si Sir. Pero infairness, nakakabilib siya kung sino man siya, ha.”
“Tingin ko magugunaw na ang mundo.”
“Hay, sobra ka naman!”
Lahat ng madaanan nila ay nagtatakang napapasunod ang tingin. Hila-hila pa rin kasi ni Heleyna ang coat ni Tristan na tila walang pakialam habang wala namang magawa ang huli.
“Heleyna, you should know na hindi ko hinahayaan ang kahit na sino na ganituhin ako!”
“Wala akong pakialam!”
“I can walk by myself!”
“Hihilahin kita kung kailan ko gusto!”
“Si Sir Tristan ‘yon, ‘di ba?” sabi naman ng isang empleyado sa mga kasama.
“Ano’ng nangyari? Bakit siya kinaladkad nu’ng babae?”
Sumakay sila ng elevator at nagkataong silang dalawa lang ang nakasakay. Heleyna eventually let go of Tristan at tila nahahapong napasandal sa dingding ng elevator.
“This is not fair!” galit na singhal ni Tristan.
“Yes, Mr. De Vera, let’s talk about being fair! Sa tingin mo fair din ‘yong pinagtataasan mo ng boses ang mga empleyado mo?”
Hindi siya sinagot ni Tristan. Nang bumukas ang elevator sa ground floor ay ito naman ang humila sa kanya at dinala siya sa parking lot.
“Get in,” malamig na sabi nito at pinagbuksan siya ng pintuan ng kotse.
“Galit ka ba? Pasensiya ka na sa inasal ko. Oo, wala akong karapatang pangunahan ka sa mga kilos mo. Nabigla lang ako, Tristan. Ikaw naman kasi, eh,” sabi niya bago sumakay.
Tahimik itong pumwesto sa tabi niya at pinaandar ang kotse. Kahit nasa biyahe na sila ay hindi na kumibo pa ang binata.
Wala sa loob na napabuntong-hininga ang dalaga at ibinaling ang tingin sa labas.
“Alam mo hindi kita maintindihan,” sabi niya ilang sandali pa. “Bakit masyado kang seryoso? Bakit napakasuplado mo? Bakit parang hindi ka marunong ngumiti? Bakit parang ang hirap mong i-approach? May mga kaibigan ka ba? Nag-o-open up ka din ba sa kanila? Kasi alam mo, Tristan, simple lang naman ang gusto ko, eh. Na sana bago man lang ako magpakasal sa’yo makilala ko naman ang totoong ikaw.”
“Hindi ko ugaling magkwento sa kahit na sino tungkol sa sarili ko,” tipid na tugon naman nito.
“Ako ba hindi mo ba bibigyan ng chance? Ano bang gusto mong mangyari sa ating dalawa?”
“Hindi ko alam.”
“Alam mo kung ganyan ka nang ganyan, baka wala nang magmahal sa’yo.”
Sa sinabi niya ay lihim na natigilan si Tristan.
BAGO magsimula ang dinner na pinahanda na Don Genaro ay kinausap muna si Heleyna ng Mama niya sa sala ng mansiyon habang hindi pa bumababa ang Don.
“Napakagwapo naman pala ng Tristan na ‘yon, anak. Kaya lang ay mukha ring suplado. Papaano ba kayo magkakasundo nu’n?”
“Hindi ko nga din alam, Ma, eh. Ang hirap sa kanya ayaw niyang makipagkaibigan sa ‘kin. Hindi ko alam kung ano ba ang mangyayari sa aming dalawa at kung saan ba kami pupunta. Kahit na lang sana maging magkasundo kami,” aniya.
“Huwag kang mag-alala. Marami naman kayong panahon, eh. Sa tingin ko naman ay mabuting tao ang batang ‘yon. Ikaw, sa tingin mo ba may posibilidad na mahulog ang loob mo sa kanya?” tanong pa ni Helen na may naglalarong kakaibang ngiti sa mga labi.
Kimi siyang ngumiti.
“Ayoko pong magsalita nang tapos. Kayo na rin ang nagsabi, mukhang mabuti siyang tao.”
Maya-maya pa ay tinawag na sila ng isang katulong at dinala sa dining room. Apat lang sila sa dinner na iyon pero labas naman sa kasunduan ang pinag-uusapan ng Mama ni Heleyna at Don Genaro. Tahimik naman ang dalawa habang kumakain at sumasagot lang kapag tinatanong. Nang matapos ang hapunan ay saka pa nag-usap ng pribado ang mga ito.
"Heleyna."
Tahimik lang siyang nakaupo sa sala nang lapitan siya ni Tristan.
"Bakit?"
"Ano ang palagay ng Mama mo tungkol sa set up na 'to?"
"'Yong totoo hindi siya sang-ayon pero dahil pareho naming mahal si Lolo, wala na siyang magagawa."
Iyon lang at hindi na ito nagtanong pa. Tahimik na lang itong naupo sa tabi niya.
Ilang sandali pa ay bumaba ng hagdan si Don Genaro at pinaakyat si Tristan sa study nito dahil ito naman daw ang gustong makausap ni Helen.
"Mukhang wala nang problema, hija," sabi pa ng Don na naupo sa tabi ng dalaga.
"Meron pa din ho. Iyong apo niyo mismo."
"Just give him time. Pasasaan ba't magkakasundo din kayo."
"Sa tingin ko po mas dapat niyang bigyan ng time ang sarili niya. Willing naman po akong makipagtulungan sa kanya, eh."
"Take it as a challenge, then. Sa tingin mo ba may madi-discover ka pa sa kanya?"
"Sa tingin ko po marami," sagot niyang may sumilay na ngiti sa mga labi.
"Ikwento mo naman sa akin ang nangyari sa opisina kahapon," pag-iiba ng Don.
"ANO naman po ang pinag-usapan niyo ni Tristan kanina?" tanong ni Heleyna habang nasa kotse na sila na maghahatid sa kanila pauwi.
"Ilang bagay lang, anak. Sinabi ko sa kanya na mahal kita at grabe ang pag-aalaga ko sa'yo mula noong magdalantao ako sa'yo kaya sana ay tratuhin ka niya nang tama."
Parang may kung anong humaplos sa puso niya sa tinuran ng ina.
"Salamat po, Ma, ha? Alam ko po masyado pa 'kong bata para magpakasal pero sinusuportahan niyo pa din ako."
Ngumiti lang si Helen at tinapik ang pisngi niya.
AGAD na sinalubong si Tristan ni Yvonne pagpasok pa lang nito sa opisina.
"G-good morning, Sir."
"Good morning."
Natigilan naman ang sekretarya. Hindi marahil nito inaasahang gaganti siya ng bati dito.
"Good morning, Sir," bati pa ng mga iba pang empleyado sa kani-kanilang cubicle nang dumaan si Tristan.
"Good morning," tugon na naman ng binata bago tuluyang pumasok sa office nito.
Hindi makapaniwalang nagkatinginan ang mga empleyado.
"Sabi sa inyo magugunaw na talaga ang mundo, eh," si Lino.
Agad na naupo sa table niya si Tristan.
"Ah, Sir, 'yong request niyo nga po pala kay Mr. Samonte," ani Yvonne.
"What about it?"
"Made-delay lang daw ho nang kaunti."
Inihanda na ng sekretarya ang sarili sa biglang pagbabago ng mood ng boss niya pero hindi ito nangyari.
"It's okay. I can wait."
"S-sige po. Ikukuha ko na po kayo ng kape niyo."
Napapaisip na tumalikod na si Yvonne.
"KIDS, may I remind you lang, ha? Monday next week na ang Nutrition Day natin kaya naman kung pwede sana magdala kayo ng maraming gulay at prutas para manalo tayo. Okay ba 'yon?" paalala ni Heleyna sa mga estudyante bago ang dismissal.
"Opo, teacher!" sabay na tugon naman ng mga bata.
"Miss Heleyna!" si Johnrey na nagtaas ng kamay.
"O, yes, Johnrey?"
"Itatanong ko lang po sana kung ano ang paborito niyong gulay."
Napangiti siya sa sinabi nito.
"Mahilig ako sa talong lalo na kapag ginagawang omelet. Bakit mo naman natanong?"
"Dadalhan ko kayo sa Lunes, Miss," sagot nitong namula.
"Uy, si Johnrey may crush kay Miss!" singit ng katabi nitong batang lalaki kaya nagkaroon ng kantiyawan sa buong klase.
Nahihiyang nagyuko tuloy ng ulo ang isa.
"Kayo talaga," natawa namang saway ng dalaga."Thank you, Johnrey, ha?"
NAGTATALO pa rin ang isip ni Heleyna kung tatawagan ba niya si Tristan o hindi. Gusto kasi niyang imbitahin ito sa Nutrition Day nila baka sakaling interesado ito. Paraan na rin niya iyon para simulan ang pakikipagkaibigan dito.
"Bahala na nga," aniya at natagpuan na lang niya ang sariling dina-dial ang number nito.
Nang magring na sa kabilang linya ay napahugot siya ng hangin.
"H-hello, Tristan."
"Yes, what do you want?" anito.
"May activity kami sa school sa Lunes. Nutrition day namin. Kung hindi ka busy iimbitahan sana kitang manood."
"Kung tatanggi ba 'ko isusumbong mo 'ko kay Lolo?"
"Bakit ko naman gagawin 'yon? Gusto ko lang magbaka-sakali pero kung busy ka, wala na 'kong magagawa. Okay lang naman, eh."
"Obviously, palagi akong busy."
"Alam ko. Pasensiya na nga pala sa istorbo. Bye, Tristan."
Siya na ang naunang maghung up.
"Hindi bale. Ang importante sinubukan ko."
"Mare, nasara ko na 'yong classroom ko, tara na sa Principal's Office!" si Corrine na biglang pumasok sa classroom niya.
"Sige. Magsasara na din ako."
"MUKHANG mamaya pa naman babagsak ang ulan o 'di kaya baka mawala na lang ang mga maiitim na ulap. Ituloy na muna natin ang activity para naman hindi masayang ang effort nating lahat," sabi ni Mrs. Apolinario, ang prinsipal, sa buong teaching staff.
Inumpisahan naman nila agad ang celebration. Kanya-kanyang display ng mga masusustansiyang pagkain ang bawat section ng lahat ng grade levels sa gitna ng playground.
"Mare, mukhang panalo na kayo, ah? Ang daming dalang prutas at gulay ng mga estudyante mo, o!" ani Corrine habang sinisipat ang mga display sa kawayang mesa.
"Kita mo na kung gaano ako kamahal ng mga estudyante ko?" proud namang sabi ng dalaga na panaka-nakang sumusulyap sa direksiyon ng gate.
Bakit ba niya ini-expect na bibigyang pansin ni Tristan ang imbitasyon niya? Hindi ba't sinabi na nitong sobrang busy nito?
Natapos na ang mga presentations ng lahat ng mga mag-aaral pero hindi pa rin bumabagsak ang ulan kaya sinimulan na agad ang mga inihandang games.
"Your pupils are very great! Look at them. Sobra silang energetic," si Philip nang lapitan siya sa kinatatayuan nila ni Corrine na footwalk.
"Oo nga, eh. Pati nga mga estudyante mo halatang kumakain din ng gulay at prutas, o," nakangiting wika niya.
Nasa kalagitnaan na sila ng kasayahan nang biglang bumuhos ang malakas na ulan. Nagsitakbuhan naman agad ang mga estudyante para makasilong.
"Ay, 'yong mga display mababasa!" bulalas ni Corrine.
"Naku, sayang naman 'yong display ng mga estudyante ko," alalang sabi ni Heleyna."Corrine, ikaw na muna ang bahala sa mga estudyante ko, ha? Magpapatulong lang akong buhatin 'yong mga mesa."
"Ha? Don't tell me magpapabasa ka?"
"Basta ako nang bahala. Sandali lang naman, eh," at sumulong siya sa malakas na ulan.
"Heleyna!"
"EXCUSE me," tawag ni Tristan sa teacher na agad niyang namukhaan na kasama ni Heleyna noong araw na sunduin niya ito.
Bumuhos na ang malakas na ulan kaninang malapit na siya sa eskwelahan at dali-dali siyang sumilong sa footwalk ng mga classrooms pagdating niya.
"Mr. De Vera, h-hi!" anito.
"Nasaan si Heleyna?"
"Nagpakabasa sa ulan, eh. Sinalba 'yong mga display ng estudyante niya. Pinigilan ko kaso ayaw din magpapigil, eh."
"Nasa'n na siya kung ganu'n?"
"Ah, eh, ayon siya, o," turo nito sa dalagang palapit at basang-basa na.
Hindi napigilang uminit ng ulo niya.
"Okay na--Tristan!"
Nagulat si Heleyna nang makita si Tristan kaya kahit giniginaw ay sinikap niyang ngumiti.
"H-hi! Wrong timing ka, ah?"
"Ano sa tingin mong ginagawa mo?" angil ni Tristan sa kanya.
"B-bakit, ano'ng ginawa ko?"
"Naturingan kang teacher pero ang tigas ng ulo mo! Alam mo na ngang ang lakas-lakas ng ulan. Gusto mo bang magkasakit, ha?"
"T-teka, tumulong lang naman ako, eh. Tsaka hindi ako magkakasakit, ano ka ba?"
Marahas na napabuntong-hininga si Tristan at naiiling na hinubad ang coat at isinuot kay Heleyna.
"Heleyna, I think kailangan mong magpatuyo," si Philip na nagmamadaling lumapit."Halika sasamahan kita sa--"
"Hindi na," putol ni Tristan at binalingan si Corrine."Nasa'n ang mga gamit niya?"
"Nasa classroom," sagot naman nito.
"Pwede mo bang kunin?"
"Teka!" angal naman ni Heleyna."Ano'ng gagawin mo sa mga gamit ko?"
"Iuuwi na kita."
"Hindi pwede. Pa'no naman ang mga estudyante ko?"
"You listen to me, Heleyna, dahil responsibilidad kita," may diing sabi ni Tristan.
"P-pero--"
"Sige na,Mare, 'wag nang matigas ang ulo," sabi naman ni Corrine."Kami na ni Philip ang bahalang mag-handle ng buong Grade One. Dito ka lang kukunin ko lang ang mga gamit mo. Tara, Philip, samahan mo 'ko."
Wala nang nagawa si Heleyna nang tumalikod na ang dalawa. Napasiksik siya sa coat ni Tristan dahil nilalamig na talaga siya.
"Nabasa ka rin?" tanong niya dito pagkuwan.
"Wala 'to kumpara sa'yo."
"Nagulat ako nang dumating ka."
"May sinabi ba 'kong hindi ako pupunta?"
"Ang sabi mo busy ka."
"But I never said no."
Lihim siyang napangiti sa ideyang kinunsidera pala nito ang imbitasyon niya.
"Mukhang nasayang nga lang ang pagpunta mo. Pasensiya ka na, ha?"
"Okay lang. Hindi mo naman kasalanang umulan," ani Tristan na nag-iwas ng tingin.
"Hindi ba ayaw mong nasasayang ang oras mo? Sorry ulit, Tristan."
"Tigilan mo nga 'ko kaka-sorry mo."
PINAHIRAM din sila ni Corrine ng payong na magagamit. Nang dumating na sila sa Barangay Paru-paro ay hindi pa rin tumitila ang ulan.
"Tiyak na matatalsikan ang damit mo," ani Heleyna nang tinatahak na nila ang papasok sa looban.
"Hindi naman big deal 'tong damit ko. Sarili mo nga muna ang isipin mo," sabi naman ni Tristan na siyang may hawak ng payong sa kaliwang kamay.
Nagulat pa si Heleyna nang umangat ang kanang braso ng binata at ilang sandali pa ay nakapalibot na ito sa kanya. Hindi napigilang kumabog ng dibdib niya. Sa ginawa ni Tristan ay nabawasan ang lamig na nararamdaman niya. Sa katunayan ay ramdam niyang nag-init ang pisngi niya.
"Magbihis ka na agad. Babalikan ko lang 'yong mga gamit mo," sabi ni Tristan pagdating nila sa bahay.
Tumalima naman siya. Hindi niya lubos maisip kung bakit ginagawa iyon ni Tristan para sa kanya pero sweet ang tingin niya dito.
Inabutan niya si Tristan ng tuwalya nang makabalik na ito.
"Mukhang matagal pa bago tumila ang ulan dumito ka muna," anang dalaga.
"You won't mind?"
"Gusto mo ng kape?"
"Sure."
"Upo ka muna."
Dumiretso siya sa kusina.
"Instant coffee lang ang meron ako, eh. Okay lang?" aniyang bahagyang sumilip sa sala.
"As long as walang lason, I don't mind."
Matapos niyang magtimpla ng dalawang tasa ay tumambay sila sa balkonahe at pinanood ang malakas na pagbagsak ng ulan.
"Thank you ulit," anang dalaga at nakangiting tiningnan ang binatang nasa tabi niya.
"Ano'ng klase akong fiancé kung pababayaan kita?" sa halip ay sabi nito.
"Hindi naman tayo ang typical na mag-fiancé, eh."
"Nangako ako sa Mama mo na tatratuhin kita nang maayos. Dahil wala siya sa tabi mo sa lahat ng oras, she's expecting me to look after you, Heleyna."
Humigop naman siya sa tasa niya at tumingin sa mukha nito.
"Do you know what I'm thinking, Tristan? Na kahit hindi man natin matakasan ang set up na 'to, sana magwork out man lang tayo."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top