Chapter 5
ITINULAK ko palayo si Rix Montenegro. Anong balak niya sa 'kin? Bakit niya tinakpan ang bibig ko?!
Tinakbo ko ang aking bag na nasa di kalayuan. Dahil wala naman akong kutsilyo dito sa maliit kong inuupahan ay ballpen ang hinugot ko. Itinutok ko iyon sa kanya.
"B-balak mo akong pagsamantalahan, ano?"
Pinagtaasan niya ako ng kilay. "What the hell are you talking about?"
Napalunok ako. "B-bakit mo tinakpan ang bibig ko?"
Kumunot ang noo niya.
Muli akong napalunok. "B-bakit ganyan ka makatitig? S-sisigaw ako ng rape, sige ka..." Nananatiling nakatutok sa kanya ang ballpen na hawak ko.
"Do you think na papatulan kita?"
Napanganga ako. Ang sakit, ah!
Pero may punto naman siya.
Oo nga naman. Guwapo siya at ubod ng yaman. At ako naman ay isang hamak na ulilang dukha, hindi pa kagandahan at cute lang. Bakit nga ba naisip ko na re-reypin niya ako?
Inis na ibinaba ako ang ballpen ko. "Eh, bakit ka ba kasi nandito? Anong masamang hangin ang nagdala sa'yo rito?"
"I'm here to threaten you. Hindi ako titigil hangga't hindi ka nagmamakaawa sa akin."
"Talaga lang, ah?"
Umigting ang kanyang panga. "I will make your life miserable."
"Hindi ako natatakot sa'yo, Montenegro." Nagtaas ako ng noo. "And me, too. I will make your life... incredible!"
Napasentido siya. Ilang sandali pa'y bumaba ang paningin niya sa aking mga hita. Hindi ko alam kung namalik-mata lang ba ako dahil parang may nakita akong gigil sa mga mata niya bago niya ibinalik ang paningin sa mukha ko.
"Next time, wag kang magsuot masyadong maiksing shorts," malamig na sabi niya.
Saka ko lang naalala na maliban sa manipis ang suot kong sando ay pekpek shorts pa ang short na suot ko. Napatakip tuloy ako sa mga hita ko.
Pero ano bang pakialam niya?!
Kung naiinggit siya, eh di mag-pekpek shorts din siya!
Ano ngayon kung maiksi ang shorts ko at manipis ang sando ko? Eh sa wala na akong maisuot na pambahay! Kaunti lang ang nasagip kong damit mula sa sunog dahil mas inuna ko ang ilang panlakad at uniporme.
Saka nasa bahay lang naman ako, alangan namang mag gown ako rito?
Humakbang siya palabas ng pinto at inuga ito. "Paki-lock mabuti ito. Ang dali mong pasukin kapag ganito kahupa ito."
Kasalanan ko rin ba na ganon ang pinto ko? Aba, si Aling Iling na ang may kasalanan non, 'no! Lahat na lang ba ako? Ako? Ako na walang malay!
Lumabas na siya ng pinto, ni hindi man lang nagpaalam at nag-abalang lingunin ako.
Pinagdabugan ko siya nang isara ko ang pinto. "Wag ka ng babalik dito kung hindi huhubuan – este sasaksakin talaga kita sa lalamunan ng ballpen!"
Narinig ko na ang mga yabag niya na paalis. Napabuga ako ng hangin.
Ano bang trip ng lalaking yun? Bakit kailangan niya pa akong puntahan dito para lang pagbantaan ako? Pwede naman na itext niya na lang ako o kaya ay tawagan ako sa cell phone ko.
May sayad nga yata talaga ang mga Montenegro. Balita nga na kakaiba ang trip ng mga ito. Palibhasa kasi mga sakim sa kayamanan kaya mga luto na ang utak at di na makapag-isip nang matino. Napapailing na lang ako.
Ngunit mayamaya ay wala sa sariling napadampi ang palad ko sa mga labi ko. Para kasing naiwan pa rito ang init ng palad ni Rix Montenegro.
Bakit kaya ganun ang palad ng lintek na iyon? Daig pa ang kamay ko. Ang lambot at ang bango.
Sinupil ko ang aking sarili sa pag-iisip at nahiga na lang sa matigas kong higaan. Nang gabing iyon, hindi ako nakatulog.
Hindi ko maipaliwanag pero hindi mawala sa isip ko ang asul na mga mata ng hinayupak na lalaking iyon.
...
NAPAYUKO ako at mataimtim na pinagmasdan ang mga bitbit kong prutas. Kamuntik ko na itong hindi bilhin dahil ang mamahal ng mga ito. Lalo na ang mansanas at orange ngayon, presyong ginto.
Pero kahit kapos sa budget, dinagdagan ko na rin ng saging para lang magmukhang marami ang bitbit ko. Ang nasa isip ko, hindi na lang muna ako kakain ng hapunan kapalit nitong mga binili ko. Tinitipid ko kasi iyong pera na aking pinagsanlaan sa scooter. Ang kalahati kasi niyon ay binayad ko sa aking tuition kaya kaunti na lang ang natira.
Ngayong araw na ito ay dadalaw ako ngayon sa boyfriend ko. Malamang ay miss na ako ni Marlon dahil ngayon na lang ulit ako makakadalaw sa kanya. Maliban sa kuya ko na busy sa sariling lovelife nito at kay Gracia na pinsan ko ay si Marlon na lang ang meron ako.
Maingat akong pumasok sa kanyang kwarto dito sa hospital. Katulad ng dati ay naabutan ko na naman siya na nakatulala.
Awang-awa na talaga ako sa kanya. Siguro ay problemadong-problemado na siya sa kalagayan niya kaya siya matamlay.
Ngumiti agad ako bilang pambungad sa kanya. "Kumusta na ang baby ko?"
Tumingin sa akin ang walang kabuhay-buhay niyang mga mata. "Bakit ngayon ka lang dumalaw?"
Napakagat-labi ako. "Pasensiya na. Nagkaroon kasi ako ng mga problema,"
Napakamot siya. Halata sa mukha niya ang pagka-irita. "Wala ka bang ibang idadahilan sa'kin? 'Lagi na lang yan ang dahilan mo e."
Lumapit ako sa kanya at hinuli ang kanyang palad. "Wag ka na magalit, baby ko. Heto o at may pasalubong ako sa'yo,"
Napatingin siya sa mga prutas na dala ko. "Ano yan? Ilang araw kang hindi dumalaw dito tapos iyan lang ang dala mo?"
"Sorry... Nagbayad kasi ako ng tuition–"
"Pakilapag na lang diyan sa mesa." Hindi na niya ako pinatapos. Nahiga na siya at tinalikuran ako.
Inilapag ko sa mesa ang mga prutas na bitbit ko. Pagkuwan ay umupo ako sa tabi niya. "Baby, galit ka ba?"
"Hindi ako galit. May problema lang sa bahay,"
"Ano bang nangyari?"
"Kailangan kasi ng pambayad ni Shena ng tuition. Kailangan nila Mama ng pera,"
Si Shena ay ang Grade 12 na bunsong kapatid niya. Nineteen na dahil umulit sa pag-aaral. Sakitin noong bata pa. Pinag-aaral nila ito sa isang private high school kaya halos maghikahos sila sa tuition nito.
Umangat mula sa pagkakahiga si Marlon. "May pera ka ba diyan?"
Napayuko ako. May kaunti akong pera dito, pero tinitipid ko ito para naman may kainin at ibaon ako sa araw-araw. Hindi ko tuloy alam ang isasagot sa kanya.
Napabuntong-hininga ako. "Meron ako dito. Ayos na ba iyong dalawang libo?" Ito na lang ang natitira sa pera na naitabi ko.
Napaupo ulit siya mula sa pagkakahiga. Nagliwanag ang kanyang mukha. "Malaking tulong na yan, baby."
Binuksan ko ang bulsa ng aking bag na sira na ang zipper. Sa kailaliman nito, nandoon nakatago ang dalawang libo na matagal ko ng inipit na mula pa sa pinagsanlaan ng scooter. Kinuha ko iyon at iniabot sa kanya. "Heto o. Ibigay mo muna sa mama mo para pandagdag sa tuition ni Shena."
Kinuha niya iyon sa akin at saka niya ako niyakap. "Salamat, baby!" Masayang-masya siya, samantalang ang mukha ko naman ay hindi na maipinta.
Paano na ang baon ko nito sa isang buwan? Paano na kaya ang pagkain ko nito araw-araw?
Habang hawak ni Marlon ang tupi-tuping dalawang libong papel ay nakayuko siya. Kinuha niya ang kamay ko. "Kaya lang kulang pa ito, baby."
"Ha?"
"Pwede bang ipangutang mo pa ako ng tatlong libo?"
Napangiwi ako. "S-susubukan ko..."
"Wag mong subukan. Gawin mo."
Napatango na lang ako.
"Good. I need it na sana sa lalong madaling panahon. Bukas palang ay kumilos ka na sana, aasahan na kita, ha?"
GUTUM na gutom ako at pagud na pagod bago ako nakarating sa gate ng maliit at public university na aking pinapasukan. Naliligo na ako sa pawis pagpasok ko ng classroom namin.
Kung bakit ba naman kasi wala akong pera para makakuha ng Grab o Uber.
Wala pa rin kasi akong jeep na masakyan na bumabyahe sa lugar namin papunta sa eskwelahan. Hindi ko alam kung ilang araw na kita ang binayaran ni Rix Montenegro para lang hindi mamasada ang mga iyon tuwing ganitong oras.
Mukhang balak niya nga talaga akong paglakarin hanggang sa makatapos ako ng pag-aaral.
Hay, gutom na ako. Kailangang makita ko si Gracia, hihingi kasi ako sa baon niya. Hindi kasi ako naghapunan dahil nga wala na akong pambili ng pagkain.
Naibigay ko na ang lahat ng pera ko kay Marlon. Ang hirap pa nun, kulang pa raw iyon. Kailangan ko pang makadiskarte ng tatlong libo. Saan naman kaya ako mangungutang ng ganun? Eh ito namang si Gracia ay mas makunat pa sa tainga ng kalabaw.
Napapailing si Gracia habang nakatingin sa akin. Alam kong nakikita niya na pawisan ako.
"Sabi ko na sa'yo, insan. Hindi mo na kasi dapat kinakalaban ang Montengro na 'yan."
Hindi ko siya kinibo. Iniba ko ang usapan. "Late na ba ko?"
"Hindi pa naman."
Mabuti naman.
"Samin ka na lang kaya mag-stay mamayang gabi? May byahe ng jeep sa lugar namin."
"Wag na, at baka pati mga tao sa inyo ay madamay pa kapag pati ron ay manuhol ng driver ang baliw na iyon."
"Ok. Ay oo nga pala, may bago daw tayong prof."
"Ha? Bakit? Anong nangyari Prof. Sibac?"
"Ayun, nasibak. Di ko alam ang istorya, basta na lang daw tinanggal dahil may ipapalit."
Ganun? Kataka-taka naman iyon.
At nakakapagtaka rin na nakadungaw ang halos lahat ng mga kaklase namin sa bintana. Mukhang excited sila sa bago naming professor.
Mamaya ko na ihihirit yung uutangin ko kay Gracia. Mukhang kailangan kong bumwelo dahil isa rin siya sa mga nakaabang sa bintana at naghihintay sa bago naming prof.
Biglang nagtilian ang mga kaklase kong babae. Kandarapa silang nagbalikan sa kani-kanilang upuan. Ang bawat isa sa kanila ay parang kinikiliti ang mga tumbong habang nagchi-chikahan.
"Anong meron?" bulong ko kay Gracia.
"Gwapo daw yung bagong prof."
(unedited copy/raw copy)
Kaya naman pala parang kiti-kiti itong mga babae kong kaklase. Hindi na ako magtataka kung bakit iyon iba ay napapatili pa.
"Nakita mo, Sissy?" impit na bulong ng nasa likod ko.
"Oo! Grabe, ang gwapo at ang bata pa!" Sagot naman ng nasa gilid ko. "Matalino raw kasi iyon. Sa ibang bansa nag-aral kaya ang swerte natin! Biruin mo, over qualified ang new prof natin!"
"Plus guwapo pa, Sissy! As in super gwapo, parang hindi na tao! Feeling ko nga, walang pores sa face iyon, e! Parang manikin sa kinis, e!"
"At familiar iyong face niya, e. Parang nakita ko na somewhere!" Nagpatuloy ang bulungan.
"Pati kamo surname niya e familiar. Feeling ko rich kid si Prof! Baka kamo model pa iyon, mukhang model e! Ang guwapo talaga basta!"
"Mayaman nga kasi talaga! Ang alam ko nga, member siya ng elite frat na Bla—"
Bumukas ang pinto kaya ang lahat ay natahimik at napanganga. Ang mga hitsura nila ay iyong parang susubuan ng pagkain.
Iniluwa ng pinto ang isang matangkad na lalaki. Siguro ay nasa anim na talampakan ang taas. May malapad na dibdib at balikat. Maayos na nakasuklay ang itim na itim na buhok ngunit kapansin-pansin na medyo long back.
"Ayan na siya!" impit na tili na naman ng nasa likuran ko.
Nakasuot siya ng long sleeve na stripe na semi fitted at itim na jeans pero naka black shoes na pa-combat shoes ang style. May nakaipit syang laptop at mga papers sa kanang bisig. Kulay black ang frame ng suot niyang clear eyeglasses na bumagay sa matangos niyang ilong at pangahang mukha.
Nang tuluyan siyang humarap sa amin ay saka ko napantanto na bughaw ang kulay ng mga kanyang seryosong mga mata. Ganoon na lang tuloy ang pagkatigagal ko.
Hindi ako pwedeng magkamali! Siya si Rix Montenegro!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top