Chapter 4

BAKIT GANITO?


Bakit wala akong masakyan?! Tila ba naglahong parang mga bula ang mga jeep dito sa lugar namin. Ultimo bus ay wala! Nagkaroon ba ng malawakang strike?


Mga truck, private vehicles lang ang meron. Yari ako nito, baka ma-late ako sa klase!


Takbo-lakad ang ginawa ko papasok nang eskwelahan. Kamuntik-muntikan pa nga akong masagasaan sa mga tinawiran ko. Sumasabay pa ang tirik na sikat ng araw. Tagaktak na ang pawis ko bago ako nakarating sa classroom ko.


"Anyare sa'yo?" puna sa akin ni Gracia. Nakatitig siya sa maalikabok at oily kong mukha.


"Wala akong masakyan!" hinihingal na sagot ko.


"Bakit kasi hindi ka pa sumabay sa akin kanina. Bakit laging pa-late ka pumasok, hayan, lalo ka tuloy na-late. Naabutan ka ng strike. 'Tapos na 'yong una nating klase."


Napakamot na lang ako. "Ano kayang nangyari? Bakit nawala ang mga jeep sa'min? Pati bus, wala!"


Nanlaki ang mga mata niya. "Malamang pakana yan ni Rix Montenegro!"


Natawa ako. "Hindi siguro. Natakot na yun sa'kin."


"Insan, maniwala ka. Hindi mo alam ang kayang gawin ng Montenegro na yun! Mayaman iyon! Maraming nagagawa ang pera!"


"Tingin ko nagkaroon lang ng stripe ang mga jeep."


"'Insan, strike iyon!"


"Oo nga strike nga pala. Sorry naman." Palagi niya talaga akong itinatama sa mga mali ko. Hindi siya nagsasawa kahit pa ganito na ako mula pa yata nang matuto akong magsalita.


Iniba ni Gracia ang usapan. "Saan ka tumutuloy ngayon?"


"Nangungupahan lang ako."


"Saan ka naman kumuha ng pera?"


Lumapit ako sa kanya at hininaan ko ang aking boses. "Sinanla ko muna iyong scooter ni Kuya Maximus."


Napangiwi siya. "Naku lagot ka sa kuya mo kapag nalaman niya! Pahiram niya lang iyon sa 'yo, 'tapos isinangla mo!"


"Tutubusin ko rin naman. Balak ko mag-student working."


"Baka working student."


"Parehas lang yun, nabaligtad lang."


Pumamewang siya. "Eh, anong plano mo sa lupa niyo. Wala ka bang balak ibenta 'yon?"


Umiling ako. "Hinding-hindi ko ibebenta yun. Tatayuan ko iyon ng bahay balang araw."


"Dapat dun ka na kay Kuya Maximus nakituloy para wala ka ng upa."


"Hindi ko pa kasi alam kung paano sasabihin kay Kuya ang mga nangyari. Siguradong sasabunutan ako nun."


May dalawang linggo na kasi ang nakakalipas matapos matupok ng apoy ang aking bahay. Sa mga ganitong panahon, dapat ay nasasabi ko na ito kay Kuya Maximus. Ang kaso ay natatakot ako sa tuwing naiisip ko ang galit na mukha ng Kuya ko kapag nalaman niya na wala na ang bahay.


Umirap si Gracia. "Bakit kasi sinauli mo pa yung pera kay Rix? Pwede ka ng makabili ng bahay dun, aba!"


"Insan, hinding-hindi ko pwedeng gamitin ang perang iyon. Hindi talaga kaya ng sistema ko na gumamit ng ganoong pera lalo na't galing sa lalaking iyon."


Umikot lalo ang bilog ng mga mata niya. "Akala ko ba gagamitin mo yun na ebidensya sa mga pulis para maidiin sa kaso mo iyang si Rix. Bakit mo ibinalik sa kanya?"


Napayuko ako. "Hindi ko alam. Basta galit na galit ako sa kanya nang araw na makaharap ko siya. Ayaw ko na isipin nyang baka gamitin ko ang pera niya dahil walang-wala na ako. Ayokong marinig na sabihin nyang dahilan ko lang na gagamitin ko iyon laban sa kanya."


Kinutusan niya ako nang mahina. "Alam mo, Insan, napakalaki ng pride mo eh, ano? Iisipin mo pa ba ang mga sasabihin niya kesa sa matutuluyan mo?"


"Basta! Kinamumuhian ko talaga ang lalaking iyon," mariin kong bigkas. "I will destroys her!"


Napahilot sa sintido si Gracia. "Naku, Insan. Bago yang destroys her mo, mag-aral ka munang mabuti."



ANO ba namang klaseng paupahan ito, butas ang bubong. Saan pa ko pupwesto para iwasan ang mga tumutulong tubig galing sa ulan? Eh halos kaharap ko lang ang lababo at banyo sa liit ng espasyo.


Kung sa bagay, ano pa nga bang aasahan ko sa maliit na halagang upa? 


Isang libo lang kasi ang upa ko dito per month. Mas maayos na ito kaysa sa kalsada ako matulog. Isa pa, eskwater man ang lugar na kinatitirikan nitong inuupahan ko ay tago naman ito. Kung tangkain mang sunugin ito ni Rix ay dadaan muna siya sa mga dumi ng aso bago siya makalapit dito.


Napabuga ako ng hangin. Bigla kong na-miss ang bahay ko. Kahit kasi inaanay na sa kalumaan ang mga kisame at kinakalawang na ang bakal na gate at balustre, ay hindi hamak naman na mas malawak at mas malaki iyon kaysa rito. Gawa pa sa bato. Nalulungkot tuloy ako.


Mayamaya ay may kumatok sa pinto. Binuksan ko ang pinto na kamuntik nang magiba. Bumungad sa akin si Aling Iling – ang may ari ng inuupahan ko. "Gandang gabi, hija." Nagsasalita siya pero panay ang iling niya.


"Magandang gabi po."


"Kelan mo ba mababayaran ang upa? Deposito pa lang ang naiabot mo sa'kin di ba?"


Napakamot ako. Halos araw-araw siya kung maningil. "Wag po kayong mag-alala, malapit na po. Konting iling na lang – este, konting araw na lang po. May hinihintay lang po akong pera,"


Nakangiti siya sa akin pero umiiling siya. "Sige, balik na lang ako."


"Pasensya na po."


Tumalikod na ang matanda at umalis.


Bumalik na ako sa pagkakahiga. Ang inuunanan ko lang ay iyong mga damit ko na nakabalot pa. Ang kumot ko ay ang daster pa ni Mama. Ang sapin ko sa sementong uka-uka na hinihigaan ay pinagpatung-patong na damit ni Papa. Naisalba ko lang ang mga ito nang masunog ang bahay. Hindi ko ito magawang itapon o sunugin kahit wala na sila. Para kasi sa akin ay parte ito ng pamana nila.


Akma ko nang ipipikit ang mga mata ko nang may kumatok ulit sa pinto. Nabatukan ko ang aking sarili sa naalala. Nakalimutan kong banggitin kay Aling Iling iyong advance payment sa kuryente at tubig. Ito siguro ang dahilan kung bakit siya bumalik.


Subalit napatigagal ako nang buksan ko ang pinto. Isang matangkad na lalaki ang nakatayo roon, at ang kulay karagatan niyang mga mata ay kasing lamig ng gabi habang nakatingin sa akin.


Rix Montenegro!


Napatakip ako sa katawan ko ng maalala ko na manipis na damit lang ang suot ko at wala akong bra. "A-anong ginagawa mo dito? P-paano mo nalaman ang tinutuluyan ko?" kandabuhol ang paghinga ko habang nakatingala ako sa kanya.


Nakatitig lang sa akin ang bughaw nyang mga mata. Mas asul pala ang mga ito kapag madilim. Napatingin siya sa balikat ko.


Shit, naka-sleeveless na pambahay lang ako. Ang nipis-nipis pa. Kitang-kita ang katawan ko! Mabilis ko namang tinakpan ng palad ko ang aking nakahantad na balat.


Umiwas siya ng tingin. "What a mess."


Alin? Ang maliit kong inuupahan o itongmismong buong lugar? Mess nga talaga.


Napasilip ako sa suot niyang sapatos. Mukhang nailagan niya iyong dumi ng mga aso sa dinaanan niya. Eh iyong mga kanal kaya, paano niya nilundagan?


Yumuko siya at pumasok sa pinto. Dahil nga matangkad ang hinayupak, halos mauntog siya sa kisame.


"H-hoy, wag ka ngang pumasok dito–" Wala na akong nagawa nang tuluyan na siyang makapasok.


Nilingap niya ang paligid. Malamang ay pinagtatawanan na niya ang kalagayan ko. "How can you stay here?"


"Napakayabang mo! Bakit hindi mo yan itanong sa sarili mo? Nakalimutan mo na yata na ikaw ang sumunog ng bahay ko kaya ako nandito–"


"Hindi ka ba nagtataka kung bakit wala kang masakyang jeep papasok?"


Namilog ang mga mata ko. Paano niya nalaman iyon?


"I paid all the jeepney drivers in this perimeter. Kaya kung ako sa'yo, tubusin mo na ang scooter na isinanla mo. Dahil paglalakarin kita hanggang sa makatapos ka nang pag-aaral."


Tama pala si Gracia, pakana niya ang lahat ng ito. At paano niya nalaman na isinanla ko ang scooter?


Galit na tiningala ko siya. "Paano mo nalaman ang lahat ng ito? Ini-stake mo ba ko?"


Umangat ang isa nyang kilay. "Stake? I think the right word is stalk."


"Stalk sabi ko, di ba?"


Lumikot ang mga mata niya. "Of course not."


"Eh paano mo nalalaman ang lahat ng ito?"


Umilalim ang tingin niya sa akin. "Because I am Rix Montenegro. Masamang kinakalaban ako." Humakbang siya papalapit sa akin kaya napaatras ako. Sa itsura niya, para siyang may tama, kahit guwapo pa siya.


Napalunok ako. Anong plano niya? Bakit habang lumalapit siya sa akin ay nakatitig siya sa mga mata ko?


"Let's see what you can do."


Niyapos ko ang sarili upang takpan ang katawan ko. "A-anong ginagawa mo?" Hanggang sa mapasandal na ako sa pader.


Teka anong balak niya?! At bakit ganito siya makatingin? Bakit parang may gusto siya sa akin? Hindi kaya balak niya akong reypin?!


Pero bago ako makasigaw ay tumakip na sa bibig ko ang mainit at malaking palad ni Rix Montenegro.


jfstories

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top