Chapter 30

MABUTI na lang at bumukas ang malaking gate ng mansion. Dahil kung hindi, aakyatin ko ito at lulundagin makatawid lang sa kabila. Kailangang kong makausap si Rix. Kailangan kong humingi ng tawad sa kanya.


Kakatok pa lang ako sa bakal na pinto nang bumukas ito. Iniluwa ng pintong ito si Madam Aviona, nanay ni Rix. May inihagis siyang susi sa akin.


Nasalo ko iyon. "P-para saan po ito?"


"You know how to drive?"


Umiling ako. Ibinato ko ulit iyon pabalik sa kanya at nasalo niya. "Get in." Sabay bukas niya sa pinto ng isang mamahaling kotse.


Binuksan ko ang pinto ng kotse at naupo sa passenger's seat. "S-saan po tayo pupunta?"


"You're here because you wanna talk to him, right?" Pihadong si Rix ang tinutukoy niya.


Tumango ako.


Binuhay niya ang makina. "We have to hurry." Pagkatapos ay pinaharurot niya ang sasakyan.


"B-bakit po?"


"He has a flight tonight papuntang London. Sana maabutan pa natin siya."


Bumigat ang dibdib ko sa sinabi niya. "P-po?" Ang ibig sabihin, kapag hindi namin siya naabutan ay hindi ko na siya makakausap pa kahit kailan.


"This is the first time he had done something like this," ani Madam Aviona habang nakatutok ang mga mata sa kalsada.


Ikuwento ni Madam Aviona na marami ang nagbago kay Rix. Madalas na raw itong umuuwi sa kanila ngayon. Hindi ito palakibo pero nitong nakaraan, nagugulat na lang daw sila na kusa itong nabubukas ng paksa. Nakikinig lang naman ako. Nanalangin kasi ako sa aking isip na sana nga ay maabutan namin sa airport ang anak niya.


"He's already watching TV with his father. He talked about you a lot kapag nagkakasalubong kami."


May kung anong pitik sa loob ng dibdib ko ang mga narinig.


"But these past few days, nagkulong lang siya sa kuwarto. Then he decided to stay in London for a year. Ngayon lang siya nagkaganyan."


Napaluha ako sa sinabi niya. A year? Hindi ko yata kakayanin kung hindi ko siya makikita ng isang taon. "B-bilisan po natin."


Napangiti si Aviona matapos tapakan ang gas ng sasakyan. "We're lucky dahil patay na si Merdie. You don't have the idea kapag andun tayo sa sasakyan niya."


"Po?" Hindi ko maintindihan ang sinasabi niya.


"Don't mind me."


Tumutok ang paningin ko sa daan. Nagdarasal ako na sana ay lumipad nalang itong sasakyan. Inaalala ko iyong mga nasabi ko kay Rix. Iyong mga masakit na nasabi ko sa kanya na pinagsisisihan ko na. Kung bakit naman kasi ang tanga ko pa. Bakit kasi ang boba boba ko? Bakit ako nagpadaig sa selos ko?


"Mahal mo, ano?" Biglang tanong ni Aviona.


"M-mahal na mahal po." Pumiyok ako.


Napaluha na rin siya. "I-intindihin mo na lang siya, ha. Believe me... mahal ka rin niya. For those years na kasama ko siya, ngayon ko lang siya nakita na nagkaganito."


Iniliko niya ang sasakyan sa kanan, at deretso siyang pumasok sa isang private road. Pagdating namin sa dulo, nasa harapan na namin ang airport. Mabilis siyang bumaba upang pagbuksan ako. Pagbaba ko ng kotse, hindi na ako nagtanong. Nanakbo na ako sa loob kahit hindi ko alam kung saan ba ako pupunta. First time kong makatuntong dito.


Hindi ako nakuntento sa isang area lang. Kapag wala akong makitang matangkad na gwapo, umaalis na agad ako. Madali lang makita si Rix dahil nangingibabaw ang taas niya. Isa pa, makikilala agad siya sa malayo dahil artistahin nga.


Subalit isang oras na akong nagtatatakbo, wala pa rin akong Rix na natatanaw o nakakasalubong. Sinubukan kong magtanung-tanong sa mga guards, pero wala naman silang maisagot sa akin. Natigilan lang ako sa pagtakbo nang makasalubong ko si Madam Aviona. Bagsak ang balikat ng babae.


Bumalatay sa mukha niya ang labis na lungkot. "Sorry, Martina."


Nanlambot ang mga tuhod ko. Kamuntik na akong mabuwal sa pagkakatayo. Dahil nanghihina ako, minabuti ko na maupo na lang sa sahig. Kasabay nito ang pag-agos ng mga luha ko. Namalayan ko na lang na napapahagulhol na ako.


Umupo si Madam Aviona at inalo ako. "I'm sorry."


Yumakap ako sa kanya. Wala akong nagawa kundi ang umiyak sa balikat niya.


Sayang, hindi ko man lang naabutan si Rix. Sayang, kasi may gusto sana akong sabihin. Alam na ba niya kung gaano ko siya kamahal? Alam na ba niya na handa na akong tanggapin ang alok niyang kasal?


Napayuko ako at napahimas sa aking tiyan.


Alam na ba niya... na buntis ako? Alam na ba niya na siya ang ama nitong dinadala ko?




TATLONG BUWAN.


Hindi puwedeng huminto ang buhay. Binuhos ko ang atensyon sa pagkita ng pera.


Kaliwa't kanan ang sideline ko. Tuwing umaga ng Lunes hanggang Biyernes ay nasa public center ako sa barangay namin. Tagaluto ako roon at tagahugas ng mga plato at kaldero. Pag-uwi ay deretso ako sa pagbebenta sa online ng kung anu-ano. May mga hinahango akong meryenda, sabon, at frozen food. Tumatanggap din ako ng labada tuwing Biyernes pangdagdag kita.


Nang makaipon-ipon kahit paano, nakabili na ako ng ukay bales na dagdag kong itinitinda. Nagla-live selling ako tuwing gabi. Pati mga cosmetics, pinatulan ko na rin. Basta marangal na pagkakakitaan, sige lang. Nag-a-Avon na rin nga pala ulit ako. Gigil na gigil talaga kasi akong makaipon.


Habang hindi pa kalakihan ang aking tiyan, hataw talaga ako. Gusto ko na bago ako makapanganak ay may natatabi akong ipon. Ayaw kong mang-istorbo pa ng ibang tao. Ayaw ko na mangutang pa kung kani-kanino. Baby ko ito kaya obligasyon ko ito.


Gusto ko ring paghandaan ang mga gamit ng aking baby. Nae-excite na nga akong mamili, kaya lang hindi ko pa alam ang gender. Sa ika-five months pa raw para sigurado na makikita kung may lawit o wala.


Pagkapanganak ko, magpapahinga lang ako nang kaunti at balik na agad sa trabaho. Online selling lang muna siguro para aking maalagaan pa rin ang baby ko. Basta magdodoble kayod na lang ako. Ngayon pa nga lang ay aking kina-karir na talaga ang pagtitinda para dumami na ang suki ko.


Kapag nakaisang taon na si baby, babalik na ako sa pag-aaral. Kahit ilang subjects lang kada sem, basta makatapos ako. Hindi pa rin nawawala sa puso ko ang pag-aasam na maka-graduate. Hindi lang para sa mas maganda at maraming oportunidad, kundi regalo ko iyon para sa aking sarili.


Tiningnan ko ang aking sarili sa salamin. Apat na buwan na ang aking tiyan at maglilima, pero ang liit pa rin. Cute lang daw ako magbuntis sabi nila.


Habang nagliligpit ng mga ila-live selling mamayang gabi ay nakikinig ako sa radio. Nagsasalita ang DJ tungkol sa concert ng isa sa pinakasikat na international band, ang Black Omega Society. Ang limang miyembro ng banda ay mga kilala dahil nagmula sa mayayamang angkan, hindi lang sa Asya.


Ang banda kung saan ang manager ay aking kilalang-kilala. Ang lalaking hindi na ulit sa akin nagpakita.


Wala sa loob na dinampot ko ang magazine ng BOS. Dinala ito rito noong nakaraan ni Gracia. Sa cover ay makikita ang anim na matatangkad at naguguwapuhang lalaki na walang kangiti-ngiti sa mga perpektong mukha.


Simula sa kanan ay ang leader na si Rogue Montemayor Saavedra, Voss Damon Montemayor, Ryder Vito Deogracia, Lion Foresteir, at isa pa sa pinakabata na si Phoenix Laz Sandoval. Sa pagkakataong ito, kasama sa kuha ang minsan lang magpakita na manager ng banda. Ang lalaking nagtataglay ng malalamig asul na mga mata.


Rix, nasaan ka na ba? Hanggang ngayon, hindi mo pa rin alam na magkakaanak na tayong dalawa...



NAKAKAPAGTAKANG bigla na lang naglaho iyong bahay na pinapatayo ni Skavathowskivulkovoroughle. Ang malala pa nito, ibinabalik niya sa amin ni Kuya Maximus iyong ibinayad ni Kuya sa kanya na pinagbentahan ng lupa namin.


Ang four hundred thousand pesos na ibinalik sa amin ay pinaghatian namin. Bumili si Kuya Maximus ng rent-to-own na condo sa Ortigas. Pinaayos niya at binilhan ng mga gamit at pinapa-Airbnb. Basta pagpapaupa raw ibig sabihin niyon. Iyong kita niya ay siya na ring bayad niya sa monthly, plus nakakatubo pa siya. Iyon ang negosyo niya ngayon. Ang tira sa pera niya, nakabangko. Mag-iipon daw siya para makabili kami ng bagong lupa.


Nagtatrabaho na rin si Kuya Maximus ngayon sa isang bagong bukas na call center company. Talagang pinagsikapan at ipinagdasal niya na matanggap siya. Gabi-gabi siyang nagyu-YouTube para makapag-practice ng pronounciation at mga possible answers sa interviews. Tyinaga ni Kuya Maximus ang pag-a-apply sa iba't ibang call center companies baon ang umaapaw niyang self confidence and postive personality. Hindi siya pinanghihinaan sa ilang beses na pagbagsak sa interview, sa halip ay lalo niya pang pinag-igihan. Linggo-linggo ay sinusuyod niya lahat ng kompanya. Ang sabi nga nila, basta may tiyaga ay may nilaga.


Ang kuya ko ang aking inspirasyon. Naniniwala ako na makakaya ko rin basta may kumpiyansa sa sarili, paniniwala sa itaas, at determinasyon. Sinisikap ko na makapagbasa ng mga libro kapag may libreng oras. Nagkakabisado rin ako ng mga salita at kahulugan sa dictionary. Ayaw ko na makuntento na lang porke't alam kong mahina ang aking utak. Gusto kong palawagin ang aking kaalaman kahit paunti-unti lang.


Katatapos ko lang mag-live selling ng mga ukay na blouse nang pumasok bigla si Gracia sa aking bagong inuupahang kuwarto. Nakasimangot siya habang nakamasid sa akin. "Nakakainis ka talaga, 'insan."


"Ano na naman, 'insan?" Hinubad ko na ang suot kong huling blouse na ginamit sa live selling at isinuot na ulit ang aking hinubad na t-shirt kanina.


"Buntis ka ng lagay na 'yan? "Bakit hindi halata? Ang ganda mo magbuntis, bruha ka!"


Ngumisi lang ako. Iyan ang lagi niyang pinagmamaktol sa akin. Bakit daw ang liit ng aking tiyan at bakit din mula sa pagiging cute, na-promote na ako sa pagiging maganda. Epekto siguro ng genes ng mga Montenegro na nasa katawan ko.


Sumeryoso ang mukha ni Gracia pagkuwan. "Ang malas ni Rix, 'insan. Hindi ka man mayaman at matalino, pero ikaw ang pinakamabait, pinakamadiskarte, at pinakamapagmahal na tao na nakilala ko. Ang laking tanga niya bakit ka niya pinakawalan."


May pitik sa loob ng dibdib ko ang sinabi ni Gracia. Gayunpaman, ngumisi ulit ako sa kanya. "Ikaw naman, masyado mo akong pinupuri, ninang!"


Doon na siya natawa. "Talagang ninang ako! Aba, subukan mo lang na 'wag akong kunin, magwawala ako roon sa binyag ng anak mo!"


Nauwi na kaming dalawa sa paghaharutan. Nang mapagod ay nagkayayaan kaming kumain. Sarap na sarap si Gracia sa mga foodtrip namin. Mayamaya lang ay inantok na siya. Sinisi pa ako dahil daw hinawaan ko siya ng pagkaantukin.


Habang tulog si Gracia ay napatitig na lang ako sa kawalan. Naiisip ko ang sinabi niya kanina. Sa huli, napailing ako. Ano nga ba kung walang tatay ang baby ko? Nandito naman ako. Kaya ko namang maging tatay at nanay in one.


Hindi magkukulang ang aking anak, at sisiguraduhin ko iyon. Hindi man ako mayaman, pagsisikapan ko siyang bigyan ng buhay na maalwan. Hindi lang sa materyal na pangangailangan, dahil bubusugin ko rin siya ng pagmamahal, pag-unawa, at pagkalinga. Hinding-hindi siya magiging kawawa.


Hay, sana lang kay Rix magmana ng utak ang baby namin. Iyon kasi ang ikinatatakot ko, aminado naman kasi ako na mahina talaga ang aking utak. Sana sipag at diskarte na lang ang makuha sa akin ng anak natin...


At sana rin, ikaw ang maging kamukha nito. Para kahit hindi na kita makita pa, parang nakikita at kasama na rin kita... Dahil sa kabila ng lahat, ikaw pa rin ang isa sa pinakamagandang nangyari sa buhay ko.


jfstories

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top