Chapter 3

NAKIKITA kong nagsasalita si Gracia pero hindi ko siya naririnig. Nararamdaman ko ang palad niya kahit ang katawan ko ay namamanhid.


Hindi ako matigil sa pag-iyak. Nakapagbitbit nga ako ng ilang gamit ngunit hindi ko naman nailigtas ang kaisa-isang bagay na meron ako.


Natupok ng apoy ang bahay ko – ang nag-iisang kayamanan na naiwan sa akin nina Mama at Papa. Magkasunod na namatay ang aking mga magulang noong high school ako. Doon na nagsimula ang paghihirap ko. Nalugi ang negosyo namin, at maski ang nag-iisa kong kapatid na binabae, na si Kuya Maximus ay walang nagawa nang maubos ang ilan sa aming kabuhayan.


Tanging ang bahay na lang namin ang natira sa aming magkapatid. Ang bahay ay ipinagkatiwala na sa akin ni Kuya Maximus, dahil nga sa umalis na siya para makisama sa boyfriend niya. Ngayon ay akin na ang bahay. Akin na raw iyon bilang ako naman ang bunso.


Subalit sa isang iglap, naglaho iyon. Isang apoy ang nagnakaw ng nag-iisang kayamanan ko. Paano na ako nito kung wala na ang bahay ko? Paano ko ipapaalam kay Kuya na nasunog ang bahay namin?


"M-Martina..." untag sa akin ni Gracia. "Gusto mo sa amin ka na lang muna tumira?"


Umiling ako. Alam ko ang ugali ni Tita Beth na mama ni Gracia, ayaw non na may ibang tao sa kanila.


At inis sa amin iyon ni Kuya Maximus. Ang turing sa amin non ay hindi kadugo. Sinisisi niya kasi ang mama namin noon kung bakit namatay si Papa. Hindi man lang daw kasi ito nakagawa ng paraan para maisalba ang buhay ng asawa.


Mahabang istorya na ayaw ko nang balikan. Kaya hinahayaan ko na lang na magalit sa amin ni Kuya Maximus si Tita Beth, kahit pa hindi niya kami dapat sisihing magkapatid.


"Alam na ba ito ni Kuya Maximus?" mayamaya ay tanong ulit sa akin ni Gracia.


"S-saka ko na sasabihin..." Napatulala na lang ako. Nabuhayan lang ako nang makita ko ang isang pulis na papalapit sa amin. Kasalukuyan kasi kaming nandito sa police station.


"Martina Manalaglag?" tanong ng pulis paglapit sa akin. Nagpakilala siya bilang isang investigator ng kaso ko.


"Ako nga po." Napatayo ako.


Napatingin siya sa papel na hawak niya. "Ayon sa salaysay mo rito, sinasabi mo na may sumunog ng bahay mo."


"Opo. Meron po."


"Sino?"


"Hendrix Ybarra Montenegro o Rix Montenegro po."


Napaatras ang pulis.


Napakapit si Gracia sa braso ko. "'Insan..." Mahina niyang saway sa akin.


"Sigurado po ako, Sir. Si Rix Montengro ang sumunog ng bahay ko. Tiyak na kilala niyo iyon, sikat daw iyong gagong iyon, eh."


Pinagpawisan ang pulis. Bahagya niyang pinunasan ng panyo ang kanyang noo. "S-sigurado ka ba riyan?"


"Sigurado po ako!"


"May proof ka ba?"


"Wala po. Pero pinagbantaan niya po ako! Death threat na iyon!" Napakapit ako sa bag na dala ko kung saan naroon ang mga pera. "Isa pa, may pinanghahawakan po ako na makakapagtukoy na siya lang ang may kakayahang gawin po ito."


Lumingap ang pulis sa paligid bago hinawakan ang magkabilang balikat ko. "Ms. Manalaglag, ang tinutukoy mo ay isang Montenegro. Uulitin ko ang tanong," Napalunok siya. "Sigurado ka ba sa hinala mo?"


"Sigurado po ako."


Napabuga siya ng hangin. "Sige, hintayin mo ako rito."


Bumalik ako sa pagkakaupo.


"Please, 'insan, wag mo ng palakihin ito. Kung si Rix Montenegro talaga ang ididiin mo, dehado tayo," pagmamakaawa ni Gracia. "Delikado ang taong iyon. Mayaman iyon, plus pa na makoneksyon ang pamilya. Saka, hello? Parang hindi mo alam na kapag Montenegro ay iwas ang kapulisan."


"Wala akong pakialam!" Pinunasan ko ang mga luha ko. "Kinuha niya sa akin ang kaisa-isang bagay na meron ako kaya di ko siya aatrasan."


Napapikit na lang si Gracia. Ilang sandali pa'y may lumapit sa aming dalawang pulis. Dinala nila kami sa office. Binuksan nila ang aircon doon. Sinabi nila na maghintay raw kami sandali.


Pagbukas ng pinto ay iniluwa niyon ang isang matangkad na lalaki na nagmamay-ari ng bagaman kalmado ay malamig na asul na mga mata. Sabay pa kaming napatingala ni Gracia rito.


Para akong binuhusan ng malamig na tubig habang nakatingin sa lalaki. Teka, siya na ba ito? Anong ginagawa niya rito?!


Nakasuot siya ng itim na v-neck shirt. Faded ripped jeans at loafers. Meron siyang silver dog tag sa leeg at kulay itim na relo. May bitbit siyang leather jacket na kulay itim nang kalmado siyang maupo sa kaharap kong bangko.


Si Rix ba talaga ito? Nakailang kurap ako. Daig ko pa ang nakakita ng artista. Tao ba siya? Bakit ang perpekto ng itsura niya?


Mayroon siyang mahabang pilikmata at matangos na ilong. May guhit ang gitna ng kanyang baba. Pantay ang kanyang panga sa kanyang mukha. Maamo na sana ang mukha niya, ang kaso ay magkasalubong ang makakapal niyang kilay. Nagmukha tuloy siyang matapobre at galit sa mundo.


Wala akong nagawa kundi ang mapatanga. Nang lingunin ko si Gracia, para naman itong naestatwa. Halos maglaway pa habang nakamasid kay Rix Montenegro.


Tumikhim ang lalaki sa harapan namin. Bumalik ang tingin ko sa kanya. Saka ko napansin na sa akin lang siya nakatingin.


"I-ikaw si Rix Montenegro?" lakas-loob na tanong ko.


Si Gracia ang sumagot. "O-oo. Siya na nga iyan, 'insan."


Nanginig ako sa narinig ko. Nang muli kong lingunin si Rix ay nakangisi na sa akin ang mapupula at sensual niyang mga labi.


"Akala ko ba huhubuan mo ko kapag nagkita tayo?" Kasing lamig ng mga mata niya ang buo at malalim na boses niya.


Biglang naglaho ang takot ko at namayani ang galit ko sa kanya. Bakit nga ba ako matatakot sa kanya? Siya ang may kasalanan sa akin kaya siya ang dapat na matakot sa akin! "'Insan, lumabas ka muna." utos ko sa pinsan ko.


Bumulong sa akin si Gracia. "Bakit, 'insan? Huhubuan mo talaga siya?"


"Ha? Hindi ah. Basta lumabas ka muna!"


Lumabas si Gracia ngunit ang mga mata niya ay matagal na naiwan kay Rix Montenegro.


Nang tuluyan ng makalabas si Gracia, saka ko hinarap ang lalaki. Seryoso siya habang nakatingin sa akin. "Ikaw ang sumunog ng bahay ko, hindi ba?"


"Do you have proof?"


Naikuyom ko ang aking kamao. "Basta ipapapulis kita!"


"Go on. Nandyan lang sa labas ang mga pulis."


Napahampas ako sa mesa na namamagitan sa amin. "Ipapakulong kita!"


"Really? And how the hell will you do that?" Pinungayan ako ng malamig niyang mga mata.


"Hindi man ngayon, sisiguraduhin ko na manghihimas ka ng rehas." Dinampot ko ang bag na puno ng pera. Malakas ko itong ibinagsak sa harapan niya. "Oh, iyan na ang pera mo!"


"Seriously? Because if I were you, gagamitin ko 'yan para makabili ng bagong bahay–"


"H-hindi ko kailangan ng pera mo!" Pumiyok ako.


Natigilan siya at napatitig nang husto sa akin. Naiilang man ay sinalubong ko ang kulay asul niyang mga mata. Hindi ako maduduwag sa kanya dahil ipinaglalaban ko ang isang bagay na napakahalaga sa akin pero kinuha niya.


"M-mahirap lang akong tao, pero nagsisikap ako. H-hindi ako humihingi ng tulong sa iba lalo na sa isang katulad mo," mariing sabi ko. Hindi porke't Montenegro siya, hindi porke't mas mayaman, at mas makoneksyon siya ay kakayan-kayanin niya na ako!


Hindi ko mabasa ang iniisip niya. Nagpatuloy ako.


"A-alam mo ba, masaya kami noon. May kaya kami kahit paano. Pero namatay sa asthma ang papa ko. Sa isang iglap, namatay na lang siya bigla! At pagkatapos ay namatay rin ang mama ko dahil sa lungkot!" Isa-isa nang naglandas ang mga luha ko. "Nawala na lahat sa amin ng kuya ko. Pati kabuhayan namin nalimas na nang mamatay ang mga magulang namin. At iyong bahay na iyon na lang ang natitira sa amin, pero kinuha mo pa!"


Umiwas ang mga mata niya sa akin.


"Nangako ako sa sarili ko na magiging masaya ulit ako... na magkakarooon ako ng sarili kong pamilya at doon ko sila ititira sa bahay ko." Napapikit ako. "Sa bahay na iyon ko balak na bumuo ng bagong pamilya. Doon kami titira ng mapapangasawa ko at ng mga magiging anak namin... doon sana..."


Hindi na siya kumibo. Nakatingin lang siya sa kawalan.


"Ito ang tandaan mo, Montenegro." Tinitigan ko siya. "Hindi ako natatakot sa 'yo!"


Nanlaki ang mga mata niya sa sinabi ko.


"Pababagsakin kita. Sisiguruhin ko na huhubuan kita–"


Umangat ang isa niyang kilay.


"Este, sisiguruhin ko na pagagapangin kita! Gagantihan kita sa ginawa mong pagsira sa pangarap ko!" Pagkasabi ko niyon ay iniwan ko siya.


Paglabas ko ng office ay wala sa sariling napasandal ako sa pader. Napakalakas ng tibok ng puso. Nanginginig ang mga tuhod ko.


Pilit kong sinasariwa kung ano iyong mga nasabi ko. Gusto kong ulit-ulitin sa isip ko dahil naaliw ako na makita siyang napapatigagal sa aking mga nasabi. O ano, ha? Natakot ba siya? Aatras na ba siya? Naisip niya kaya na susuko na siya? Sa tingin ko, oo. Nagulat siguro siya na makitang matapang ako.


Akala niya, ha! Hindi ako basta-basta, nakahanap na siya ng katapat niya. Hinding-hindi ako magpapatalo sa kanya! Napangiti ako sa isiping natakot siya sa akin.


Duwag naman pala sa harapan si Rix Montenegro.


jfstories

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top