Chapter 20
NAGULAT ako nang pag-uwi ay nadatnan ko pa rin si Rix sa aking maliit na kuwartong inuupahan. Kagabi ko pa siya iniwan at gabi na ulit ngayon, nandito pa rin siya?
Pagkatapos kong pumunta kay Marlon ay sumunod akong pumunta kay Gracia. Nakibalita ako kung baka nagawi ba roon ang kapatid ko. Doon ko nalaman na naospital na naman si Kuya Maximus. Nagulpi na naman ng boyfriend nito. Hindi lang iyon ang masamang balita, nalaman ko rin na ibinenta na pala ng kapatid ko ang lupa namin. Windang na windang ako kaya naman anong oras na ngayon ay hindi pa ako kumakain.
Hinarang pa ako ni Ka Iling sa labas kanina. Sinisingil ako ng upa at bayad sa tubig at kuryente. Pinutulan na pala ako ng kuryente kaya madilim at bukas ang bintana sa aking inuupahan. Patong-patong na tuloy ang inaalala ko. Parang kaunti na lang, mababaliw na ako.
Napaangat si Rix ng mukha pagpasok ko. Lumitaw tuloy ang asul niyang mga mata. Mabilis siyang tumayo mula sa pagkakaupo nang makita niya ako. Naka-v neck shirt siya na suot niya pa kahapon. Ripped jeans ang suot niyang pantalon. Napatanaw siya sa bintana.
"Nandyan na ba ang mga pulis?" tanong niya sa mahinang boses.
Hindi ko siya kinibo. Pumunta ako sa maliit kong banyo para maglinis ng katawan. Pagod na pagod ako sa maghapon pagpaparoo't parito. Matapos kong mag-half bath ay nagpalit ako ng damit. Pedal shorts at isang lumang t-shirt.
Paglabas ko ng banyo ay nakaabang siya sa akin. Nakatayo siya sa harapan ko at nakatitig sa mukha ko.
Napatingin ako sa kanyang makinis at balbon na braso. Puro kagat ito ng lamok. Mukhang buong araw niya akong hinintay dahil pawisan ang kanyang likod. May mga paso din ang kanyang daliri. Pihadong nahirapan siyang sindihan ang gasera ko. Pinutulan kasi ako ng kuryente ni Aling Iling dahil hindi ako nakakabayad. Bukod doon ay marungis ang kanyang kamay. Parang may bahid ng uling.
"Bakit nandito ka pa?" Inirapan ko siya.
"I'm waiting for the police to arrest me."
Sinimangutan ko siya. "Hindi ko pa maasikaso. Nasa ospital ang kuya ko, pupuntahan ko muna."
"What happened? Anong nangyari kay Kuya?"
Kuya? Bakit "kuya" na rin ang tawag niya? Ang kapal talaga ng lalaking ito. Peeling niya yata may relasyon kami. Feeling yata, hindi peeling.
Parang hindi naman niya nakausap ang kuya ko kung i-kuya niya. Eh mas babae pa sa akin iyon.
"Wala kang pakialam," sagot ko sa kanya.
"I'm concerned because it's about you. It has to do with your brother.
"Talaga ba?" Sukat ay muling bumangon ang galit sa aking dibdib. Tama naman na magkaroon siya ng pakialam dahil siya ang nagsimula ng lahat ng ito. "Naospital ang kuya ko dahil ginulpi siya ng syota niya! Dahil sinunog ang tinitirahan nila na katulad ng pagsunog sa bahay na tinitirahan ko dati!"
Yumuko lang siya at umiwas ng tingin sa akin.
"I-kaw ang may kasalanan kung bakit nasa hospital ngayon si Kuya. K-kung hindi mo sinunog ang bahay, eh di sana ay maayos ang kalagayan niya." Pinaghahampas ko siya sa dibdib. "D-dahil sa 'yo, sira na rin ang buhay niya. D-dahil sa 'yo kaya nanganganib ang buhay niya!"
Tahimik lang siya habang sinasalo ng katawan niya ang mga kamay kong humahampas sa kanya.
Napahinto ako at pinunasan ang aking mga luha. "Pero hindi ako papayag na sirain mo pati ang buhay ng kuya ko. Ipapakulong kita. Sisiguruhin ko na doon ka na tatanda." Tinalikuran ko na siya.
Ngunit inawat niya ulit ako. "Wait."
"Ano na naman?!"
Nanakbo siya at may dinampot na supot sa lapag. Nakayuko siyang lumapit sa akin pagkuwan. "I know, it's wrong timing." Halos hindi siya makatingin sa akin. "I made you some food. I cooked. This is just a simple food dahil ito lang ang nabili ko diyan sa tindahan."
Kaya pala may bahid ng uling ang kamay niya. Nagluto siya gamit ang kalan ko na de uling. Kalan na mahirap paliyabin.
Napalunok pa siya nang iabot niya iyon sa akin. "Please, eat. Baka malipasan ka ng gutom–"
Kinuha ko iyon at ibinato sa labas. Hinabol niya iyon ng tingin habang lumilipad sa ere.
Tinitigan ko siya nang masama. Pagkatapos ay tinalikuran ko na siya. Tuluyan na akong lumabas. Nang makalayo ako, wala sa sariling nilingon ko siya. Hayun siya at malungkot na dinadampot ang nakabalot na pagkain na niluto niya.
Napabuga ako ng hangin. Baliw ba ang lalaking ito o nang-aasar? Matapos ang ginawa niya sa akin, nakuha niya pa akong ipagluto ng makakain? Hindi ba siya nakakaintindi?
Nagmartsa ako papalayo at nang makalabas sa eskinita ay pumara ng tricycle. Sa ngayon, uunahin ko muna sa lahat ang kapatid ko.
....
NAPAHINTO ako pagpasok ko sa emergency. Natanaw ko agad si Kuya Maximus na nakahiga sa stretcher.
Halos walang mapaglagyan ang mga luha ko habang marahang naglalakad papalapit kay Kuya Maximus. Kulay ube kasi ang kanyang mukha at puro bukol ito. Nakabenda ang kaliwang braso niya. Namamaga ang mga binti niya.
Napahagulhol na rin siya nang makita ako.Nang makalapit ako sa kanya, hinaplos niya ang mukha ko. "Churi na, Sis..."
"A-anong nangyari?" Niyakap ko ang kanang kamay niya. "Bakit sinaktan ka na naman niya?" Sa pagkakataong ito ay parang mas malubha ang lahat niya.
"Pinilit ako ng jowa ko na bayaran 'yong bahay niya na nasunog. Kaya hayun, ginulpi niya ako..."
Nagtagis ang mga ngipin ko. "Magdedemanda tayo, Kuya – Ate Maxine pala."
"'Wag na, Sis. Mahirap makabangga 'yon." Lumamlam ang kanyang mga mata. "At isa pa, hindi na niya ko sasaktan pa dahil bayad na ako sa kanya."
Lalo akong napahagulhol. "B-binenta mo talaga 'yong lupa?"
Tumango siya habang luhaan ang kanyang mga mata. "Churi talaga, Sis. Ayaw ko na kasing madamay ka..."
Wala na talaga ang bahay na pamana nila Papa at Mama sa amin. Noong una ay nasunog, ngayon naman ay naibenta ang lupa.
Kung maibabalik ko lang ang mga pangyayari, iiwasan ko na agad si Rix Montenegro. Hindi naman magkakaganito ang buhay namin kung hindi dahil sa kanya. Siya lahat ang may kasalanan nito.
Wala akong nagawa kundi ang yakapin siya. "W-wala kang kasalanan..."
Napasiksik siya sa balikat ko. "K-kasalanan ko, Sis."
"W-wala kang kasalanan. H-hindi mo kasalanan kung bakit nasunog ang bahay ng jowa mo..." Kasalanan ito ni Rix. Siya lang naman ang makakagawa nito.
Kumalas sa akin si Kuya Maximus at luhaang tumitig. "K-kasalanan ko..."
"W-wala kang kasalanan. W-wag mong isisi sa 'yo–"
"Ako ang sumunog ng bahay niya."
Napatigagal ako. "H-ha?"
Napayuko si Kuya Maximus. "A-ako ang sumunog ng bahay ng jowa ko..."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top