Chapter 17

*Revised uncut copy


YUMAKAP agad si Kuya Maximus sa akin pagpasok sa emergency room. Kung noong una ay pasa lang ang meron siya sa mukha, ngayon ay bukul-bukol na rin ang bunbunan niya. Mukhang binugbog talaga siya ng boyfriend niya.


"Kuya Maximus – este Ate Maxine, ayos ka lang?"


Umiyak siya sa balikat ko. "P-papatayin ako ng jowa ko. Nasunog ang bahay niya..."


"Wala ka namang kasalanan..." Awang-awa ako sa kanya. Nadamay pa tuloy siya dahil sa kagagawan ng tarantadong Rix na 'yon.


"S-saan ako pupulutin nito, Sis?"


"Sa akin ka na lang muna tumuloy." Napaluha na rin ako dahil sa kalagayan niya. "Kakasya naman tayo sa tinutuluyan ko..."


"P-pero ayokong madamay ka. Baka pati ikaw ay idamay ng jowa ko."


"Wag kang mag-alala, Ate Maxine. Magtutulungan na tayo simula ngayon. Hindi na ako papayag na balikan mo yang jowa mo."


"H-hindi mo pa siya kilala. Marami siyang kayang gawin. Wala siyang batas na sinusunod. Wala siyang sinasanto. Badass iyon. Gangster."


Napangiwi ako. "Kung kinakailangang magsumbong tayo sa mga pulis, gagawin natin."


"L-lalo lang lalala ang sitwasyon. Baka patayin niya tayong dalawa."


Inalo ko siya. "Sshh... 'Wag mo na lang munang isipin 'yon."


Lalong humigpit ang pagkakayakap niya sa akin. Para bang takut na takot siya. Nanginginig ang kanyang katawan.


Kasalanan lahat ito ni Rix. Isa na namang buhay ang sinira niya. Ang malala pa nito, kapatid ko pa ang ginawan niya ng masama. Darating ang araw, mananagot rin siya.



"MAGRE-RESIGN KA?!" Halos murahin ako ni Marlon. "Naririnig mo ba ang sinasabi mo? Naloloka ka na ba?"


"Maghahanap na lang ako ng ibang trabaho."


"Bakit kasi magre-resign ka pa?! Ngayon pa na kailangan natin ng pera!"


"Hindi lang naman iyon ang trabaho sa mundo. Maghahanap ako ng iba–"


"Kailan ka pa makakahanap ng trabaho? Kapag tuluyan na akong nalumpo? Paano ang tuition ni Shena? Paano ang pagkain namin nila Mama? Paano ang pambayad sa hospital bill? Paano na ang mga utang?!!" Sinigawan niya ako.


Napayuko ako. "Sorry... pero hindi ko na kayang magtrabaho sa boss ko."


Dinakot niya ang braso ko at pinisil ito mula sa kinauupuan niya. "Tangina, hindi ka magre-resign," nanggigigil niyang utos sa akin. "Subukan mo lang, hihiwalayan kita!"


"E di hiwalayan mo!" Hindi ko na napag-isipan ang sigaw ko. Nadala ako ng aking galit, ng awa sa sarili. Sa maiksing sandali, naubos ang pasensiya ko.


Nandilat naman si Marlon sa akin. "Dahil lang doon? Makikipaghiwalay ka?!" Ibinalik niya sa akin ang banta niya kanina. "Martina, napakatagal na natin! Ang tagal ko nang tyinatyaga ka, 'tapos ibabasura mo ako dahil lang sa gusto mong mag-resign sa trabaho mo?! Ngayon pa kung kailan kailangang-kailangan kita?! Napakamakasarili mo!"


"Kasi nga, ayoko na!" umiiyak na sigaw ko. "Ayoko na roon, Marlon. Pagud na pagod na ako! Ayoko na sa lalaking 'yon–" Hindi ko na natapos ang sasabihin ko nang may dumapong palad sa aking mukha.


Sa lakas niyon, kamuntik na akong mabuwal sa aking pagkakatayo. Sinampal ako ni Marlon nang malakas sa mukha. Naghiwalay ang paningin ko.


"Makasarili ka, Martina! Makasarili ka! Sarili mo lang ang iniisip mo!"


Napaiyak na ko. Tinakpan ko ng kamay ang aking mukha. Hindi ito ang unang beses na napagbuhatan niya ako, na nasaktan niya ako, pero sa tuwina ay iyak lang ang sagot ko. Gusto ko na ring murahin ang sarili, bakit ba kinasanayan ko na ang ganito? Bakit nagtitiis pa rin ako?!


"'Wag ka munang magpapakita sa akin! Mag-cool off muna tayo! Alamin mo muna sa sarili mo kung ano talaga ang prayoridad mo sa buhay. Kung ako ba na matagal mo nang kasama o ang sarili mong kasiyahan!" 


Tinalikuran niya na ako. Humihikbi at hilam ang luha na umalis na rin ako sa kuwarto niya. Tama naman siya, matagal na kami. Iyong tagal na iyon ang palaging pinanghahawakan ko para hindi sumuko. Pero nakakapagod na. Nakakaubos na.


Paglabas ko sa kuwarto ay napadaan ako sa kusina nila. Nakabukas ang mga cupboards at walang kalaman-laman maski ang bigasan. Ang buong bahay nila ay tahimik, ang ina ni Marlon at nakababatang kapatid ay wala kahit saan ako tumingin. Mga bagay at pangyayari na dati'y kinagugulat ko, pero ngayo'y kinasanayan na.


Saksi ako sa mga pinagdaanan ng pamilyang ito. Mula sa maalwan nilang pamumuhay, hanggang sa pagbulusok nila paibaba. Alam ko ang lahat ng problema nila kaya naiintindihan ko. Pakiramdam ko rin ay parte na ako, kaya paano ko makukuhang basta sila iwan?


Parte rin ako ng aksidente ni Marlon, ako ang naroon para alagaan siya at bantayan. Ang hirap-hirap ng mga sumunod na dagok sa amin. May problema rin ako na sarili pero sinosolo ko, dahil ayaw ko nang dagdagan ang problema nila. O dahil alam ko na pag problema ko kasi ay problema ko lang at hindi naman sila kasali.


Kung lahat sila ay nalugmok sa depresyon, ako rin naman.  Nakakapagod na, hindi lang ako nagrereklamo. Mali ko lang dahil ako tuloy ang sumasalo ng hinanakit nila sa mundo. Nasusuka na ako sa mga nangyayari. Sukang-suka ako pero ang sarili kong suka ay katulad nang palagi, nilulunok ko pa rin sa huli.




HIWALAY NA KAMI. Bahala si Marlon kung para sa kanya ay cool off lang, basta malinaw na sinabi ko na ayaw ko na. Sa ngayon, mas inaalala ko ngayon ang kuya ko. Ang nag-iisang kapatid ko sa mundo. Ano na ang nangyayari dito?


Kailan uuwi rito si Kuya Maximus? Ang sabi niya kasi sa akin, may kailangan lang daw siyang ayusin. Ang kaso, dalawang araw na, wala pa rin ang nakatatandang kapatid ko. Kinakabahan na tuloy ako. Hindi kaya napaano na iyon?


Ilang araw na rin akong hindi pumapasok sa school at sa trabaho. Ayaw kong makita si Rix kaya iniiwasan ko siya. Hindi na talaga kaya ng sikmura ko na makita ko pa siya. Baka kung ano lang ang magawa ko sa kanya.


Nagsimula ang mga kamalasan ko dahil sa taong iyon. Dahil sa kanya. Mula nang magsanga ang mga landas namin, nagka-letse-letse na ang buhay ko. Dalawang bahay na ang sinunog niya. Higit sa lahat, pati kapatid ko, nadamay na. Hindi ko na iyon para palampasin pa.


Ayon sa mga text sa akin ng pinsan ko na si Gracia, ilang araw na rin daw na iba ang professor nila sa first subject. Isang foreign teacher ang pansamantalang pumalit kay Rix habang wala ang lalaki. Hindi naman makapagreklamo ang mga estudyante. Hello? Foreign prof na iyon. Aarte pa ba e ang liit-liit lang at hindi kilala ang university namin. May balita pa nga na di raw kami registered. Ewan ko lang ngayon.


Ayun nga. Hindi na raw pumapasok si Rix. Walang may alam kung bakit. Wala silang mapagtatanungan, dahil masyadong pribado ang impormasyon tungkol sa lalaking iyon. Pinoprotektahan ito ng university dahil siguro sa laki ng share nito ay halos ito na yata ang may ari sa buong eskwelahan.


Papatulog na ako nang mag-beep ang aking phone. Si Marlon ang nag-text. Akala ko ba wala na kami? Hindi niya ba ako matiis? Nagdadalawang isip pa ako na buksan ang message niya. Sa huli ay binuksan ko rin. 


Marlon:

Ano ba naman, Martina! Bakit naman sardinas iyong mga stocks dito na iniwan mo sa bahay?! Anong gusto mo, mangaliskis kami rito?! Alam mo nang nagpapagaling ako, 'tapos mga ganitong pagkain ang ipapakain mo sa akin?!


Humigpit ang pagkakahawak ko sa phone. Bakit ba umasa pa ako? Ano pa ba ang aasahan ko sa lalaking ito? O di ba parang sira lang. Hiniwalayan niya na ako pero heto ay isinusumbat niya pa sa akin ang mga delata na dinala ko kanina sa kanila.


Ang mga delata na sinasabi niya ay iyong mga delatang pinagmakaawa ko pang utangin sa tindahan malapit sa kanila. Lahat iyon ay dinala ko sa bahay nila dahil inaalala ko pa rin na baka wala silang kainin. Ni hindi ako kumuha maski isa, kahit pa nga ako mismo ay walang makain dito. 


Ayaw ko nang magkasumbatan pa kami kaya hindi na lang ako nag-reply. Wala rin naman na akong pang-reply. May kasunod pa siyang text. Hindi ko na sana babasahin kung hindi ko lang na-tap ang new message nang biglang dumating.


Marlon:

Bumale ka sa trabaho mo at palitan mo itong mga stocks dito! Bwisit na buhay to! Bakit ba kailangan ko pang magmakaawa sa makasariling katulad mo?!


Iginilid ko na ang phone matapos i-silent. Sinabunutan ko ang sarili bago ako bumalik sa aking manipis na kutson. Hinahanap ko iyong sakit sa dibdib na madalas kong maramdaman sa tuwing tinatrato ako ni Marlon na parang basura, nakakapagtaka lang na hindi ko iyon ngayon matagpuan.


Umikot ako mula sa aking pagkakahiga. Malapit na sana akong maigupo ng antok nang may biglang kumatok. Sino ba naman ang kakatok ng ganitong oras? Kinabahan tuloy ako. Baka si Rix na naman ito. O baka ang landlady ko na si Aling Iling? Minsan kasi, gabing-gabi na iyon kung maningil.


Tumayo ako at kinuha ang naka-hanger na tuwalya sa dingding. Hindi na ako naghagilap pa ng bra, iyong tuwalya na ang itinakip ko sa aking suot na manipis na sleeveless top. Sa haba ng tuwalya ay bahagya ring natakpan nito ang harapan ng aking suot na manipis ding maiksing shorts.


Binuksan ko ang pinto at agad ko rin itong isinara ng makita ko kung sino ang lalaki na nasa labas.


Si Rix! Ano na naman ang ginagawa niya rito?!


Ilang linggo ko na siyang hindi nakikita, at parang biglang tumalon ang aking puso nang masilayan ko ulit siya. Para ba akong nangungulila. Parang gusto ko siyang takbuhin sa labas at yakapin bigla. Napailing ako matapos sabunutan ang aking sarili. Hindi puwede. Galit ako sa kanya, kaya iyon lang ang dapat kong maramdaman at wala nang iba.


Itinulak niya ang pinto kaya bumukas iyon. Ang lakas niya talaga! Gustuhin ko mang isara ay hindi ko na magagawa, mas malakas kasi siya kaysa sa akin.


Nilipad yata ang antok ko. Totoo bang si Rix iyong nasa labas? Anong ginagawa niya rito? Saka umuulan, bakit ngayon niya pa ako naisipang puntahan?! Tiningala ko siya. "Bakit ka nandito?"


Nakatayo siya sa harapan ko at nakatalikod sa maliit na liwanag na hatid ng luma kong lampshade kaya ang asul na mga mata lang niya ang aking nakikita. Magulo ang buhok niya nang mga sandaling ito.


Ngayon ko lang nakitang ganito ka-messy ang buhok niya. At para ding meron kakaiba ngayon sa kanya.


Sinipat ko ang ayos niya sa kabila ng malabong liwanag. Naka-jeans siya at shirt na hindi ko alam ang kulay. Basa ang balikat niya ng dahil siguro sa ulan. May kalayuan kasi ang eskinita na ito mula sa pinakamalapit na kalsada. Bukod sa liblib ito dahil likuran ng mga bahay, dulo pa ito nitong area. Pero ano nga ba ang ginagawa ni Rix dito ng ganitong oras ng gabi? At bakit ganito na lang din ang pagkabog ng aking dibdib habang nakatingala ako sa perpektong mukha niya?!


Inipon ko ang aking natitirang lakas, dahil para akong nanghihina sa klase ng titig niya. "U-umalis ka na. Di ba sinabi ko sa 'yo na ayaw na kitang makita!"


"I had been thinking, Martina," maaligasgas ang mahinang boses niya. Parang hindi niya ako narinig. Pumasok pa rin siya at isinara ang pinto ng maliit na kuwartong tinutuluyan ko.


Napaatras ako. "A-anong plano mo?" Kinabahan ako. Nagliliyab kasi ang bughaw niyang mga mata.


"As far as I know, I am not a patient man. But surprisingly, I can wait for you. I can wait for you no matter how long it takes. As long as I can see you, as long as I can be with you, and as long as I can take care of you."


May hinugot siya sa wallet niya. May kinuha siyang card doon at iniabot sa akin.


"A-ano naman 'to?"


"Call him tomorrow."


"Ha?" Tiningnan ko ang card. Business card iyon pero kakaiba ang itsura, daig pa ang ATM card sa kalidad. May nakaukit dito na nagliliyab na kulay pulang ibon sa dulo na sumisimbolong logo.


"His name is Quiro Castillo Saavedra. He's one of the Damned Phoenixes. He's a private agent. He's better than the police."


Damned Phoenixes? Alam ko na isa iyong ahensiya na parang NBI, subalit pribado. Kinikilala rin iyon ng gobyerno. Pero anong gagawin ko sa calling card na ito ng kung sino mang private agent na sinasabi niya?


"H-hindi kita maintindihan."


"Kung gusto mo akong ipakulong, siya ang kontakin mo. Wala yang sinasanto kahit pa isang Montenegro."


"At bakit mo naman naisip na ipapakulong nga kita?"


Pumungay ang mga mata niya. "You will. After what I will do to you."


"H-ha? A-anong ibig mong sabihin–" Hindi ko na natapos ang sasabihin nang bigla siyang humakbang palapit sa akin.


Nang nasa aking harapan na siya ay bahagya siyang yumuko. Ang mainit at mabango niyang hininga ay tumama sa aking mukha. Namigat ang aking mga mata ng maramdaman ang kamay niya sa aking kanang pisngi, pababa sa aking leeg.


Oo at mahina ang utak ko. Matagal akong maka-gets sa mga bagay-bagay. Gayunpaman, masasabi ko na malakas ang aking pakiramdam. Mahirap mang paniwalaan, pero ang nararamdaman ko ngayon kay Rix ay ang masidhing kagustuhan niya na makuha ako sa anumang paraan. Hindi siya ang uri na bihirang may magustuhang bagay man o tao, kaya hindi siya sanay kapag hindi niya makuha ang gusto. Sa kabila niyon, hinintay niya pa rin ako. Iyon nga lang ay nasagad na ang pasensiyang meron siya.


"It's the first time..." usal niya sa aking punong tainga. "It's the first time that I felt like this. That I want to covet what's not mine. I tried to be patient, but I couldn't help but become enraged since I am aware that he was not treating you right. I want to snatch you away from that son of a bitch in whatever way I can."


Napalunok ako. Ang nasisinag ko ngayon sa bughaw na mga mata ng lalaking ito ay matinding damdamin na mahirap pigilan. Dapat makaramdam ako ng takot, subalit sa kabila ng maiinit niyang titig ay para ako niyong sinasabihang hindi ako masasaktan.


"I want you, Martina. So bad that I'm going crazy."


Hindi ko na alam kung paano nangyari at kailan, basta nanlaki na lang ang aking mga mata nang maunawaan ang nangyayari. Magkalapat na nang mariin ang aming mga labi!


Nakakalunod, nakakapaso, nakakawala sa katinuan. Parang hinihigop ako ni Rix sa paraan ng halik niya. Mariin ang mga labi niya, pero kabaliktaran ng mga hawak at haplos niya sa aking likuran. Napakaingat, napakarahan. Nang maramdaman ko ang pagpupumilit na pagpasok ng mainit niyang dila sa loob ng aking bibig ay napaungol ako at napakapit sa kwelyo ng suot niyang damit.


"Open your mouth, Martina," paos na utos niya na nagpalambot ng aking gulugod.


Ang utak ko na namamanhid ay hindi makagawa ng pasya. Kung paano bumukas ang aking bibig ay hindi ko masabi ang dahilan. Nang kahit paano ay mahagilap ko ang aking huwisyo ay doon ko siya itinulak. Mali ito.  Itinulak ko siya pero ang mga pulso ko ay agad niyang nasalo.


Napaliyad ako nang ang mga halik niya ay bumaba sa leeg ko. Ang init ng basang mga labi niya. Nang sumunod ko siyang itulak ay wala nang lakas ang mga kamay ko. Hinila niya ang mga iyon hanggang sa ang aking mga braso ay naisampay niya na sa kanyang malapad na balikat. Nang magtama ang aming mga mata ay muli niyang inangkin ang mga labi ko.


Nang umangat ang aking katawan ay alam ko nang binuhat niya ako. Maingat niya akong inihiga sa manipis kong kutson. Habol ko ang aking paghinga nang maghiwalay ang mga labi namin.


Ang mahahabang mga daliri niya ay maingat na hinawi ang mga hibla ng buhok na bahagyang tumabing sa aking mukha. Mapupungay ang bughaw niyang mga mata na nakatunghay sa akin. "You don't love him. Because if you do, you won't return my kisses. And he doesn't love you either. You know why? Because if he truly loves you, he will not let you fall for me."


Tulala ako sa kanya habang hinuhubad niya ang suot na shirt.


"Martina, I'm sorry but I'll make you mine now. Even if that idiot fucking dies, I will not return you to him." At kasunod niyon ay ang pagdagan ng katawan niya sa akin at muling paglalapat ng mga labi namin. 


jfstories

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top