Chapter 16

NAPASABUNOT si Kuya Maximus sa pitong hibla ng kanyang buhok na nasa tuktok ng kanyang noo. Kulang na lang ay bunutin na niya ang mga ito sa galit.


Gigil na gigil siya sa akin nang malaman niyang nasira ang scooter nang maaksidente ako.


"Sorry, Kuya Max –Ate Maxine pala. Aksidente naman 'yon." Tila ko maamong tupa habang pinagmamasdan siya na palakad-lakad sa harapan ko.


"Aksidente? Eh itong black eye, aksidente rin ba?" Itinuro niya ang nangingitim na pasa sa palibot ng kanyang mata. Nasuntok kasi siya ng boyfriend niya matapos niyang ibalita rito ang nangyari sa scooter.


Hindi na ako nakapagsalita. Napayuko na lang.


Bagsak ang balikat niya nang maupo siya sa tabi ko. "Kingina pa yong jowa ko. Kung puwede ko nga lang iwan yon, matagal ko nang ginawa! Pero paano ko siya iiwan ngayon? Kanya iyong scooter na nasira mo!"


Hinimas ko siya sa balikat. "Sorry..." Naawa tuloy ako sa kanya. Nakikita ko rin kasi sa kanya ang sarili ko.


Kung gago si Rix, mas gago ang latest boyfriend ni Kuya Maximus. Sa lahat ng naging boyfriend niya, itong boyfriend niya ngayon ang pinaka-possessive. Barumbado pa.


"P-pero natatakot ako... baka kung anong masamang gawin ng gagong 'yon."


Hinawakan ko siya sa kamay. "Sumama ka na lang sa'kin, Ate Maxine. Maayos naman 'yong tinitirhan ko. Kasya tayo roon."


"Gaga. Baka ipatira tayo ng jowa ko. Isa pa, marami akong utang roon. Hindi ako hahayaan nun na basta basta ko na lang siya iiwan."


"Eh, di bayaran natin. May trabaho naman ako."


Ngumiti siya sa akin. Hinimas niya ako sa ulo. "Alam mo kahit pasaway ka, mahal kita, eh."


Napangiti ako sa kanya. Kahit pa malaki ang agwat ng edad namin sa isa't isa at halos tatay ko na siya, mahal na mahal ko rin siya. Siya na lang ang natitira kong kapamilya.


Umiling siya habang luhaan na ang kanyang mga mata. "H-hindi kita ipapahamak, Sis. Hindi ko kaya. Kaya mas okay na iyong ganito."


Hinila ko siya at niyakap. Hinayaan ko siyang umiyak sa balikat ko.


Ano ba itong kapalaran namin ng kapatid ko? Parehas kaming alipin ng mga boyfriend namin. Parehas kaming nasasaktan, parehas kaming nahihirapan. Parehas kaming hindi makawala sa isang relasyon na nakasanayan na namin.


Kumalas ako kay Kuya Maximus. "Wag kang mag-alala, Ate Maxine. Babayaran ko 'yong scooter."


Kinutusan niya ako. "Tse! Ako na ang bahala. Magaling naman sumalo ng mga suntok itong mukha ko."


Hindi ko alam kung nagbibiro ba siya. Pero mukha naman siyang seryoso. "Gusto mo ba kausapin ko si..." Nangunot ang noo ko. "Ano nga bang pangalan ng boyfriend mo na iyan?"


May hinugot siyang papel sa kanyang bulsa at binasa. "Si Skavathowskivulkovoroughle."


"Minahal ba siya ng mga magulang niya?"


"Ewan ko ba, Sis."


"Kausapin ko na lang kaya siya, Ate Maxine?"


"Naku, wag na. Baka maambunan ka lang ng laway niya."


Napangiwi ako.


Lumingap siya sa paligid at namangha siya sa mga nakita. "Anywhere, paano mo naman na-afford ang ganitong hospital?"


Anywhere? Hindi ba anyway? Uy, ang talino ko talaga pag kasama ko siya.


Inilipat nga pala ako sa isang private hospital kahapon. Napakabilis ng mga pangyayari. May tinawagan lang si Rix kahapon na isang doctor na nagngangalang Conrad Deogracia, tapos heto, nailipat na agad ako makalipas lamang ang kalahating oras.


Ipinilig ko ang aking ulo. Bigla kasi akong may naalala nang maalala ko si Rix. Akala ko kasi talaga kahapon ay hahalikan niya ko. Nakapikit na ako nang mga sandaling iyon dahil hindi ko alam ang gagawin ko. Parang ang hirap kasi ilagan ng mapupula niyang mga labi na papalapit sa akin. Iyon naman pala ay sa noo niya lang ako gagawaran ng halik.


Bakit nga ba umasa ako? Ako tuloy ngayon ang nahihiya sa sarili ko. Pero kung hinalikan ako ng hinayupak na 'yon, masasampal ko talaga siya. Hindi ko naman siya boyfriend para manghalik siya, nuh?


"Sis, wala ka bang ginawang kasalanan sa school?" untag sa akin ni Kuya Maximus.


"Ha? Kasalanan?"


"Wala ka bang ginawang kalokohan? Hindi ba ko pinapatawag ni Prof?" Iba ang ningning sa kanyang mga mata.


"Wala."


Piningot niya ako sa tainga. "Aba, gumawa ka ng kalokohan para ipatawag ako!"


....


KUMPLETO ang gulay sa paligid ko. Puwede na nga akong kumanta ng bahay kubo. Sa mga prutas naman, nagmukha ng tindahan ang kwarto ko. Ano bang problema nito ni Rix at nagdala ng ganito karaming pasalubong?


"Okay na raw ako. Puwede na raw akong umuwi mamaya." Nakatungo ako habang nagsasalita. Hindi ako makatingin sa kanya.


"Good. Pero kainin mo pa rin itong mga dinala ko."


Paano ko kaya uubusin ang mga ito? Eh, kapag nilagay nga ito sa sako, baka tumumbas ito ng tatlo.


"Bakit ang dami naman nyan?" reklamo ko.


"Para lumakas ka agad. Wala akong makatulong sa coffe shop."


Iyon ba talaga ang dahilan, bossing? Parang kahapon lang siya umamin na nag-alala talaga siya sa akin.


"I'll drop you home later." Pumamulsa siya.


"Hindi na. Kaya ko na umuwi mag-isa."


"Wag matigas ang ulo. Ihahatid na kita mamaya."


Napatingin ako sa bungkos ng mga oranges na nakapatong sa hita ko. Saka ko lang napansin na may card na nakaipit dito. 'EAT. TAKE CARE OF YOURSELF.'


Napalingon pa ako sa ibang bungkos ng mga prutas. May mga letter din iyon. 'DON'T FORGET TO EAT.'


Sa mga gulay naman, 'EAT! EAT! EAT!'


Napabuga na lang ako ng hangin. "Bakit?" Kusang lumabas sa bibig ko ang tanong na ito.


"Huh?" Kumunot ang noo ni Rix.


"B-bakit mo ba ginagawa sa akin ito?" Mabuti at naitanong ko ito. Ayaw ko kasi ang ginagawa niya. Ayoko na makasanayan ko ang pag-aalaga niya.


"I told you. I just need you to get better. Kailangan kita sa coffee shop–"


"Rix, may boyfriend ako." Ang bigat sa dibdib ng mga sinabi ko. Para bang malaking kahangalan ang mga salitang lumabas sa bibig ko.


Pumaling siya ng tingin sa kawalan.


"P-puwede mo akong maging kaibigan. P-pero hindi mo ko pwedeng maging kasintahan." Gumaralgal ang tinig ko. "P-pag-aari na ko ng iba..."


Nagtagis ang mga ngipin niya.


"'W-wag mo na akong ihatid mamaya. Si Gracia na ang maghahatid sa akin pauwi."


Hindi siya kumikibo. Nakikinig lang siya sa mga sinasabi ko.


"Hindi na ako male-late sa klase. Papasok pa rin ako sa coffee shop. Sana okay lang tayo bilang magkaibigan. Sorry, pero iyon lang talaga ang kaya kong... ibigay." Bakit ba parang iba ang sinasabi ng puso ko?


Bakit kaya parang ang hirap bigkasin ng mga sinasabi ko?


Friendsheet lang talaga ang relasyong kaya kong ibigay sa kanya. Friendship pala.


Hanggang dito na lang dapat. Kailangan ko na itong tuldukan. Dahil kung hindi ko siya pipigilan, baka mahulog na ako sa kanya nang tuluyan. Hindi lang ako magkakasala kay Marlon, ako rin ang makakawawa sa huli. Dahil baka simpleng pagkakagusto lang ang nararamdaman sa akin ni Rix, at baka magsawa rin siya. Dahil kahit saang anggulo tingnan, malayo ang estado namin sa isa't isa.


Ginto siya, bato ako. Langit siya, lupa ako. Gwapo siya, cute lang ako.


Marami pang iba na magmamahal sa kanya nang totoo. Lalo na at ang yaman-yaman niya at saksakan pa siya ng gandang lalaki. Hindi siya mahihirapang maghanap ng babae.


Tinalikuran niya ako. Wala siyang imik na lumabas ng pinto.


Isa-isang naglandas ang mga luha ko. Ano ba itong mga nasabi ko? Sana hindi ko siya nasaktan.


....


NAPABALIKWAS ako ng bangon nang may biglang kumatok sa pinto. Nakauwi na ako dito sa tinutuluyan ko simula pa kahapon. Nakakapagtakang hindi ako dinalaw ni Kuya Maximus gayung ibinigay ko naman sa kanya ang address nitong tinutuluyan ko. O baka si Kuya Maximus na itong kumakatok?


O puwede ring si Rix. Hindi na kasi siya nagparamdam sa akin simula kahapon. Wala rin siyang text kung nakauwi ba ako ng ligtas.


Galit kaya siya?


May tampo kaya siya dahil sa nasabi ko kahapon sa kanya?


Nabatukan ko ang aking sarili. Isang araw pa lang siyang hindi nagparamdam, bakit ba parang hinahanap-hanap ko na agad? Tumayo ako at binuksan ko ang pinto. Bumagsak ang balikat ko nang si Gracia ang bumungad sa akin.


"I-insan..." Humahangos siya.


"Oh, pawis na pawis ka?"


"M-may problema."


"Ano?!" Kinabahan ako.


"Wala kasi akong load kaya tinakbo na lang kita rito, dahil galing din ako doon sa may saklaan sa kanto." Napahugot siya nang malalim na paghinga. "'Wag kang mabibigla. Nasa ospital si Kuya Maximus!"


Napakapit ako sa balikat niya. "Anong nangyari?!"


"Nasunog ang bahay ng boyfriend niya. May sumunog ng bahay nila!"


Umusok ang ilong ko sa galit. Pihadong kagagawan na naman ito ni Rix!


"Okay lang ba ang kapatid ko?!"


"Ayos lang ang kuya mo. Wala namang nasaktan sa sunog."


Padabog kong hinanap ang cellphone ko. Mabilis ko naman itong natagpuan sa higaan ko. Tinipa ko agad ang numero ni Rix.


Siya lang naman ang makakagawa nito, sigurado ako. Hindi niya siguro matanggap ang mga nasabi ko kahapon sa kanya. Kaya ang pinag-initan niya ay si Kuya Maximus. Halang talaga ang kaluluwa ng Rix Montenegro na iyon!


Sinagot naman niya agad ang tawag ko. [ Martina, what – ]


"Hayop ka! Napakasama mo talaga!" Nanggagalaiti ako sa galit.


[ Huh? ] Ang boses niya ay bahagyang maaligasgas na para bang kagigising lang.


"Dahil lang sa pagtanggi ko sa 'yo, ginawa mo ito?! Anong klase ka?! Bakit ganyan ang ugali mo?! Bakit napakadali sa 'yong sumira ng mga bagay na mahalaga sa ibang tao! Ikaw na ang pinakamasamang lalaki na nakilala ko!" Kulang na lang ay murahin ko na siya. "B-bakit ba kasi nakilala pa kita? B-bakit ba kasi ipinanganak ka pa?" Gumaralgal ang tinig ko.


[ Martina, I don't know why are you mad. Can you explain to me why— ]


"Ang kapal ng mukha mo na magmaang-maangan! Hayan, dyan ka magaling! Magaling ka talaga magsinungaling!"


[ But, Martina, I really don't understand what you're talking about. ]


"Gago! Wag ako. Hindi mo na ko maloloko! Bakit ka pa nandamay ng ibang tao? Sana ako na lang ang pahirapan mo. Hindi mo na sana idinamay ang kuya ko!"


[ What the heck? Can you please... calm down? Explain to me what— ]


Naglandas ang mga luha ko. "G-gusto na nga rin sana kita, eh... buti napigilan ko ang sarili ko. Mabuti na lang at nalaman ko talaga ang totoong ugali mo!"


Wala na talaga siyang sinasabi pero alam ko na nasa kabilang linya pa rin siya at nakikinig sa mga sinasabi ko.


"S-simula nang makilala kita, nasira ang buhay ko. Simula nang dumating ka sa buhay ko, nagkandaloko-loko na ang kinabukasan ko."


Totoo naman. Mula nang magsanga ang landas naming dalawa, doon na nagsimula ang kamalasan ko. Nawalan ako ng tirahan dahil sa kanya!


"D-dahil sa 'yo, wala na ang lahat sa akin. Dahil sa 'yo, sirang-sira na ako." Napahagulhol na ako.


Galit ako. Galit na galit ako sa kanya.


"G-ganoon ba katindi ang kasalanan ko sa 'yo, ha? Kasalanan ba 'yon iwasan ka... dahil natatakot akong mahalin ka..."


Sobrang galit na galit ako kay Rix Montenegro. Siya ang malas sa buhay ko!


"A-ayoko nang makita ka... ayoko na..." Hindi ko na maampat ang mga luha ko. Walang magawa si Gracia kundi pagmasdan ako. "A-alam mo ba kung bakit hindi ka close sa parents mo? Kasi hindi ka normal na tao!"


Narinig ko ang malalim niyang paghinga.


"Ikaw iyong klase ng tao na mahirap pakisamahan dahil walang mahalaga sa 'yo kundi ang sarili mo! Kaya siguro wala ka ring kaibigan dahil nga sa ganyan ka! Ang taas ng tingin mo sa sarili mo porke't mayaman at guwapo ka! Ayaw mong nadedehado ka! At kapag nadedehado ka, gumaganti ka! Naninira ka ng buhay ng may buhay, palibhasa bored ka sa sarili mong buhay!"


Napahikbi ako at nagpunas ng luha bago nagsalita muli. Lahat ng sama ng loob ko, hinayaan ko nang makawala at kainin ako nang buo.


[ You're right. Wala na ngang magmamahal sa akin. ] Napakalungkot ng malat niyang boses.


"Shellfish ka!"


[ Because I'm the wrong one. ]


Pinatayan ko na siya ng phone. Sinalo ako ng yakap ni Gracia pagkatapos. Sa balikat niya ako humagulhol. Galit na galit ako kay Rix, oo. Pero hindi ko maunawaan ang sarili ko kung bakit ako ang nasaktan sa mga nasabi ko sa kanya. Ako ang luhaan dahil sa mga nabitawan kong masasakit na salita sa kanya.


Pero bagay lang sa kanya 'yon. Hayop siya. Hinding-hindi ko talaga mamahalin ang tulad niya.


jfstories

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top