Chapter 10

"Eh, di tuwang-tuwa na naman ang puwet ng boyfriend mo nang maabutan mo ng tatlong libo?" sarkastikang tanong ni Gracia na binuntunan ng tawa. Ang tinutukoy niya ay si Marlon. Dumaan kasi ako sa ospital kanina bago dumeretso rito sa school.


Ayaw na ayaw talaga ng pinsan kong ito kay Marlon. Lalo pa siyang umayaw rito nang maospital ito. Doon daw kasi lumabas ang tunay na ugali.


Umikot ang bilog na kanyang mga mata. "Ewan ko sa 'yo, Martina. Kung ako kasi sa 'yo, hiwalayan mo na yang boyfriend mo."


"'Insan naman..."


"Sa tingin ko, hindi na pagmamahal 'yang nararamdaman mo. Baka sinasabi mo na lang na mahal mo siya dahil iyon ang dinidikta ng isip mo. Ipinako mo na kasi ang sarili mo sa kanya. Sa isip mo, siya na talaga ang makakasama mo sa hirap at ginhawa." Dinuro niya ang dibdib ko. "Eh, ang tanong, ganoon din ba ang sinasabi nitong puso mo?!"


Tumiim ang mga labi ko.


"Di mo ko gets?" Sinimangutan niya ako. "Ang point ko, baka naman kasi ginagampanan mo na lang ang tungkulin mo bilang girlfriend niya para sa relasyon niyo. Pero ang totoo, wala na 'to." Tinuro niya muli ang dibdib ako. "Baka kasi iba na ang laman nito."


Tinabig ko ang kamay niya. "Eh, sino naman ang pwedeng maging laman nitong puso ko? Aber?"


Tinitigan niya ako, at bakas sa mga mata niya ang pagdududa. "Di ko alam. Bakit di mo sabihin sa'kin?"


"Insan, hindi mangyayari yang iniisip mo. Hinding-hindi ako magmamahal ng iba dahil si Rix lang ang mahal ko."


Natutop niya ang kanyang bibig. Nanlalaki ang kanyang mga mata.


Napakagat-labi ako. "B-bakit? A-ano bang nasabi ko?"


"Sabi mo mahal mo si Rix, gaga! As in si Prof M!"


Napamura ako. "S-si Marlon ang sinasabi ko, h-hindi si Rix."


Umiiling-iling siya. "Kakukwento mo lang na siya ang naghatid sa 'yo pauwi kagabi nang malasing ka, 'di ba?"


"Kanina ko pa kinuwento sa 'yo 'yon, a?!" Pinamulahan ako. Wala rin akong ideya kung bakit pangalan ng lintek na lalaking iyon ang nasambit ko. Hindi ko sinasadya.


"Hindi mo ba talaga napapansin, 'insan?" Pinungayan niya ako ng mata. "Simula ng makilala mo si Rix, wala ka nang ibang bukang bibig sa akin kundi siya. Tapos ngayon nadulas ka sa salita."


"'Insan, tigilan mo ko ah." Nagtagis ang aking mga bagang. "Hindi ko gusto yang iniisip mo." Ayaw kong magkasala kay Marlon. Napakasama ko namang girlfriend kung habang nakaratay sa ospital ang aking boyfriend, ay may ibang lalaki sa isip ko.


"Hindi ko rin naman gusto naiisip ko eh. Kaya lang halata ka na talaga. Baka naman napo-fall ka na sa kanya–"


"Not way! Hinding-hindi ako mahuhulog sa lalaking iyon, nuh?!"


Napahilot siya sa sintido niya. "Insan, ang sakit sa ulo ng english mo."


"Speaker of him, nasaan na ba ang lalaking iyon?!" Umuusok pa rin ang ilong ko kapag pumapasok sa isip ko iyong nangyari kaninang umaga.


Bakit nga ba wala akong saplot nang magising ako kanina? Anong ibig sabihin niyon, hinubaran niya ako? Ibig sabihin, nakita na niya ang katawan ko?!


"Wala si Prof. Absent pa rin."


Kaya pala tila mga lantang gulay na naman ang mga kaklase kong babae kanina. Wala na naman kasing Professor M ang nagpakita.


Isang mamahaling sports car ang biglang huminto sa harapan namin ni Gracia habang naglalakad kami sa gilid ng campus. Walang bubong ang kotse kaya nakilala ko agad ang sakay nito.


Si Rix.


Para siyang nasa beach dahil sa suot niyang dark shades. Polo shirt na puti na may maliit na print ng buwaya sa gawing dibdib. Lacoste yata iyon. Nakalabas ang kaliwang braso niya na halos nakadungaw na ang kalahating katawan. Sa akin siya nakabaling. "Get ready for later."


Dahil nabigla kami ni Gracia, para lang kaming estatwa na nakatingin sa kanya. "Ha?"


"Susunduin kita mamaya. At six." Pagkasabi niya niyon ay pinaharurot na niya ang sasakyan niya palayo.


Nagkatinginan lang kami ni Gracia. Kapwa kami nakanganga.


Kumunot ang noo ko. "A-ano raw?"


"Magbihis ka raw. Sunduin ka raw niya mamaya. At six."


"Sigurado ka bang 'at six' ang narinig mo? Dinig ko kasi 'at sex', eh."


"Ambisyosa!" Nilundag ako ni Gracia at kinutusan.



NAPAANGAT ang isang kilay ni Rix nang makita niya ako. Nadatnan ko siyang nakasandal sa kanyang sasakyan. Alam ko siya na iyon kahit natanaw ko pa lang siya sa malayo. Siya lang naman ang lalaking kakilala ko na kahit malayo ay artistahin pa rin ang anggulo.


Napatingin ako sa suot kong damit nang mapansing sa damit ko siya nakatingin. "Anong problema mo sa suot ko?" tanong ko sa kanya.


Simple lang ang suot kong damit. Baby t-shirt na kulay light blue na dating dark blue. Nangupas na kasi at puro himulmol na, pero kahit ganon ay cute pa rin ito sa akin. Lalo na at kulay blue rin ang pin ko sa buhok. Skinny jeans naman ang pang-ibaba ko, ang kaso ay may tagpi sa gawing hita. Nabutas kasi ang ang pantalon kong ito kaya nilagyan ko ng patch na strawberry. Uso naman ang ganto ngayon, eh.


"Is that your best?" Bakas sa mukha niya ang pagkadismaya.


"Ano ba kasing problema mo sa suot ko? Ang cute ko kaya rito." Bahagya pa akong sumide-view at nag-pose sa harapan niya.


"Para ka kasing magtitinda ng Yakult." Kinuha niya ang kamay ko. "Let's go."


"Anong problema mo sa pagtitinda ng Yakult?! Paborito ko kaya iyon! Saka wag mong laitin tong suot ko, cute kaya ako rito!"


Parang wala siyang narinig. Antipatiko talaga! Binuksan niya ang pinto at iginiya niya ako papasok doon.


Pagpasok ko, nagtungo siya sa driver's seat. Nilingon niya ako at para bang hindi siya mapakali habang pinagmamasdan ang suot kong damit.


"Saan mo ba kasi ako dadalhin?!" Iritang tanong ko. Hindi sana ako sasama sa kanya kung hindi niya pa pinagbantaang susunugin ulit ang tinutuluyan ko.


Hindi na naman siya kumibo. Humarap lang siya sa manibela.


Nang bigla akong may maalala. Naiilang na nilingon ko siya. "M-may itatanong pala ako..."


Sinulyapan niya lang ako saglit.


"A-anong ginawa mo sa'kin kagabi?" Pinamulahan ako. Ayoko na sanang ungkatin ito pero hindi ako mapakali. Baka mamaya ay sinamantala na ng lalaking ito na lasing ako kagabi.


"Huh?"


"H-hinubaran mo ba ko?" Hindi na ako makatingin sa kanya.


"Yes," walang gatol na sagot niya.


Umikot ang ulo ko paharap sa kanya. "Hinubaran mo ko?!!" Kumulo ang aking dugo.


"Lasing na lasing ka. Papalitan sana kita ng damit kaso wala ka palang malinis na nakatabi."


"Hinubaran mo ko?!!" Nanggigigil ako sa galit.


"Is there something wrong with that–"


Hindi na niya natapos ang sasabihin niya nang paghahampasin ko siya ng palad ko.


Hinuli niya ang magkabila kong pulso. "I did nothing! Okay?!"


"Hayop ka! Anong ginawa mo sa katawan ko?!"


"Excuse me? Ni hindi ko nga maatim tingnan dahil nangilabot ako eh."


"H-ha?" Napaatras ako.


"You're not my type," mariing sabi niya habang ang mga mata niya ay tila lalong lumamig.


Napalunok ako. Hindi ko alam kung bakit biglang kumirot ang puso ko. "M-mabuti kung ganoon." Napasandal ulit ako sa pagkakaupo.


Binuhay na niya ang makina at pinaandar ito.


"S-sigurado ka, hindi mo tiningnan ang katawan ko?"


"There's nothing interesting with your body. Bakit pa ako mag-aabalang tingnan 'yan?"


Ang kapal talaga ng mukha ng lalaking ito. Kumuyom ang mga kamao ko.


"M-mabilis lang ba tayo? M-may duty pa ako ng alas-otso sa coffee shop mo."


"It's your rest day tonight."


Namilog ang mga mata ko. "Paano nangyari 'yon?"


"It's simple. I'm the manager."


Natapik ko ang aking noo. Oo nga pala. Siya nga pala ang manager ko. Siya rin ang nagdedesisyon ng schedule. At simula nang magtrabaho ako sa coffee shop niya, ngayon lang ako nagka-rest day.


Hindi ko na siya kinibo pagkatapos niyon. Hindi pa rin kasi mawala sa isip ko na hinubaran niya ako. Kahit na sabihin niyang hindi niya ako tipo at nangilabot siya sa katawan ko, nakakahiya pa rin na makita niya ang katawan ko.


Pagkalipas ng ilang oras na biyaheng pa-Antipolo, huminto kami sa isang mansion nasa loob ng isang exclusive subdivision. Tulo ang laway ko habang nakatingin roon. Ang taas din ng bakal na gate. Parang iyong mga nasa TV lang na bahay ng mga politiko o mga celebrity.


Dito ba talaga nakatira si Rix? Kunsabagay, isa siyang Montenegro. Mayaman siyang tao. Tama lang na sa ganitong lugar siya tumira. May nagbukas ng gate sa amin. Isang unipormadong lalaki. Guwardiya ito, at hindi ito nag-iisa. Marami pang guwardiya sa loob. Bantay-sarado ang lugar at ang malaking lawn ay tadtad ng CCTV cameras.


Inihinto niya ang sasakyan sa tapat ng malaking fountain. Pagkababa ko mula sa passenger's seat ay daig ko pa ang nakatapak sa ibang bansa. Maski simoy ng hangin sa lugar na ito ay simoy yayamanin. Sa sobrang pagkamangha ko ay ni di ko namalayang nasa tabi ko na pala si Rix.


Napakapit ako sa braso ni Rix nang may humarap sa aming mga lalaki na may mga baril. "S-saan mo ba talaga ako dadalhin? A-anong lugar ito?"


"It's my father's birthday."


Gilalas na napatingala sa kanya. Ha?! Birthday ng ano raw niya?!


Tumingin sa akin ang bughaw niyang mga mata. "I want you to meet my parents."


Natutop ko ang aking bibig dahil sa pagkabigla.


Mayamaya ay lumabas ang isang eleganteng ginang at sinalubong kami. Masaya ang kanyang mukha bago lumapat sa akin ang kulay kalupaan niyang mga mata. Halatang-halata sa mukha niya ang pagkabigla nang makita niya ako. Pagkuwan ay tiningala niya si Rix at kinintalan ito ng halik sa pisngi.


"Martina, this is my mother," pakilala niya sa magandang ginang.


Napatanga ako. Sa tingin ko kasi ay hindi pa gaanong katanda ang babaeng ito para magkaanak ng kasing edad ni Rix. "M-magandang gabi po," magalang na bati ko na lang sa mom niya.


"Hi. I'm Aviona Camille." Lumapit siya sa akin at hinawakan ang kamay ko.


Ang lambot ng kamay niya. Parang bulak. Tapos ang ganda-ganda talaga ng mukha. Pero hindi masyadong kamukha ni Rix. Siguro nagmana si Rix sa dad niya. Iyon yata ang mas nag-enjoy habang ginagawa siya. Ganoon daw kasi iyon.


"Rix highly speaks about you. And believe it or not, ikaw pa lang ang unang babae na ipinakilala niya sa akin."


Napalunok ako. Teka, gulong-gulo na ako. Bakit nga ba ako dinala ni Rix dito? Bakit may meet the parents na?! Ah, baka OA lang ako. Normal lang naman siguro na ipakilala ng isang manager ang kanyang employee sa mga magulang niya, di ba—


Ngumiti sa akin si Madam Aviona. "So... kelan ang kasal niyo?"


Napatigagal ako sa tanong niya.


jfstories

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top