Chapter 1
Martina
NANGINGINIG ako. Dumadagundong ang dibdib ko. Bakit nga ba kinakabahan pa ako e matagal ko naman nang ginagawa ito?
First year college pa lang ako sa maliit na university system sa lugar namin, ito na ang sideline ko. Ngayon ay malapit na akong mag-third year sa kursong Business Administration. Kaunting pagtitiis na lang. Kailangan kong lakasan ang aking loob alang-alang sa magandang kinabukasan.
Maingat kong inilagay sa aking shoulder bag ang mga package. Nang maayos ko ito ay saka ako bumaba sa aking scooter. Tinanggal ko ang aking helmet at lumingap sa paligid. Nandito na kaya siya? Mukhang wala pa. Hinugot ko ang aking cell phone at tiningnan kung may nag-text. Walang text.
Napalingap muli ako sa paligid. Sinipat ko kung may tao sa paligid. Dito kasi ako nakipagtagpo sa isang abandonadong building. Para safe. Para iwas sa problema. Mayamaya ay may kotseng itim na paparating. Sinenyasan ko ito. Lumapit ito sa akin.
Sumilip sa bintana ng kotse ang isang lalaking balbas-sarado. Naka dark shades, may tattoo sa leeg, at sa pagkakaupo pa lang ay alam ko ng malaking tao. Parang isa sa mga goons sa isang pelikula.
"Dala mo ba?" tanong niya sa akin nang hindi tumitingin. Napakalaki ng kanyang boses.
"Dala ko, Bossing."
"Good. Paki-shoot sa bintana."
Lumingap muna ako sa paligid bago ko nilusot sa loob ng kotse ang shoulder bag.
"Kompleto ba 'yan?" tanong ulit niya.
"Kompleto, Bossing."
"Good." May hinugot siya sa dashboard ng kanyang kotse. Isang purse ang inabot niya sa akin.
Kinuha ko iyon at binuksan. Sinilip ko ang laman. Mga daang papel na pera. "Sakto ba 'to, Bossing? Ayoko mag-abono."
"Sakto 'yan. Kahit bilangin mo pa."
"Okay na 'to, Bossing."
Akma niya nang papaandarin ang sasakyan nang mapahinto siya. "Sandali."
Kinabahan ako.
Tinanggal niya ang kanyang shades at tiningnan ako. "Andito ba 'yong bra na in-order ko?"
"Y-yes, Bossing. Pati 'yong pabango, nandyan din."
"Avon 'to, ha?"
"Avon, Bossing."
"Good. Sabihan mo ko kapag may bago. O-order ulit ako."
"Okay, Bossing."
Humarap na siya ulit sa manibela at pinaandar ang sasakyan. Nakahinga ako nang maluwag. Mabuti't walang naging problema. Isa na namang success transformation with my client.
Wait! Hindi ba success transaction?
Magkatunog naman, puwede na 'yon. Napangiti ako. Marami na naman akong benta. May pandagdag na ako sa ipon ko. Tumunog ang aking cell phone kaya sinagot ko.
[ Ano, 'insan, success ba? ] Boses ni Gracia. Best friend and cousin ko.
"Success, 'insan."
[ Alagaan mo yang client na 'yan, ha? Mahilig talaga 'yang um-order ng Avon. ]
"Oo naman. Nakakapagtaka lang, 'insan. Ang laki niyang tao, pero ang order niya ay bra at pabango."
Napapadalas nga ang juding na customers. Naalala ko tuloy ang kuya ko na si Kuya Maximus. Matandang juding iyon at mahilig din sa Avon.
[ Anyway, may irereto akong bagong client sa 'yo. ]
"Seryoso?!" Nagningning ang mga mata ko.
[ Malakas din um-order 'to. Text ko sa 'yo number later, then tawagan mo. ]
"Naku, 'insan, ikaw talaga ang savor ko!!!"
[ 'Insan, savior kasi iyon. ]
"Ganoon na din 'yon. Pero salamat talaga, 'insan. Makakaipon agad ako nito para mapaopera ko na ang paa ni Marlon."
[ Akala ko ba pang-tuition? ]
Natahimik ako. Hindi ko alam ang isasagot ko.
[ Martina, kaya nga kita tinutulungan ay para makaipon ka ng pambayad ng tuition mo. Hindi para ibayad sa pampa-opera ng paa ng boyfriend mo! ] sermon niya sa akin.
Bingi-bingihan ako kapag nagsasalita si Gracia tungkol sa boyfriend ko. Alam ko naman kasi na hindi siya boto rito.
High school pa lang, boyfriend ko na si Marlon. Mga teenagers pa lang kami noon nang magsimula kaming mangarap. Marami na kaming tinahing plano. Hindi ko na mabilang at matandaan kung ilang beses na kaming nagsumpaan at nangako.
Siya ang ideal husband ko. Ako ang ideal wife niya. Kapwa namin gustong mapangasawa ang isa't isa. Itinadhana ko na ang aking sarili sa kanya. Kasi nga ay mahal na mahal ko siya.
Pero isang dagok ang dumating sa buhay namin. Naaksidente siya at nabali ang buto niya sa binti. Malaking pera ang kakailanganin para maipa-opera siya.
"Gusto ko na kasing gumaling si Marlon. Baka kapag nalagyan siya ng bakal sa binti e makalakad na siya," mahina kong tugon.
[ 'Insan, malaking halaga ang kailangan mo. ]
"Ako'ng bahala. Makakaipon ako."
[ Paano ang pag-aaral mo? ]
"Bahala na. Kung di kakayanin, baka huminto na lang ako."
Narinig ko ang pagbuga niya ng hangin sa kabilang linya.
NAPATITIG muna ako sa screen ng aking cell phone bago ko tinipa ang numero ni Mr. R. Juding din. Ito daw iyong kung um-order sa Avon ay maramihan ayon kay Gracia. Jackpot ako sa client na 'to. Pihadong malaki ang kikitain ko.
Tinawagan ko na ang numero. Naka-ilang ring muna bago siya sumagot sa kabilang linya. [ Hello? ]
Uy, buong-buo ang boses niya. Para siyang isang DJ sa radio. "Mr. R?" tanong ko.
[ Martinie? ]
Martinie? Pero okay na rin. Parang Martina na rin. "Ako nga po. Oorder po kayo–"
[ Yes. ]
Ganito ang gusto ko sa client. Yes agad! "Ilan po–"
[ All set. ]
Namilog ang mga mata. "Lahat po ng–"
[ Yes. ]
Pinagpawisan ako. "S-saan po ang meet up–"
[ I'll send you the address. ]
"S-sige po."
[ I'll be in touch. ]
"A-ano pong ito-touch nyo, Sir?"
Bigla na siyang nawala sa linya.
Napatitig na lang ako sa cell phone ko. "Ano raw?" usal ko.
NAPAHAWAK muna ako sa dibdib ko bago ko binuksan ang pinto. Sinalubong na naman ako ng amoy na ayaw kong maamoy – ang amoy ng ospital na ito.
Hayun si Marlon, at nakahiga. Nakapatong ang braso niya sa kanyang noo na halatang namomroblema. "Hi, baby!" bati ko sa kanya.
"Bakit ngayon ka lang dumalaw?" mariin niyang tanong.
"Sorry. Naging busy kasi ako."
"Simula nang ma-confine ako dito, dalawang beses mo lang yata ako dinadalaw sa loob ng isang linggo." May hinanakit sa tinig niya.
"Baby, sorry. Dumelihensya kasi ako ng pera. Ang mahal kasi ng tuition. Saka may pinag-iipunan din ako."
Hindi siya umimik.
"Hayaan mo't dadalasan ko na ang pagdalaw ko."
"Para saan pa? Hindi na rin naman yata ako makakalakad pa."
Hinimas ko siya sa ulo pero tinabig niya ang kamay ko. "G-gagaling ka pa, baby..."
Tinalikuran niya ako sa pagkakahiga. "Matutulog na ako."
"O-okay." Pumiyok ako. Agad kong pinunasan ang luhang pumatak mula sa mga mata ko. "I-I love you..."
Hindi siya kumibo.
"B-baby... I love you..." Inulit ko.
"Okay. 'Wag ka nang maingay,"
Marahan akong lumabas ng pinto. Napasandal ako sa pader. Hindi ko napigilan ang mga luha na namalisbis nang kusa mula sa aking mga mata. Hindi pa rin kasi ako makapaniwala na nangyayari sa akin ito. Ang dating boyfriend na mahal ako, ngayon ay wala na.
Simula nang ma-confine si Marlon, nagbago na siya. Wala na ang Marlon na nakilala ko noon. Lagi na siyang galit at nawalan na ng lambing. Madalas tuloy ay naiisip ko tuloy na baka nawala na rin ang pagmamahal niya sa akin.
NAKAILANG tawag na ako kay Mr. R pero hindi pa rin siya sumasagot. Mabuti na lang nitong huli ay sumagot na siya.
"Hello, Mr. R? Nandito na po ako sa address na ibinigay nyo." Umikot ang paningin ko sa paligid. "Sigurado po ba kayo na dito sa rooftop?"
[ Just drop it there, then leave. I have a staff that will take my items from there. ]
Napakamot ako. Napaka-englisero naman nito, ang hina ko pa naman sa english. Ewan ko ba sa utak ko, slow pagdating sa ibang language. "Uhm, e, Sir, paano naman po pala iyong bayad niyo?"
[ My staff will wire it to you. ]
Wire? Ano? Kukuryentehin ako ng staff niya?! Napasentido ako. "H-hindi ko po talaga maintindihan. Baka pwedeng mag-Tagalog ka na lang?!"
[ All right. I'll tell my staff to give you cash. Give a minute, I'm gonna call him. ] Binabaan niya na ako ng linya. Lintek! 'Di man lang ako pinagsalita muna!
Mga thirty minutes din bago ko siya na-contact ulit. Dumating na raw iyong kung sino mang staff niya.
[ Just drop it there. ]
"Okay." Ibinagsak ko ang bag na bitbit ko na naglalaman ng mga Avon products. "Drop ko na. Ayan na."
[ Go to the parking. The payment is behind your scooter. ]
Nawala na naman siya sa kabilang linya. Nag-aalangan akong bumaba ng building gamit ang elevator. Pagpunta ko sa parking, may bag na nasa tabi ng aking pink cute second-hand scooter.
Kinuha ko ang bag. Ito na ba iyong bayad? Bakit kailangan pang ilagay sa bag? Saka bakit ang bigat? Ah, basta ito na iyong bayad. Napangiti ako. Nakapera na naman. Ang saya-saya!
Whew! Napapunas ako sa sa pawis ko. Ano ba 'yon? Bakit pakiramdam ko ay nagbenta ako ng droga. Eh Avon lang naman 'yong in-order niya.
Binuklat ko ang loob ng bag. Nanlaki ang mga mata ko sa nakita ko. Napahilamos ako. Hindi ako makapaniwala sa nakikita ko. Makapal na lilibuhing pera ang bumungad sa akin.
Totoo ba ito? Bakit ang daming pera naman yata nito?
Tumunog ang cell phone ko at lumitaw sa screen ang pangalan ni Gracia. Sinagot ko agad ito. "H-hello–"
"'Insan, sorry. Maling number ni Mr. R ang naibigay ko sa 'yo."
Shit!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top