UNTOLD CHAPTER 2

SAMANTHA

Chains to Good Jail

Ilang taon na ba ang nakalipas? Ilang taon na ba akong naririto? Napangiti ako habang nakaupong mag-isa sa sementong upuan. Papalubog na naman ang araw at madaragdagan na naman ang araw ng nilalagi ko dito. Ngunit hindi naman ako nagsisisi at mas maigi narin ito dahil sa malaking kasalanang nagawa ko na hindi nararapat bigyan ng kapatawaran.

At kahit ilang taon pa akong manatili sa bilangguang ito ay hindi maibabalik ang buhay na aking kinuha. Hanggang ngayon ay hindi parin ako makapaniwala sa pagkawala ni Knight. Dalawang tao na ang napatay ko at hindi pa sapat ang mga taong inilagi ko dito dapat ay mas matagal pa.

Bahagya akong napangiti nang biglang maalala si Constantine. Kahit hindi ko siya kadugo at kahit hindi ko siya anak ay minahal ko nadin siya nung sandaling nahawakan ko siya at nayakap. Napalapit agad siya sa puso ko. Binata na siguro siya ngayon at ni isang beses ay hindi ko na siya nakita simula nung araw na iyon. Ganito pala ang napapala ng mga taong tulad ko. Napakasaklap at napakasakit ngunit wala naman akong sisisihin dahil ako mismo ang gumawa ng landas ko. Nawala ako sa katinuan at ano anong kabaliwan ang aking ginawa at nandamay pa ako ng mga tao.

Napahigpit ang hawak ko sa ballpen at papel. Napatingin ako dito at di ko namalayang napatakan ko na pala ito ng mga luha ko. Agad ko namang pinahid ang mga luha ko gamit ang likod ng aking mga kamay at pinilit na ngumiti. Ilang araw nalang at birthday na ni Constantine. Hindi ko man lang siya makikita at hindi ko man lang mabibigyan ng regalo kaya napag-isipan kong magsulat nalang sa kanya at ipadala ito sa address ng bahay ni Alana. Bukas ay may libre kaming padala ng sulat at kukunin ko ang tsansang iyon.


Mahal kong anak,

Sa mga oras na binabasa mo ito Constantine gusto ko lang sanang sabihin sayo na mahal na mahal kita kahit hindi tayo magkadugo. Sana ay dumating ang araw na mapatawad mo ako. Ayos lang sa akin kahit matagal anak ko maghihintay parin ako sayo. Gusto sana kitang padalhan ng regalo dahil alam kong malapit na namana ng birthday mo ngunit hindi ko magawa kaya naisip kong magsulat nalang. Pasensya ka na at masyadong cheap ang mama mo ngayon ngunit pag nakabenta na ako ng mga ginagawa naming mga bag at wallet dito sa loob ay papadala ko agad ang regalo ko sayo. Binata ka na siguro ngayon at marami ng nakamit na mga medalya sa skwelahan. Matalino kang bata at ramdam ko yun. Kamusta ka naman anak ko? Miss na miss lang kita ngayong araw na ito kaya kung ano ano nalang ang pinagsusulat ko ngayon. Alam kong hindi tayo nagsama ng matagal pero miss na miss na kita. Magpapakabait ka sana parati at laging mag dasal at huwag na huwag mong tularan ang isang tulad ko. Alam kong hindi mo namana ko tutularan alam ko yan anak ko sinasabi ko lang kung gaano ako ka walang kwentang ina sayo. Pero ang walang kwentang ito ay mahal na mahal ka ng sobra. Sana ay makita kita anak ko.


Mama


"Oh nagsusulat ka na naman diyan. Ang dami mo ng nagawang sulat ah isang kahon na yan. Balak mo pa bang ipadala yan o ano?" tanong ni Clarisse mula sa aking likuran na nakapamulsa.


Agad ko naman siyang nilingon at ngumiti. Siya ang kaisa-isahang kaibigan ko dito sa loob at naging malapit na kami sa isa't-isa. Napatay niya ang kanyang amo dahil sa self defense ngunit hindi ito pinakinggan ng korte dahil sa malaking tao ang kanyang binangga kaya heto siya ngayon, nabilanggo dahil sa pagtatanggol niya sa kanyang sarili dahil sa pagtatangkang paghalay sa kanya.


"Bukas ay ipapadala ko na itong lahat," saad ko at napahawak sa kahon ng sapatos kung saan ko nilalagay lahat ng mga iniipon kong mga sulat na para kay Constantine.

Halos linggo linggo akong nagsusulat para sa kanya hanggang sa mapuno ko na ang kahon. Wala pa kasi akong sapat na lakas ng loob na ipadala ito noon sa kanya kaya itinago ko ito hanggang sa dumating nga ang araw na ito.


"Umaasa ka ba?" tanong niya dahilan upang mawalan ako ng imik.


"Ayos lang kahit hindi siya sumagot ang dami dami nitong mga sulat na ito at siguro kakailanganin niya ng isang buwan para mabasa itong lahat," saad ko na natatawa ngunit sa loob loob ko ay nasasaktan ako.




"Sa tingin ko ay sasagot siya Samantha. Magtiwala ka lang," saad niya at nagsindi ng kanyang sigarilyo. Nagpabuga siya ng usok sa mula sa kanyang bibig at napasuklay ng kanyang buhok.


May malaking problema o may iniisip itong malalim dahil ugali niya ang manigarilyo kapagka ganito.


"Sabihin mo na sa akin," saad ko at batid kong alam niya kung ano ang tinutukoy ko.


"Ikakasal na si Oliver," mapakla niyang saad at muling nagpabuga ng usok. Kitang kita ko sa kanyang mga mata ang pangingilid ng kanyang mga luha.


Lahat kami dito sa loob ay may kanya-kanyang pinagdadaanan, lahat kami ay may kanya-kanyang natutuklasan kung ano ang mga nangyayari sa labas at sa mga taong malapit sa amin. Lahat kami ay walang magawa.


Si Oliver ang lalaking kanyang nubyo ang lalaking pinangakuan siya ng kasal ngunit ngayon ay hindi na siya ang babaeng pinangakuan nun.


"Bakit ba nangyayari itong lahat sa atin? Sana ay hindi nalang ako nanlaban edi sana hindi ko siya napatay. Hinayaan ko nalang sana siyang halayin ako at siguro ngayon ay ikinasal na ako kay Oliver," saad niya at bahagyang napaupo sa sahig at pinatay ang kanyang sigarilyo.




"At ano? Magiging normal ang lahat? Hindi parin Clarisse. Naniniwala ako na ang lahat ng ito ay may rason. Hindi man kapani-paniwala na manggagaling sa akin ito ngunit gusto kong malaman mo na may pag-asa," saad ko at akala ko ay bubulyawan niya ako subalit nagulat ako nang bigla niya akong sinunggaban ng kanyang yakap.


"Everything happens for a reason tama ka yan talaga ang motto nating dalawa. Huwag na tayong magdrama dito. Tara ipadala na natin yang mga sulat mo. Dali para mas maaga mas sure na sure ang lahat. Sigurado akong magkikita kayo ni Constantine dahil dito."




"Sana nga."


Darating din ang araw na makakabawi ako sa mga taong aking nasaktan.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top