Wayward Son, 1998

Bukang-Liwayway Foundation Inc., Abril 4, 1998

"Hindi ka talaga marunong makinig kahit kailan!"

"Madame, tama na po! Wala pong kasalanan si Andoy!"

Namamanhid na ang buong binti ko sa pagluhod sa sahig. Kapag bumaba ang mga braso ko, pinapalo agad ng yantok ni Madame.

Hindi ako makaiyak kasi lalo akong papaluin kapag umiyak ako. Si Yayo, nasa may pinto, siya ang umiiyak para sa 'kin.

"Yayo, bumalik ka sa kuwarto n'yo! Baka gusto mong paluhurin din kita rito!"

Hindi ko naman alam na isusumbong ako n'ong kumuha ako ng ice cream sa lalagyanan ng mga pinamumudmod ng mga bisita.

Birthday ni Yayo e. Wala nga akong natanggap na pera kaya di rin ako nakabili ng cake.

Pero ayos lang naman. Ang mahalaga, nakakain siya ng ice cream niya kahit wala akong nabigay na cake.

Parang napapaso ang balat ko sa mga sugat. Parang malamig na parang mainit. 'Tapos gumuguhit.

"Madame, aalis na raw po sina Mr. Celizana."

Saglit akong sumulyap kay Manang Gracia na nakapatong ang mga palad sa suot na apron.

Huminto si Madame sa pagpalo sa akin.

"Bantayan mo si Andoy dito. Kapag tumayo, paluin mo agad. Hindi matuto sa isang parusa lang. Mga sakit ng ulo 'tong mga batang 'to kahit kailan."

Ilang beses ko nang hiniling na sana, may umampon na sa amin ni Yayo para makaalis na kami dito sa ampunan.

Ayoko na dito. Gusto ko nang makalabas dito.

Pagsapit ng gabi, nakatago lang ako sa may sulok ng kama. Tulog na si Yayo kasi iyak din siya nang iyak. Wala na nga siyang cake, pinalo pa ako.

Nakatulog na nga lang akong namaluktot doon sa sulok 'tapos ginising na lang ako n'ong umaga na. Sabi, kakausapin daw muna ako bago mag-almusal.

"Andoy, may dadating bukas. Umayos kayo, ha. Importante 'yon," sabi ni Madame sa amin ng mga kasama ko.

Marami kami, kasama ko sina Jan-Jan.

"Baka aampunin na tayo," sabi ni Obet.

"Ang dami natin, aampunin tayo sabay-sabay?"

Baka hindi kami aampunin. Baka kami yung isasama sa susunod na party kasi ganito rin ginawa nila doon kay Jelly Mae saka sa iba pa. Pinatawag sila sa office ni Madame 'tapos sila yung haharap sa mga bisita.

"Bumalik na kayo sa kuwarto, magtatawag na mamaya sa dining," utos ni Madame, kaya papalabas na sana kaming lahat, pero pumasok na muna si Sister Marissa sa loob.

"Dumaan pala ang nanay ni Yayo kahapon. Kukunin na yata yung bata ngayon."

Napahinto ako sa paglalakad nang marinig ko ang sinabi ni Sister.

"E di, mabuti," sabi ni Madame. "Para malipat ko na yung kama niya kay Wenalyn."

Mabilis akong tumakbo pabalik sa kuwarto pagkarinig ko n'on.

"Andoy, pagagalitan ka na naman ni Madame, natakbo ka na naman sa hallway!"

Di ko na nilingon yung sumigaw. Bahala na siya. Dumeretso ako sa kuwarto naming mga bata at hinanap ko agad si Yayo.

Naabutan ko siya sa gilid ng kama niya.

"Ano 'yan?" tanong ko habang nakikitang nagsisiksik siya ng damit sa bag na malaki.

"Andoy, dumating mama ko kanina! Uuwi na kami!"

"Ha?" Nalito naman ako. Bakit siya uuwi? "Di ba, dito na ikaw nakatira?"

Umiling agad siya. "Nabalik na daw si Ging-ging sa bahay, e! Ako naman daw babalik na ulit sa bahay!"

"Kasama ako?"

Nagkibit-balikat siya. "Wala naman nasabi si mama ko. Baka puwede ikaw sumama?"

"Sasama ako, a!" Pumunta agad ako sa kama ko at nagkalkal ng mga damit ko sa ilalim.

Nauna nang natapos si Yayo kaya magkahawak kami ng kamay na lumabas sa kuwarto. Nakita na namin sina Madame sa may entrance, may mga tao din doon na naghihintay. Sabi ko, magpapaalam muna ako kay Madame kaya pinauna ko na si Yayo.

"Yayo, hintayin mo ako, ha? Papaalam lang ako kay Madame."

Nilapitan ko agad si Madame kahit may mga kausap pa siyang ibang tao.

"Nasabihan na ba si Tony? Nasa labas na raw yung service, bakit hindi pa lumalabas sina Patricia?"

"Madame, sasama po ako kay Yayo," sabi ko agad.

Suot-suot ko na ang bag ko sa balikat kasi sasama nga ako pag-alis. Pero parang hindi ako nakikita ni Madame. Kanina pa ako nakasunod sa kanila ni Manang Luz hanggang office ulit.

"Dadaan daw ulit si Mr. Celizana rito. Pakihanda rin sina Gino. Baka lang sakaling magustuhan niya yung ibang bata."

"Sige po, Madame."

Napahinto si Madame sa paglalakad kaya napahinto rin ako.

Tumalikod siya sa akin at nakasimangot akong tiningnan. "Bumalik ka sa kuwarto mo, Andoy, kung ayaw mong ikulong kita sa itaas."

"Pero, Madame, nasa labas na po kasi yung mama ni Yayo. Gusto ko pong sumama."

"Hindi ka tatanggapin ng mama ni Yayo! Huwag kang mag-ilusyon, hindi mo pamilya 'yon!"

"Pero pumayag naman po si Yayo."

"Bakit? Si Yayo ba'ng mag-aalaga sa 'yo? Ibalik mo na 'yang gamit sa kuwarto, Andoy, at baka gusto mong ikaw ang paglinisin ko ng buong second floor!"

"Aray!" Napahiyaw agad ako nang kurutin niya ako sa braso.

"Akyat na! Ang kulit n'yo, nakakabuwisit na kayong mga bata kayo!" Hinampas din niya ako sa likod gamit ang palad bago niya ako tinalikuran.

Gusto kong sumama kay Yayo.

Tumakbo agad ako papalabas ng hall. Nasa labas na daw yung mama ni Yayo e. May hinihintay lang daw na service.

Pagdating ko doon, kasasakay lang ni Yayo ng tricycle.

"Yayo!"

Tumakbo agad ako nang matulin para habulin sila papalabas.

"Yayo, saglit!"

Nilingon-lingon ko ang paligid. Wala si Mang Tony, walang bantay sa gate.

"Yayo, saglit lang!"

Binilisan ko pa ang pagtakbo hanggang makalabas sa gate ng ampunan.

Nakikita ko pa ang tricycle nila. Kalalampas lang nila sa tulay.

"Para po! Pasakay po!"

Hinintuan ako ng jeep sa ibaba ng tulay at sumakay agad ako.

"Kuya, pasunod po n'ong tricycle!" sigaw ko mula sa dulo. Tiningnan ko ang mga kasama kong tao sa loob ng jeep. Nginitian ko lang sila habang nagpupunas ako ng pawis.

"Hahabulin ko lang po si Yayo. Sa kanila na po kasi ako titira."

Nakakasunod pa naman kami sa tricycle pero hindi ko na kasi alam e. Pagpunas ko ng pawis, pagtingin ko sa harapan namin biglang wala na yung tricycle nina Yayo.



Baliwag Transit—Grace Park, Kalookan; Abril 5, 1998

"Tutoy, kanina ka pa diyan, padilim na, a."

Napatingin ako kay manong na umiinom ng tubig sa may gilid. Malapit na ngang dumilim. Hindi ko na alam kung saan ako pupunta.

"Saan nanay mo?"

Umiling agad ako. "Wala na po."

"E tatay mo?"

"Patay na po e."

"O, sa'n ka nakatira niyan?"

Napahimas ako ng mga palad saka yumuko. "Titira po dapat ako kila Yayo kaso di ko na po sila naabutan."

"Saan 'yon? Dito malapit?"

Umiling ulit ako. "Di ko po alam. Di ko na po sila nakita ulit."

"Ay, naku kang bata ka, oo." Pagsulyap ko kay manong, tumayo na siya 'tapos ibinato niya yung bote ng tubig sa may loob ng jeep.

Nauuhaw na rin ako kaso wala akong pambiling tubig. Wala akong kahit magkanong pera.

"Wala kang bahay?"

Umiling na lang ako. Ayoko nang bumalik sa ampunan kasi malamang, papaluin lang ako ni Madame kasi umalis ako nang di ako pinayagan.

"Ay, siya. Tara dito!"

Tumingin ulit ako kay Manong. Tinatawag niya ako para lumapit sa kanya.

"Bakit po?"

"Tara dito. Baka damputin ka pa ng mga sindikato rito't dukutin ang bituka mo diyan."

"Dudukutin po?" Natakot ako agad. Dudukutin yung bituka ko. Parang sa mga aswang. Sabi ni Jelly Mae, dumadaan daw mga aswang dati sa bahay nila kaya namatay yung kapatid niyang baby. Ayoko pang mamatay.

Mabilis akong tumakbo palapit kay Manong.

"Sakay ka't uuwi na ako." Itinuro niya yung katabing upuan sa harapan ng jeep.

"Saan po tayo pupunta?" tanong ko habang pinipilit umakyat sa upuan.

"Sa bahay. Kakausapin ko muna misis ko para doon ka muna kay baka palayasin tayong dalawa pagka nagkataon."

"Sige po. Di po ako maglilikot doon, Manong."

"Maigi at baka mapagalitan tayong dalawa."

Novaliches Proper, Quezon City; Abril 5, 1998

Kanina pa nag-uusap si Manong saka yung asawa niya sa loob. Di ko alam ang gagawin ko kasi pinaiwan muna ako sa labas ng bahay habang nag-uusap sila. Hindi naman mukhang galit yung ale kaso sabi niya 'wag daw muna akong papasok.

Gabi na. Nakauwi na siguro sa kanila si Yayo. Sayang, di na ako makakatira sa kanila ngayon.

Pero mukhang okay naman dito. Malalayo nga lang ang bahay saka maraming nakaparadang jeep sa paligid. Tahimik din di gaya sa ampunan na maingay minsan. Dito daw nakatira si Manong saka yung pamilya niya. Di gaano malaki ang bahay nila di gaya sa ampunan. Dati sa bahay namin, parang ganito lang din kalaki.

"Sabi ni Tatay, dito ka daw muna titira?"

Tiningnan ko ang gilid. Ito yung batang nakatira din sa bahay ni Manong.

"Anak ka ni Manong?" tanong ko habang niyayakap nang mahigpit ang bag ko.

Tumango naman siya nang mabilis. "Sabi ni Tatay, wala ka daw bahay kaya dito ka daw muna titira sa 'min."

"Doon dapat ako kila Yayo kaso di ko siya naabutan."

"Sino si Yayo?"

"Kaibigan ko 'yon sa ampunan. Kinuha na kasi siya ng mama niya kaya wala na siya doon."

"Bakit iniwan ka? Di ka mahal ng mama n'yo?"

"Di ko naman mama 'yon, e. Mama 'yon ni Yayo."

"Pol, anak! Kunin mo yung walis sa likod!"

Sabay pa kaming lumingon sa may pinto ng bahay.

"Opo, 'Nay, saglit po!" Tinapik niya ako sa likod kaya napatingin ako sa kanya. "Doon lang ako sa likod, ha?"

Bumuga ako ng hangin saka tumango. Pagtingin ko sa may pinto, nandoon na si Manong papalapit sa akin.

"Pol, doon muna siya sa kuwarto mo matutulog, ha?"

"'Tay, may kapatid na po ba ako?" tanong ni Pol saka masaya siya. Hinawakan lang siya sa ulo ni Manong.

"Saka na tayo mag-usap diyan, 'nak. Kunin mo na yung walis at baka magalit pa si Nanay mo."

"Opo, 'Tay!"

Pagtakbo ni Pol paalis, saktong nakatingin na sa akin si Manong.

"Pumayag na si Mayla na dito ka muna. Pero dapat masipag ka. Baka dalawa na tayong palayasin n'on kapag nagkulit ka rito." Ginulo niya ang buhok ko saka ako inakay patayo. "Tara na sa loob, mahamog na rito."

Dinala niya ako papasok sa bahay nila. "Manong, marunong po ako maghugas ng plato. Saka po ako lagi naglilinis ng second floor. Masipag po ako. Di po ako magkukulit."

Tinawanan lang niya ako. "Sige, sige. Aasahan ko 'yan. Ano ang pangalan mo pala?"

"Andoy po."

"Andoy lang pangalan mo?"

"Hindi po. Sandro Zaspa Jr. po ako. Pero tawag po sa 'kin ni Yayo saka ni Madame yung Andoy."

"Aba'y junior ka pala e!" Kinuha niya ang bag ko kaya hinabol ko 'yon ng tingin. "Akin na muna 'tong bag mo 'tapos doon ka sa kuwarto ni Pol muna matulog. Malaki naman yung kama n'on, tabi muna kayo."

"Manong, salamat po talaga. 'Pag po nakita ko ulit si Yayo, doon na po ako sa kanila titira."

♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top