Kabanata 9: Ang Dalawang Tita
Sabog kung sabog talaga ako pagdating ko sa dati naming bahay sa Nova Bayan. Inabot na nga kami ng hapon. Pagdating doon, marami nang tao 'tapos bungad na bungad ang tarpaulin na may mukha ni Pol sa labas.
Karga-karga ko si Chamee saka yung mga gamit niya pagpasok sa dati kong tinirhan pagkatapos akong ampunin nina Tay Gerardo. Walang ipinagbago roon maliban sa kurtinang dating berde pero asul na ngayon. May mga naglalatag na ng mesa sa labas. Nakahanda na rin sa bakuran yung mga upuang padala ni Kagawad.
"Tita May."
Pagharap ni Tita Mayla, gusto ko na lang din siyang yakapin maghapon. Mugtong-mugto ang mata niya at halos wala na siyang naisagot sa bati ko. Lumapit lang siya sa akin at sinalubong ako ng yakap sa kanang gilid.
"Magiging ayos din ho ang lahat," sabi ko habang hinahagod ang likod niya. Ilang segundo lang ang inabot bago ko narinig ang mahinang iyak niya habang yakap-yakap ako. Narinig yata ni Chamee kaya pati ang karga ko, akmang iiyak na rin.
"Sshh," bulong ko sa baby saka ko idinikit ang pisngi ko sa pisngi niya para ipaling palayo nang hindi makita si Tita Mayla na umiiyak. Mainggitin pa naman 'tong batang 'to.
"Tita, pasok muna kami sa loob. Mahahamugan kasi rito si Chamee, baka magkasakit."
Walang salitang nanggaling kay Tita. Tumango lang siya saka ako itinuro sa loob ng bahay.
Ang tagal kong hindi nakauwi rito. Huling nakapunta ako rito, Pasko pa last 2013. Kasi hindi ako nakasama nina Pol saka Gen pag-uwi last year dahil nga nagra-rush ako ng deadlines. Hindi ko rin naman inaasahan yung mga deadline ko kaya nag-Pasko akong mag-isa sa apartment.
"Tita." Sinundan ko siya ng tingin habang nagpupunas siya ng namumulang mukha gamit ang labahang T-shirt. "Pabantay naman po kay Carmiline. Daanan ko lang si Geneva sa kanila."
"Alam na ba ng magulang niya yung kanila ni Paul John?" sabi ni Tita na malat na malat ang boses. Inabot niya agad si Chamee sa akin.
Saglit na bumigat ang paghinga ko. Hindi ko nga alam kung ano ba ang alam ng pamilya ni Gen maliban sa naglayas siya. 'Tang ina, mga walang konsiderasyon itong tita ni Gen saka mga kasama niya noon sa bahay. Hindi ko maatim na dalhin doon si Chamee. Yawa, baka kung saan dalhin itong bata nang hindi ko alam.
Mabilis akong nagpaalam kay Tita Mayla saka ako sumakay ng jeep pa-Phase 5 Bagong Silang sa may terminal ng Glori-Bayan. Punuan sa terminal kaya mabilis na umandar ang jeep nang mapuno agad kahit hindi pa ako nag-iinit sa puwesto ko.
Tumingin agad ako sa mga chat at email sa akin kasi nga ilang araw na akong absent. Sabi ko, namatayan ako. Kahit one week na break lang sa trabaho para sana makapagluksa kasi nga mentally exhausted ako.
So far, si Alyna lang ang may email na talagang pinag-abalahan kong sagutin kasi biglang binuhay ang dugo ko.
Alyna Guilherme Celizana:
Hey, bruh! I heard the news. My condolences.
Are you okay?
Of course, you're not. Sorry sa question.
By the way, about sa leave, sure thing. Take your time.
Nasa Batanes ako ngayon. I'll go back sa Manila soon.
I've sent 5k pala for the family of your best friend and wifey niya. A little help lang. Just tell me if may need ka pa for Chamee, I'll provide.
And hindi siya salary deduction, don't worry haha
Kung alam lang nito ang panic ko nang tiningnan ko ang PayPal account ko. Ang sarap magmura nang unli nang makita kong may limang libo nga talaga sa account ko na naka-register. Pinadala niya kagabi lang.
Nag-email tuloy ako.
Sandro Zaspa Jr.:
..Lyn, nukaba??? Bat nagpadala ka ng pera???
Kunot na kunot ang noo ko habang nakatingin sa daan. Sobrang gastos talaga ng babaeng 'to. Hindi talaga 'to natatakot magwaldas. Five thousand? Para sa abuloy? 'Tang ina, singkuwenta pesos nga, masama na loob kong ibigay, limanlibo pa kaya?
Biglang nag-vibrate ang phone ko at tiningnan ko agad ang reply niya.
Alyna Guilherme Celizana:
Hindi naman 'yan para sa 'yo, bruh. Para 'yan sa best friend mo. Don't tell me, balak mong itakbo ha?
Sandro Zaspa Jr.:
..wala kong tym para magjoke lyn
Alyna Guilherme Celizana:
I'm not kidding as well. Nasa account mo naman na in the first place. If you don't like to give it to the family, then gift ko na lang 'yan for the baby. A'ight?
Sandro Zaspa Jr.:
..ang gastadora mo talaga
Alyna Guilherme Celizana:
HAHAHAHAHA bruh
Naaaburido na ako sa mundo, gagatong pa 'tong babaeng 'to.
Alam ko namang si Alyna ang nagbibigay ng opportunities sa akin kaya meron ako ng kung anong meron ako ngayon, pero ibang klase rin 'to e. Hindi natatakot maghirap.
Halos isang oras ang biyahe mula sa Bayan hanggang Bagong Silang. Kung tutuusin, puwede akong umuwi sa apartment anumang oras kasi nasa kabilang phase lang naman ang amin na sampung minuto lang ang biyahe mula kina Gen.
Pagdating ko roon, bukas ang gate nila. Nasa labas din ang tarpaulin ni Gen pero walang mukha. Itim na tarp lang na may pangalan ng St. Matthew at naka-ribbon na "Geneva T. Mangulabnan" saka December 27, 1990 – July 14, 2015 sa ibaba.
Sayang. Sayang talaga.
May ilang mga tao na roon. Nakalatag sa labas ang mga upuan saka may tent na ring nakatayo.
Lumapit ako. Abot-abot ang dasal ko na sana hindi ako palayasin kasi nga, mula nang maglayas si Gen, sa amin na siya tumira.
Napalunok ako pagtapat ko roon sa bukas na gate. Sumilip ako saglit at biglang nanlaki ang mata ng babaeng nandoon pagtagpo ng mga mata namin.
"O! Di ba, ikaw yung binasted dati ni Ate Gen?" Tumalikod pa ito saka sumigaw sa loob. "Tita Haley, yung dating manliligaw ni Ate Gen nandito!"
"Sino d'on? Marami 'yon!" sigaw rin sa loob.
Gusto ko sanang magluksa pero parang gusto ko na lang maghamon ng suntukan dito hanggang ma-baranggay ako. Parang walang patay, a! Kung makasigaw, parang bibili lang ng yelo ang kausap.
"Yung nagpapadala dati ng McDo saka Red Ribbon! Yung mabango!"
"Ay, yung pogi? Saglit lang 'ka mo!"
Ay, tingin ko naman, hindi kailangang daanin ang lahat sa dahas. Napag-uusapan naman siguro ito nang maayos. Ako naman ay madaling kausap.
"Kuya, saglit lang daw po."
"Sige, okay lang."
"Upo ka muna, Kuya." Ipinag-urong pa niya ako ng upuan sa tabi ng gate.
Habang nakatingin ako sa kanilang nasa loob, pakiramdam ko, hindi ako palalayasin ngayon. Mukhang okay naman yata sila sa akin.
Ilang minuto lang, lumabas na yung tita ni Gen na malaking babae. Naka-duster na pula 'tapos may kagat-kagat na yosi saka parang siga sa kanto na maghahamon ng tagaan ng leeg sa kahit na sinong makakasalubong.
Yawa, ngayon pa lang, sinasabi ko na sa sarili kong mabuti't hindi ko dinala rito si Chamee. Baka paglaki ng anak ni Gen, maging regular customer 'yon ng presinto sa Phase 1.
"Magandang hapon po, Tita," sabi ko pagtayo. Kinakabahan ako kapag hindi ko iginalang 'to. Baka pagtalikod ko, hampasin ako ng tubo sa ulo e.
"Abaaaa, mas pumogi ka yata ngayon."
"Hehe, hindi naman ho." Napahawak ako sa batok habang naiilang sa kanya. Putaragis, nasa lamayan ba 'ko? Parang walang malungkot dito kina Gen, a. "Ano ho . . . nakikiramay ho ako, Tita Haley."
"Ay, Dios mio!" biglang sigaw nito na nagpaatras sa akin para sana akmang tatakbo na palayo. Nagpamaywang lang siya saka nagtanggal ng yosi sa bibig. "Kung bukon man abi it buldog akong gumangkon ngara! Mapili lang it eaki, idto pa sa haeos timprano pa kana makapatay! Sayang pakain ko sa gagang 'yan. Lalayas-layas dito sa bahay, 'tapos uuwi kung kailan patay na! Dapat talaga, ipinatapon ko na sa Aklan 'yan e! Kita mo!" Itinuro pa niya yung kabaong sa loob. "Sasama-sama d'on sa syota niyang nakabuntis sa kanya! Ano'ng napala niya? Ayan! Kung di ba naman isang libo't isang tanga 'yan!"
Hindi ko mapigilang mag-twitch ang kilay ko at halos mangasim ang mukha ko habang naririnig ang tita ni Gen na isinisigaw iyon sa harap ng mga nakikilamay sa kanila. Hindi ko na nga naintindihan pero parang galit talaga.
"A . . . e . . . ano ho." Napapalunok na lang ako habang umaatras nang paunti-unti. "May ano—may trabaho pa ho kasi ako. Dumaan lang ako, Tita. Ulit ho, nakikiramay ako. Mauna na ho ako, a? Ingat ho kayo lagi."
Mabilis akong naglakad paalis kasi putaragis, baka kapag nalaman nitong kasama ako sa bahay ni Gen noong naglayas 'yon, baka gilitan ako ng leeg nito nang wala sa oras.
Ang lakas ng kalabog ng dibdib ko pagsakay ko ng jeep sa main road. 'King ina, para akong hinabol ng itak doon, a. Mabuti sana kung pinalayas na lang ako kaso hindi. Pota, harap-harapang siniraan yung pamangkin niyang namatay—hindi lang sa harap ko! Nandoon din pati mga bisita nila! 'Tang ina, isumpa na lang nila akong magpapamilya, hindi ko dadalhin doon si Chamee. Magkamatayan na lang kami!
Yawa, habang nasa jeep, nanginginig ang kamay ko. Gusto ko nang mawala sa mundo kagabi pero, 'tang ina, pagtapak ko kina Gen, natakot ako para sa buhay ko.
Tatawagan ko sana si Tita Mayla kaso pagbukas ko ng data, may chat na naman pala si Lyn.
Lyn Celi:
Bruh, may flight pala ako tom pa-Manila.
Ano gusto mong pasalubong?
Pasalubong? Aanhin ko naman ang pasalubong e di ko pa nga nakikita 'to ng personal.
Sandro Jr.:
..mag uwi ka nalang ng damo jan sa batanes
..dami alam
Lyn Celi:
HAHAHAHA
Suuuuuure!
Gusto ko na lang matulog nang matagal. Nakakapagod masyado. 'Tapos doon kina Gen, ewan ko na. Parang nakikipaghilahan ang kaluluwa ko sa langit at impyerno. Babalikan ko na lang si Chamee kay Tita Mayla. Baka umiiyak na 'yon, hahanapin yung mama niya. Pota, mukhang magkakaroon ako ng anak nang wala sa oras, a.
♦♦♦
Original translation by Haley Ephraim Demiprose (DEMIPROSE ):
"Kung bukon man abi it tanga kong gamangkon ngara! Mapili lamang it laki, ugto pa sa halos timprano pa kana makapatay!"
Revised Translation by: exiledian
"Kung bukon man abi it buldog akong gumangkon ngara! Mapili lang it eaki, idto pa sa haeos timprano pa kana makapatay!"
Tagalog translation: Kung di ba naman saksakan ng tanga 'tong pamangkin ko. Mamimili na lang ng lalaki, 'yong papatayin pa siya nang maaga!
***
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top