Kabanata 5: Ang Demanding
December 17, 2014
"Oy, Buntis, parang mas mura 'to." Ipinakita ko kay Gen yung maternity dress na kulay pink. Mahilig kasi 'to sa mga pink, gano'n. Basta pink, gusto niya.
"Tingin. Magkano?"
Nagpapasama kasi 'tong si Gen kay Pol, mamimili ng damit kasi nga napamaskuhan. E wala si Pol, nasa delivery buong linggo kasi nga kumuha nang kumuha ng workload para nga may panghanda kami sa Pasko.
E 'ka ko, kahit ako na lang ang gumastos panghanda, magkano lang naman magpahanda. Kaso sabi niya, pera ko raw 'yon. Gusto niya, gastos niya yung kanila ni Gen. Ma-pride din kaya pinagbigyan ko na.
Para naman hindi kami maburo ni Gen sa apartment, sinamahan ko siyang mamili ng gamit. Bigay ko na, Pasko naman.
"Ang mahal pa rin!" reklamo niya.
Tiningnan ko yung price tag. 579.99 ang nakalagay. Kung 580 'to, hindi ko bibilhin 'to.
"Magkano ba dapat e nasa department store tayo," sabi ko. "Maghahanap ka pa ng mas mura, e di sana, nag-tiangge na lang tayo."
Dinala ko kasi sa department store. Alam naman na niya kasi na kapag ganitong panahon, siksikan sa bazaar o kaya sa tiangge kasi nga maraming namimili. Namamahalan din naman ako sa mga tinda, pero kung kalidad lang naman, ayos na rin dito.
"Doon na lang tayo sa tiangge sa Robinson's!" sabi niya saka ako tinulak-tulak palabas ng department store.
Hindi ko naman masabing nagde-date kami nito ni Gen, kasi kung makikipag-date lang naman ako, malamang na hindi buntis ang tatangayin ko. Para ngang gusto ko nang pagsisihan na tinangay-tangay ko pa 'to rito sa mall. Puro na naman pabili. Sabi ko, isanlibo lang budget ko para sa kanya. Kapag sumobra, sisingilin ko na siya ng pambayad.
Minsan ko na lang siya ilibre ng regalo. Kung gusto niya ng pangmalakasang regalo, doon siya sa syota niya mag-request, hindi sa akin.
Malaki na ang tiyan ni Gen kaya nagsisikipan na ang mga damit. Sabi ko, aakyat kami sa upper ground ng mall palabas kung gusto niya sa Robinson's. Ayos lang naman daw sa kanya.
E di para kaming tungaw na dalawa na nakaalalay ako sa likod niya 'tapos sa kanang kamay. Alangang pabayaan ko. E kung gumulong 'to kapagka nadulas sa hagdan, e di kasalanan ko na naman.
Yung isang minutong pag-akyat, inabot na yata kami ng sampu. Paglabas namin ng mall, wala pa namang overpass dito kaya makikipagpatintero kami sa pagtawid sa kabilang mall. Tirik pa naman ang araw kaya binuksan ko agad yung dala kong payong. Tinakpan ko na lang din siya ng face towel sa ulo para hindi masyadong mainit.
"Nauuhaw ako, Andoy."
Napabuntonghininga na lang ako kasi ako rin, nauuhaw na.
"Gusto mo ng buko juice?" tanong ko.
Tumango lang siya habang inaalalayan ko pa rin sa paglakad. Nakasenyas pa ako sa mga sasakyang humihinto habang tumatawid kami sa pedestrian lane kasabay ng ibang tumatawid din.
Pumuwesto na ako sa kaliwa niya habang takip-takip ko ng palad yung ulo niyang may takip ding towel. Matakpan man lang siya ng anino ko kasi ang init talaga.
Lumamig lang nang kaunti nang makatapak kami sa lilim ng terminal sa may Robinson's.
Ang daming tao, ang dami ring stall na itinayo sa parking lot. Tuwing Pasko saka summer, may bazaar talaga rito. Maganda nga ngayon, marami-raming nakatayong stall. Kaso sana makahanap kami ng magandang damit ni Gen. Para kasing puro lang pamporma ang mga tinda saka mga pambata.
Nauuhaw na kami ni Gen kaya pumasok muna kami sa loob ng Robinson's para makainom. Gusto ko ng buko juice, gusto rin daw niya. Sa gitnang stall pa yung bilihan ng buko. Paghinto namin doon, e di gastos agad.
"Pabili ng dalawang medium," sabi ko sa tindero saka ko tiningnan si Gen na himas-himas yung tiyan niya.
"Masakit?" tanong ko.
"Medyo."
"Ginusto mo 'yan, magdusa ka."
Nanghampas na agad! "Buwisit ka talaga!" mahina niyang sermon sabay kagat ng labi para maghabol na naman ng palo.
"Umayos ka diyan, Gen, ipapahuli talaga kita sa guard." Binalingan ko agad yung tindero para magpaalam. "Boss, saglit lang, hahanap lang akong upuan."
Tiningnan ko si Gen na nakangiwi. Baka masakit nga ang tiyan. Pagtingin ko sa katapat naming puwesto, McDo naman na wala halos tao sa loob.
"Doon tayo sa McDo," utos ko saka ko siya inalalayang makapunta roon.
Pinaupo ko agad siya sa unang blangkong upuan saka ko binalikan yung order naming buko juice.
Nag-check ako ng phone. Pagbukas ko ng data, may chat galing kay Pol. Uuwi raw siya nang maaga ngayon kasi paubos na yung toka niyang delivery.
Pagbalik ko kay Gen, nilapagan ko agad siya ng buko na inumin niya.
"Bibili lang ako ng fries para hindi tayo sitahin," sabi ko saka ako pumila sa counter para um-order.
Dagdag gastos na naman.
Pero ayos lang kasi sa sobrang gastos kay Gen na puro pabili, nag-budget na nga ako ng sampung libo para dito. Mabuti na lang talaga na wala pa namang isanlibo ang nagagalaw ko maliban sa dose pesos na pamasahe. Nag-KKB kami ng bayad sa jeep, siyempre. Pero dose lang gastos niya para sa kanya. Ako, malamang na mapapagastos sa kanya nang sobra.
Paglapag ko ng fries, ngata-ngata na ni Gen yung dulo ng berdeng straw na nangungulubot na.
"Gusto mo?" alok ko sa regular fries na paghahatian pa naming dalawa.
"Gusto kong mangga."
Ito na naman siya.
"Gen, kung gusto mo ng mangga, umuwi ka, ngatain mo yung puno roon ni Manay."
"Gusto kong bagoong," dagdag pa niya sabay simangot.
Ano ba naman 'to? Manganganak na lang at lahat, maglilihi pa rin?
"Geneva, puwede ba, ha? Kung puwede lang. Humiling ka ng makatotohanan. December ngayon, tag-mangga ba, ha?"
"Kanina, sa SM, may nakita ako e."
"E di sana, sa SM pa lang, nagpabili ka na. Dibdiban kaya kita sa panga."
"Gusto ko ngang mangga na may bagoong. Diyan lang naman sa SM e."
"Ano, tatawid na naman tayo? Mamaya, 'yang baby mo, paglabas niyan, gala-gala 'yan, ha."
"Gusto kong mangga."
Pinipilit talaga! 'Kabuwisit.
Napakamot na lang ako ng leeg habang nakasimangot. Dapat talaga, iniwan ko na lang 'to sa bahay e.
"Ubusin mo na 'yan, maghahanap ako ng mangga mo," sabi ko na lang.
Nag-chat agad ako kay Pol kasi 'tong buntis na 'to, request nang request ng pagkain.
Sandro
..tol tong si gen, nagpapabili na naman ng mangga
Alam ko, online 'to lagi si Pol kasi online lagi yung transaction nito. Kaya nga wala pang ilang segundo, may reply na agad ako.
Paul John
san na kayo?
Sandro
..sa Robinsons
Paul John
Pauwi na ko tol. Daanan ko kayo jan?
Sandro
..pasasakayin mo ba to sa motor?
Paul John
Hindi tol. Ako na lang magbayad ng pamasahe
Sandro
..e pano yung mangga neto? Nahiling pang bagoong
Paul John
Try ko bumili dito sa Gotesco. Meron yata dito nung kalabaw.
Sandro
..gege sabihin ko ikaw na bahala ah
..ano oras ka uwi?
Paul John
Nandito pa ko sa Ever. Hatid ko lang tong dalawang dala ko daanan ko kayo jan
Sandro
..gege
Napabuntonghininga agad ako pagtingin ko kay Gen. "Dadaanan daw tayo rito ni Pol. Siya na raw bibili ng mangga mo."
"Sinabi mo, may bagoong?"
"Alam na niya 'yon." Inalok ko ulit yung fries. "Kumain ka para makalayas na tayo rito."
Balak ko sanang bumili ng damit ngayon kaso parang hindi ako makakapamili nang maayos. Hindi ko kasi puwedeng iwan 'to si Gen mag-isa sa bahay kaya nga tinangay ko pag-alis para kung may kailanganin man, at least, mabibigay ko agad. Alangan namang iasa ko kay Pol e nasa malayo nga at nagtatrabaho. Kaso eto nga kami, mabilis mapagod saka sumakit ang tiyan. E baka manganak 'to nang di-oras, talagang iiwan ko 'to kahit nasa gitna kami ng kalsada.
Hindi na raw sumasakit ang tiyan niya kaya naglakad-lakad na ulit kami. Nakasukbit lang yung kamay niya sa kanang braso ko kasi hindi ko siya maakbayan kapag tamang pasyal lang kami, ang bigat nga raw kasi, nananakit ang balikat niya. E alangan namang hawakan ko sa kamay niya. Ano siya, sinusuwerte?
Naglibot-libot kami para makapamili ng gamit niya. Puro na nga lang gamit niya saka ng baby ang binili namin. Yung damit ko, huling-huli na naming nadaanan.
"Gusto mo nito, Andoy?" tanong pa niya habang nakangiti, ipinakikita yung pink na polo. Wala namang ibang design, pink nga lang.
"Ayoko niyan. Gusto ko, black." Nagsariling pili naman ako ng itim na T-shirt. Puro kasi Tribal yung nadaanan namin e ayoko ng Tribal. Puwede pang plain T-shirt or kaya V-neck.
"Si Paul John, gusto siguro nito."
Tingin naman niya kay Pol, magsusuot ng dumihin?
"Gen, kung hindi ikaw ang maglalaba, bumili ka ng hindi ganyang kulay."
"Ang cute kaya nito, pink!"
"Ang cute mo ring sipain. Tumigil ka diyan."
Pinilian ko si Pol ng bagong polo na puwede niyang ipangtrabaho 'tapos dalawa ring itim na T-shirt para sa akin.
"Ako na lang bibili nito," sabi pa ni Gen. Pagtingin ko, kinakalkal na yung maliit niyang sling bag.
May pera si Gen, pero siguradong hindi 'yon malaki-laki. Nagta-typing job din naman siya sa bahay kaya malamang na may pera siya kahit paano.
"Magkano po 'to?" tanong niya sa tindero.
"Tri pipti, ma'am!"
"Puwede 300 na lang?"
"340, ma'am, tapat na ho."
"300 na lang, Kuya."
Ano ba naman 'to. Lulugiin pa yung tindero e.
"Akin na nga 'yan!" Hinalbot ko sa kanya yung pink na polo na nasa hanger pa saka inabot doon sa tindero. "Pasama na diyan, Manong." Ang sama agad ng tingin ko sa kanya pagkakita ko na nakangisi siya sa akin.
"Libre mo?" tanong pa niya.
"Akin na 'yang pera mo. Anong libre?" Kinuha ko agad yung 300 niya kaya nawala agad yung ngisi niya sa 'kin.
Pagkaabot ng tindero ng plastik na laman yung mga binili namin, inirap-irapan na naman ako ni Gen habang bubulong-bulong pa.
"Umayos ka diyan. Iiwan talaga kita rito."
Marami akong dala kaya hindi ko siya maaalalayan. Inalok ko na lang ulit ang kanang braso ko para doon siya kumapit. Baka mawala 'to rito, ipa-lost and found pa 'to ni Pol.
"Hintay na lang tayo sa labas. Baka dumating na rin si Pol maya-maya," sabi ko saka ako lumiko sa kaliwa para makasunod siya.
Wala masyadong upuan sa labas sa may bazaar kaya dumoon kami sa may mga halamanan nakiupo sa iba pang naghihintay malapit sa terminal ng jeep pa-Silang.
Inipon ko sa ibaba namin lahat ng pinamili ko 'tapos kinuha ko yung kabibili lang din ni Gen na pamaypay para paypayan kaming dalawa.
Ang init kasi talaga lalo na, hindi nadadaan ang hangin sa loob ng bazaar. Pasko naman pero yung hangin pang-summer.
"Ang daming mag-jowa ngayon dito sa mall, a."
Napatingin tuloy ako sa paligid dahil sa sinabi ni Gen. Maraming mga mag-asawa saka magka-holding hands na padaan-daan sa harap namin.
"Ikaw, Andoy, kailan mo balak mag-jowa?"
Tiningnan ko agad siya nang masama dahil doon. "Lumayas ka sa bahay, maghahanap agad ako."
"Asus!" Tinusok pa niya yung pisngi ko. "Kagabi, may kausap ka sa Skype e. Ang saya-saya mo nga. Yiiee! Landi n'yo."
"Boss ko 'yon, baliw."
"Boss mo, 'weh? E bakit ang saya mo?"
"Natural, sahod kagabi, malamang masaya. Buang ka talaga."
Timang talaga 'to. Pati ba naman si Alyna, bubuyuin pa sa 'kin. E hindi ko pa nga nakikita sa personal 'yong babaeng 'yon.
"'Pakilala mo sa 'min, a?" sabi pa niya. Kakaldagan ko na talaga 'to e.
"'Lam mo, Gen, kapag hindi ka pa tumigil, sapak ka talaga sa 'kin."
Pagkasabi ko n'on, sinapok agad ako sa sentido! Sumosobra na talaga 'to, i-headlock ko nga.
"Andoy! Buwisit ka talaga!" Pinalo-palo pa niya yung braso kong sumasakal sa kanya.
"Tumahimik ka, ha. Bubusalan na talaga kita ng bibig."
Ito si Geneva, hindi ko talaga alam kung paano natatagalan 'to ni Pol e.
Kaso kapag naiisip ko na ako pala ang buong araw nitong kasama at nagkakasama lang sila ni Pol sa gabi, dapat sarili ko ang tinatanong ko n'on. Paano ko ba natatagalang kasama 'tong buwisit na 'to sa bahay?
"Labs!"
Binitiwan ko agad si Gen kasi narinig na namin yung syota niya sa kung saan. Paglingon ko sa may terminal, ayun at patakbo sa puwesto namin habang nagsusuklay-suklay ng nagulong buhok dahil sa helmet.
"'Tol. 'Musta?" Pagtayo ko, sinalo ko agad ang palad niyang nakikipagkamay. Pagdikit ng mga balikat namin, tinapik namin nang isang beses ang likod ng isa't isa bago kami nagbitiw. "Yung mangga, nandoon sa motor."
Si Pol, pansinin talaga 'to, sa totoo lang. Matangkad kasi. Mas matangkad pa sa akin e isang pulgada na lang, six-footer na 'ko. Mabait 'tong gagong 'to, lagi ngang bukambibig ni Geneva.
Hindi ako maputi, pero kapag pinagtabi kaming dalawa, angat na angat talaga ang kulay niyang kayumanggi. Siya yung madalas pag-trip-an nina Ate Seny kasi mga die-hard fan ni Diet. May hawig nga raw kasi kay Diether Ocampo lalo kapag nangiti. Sabay naman kaming napagti-trip-an, pero siya lang yung nakikisabay sa trip nina Ate Sen. Ako, ayoko. Mabuwisit lang ako d'on.
"'Tol, ikaw mag-drive ng motor, samahan ko na si Gen sa jeep." Inabot agad niya sa 'kin yung susi ng motor niya bago kami pumunta sa pinagparadahan niya n'on.
Dala ko yung pinamili namin. Sa akin, ayos lang. Siya na kasi aalalay kay Gen sa paglakad. Nakasunod lang ako sa kanila.
Hindi ko pa natatanong dito sa dalawa kung ano na'ng magiging plano ng mga 'to paglabas ng baby nila, pero sana naman mabawasan na ang sakit ko sa ulo kapag nakapanganak 'to si Gen. Sawang-sawa na 'ko sa mga kaartehan nito e.
Mamaya na lang siguro,pag-uwi sa bahay.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top