Kabanata 4: Ang Kapal

Munting Nayon, Caloocan. November 20, 2014



"Hoy, Buntis, nag-chat si Pol. Ano raw gusto mong kainin?"

"Gusto ko ng laing."

Biglang tumalim ang tingin ko sa kanya saka ako tumanaw sa balcony. 'King ina, alas-onse ng gabi, saan naman magnakaw si Pol ng laing!

"Puwede ba, Geneva, mag-request ka naman ng makatotohanan, ha?" Napapakamot na lang ako ng ulo kasi kanina pa siya hindi kumakain nang marami.

Binilhan na ni Pol ng pizza, inayawan pa. Isang slice na nga lang, hindi pa naubos. Binilhan pa ng takoyaki, ayaw rin! Pati ako nadadamay. Binilhan ko na rin 'to ng langka kaninang tanghalian galing doon sa karinderya, nakain naman kahit kalahati. Bumili pa ako ng daing, prinituhan ko siya, kaunti lang ang nakain. Hindi pa nga naghahapunan. Ang nginunguya, yung jelly worm na binili ko sa tapat.

Ano? Buong gabi, ngunguya siya ng bulate?

"Ano na lang, baticolon saka betamax. Padamihan ng matamis na sawsawan. Pahaluan ng suka."

Napakamot agad ako ng ulo sa request niya. "Gen, kumain ka nga ng masustansya!"

Yung stress ni Pol, stress ko rin. Hindi naman ako ang nakabuntis dito, bakit pati ako, nadadamay?

"Kung ayaw mo, 'wag kang magtanong! Para kang gago, tatanong-tanong ka ta's aayawan mo."

Anak ng teteng talaga, oo. Bahala na nga 'to. Kapag yung anak nito, mukhang alien, hindi na ako magtataka.

Binalikan ko ang computer ko at nag-type agad ng chat kay Pol. Nasa trabaho pa 'to sa Central. Baka kumukuha pa lang ng sahod niya.

Nakabili ng second-hand na motor last month si Pol, inabonohan ko sa kulang, at nag-part time na siya sa delivery. Kaya madalas, buong araw talaga siyang nasa kalsada. At kamalas-malasan, ako naman ang ginawang yaya niya sa syota niyang ang sarap busalan ng bibig.

Gusto raw ni Gen ng baticolon saka betamax. E di, idulog natin sa syota niyang masipag.

Sandro:

..tol gusto isaw

..baticolon tsaka betamax

..tsaka royal na malamig saka chicharon bulaklak

..bilhan mo na din mamon tustado tsaka brownies

Paul John:

dami atang gustong kainin ngayon ni labs

Sandro:

..bilhan mo nalang tol baka umiyak nanaman ehh

Paul John:

gege yun lang?

Sandro:

..gusto mo dagdagan ko

Paul John:

wag na wala na ko pera tol

Sandro:

..buti alam mo

..ge intayin nya pasalubong mo


Simple. Maghihintay na lang kami ni Gen ng grasya mula sa langit.

Tumayo na ako at kinuha ang tumbler ni Gen saka sinalinan ng tubig. "Pauwi na yata si Pol. Hintayin mo na lang yung uwi niya."

January daw ang kabuwanan nito, ang laki na nga ng tiyan. Pero sabi ni Ate Seny, lalaki raw ang anak kapag sobrang laki. E hindi naman malaki na sobrang laki kay Gen. Kaya inaasahan namin, babae ang anak niya. 'Buti nga't hindi 'to tumataba nang sobra kahit pa busog sa vitamins. Kung ano ang katawan niya dati, ganoon pa rin, para lang nakalunok ng bola ng basketball.

Kaso paano nga naman tataba, mga pinagkakakain nito, hindi ko alam kung may sustansya pa ba. Ayaw kumain ng matinong pagkain. Ang mga pagkaing pinakakain sa kanya, ako lang din naman ang umuubos. Para ngang ako lang ang pinasasalubungan ni Pol at ako naman ang bumibili ng talagang pagkain nito ni Gen na talagang makakain nito.

Ewan ko ba rito, may favoritism yata ang anak. Pati sa pagkain, choosy rin kung kanino ba dapat manggaling.

Si Pol, hindi halatang excited. Nasa sulok na ng bahay yung mga gamit ng bata. May stroller, may mga diaper na, may mga decoration na nga para dito sa bahay. Pink na pink na nga rito, pota, akala mo, naglipat-bahay si Hello Kitty sa amin. Hindi ko na nga rin maramdaman na nakatira ako rito. Desisyon kasi lagi 'tong dalawa, hindi kumokonsulta kung papayag ba ako o hindi. Itong puwesto ko lang sa computer ang black and gray. Pagkaliit-liit ng puwesto ko e kalahati naman ng renta, sa akin nanggagaling.

"O, tubig mo." Iniabot ko kay Gen yung tumbler niya. Kung makatingin naman sa akin, pagkasama-sama, ako na nga'ng nagkukusang-loob bigyan siya ng maiinom.

"Baka dinuraan mo 'to, ha." Pagbukas niya, inamoy-amoy pa niya yung loob.

"Gen, puwede kang mag-thank you e. 'Lam mo 'yon?"

"Thank you."

"Ewan ko sa topak mo. Buang."

Bumalik na lang ako sa computer ko habang naghihintay matapos ang lahat ng ina-upload kong files. Maganda pa naman ang pasok ng pera ko ngayon. Ayoko lang sabihin dito sa dalawa.

Ilang buwan na kasi akong nakakakuha ng client sa international. Gumagawa ako ng graphic designs. Ilang bidding na ang nakuha ko, at minimum pa naman ng premyo ay nasa 249 dollars. Itong ipinapasa ko ngayon, nakakuha ako ng 1,379 dollars.

Kung ako lang ang masusunod, makakabili na ako ng bahay sa kabilang phase. Maganda kasi talaga ang kita sa international, hindi ako nababarat. Hindi ko lang talaga maiwan 'tong dalawa rito sa apartment kahit na maganda na ang kita ko sa trabaho ko.

"Alam mo, Andoy. Para hindi ka laging bad trip, maghanap ka na ng girlfriend mo."

Pumaling ako ng upo patagilid at ipinatong ko ang mga braso ko sa sandalan ng monobloc.

"Alam mo rin, Gen, para hindi ako laging bad trip, 'wag kang magsalita."

Hahanapan ako ng girlfriend e siya pa nga lang, ubos na ang oras ko. Kung wala siya rito, baka matagal na akong nagkaroon ng syota. E kung ngayon ako naghanap at aalagaan ko siya habang wala si Pol, baka kung hindi ako hiwalayan, magpang-abot sila nito ni Buntis. Napaka-demanding pa naman nito. Puro utos, buntis lang naman, hindi naman na-imbalido.

"Dumaan pala kanina si Monique, hinahanap ka."

Nilingon ko agad si Gen pagkarinig ko sa pangalan ni Monique. Barkada niya kasi 'yon, kasama niya lagi sa inuman dati. Paepal din 'yon e. Nakakairita makita, parang laging may sapi.

"Crush ka n'on. Ayaw mo ligawan?"

Nandiri agad ako sa sinabi niya. Liligawan ko e kung makahampas 'yon kapag natutuwa, ginagawang bola ng volleyball lahat ng katabi. Ilang beses ko na ngang inambahan ng sapak 'yon, ayaw paawat.

"'Lam mo, Gen, kapag lumayas ka na rito sa bahay saka ako maghahanap ng syosyotain."

"'Lam mo rin, Andoy, pakyu ka. Ikaw na nireretuhan, ayaw mo pa! 'Guwapo mo naman!"

"'Lam mo rin, Gen, 'pag hindi ka pa talaga tumigil kabubunganga mo, pakakainin talaga kita ng diaper diyan sa cabinet."

"Ang KJ mo, gago."

Minata ko na lang siya at tiningnan ang phone ko. Wala akong ka-textmate o kaya ka-chatmate man lang.

Ewan ko, hindi ko rin maintindihan ang sarili ko kung bakit hindi ako interesadong makipag-usap sa kahit na sino. May isang babae lang akong kinakausap—si Alyna. Minsan, Lyn lang ang tawag ko sa kanya. Ito kasi ang source ng mga kaperahan ko. Mabait naman 'to, matabil lang ang bibig kung minsan. Mas marami pa yatang kaaway 'to kaysa kaibigan, ewan ko.

Pero sa totoo lang, si Lyn yung klase ng taong hindi mo gugustuhing maging kaibigan, pero mas lalong hindi mo gugustuhing maging kaaway.

Ang daming koneksyon nito, galante rin. Ito ang unang nagpagawa sa 'kin ng graphics. 'Tang ina, akala ko, babanatan ako ng "Libre na lang" kaso biglang nagpadala sa PayPal ng dalawang libo. Partida, wala pa 'kong nagagawa n'on, nagbayad na agad. Hindi na tuloy ako nakatanggi.

Ngayon, yung dalawang libo, naging fifty thousand, pumapalo na ng eighty. Gagawa lang ako ng magandang graphics n'on. E paano kung lima? E di malamang sa malamang, papalo pa ng kulang-kulang kalahating milyon minus tax. Ang sakit lang sa ulo, mga revision. Pero madali lang din naman kapag nagkasundo na kami ng kliyente.

Sabi ko nga kay Pol, subukan niya para hindi na siya aalis ng bahay at maalagaan man lang niya si Gen dito. Pero sabi niya, hindi raw niya kaya yung ginagawa ko kaya mas gusto na lang niya yung mabibigat na gawain. Hindi ko na rin pinilit. Pipilitin mo pa e ayaw nga ng tao.

Kaya lahat ng pera ko, nakaipon sa bangko. Ayoko ng ganitong nangyayari kay Pol. Na kung kailan kailangan ng pera, saka maghahagilap. Kung sakaling magkaasawa at magkaanak na 'ko, gusto ko yung chill-chill na lang kami. Naaawa ako kay Pol, halos hindi na nauwi ng bahay, kumita lang ng pera.

"Labs, dito na 'ko."

Pagtingin ko sa pinto, kalalapag lang ni Pol ng helmet niya sa gilid ng pinto. Si gago, ang daming dala. Binili nga lahat ng sinabi kong bilhin ha-ha!

"Ang dami mo namang binili," sabi ni Gen.

Dahan-dahan akong pumihit paharap sa computer saka nagtipa-tipa sa keyboard para kunwaring may ginagawa.

"Sabi mo, ito gusto mong hapunan," dinig kong sabi ni Pol.

"Saan yung isaw?"

"Ito, o. Chicharon, gusto mo? Mamon? May Royal din dito."

"Ayoko niyan. Isaw lang."

Tumayo na agad ako. "Akin na lang, 'tol! Ayaw ni Gen e."

Kapag talaga nauwi lagi si Pol, laging fiesta sa bahay. Sana araw-araw buntis si Gen para araw-araw din akong busog.


♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top