Kabanata 35. Ang Ending (lol)
Alas-otso ng umaga, ligtas na 'ko kay Boss Ruth kasi pagkatapos ng almusal, settled na ang atraso kong illustrations saka template. Kaya noong bibiyahe na kami pabalik ng Caloocan, nagtanong agad ako sa anak ko.
"Mimi, babalik si Babi sa Hello Kitty castle, sasama ikaw?" tanong ko pa habang pinanonood sila ng Lola Mami niya sa pinaka-sala ng malaking bahay. Nanonood kasi sila ng Barbie movie. "Uuwi na si Babi."
"Ba-bye, Babi! Bili mo 'ko ice cream!" Kumaway lang siya ng kamay na nag-close-open saka ibinalik ang tingin doon sa pinanonood niya.
"Aba, talaga 'tong batang 'to."
Ayaw nang bumalik talaga sa bahay!
"Tara na, Sandro." Hinatak-hatak na 'ko ni Alyna palabas sa kanila.
"Isasama ko si Ninicorn!"
"Sandro, go ahead na," pagpapalayas ni Boss Ruth sa 'kin.
"Chamee, bukas na babalik si Babi, hindi ka talaga sasama?"
"Sandro, hayaan mo na yung bata dito kay Mami, ano ka ba naman?"
"Cha—"
"Tara na."
Napakamot na lang ako ng ulo kasi talagang hindi na 'ko pinansin ng anak ko.
Wala na. Wala na 'kong anak, nabudol na nang tuluyan ng Lola Mami niya.
"Yung anak ko, hindi ko na anak. Na-brainwash na ng nanay mo," reklamo ko habang papasakay kami sa SUV na service talaga ng pamilya niya.
"Safe naman si Chamee dito sa bahay, ang OA mo talaga."
"Baka bukas pag-uwi ko rito, Sandro na lang ang itawag sa 'kin ng anak ko."
"Ang OA po." Pinaikutan pa ako ng mata. "Sakay na para makaalis agad tayo nang maaga."
Unang beses kong makakasakay sa isa sa mga sasakyan nila kasi palaging naka-commute 'tong si Alyna. Hindi siya gumagamit ng kotse nila kasi ayaw niyang nagda-drive. Pero ang dami nilang sasakyan sa parking lot.
"Huwag kang istorbo, Lyn, matutulog ako sa biyahe, ha? Si Boss, nagpa-rush 'yon ng trabaho, wala pa 'kong tulog."
Totoo namang wala pa 'kong tulog. Hindi nga niya ako pinuyat sa kalabit niya, yung ina niya naman ang pumuyat sa 'kin sa trabaho.
Nasa Tagaytay ako nang mapapikit. Sumunod na dilat ko, nasa UP Technohub na kami. Napatingin agad ako sa relos ko.
Alas-dose y medya na.
"12:30 na agad?" gulat na tanong ko pag-ayos ng upo. Naabutan ko pa si Alyna na may kausap sa video call.
"Mimi, gising na si Babi!" Bigla niyang itinapat sa 'kin yung screen.
"Chamee!" Nanlaki ang mga mata ko kasi nakasakay na sa kabayo yung anak ko habang inaalalayan ng dalawang lalaking naka-uniform.
"Babi, isasakay ako sa horse ni Lola Mami!"
"Ay, anak ka ng kamoteng bata ka." Inagaw ko agad ang phone kay Alyna. "Huwag kang maglilikot diyan! Kapag ikaw, nahulog at nasipa ng kabayo, pag-uuntugin ko kayo ng naglagay sa 'yo diyan."
Biglang nalipat ang view sa may hawak ng phone. "Gusto mong ikaw ang iuntog ko rito sa kabayo, Sandro?"
Ay, pota!
Naibato ko agad ang phone ni Alyna sa kanya saka ako nagsumiksik sa pinto ng backseat.
"Hahaha! Mamiiii!" Ang lakas ng halakhak ni Alyna habang yakap-yakap ang phone niya. "Mami, I cannot! Hahaha!"
"Alam n'yo, kayong mag-iina, sakit ko talaga kayo sa ulo."
Kahit wala akong sakit sa puso, magkakaroon agad ako dahil sa mga 'to e.
Bago kami umuwi sa Caloocan, namili muna kami ng pagkain ni Alyna sa grocery at nag-takeout kasi hapon na. Naubos ang oras namin sa biyahe, saka pa lang kami makakakain.
Pagbalik ko sa Munting Nayon, napapangiti na lang ako kasi, sa wakas, nakauwi na rin.
"O, Andoy, nakauwi na pala kayo. Si Chamee?" tanong ni Manay Pasing.
"Nasa lola niya ho."
"Sa Aklan?"
Yung ngiti ko naging ngiwi. "Sa Tagaytay ho."
"Ay, akala ko, taga-Aklan yung pamilya ni Geneva."
"Nasa ibang lola po, Manay. Mauna na po kami sa taas." Hinatak-hatak ko na si Alyna bago pa siya mapagdiskitahang tanungin ni Manay. Ito pa naman e mahilig kumanta.
Dinala ko ang mga labahang damit namin ni Chamee kasi ayokong maglaba roon kina Alyna kaya iyon agad ang una kong inasikaso pagpasok ko sa bahay. Isasampay ko pa kasi para matuyo agad.
"Alam mo, dapat pinalaba mo na lang 'yan kina Manang e."
"Ayoko nga. Kaya ko namang labhan 'to, magpapa-utos pa 'ko?" Inilagay ko agad sa washing machine at hinayaan na bago ko binalikan si Alyna na naglalatag ng mga pinamili namin sa may mesa. "Naninibago ako, wala yung anak ko rito. Tawagan mo nga si Boss."
"Sandro, safe si Chamee sa bahay."
"Wala sila sa bahay. Naroon nga sa may mga kabayo."
"Maraming yaya 'yon, promise!"
"Baka mamaya, kung ano na'ng nangyari e."
"Ang praning mo. Tatawag naman 'yan si Mami kapag emergency."
"Baka pagbalik ko roon sa inyo, hindi na maalala ni Chamee yung mukha ko."
Biglang bumagsak ang emosyon ng mukha niya saka ako tinaasan ng kilay. "Talaga ba? Sandro, four hours pa lang wala si Chamee sa 'yo. Si Mami nga, ilang months hindi nakita, nakilala pa rin."
"Hindi ako magkakaganito kung hindi mapambudol yung nanay mo. Hindi ko nga ibinigay 'yan doon sa lola niya sa Aklan, 'tapos kukunin naman ni Boss."
"Kaya nga doon na kayo sa bahay tumira."
Nginiwian ko agad siya. "Pag-iisipan ko. Ayokong papiliin si Chamee kung sino'ng mas love niya. Alam ko nang ilaglag ako ng anak para lang sa gummy worms."
"Hahaha! True that."
Ang totoo, naninibago talaga ako na wala si Chamee sa bahay. Tatlong taon, ginugol ko lahat ng oras ko sa anak ko. Beynte kuwatro oras, tinututukan ko 'yon. Kapag nagkakasakit 'yon, kahit dalawang araw akong walang maayos na tulog, wala akong pakialam, maalagaan ko lang.
Ang bigat din pala sa pakiramdam na wala ang anak ko sa bahay, natotorete ako.
Kung ano na lang ang pinananghalian namin ni Alyna kahit alas-tres y medya na ng hapon. Nag-pizza siya, ako naman, nag-chicken wings. Ginawa na nga naming panulak yung flavored beer. Hindi naman nakakalasing kaya ayos lang.
Nakasampay ang paa niya sa hita ko habang nasa harap niya 'ko kumakain. Ginawa pa 'kong patungan ng paa.
"So, how was your out-of-town experience?" tanong niya habang busy ako sa pag-chat kay Boss kung kumusta na ang anak ko.
Sumulyap ako sa kanya saka ako sumubo ng kinakain kong manok. "Ayos lang. Nakakabuwisit na masaya."
Tinawanan na naman niya 'ko e totoo naman.
"Di ba, dream mong makita si Yayo? Hindi kita matanong sa kanila kasi nandoon si Marvic, pero naku-curious ako."
"Bakit na naman?" Sumimangot agad ako. Tsismosa talaga 'tong babaeng 'to.
"Hindi ka ba masayang nakita mo na siya, at last? O disappointed ka pa rin kasi may Marvic na siya?"
Napaismid na lang ako at binalikan ang chat ko kay Boss na puro na picture ni Chamee na kumakain ng blueberry cheesecake.
"Si Yayo, greatest what if ko kasi 'yon kaya gusto ko siyang makita ulit," paliwanag ko. "Hindi naman ako mapapadpad dito kung hindi ako tumakas sa ampunan dahil sa kanya."
"Pero hindi ka na-disappoint na may asawa na siya."
Napangiwi ako sa sinabi ni Alyna. Na-disappoint din naman ako na may asawa na pala si Yayo pagkakita namin pero . . . ayos na rin. Ayoko rin kasi sa pamilya niya. Kung iyon ang makakasama ko, siguro, huwag na lang.
"Tapos naman na yung kay Yayo," sabi ko. "Nagpapasalamat lang ako sa kanya kasi kung hindi dahil sa kanya, wala ako rito sa lugar ko ngayon. Kung hindi ko siya hinabol, baka kung saang kangkungan na 'ko pulutin. O kaya baka nasa ampunan pa rin ako, hindi ko alam."
"May balak ka pang bumalik ng Aklan?"
Nagusot ang dulo ng labi ko at alanganing tumango. "Puwede. Siguro. Malamang. Pero kapag malaki-laki na si Chamee at nakakaunawa na. At kung buhay pa ang mga magulang ni Gen. Sa ngayon, magkakagulo lang kami kapag bumalik ako roon. Kung tutuusin, wala naman na dapat akong atraso sa kanila kasi binasted naman ako ni Geneva."
Napasulyap ako sa kanya nang bigla siyang matawa nang mahina. "Marami bang bumasted sa 'yo? Ang sama lagi ng loob mo sa mga babae e."
"Mas marami akong binasted na babae kaysa binasted ako."
"Ay, grabe!" Nagtaas pa siya ng mga kamay. "Ang hangin naman, bruh. Hindi ka gentleman?"
"Walang gentle-gentle sa 'kin."
"Hahaha!" Natawa na naman siya kaya binato ko ng buto ng manok. "Sandro, kadiri ka!" Ibinato niya rin sa 'kin pabalik yung buto na inilagan ko naman nang walang hirap.
"Pulutin mo 'yon, ha?" banta ko agad.
Tinawanan lang ulit ako, parang timang.
Ito, kahit kailan talaga 'to e. Isasako ko na talaga 'to.
"What if hindi ka tumakas dahil kay Yayo. Tingin mo, nasaan ka ngayon?" tanong niya saka tinungga ang beer sa boteng nangangalahati na.
"Malamang . . ." Napaisip ako. ". . . ewan ko. Baka nasa ampunan pa rin?" O hindi.
Bigla kong naalala yung sinabi sa amin noon nina Madame. May ibinigay na papel sa akin noon e.
"Dati, noong may donation drive sa Bukang-Liwayway, parang isa ako sa na-sponsor-an. Nakapagnakaw pa nga ako ng ice cream noon para kay Yayo. May nagsumbong kasi sa 'kin kaya nahuli ako. Ewan ko. Hindi 'yon natuloy kasi tumakas ako kinabukasan e."
"Ay, sayang naman 'yon."
"Ayos lang. Iniisip ko naman kasi dati, gusto kong magkasama kami ni Yayo. Kung tinanggap ko 'yon, magkakahiwalay din kami kasi hindi ako tatanggapin ng pamilya niya. Baka napunta lang din ako sa ibang pamilya."
"Pero sayang pa rin."
Napatango-tango na lang ako. Hindi naman ako nanghihinayang doon. Saka masaya na 'ko sa nangyari sa buhay ko.
Masaya akong nakilala ko si Pol at ang pamilya niya. Naalagaan ko si Gen, nakilala ko si Alyna, nagkaroon ako ng Chamee. Kung pinili kong mag-stay sa ampunan, wala naman itong lahat ngayon e.
"Ay!" Ibinaba ko agad ang paa ni Alyna nang maalala ko yung itinakas kong November issue ng Traveler's Dawn sa office niya. Ito, hindi ko pa nababasa ang content nito e. "Sabi ni Vice, siya raw ang gumawa ng article dito." Tangay-tangay ko na yung magazine pagbalik ko sa upuan ko.
"Yep! Nag-enjoy si Daddy sa pagsusulat diyan kasi talagang nakaka-relate siya."
"Pero single dad ang nakalagay e. Hindi naman single dad si Vice."
Binuklat ko muna ang unang page at inobserbahan ang layout ni Janren.
Hindi na ako nagduda, ang linis ng bordering. Pati yung typesetting, pulido. Makikita talagang hindi ako ang nag-layout kasi minimalist ako sa TD. Gusto kasi ni Boss Ruth yung classy na mukhang pang-elitista.
"Sabi ni Vice, adopted ka," kuwento ko habang pinag-aaralan ang placing ng mga object.
"Nabanggit din pala ni Daddy. Yes, anak ako ng dating mayor ng Tagaytay."
"'Buti hindi nagalit sa 'kin erpats mo na hindi galing sa may pangalan yung nagustuhan mo. Kinakabahan ako, baka sampalin ako ng lilibuhin e."
"Ang OA! Hindi naman ganoon si Daddy. Saka wala namang problema sa pera. Mayaman yung family ko na biological kaya ang dami kong mana. Walang ginastos sina daddy sa 'kin. Lahat galing sa tunay kong parents."
Napahinto ako sa pag-inspect ng magazine saka napatingin sa kanya. "Talaga?"
"Mayaman ako on my own. Saka nag-usap na kami ni Daddy na as long as walang extortion sa end ng guy na magugustuhan ko, ako ang bahala sa love life ko."
"Ang bangis naman ng extortion. Ilegal na ilegal, a." Ako naman ang natawa.
"Uy, may mga na-type-an kaya ako dati na ang hilig magpalibre."
"Nililibre mo naman."
"Unfortunately, yeah. But lessons learned."
"Ang rupok mo naman kasi." Binalikan ko na yung magazine saka ko binasa ang article na ako ang model saka si Chamee.
"Being a father is not an easy task, and some men are pursuing parenthood through adoption or co-parenting . . ."
Parang bigla akong kinabahan kasi ang writer ng article ay si Gener Celizana, LPC, MiM, MBA.
Angas, ang daming title. Nakakapanliit.
"To quote Natalie Gamble, 'Parents have to apply to the court for a parental order; previously, only couples were able to do this.'"
Naiilang ako, nakikita ko sa picture ang mukha ko. Alam ko namang maganda ang shot kaso hindi ko talaga makita ang sarili kong magmomodelo sa magazine. Pero ang guwapo ko pa rin dito saka ang cute ni Chamee.
"There seems to be an assumption that men can't do it on their own. – Simon Burrell."
Napapangiti ako sa article. Na-justify na wala namang problema para sa mga gaya ko na mag-ampon kahit na walang asawa. Maganda rin ang initiative para sa mga interesadong magkaanak kahit na hindi galing sa kanila. Saka para na rin sa mga batang walang magulang, win-win situation ang pag-aampon.
"Pagkatapos ma-approve ang adoption papers, mas naramdaman kong ito na. Tatay na talaga ako officially. – Sandro Zaspa Jr."
Nagsalubong agad ang kilay ko pagkakita ko sa side comments katabi ng picture ko na kandong si Chamee. "Pati ba naman 'to, isinama n'yo?"
"Why? What's wrong? Ang cute nga e!"
"'Kakadiri naman." Nakangiwi na tuloy akong nagbasa.
Pero aaminin ko, sobrang ganda ng article. Buhat na buhat ang pagiging tatay ko kay Chamee.
No regrets nga. Pero nakakahiya, si Vice saka si Boss Ruth ang nag-approve nito? Natatawa ako na nangingilabot. Pisteng yawa, dapat pala matagal ko nang binasa 'tong issue.
"Okay naman pala itong article e," sabi ko na lang at ibinagsak ang magazine sa mesa.
"Of course, okay 'yan! Kami ka pa ba?" Nginitian na naman ako ni Alyna. "Hindi ka na galit tungkol diyan?"
"'Pasalamat ka, si Vice ang gumawa ng article, kundi kutos ka talaga sa 'kin."
Tinawanan na naman niya ako saka nagpa-cute pa. "Love you, Babi."
"Ewan ko sa 'yo." Inirapan ko lang siya saka ko binalikan ng tingin ang magazine. Nakangiti ako pero biglang nawala ang ngiti ko nang makita ang back cover.
"Adopt a child now."
Dahan-dahan akong lumapit sa mesa at sinalat ng palad ang picture na naroon.
Luma na iyon, matagal na.
Nagtindigan ang mga balahibo ko habang nakikita ko ang hilera ng mga bata sa image.
"Lyn."
"Yeps?"
"Saan n'yo nakuha 'tong picture?" tanong ko paglipat ko ng tingin sa kanya.
"Di ba, may foundation si Daddy? Kanya galing 'yan. Matagal na 'yan, twenty years ago pa. Launching ng foundation niya. Si Mami yung nag-direct ng shot, secretary ni Mami sa Manila Times yung photographer niya that time."
Lumapit siya sa 'kin saka itinuro ang mga tao sa picture.
"This is me," pagturo niya sa batang babaeng nasa harapan ni Vice na binata pa ang itsura. "This is Dad." Pagturo niya sa nasa likuran. "Then ito yung mga batang under ng sponsorship niya before. This is Gino, this is Kuya Norman, this is Peter . . ."
Inisa-isa niya ang pangalan ng mga batang kasama ko noon nang kunin ako ng DSWD sa ospital. Kahit yung mga sumbungero sa ampunan na madalas kong sapakin, naroon din.
"Lahat sila, inampon ni Daddy and working na sa office niya right now. Ang hindi lang sa kanila nakasama . . . ay itong batang 'to."
Bigla niyang itinuro yung batang lalaking katabi niya na nasa ibaba rin ni Vice nakatayo. Yung nakakunot ng noo at parang galit sa camera.
"If I'm not mistaken, pinalitan yata siya ng foundation kasi tumakas yata or something. Pero hindi pumayag si Daddy na mag-adopt ng iba kasi gusto niya talaga 'yang batang 'yan. So, parang kulang ng isa yung aampunin sana niya." Bigla siyang pumaling sa akin. "Bakit mo pala naitanong?"
Shet.
Dahan-dahan kong ibinaba ang tingin ko sa magazine.
"Matagal na 'yang hinahanap ni Daddy! Kilala mo?"
Ibinalik ko ang tingin sa kanya.
"Ang totoo . . . ako 'tong batang 'to."
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top