Kabanata 34. Ang Blessing

Kung ako lang, ayoko nang magtagal sa bahay nina Alyna. Hiyang-hiya na 'ko para sa sarili ko. Kung puwede lang matunaw sa kahihiyan, malamang naglawa-lawa na ang katawan ko sa tiles nila.

Alas-tres pasado ng madaling-araw gising pa rin ako kasi nga tinatapos ko ang layout para sa Valentine's Day Special sa zine nina Boss. Ang labas kasi nito, bukas na pagkatapos i-print dadalhin agad yung zines for distribution sa mga local stall sa susunod na araw kaya kailangang magawan agad ng template.

Pasimple akong bumaba sa kitchen nila kasi ayokong gisingin si Alyna. Binalaan ko na siya na hindi ko papatusin ang pagiging horny niya ngayong gabi kasi nahuli na kami ng nanay niya—na boss ko rin at may-ari ng bahay. Nagtampo tuloy.

Pero bahala siya. Ako, inililigtas ko lang ang sarili ko kasi kapag ako talaga ang nasaktuhan ni Vice, talagang maliligo ako ng bala rito.

Tahimik naman pagbaba ko. Tubig lang naman ang kailangan ko kasi nanunuyo na ang lalamunan ko. Kaso kung hindi ka ba naman minalas-malas, pagbaba ko, natiyempuhan ko pa si Vice sa kusina at nagkakape.

Malaki ang kitchen, may granite counter sa gitna at matataas na upuan. Nandoon nakaupo si Vice, at malas ko, nakita agad ako.

"Gising ka pa, ano'ng oras na?" tanong niya habang papahigop ng kapeng umiikot ang amoy sa loob.

"Ano ho . . . iinom lang ho sana ako ng tubig."

"Nagising ka ba?"

Umiling ako. "Hindi ho. Tinatapos ko ho kasi yung template ni Boss Ruth. Ipapasa na kasi mamayang 8."

"Sana umidlip ka muna. Ito si Ruth, kagagaling n'yo lang sa biyahe, pinagtrabaho ka agad." Bigla siyang umalis sa upuan saka nagbukas ng ref na nasa likuran lang niya. "Maupo ka."

"S-sige ho." Naiilang akong naupo sa katapat na upuan kung saan siya nagkakape. Pagbalik niya, dala na niya yung makitid na pitsel saka kumuha siya ng isa sa mga nakahilerang basong nakataob sa gilid namin.

"Tulog na si Aly?" tanong niya habang nagsasalin ng tubig.

"Kanina pa ho."

Gusto ko sanang agawin yung baso at sabihing ako na kaso baka lalo akong pagalitan. Sabihin, pabida ako.

"Nag-text sa akin 'yon kanina, sinisisi ako."

"Sa alin ho?"

"Tinatakot daw kita." Bigla siyang natawa saka ako inabutan ng basong may tubig.

Pasimple akong nagkuyom ng kamao saka napatingin nang masama sa gilid.

Itong Alyna na 'to, hindi talaga nito maitikom ang bibig. Sinisiraan pa 'ko sa ama niya.

"Nagtampo ho kasi 'yon," sumbong ko rin.

"Bakit? Nag-away kayo?"

"Nangungulit ho kasi kanina. Sabi ko, hindi maganda na may ginagawa kaming kung ano rito sa bahay ninyo. Tinago pa ho yung mga damit ko pagkatapos ko ligo, ayaw ibigay."

"Hindi mo ba pinagbigyan?"

Bigla akong ngumiwi sa baso. Bakit ko naman pagbibigyan, e di, pinaglamayan naman ako nang wala sa oras dito.

"Marunong naman ho akong rumespeto ng lugar ko, Vice," sagot ko habang nakatingin sa counter. "Si Alyna, makulit. Sobra. Pero alam n'yo naman . . . hindi porke nangungulit, papatulan mo agad."

Kahit na minsan, napapatulan ko. Pero secret ko na lang 'yon.

"'Buti, natatagalan mo ang kakulitan ni Aly. Mahilig pa namang mangyakap 'yon." Pagsulyap ko sa kanya, humihigop na naman siya ng kape sa mug niya. Saka ko lang napansin na may mukha pala nila ni Alyna yung mug.

"Ano naman ho . . . malaki ho ang respeto ko kay Lyn kahit noong umpisa pa lang. Mahal ko naman ho yung anak n'yo kahit minsan—madalas—ang sakit na niya sa ulo. Pero ayos lang ho. Parang dalawa na silang anak ko ni Chamee kung minsan."

"Hmm." Pagsulyap ko sa kanya, patango-tango lang siya sa 'kin.

Puwede na ba 'kong bumalik sa kuwarto? Nakakahiyang magtanong, a. Baka sabihin kasi, tinatalikuran ko siya kapag hindi ako nagpaalam.

Uminom na lang ako ng tubig kasi lalo lang nanuyo ang lalamunan ko.

"Si Aly . . . makuwento kasing bata 'yan. Madaldal nga. Matagal ka na niyang nakukuwento sa 'kin."

Pagbaba ko ng baso, kinuha ko agad yung pitsel kasi parang lalong nanuyo yung lalamunan ko.

Taragis talaga. Lahat na lang ba, ikukuwento ni Alyna? Imbes na makaakyat na 'ko, baka lalo akong hindi makabalik nito sa kuwarto.

"Ilang taon ka rin niyang nakukuwento sa akin. E 'ka niya noon, 'Daddy, may crush ako na tao ni Mami.' E 'ka ko, crush ka rin ba?"

Yung hiya ko, simot na simot na! Wala nang natira sa buong pagkatao ko. Lahat na lang! Lahat na lang, pisteng yawa.

Gusto ko na lang lumubog sa kinatatayuan ko.

"Aniya, hindi raw. Umiiyak 'yon sa call. Nagsusumbong, hindi raw siya type ng crush niya. Tinanong ko kung sino ba. Ipinakita niya iyong retrato mo."

Ay, pota.

Ginawa pa 'kong wanted ng babaeng 'yon sa tatay niya?

"E 'ka ko ay baka may nobya na kaya hindi siya type. Magandang lalaki ka naman, alam naman natin na kapag may ganyang tindig tayo e imposibleng wala, hindi ba? Aniya, wala raw. Single. 'Ka ko, papuntahin niya rito sa bahay at nang makausap ko't mapakiusapan."

"Vice kasi—" Yawa, paano ko ba dedepensahan ang sarili ko rito? Parang ako pa'ng masama, a. "Sorry ho. Hindi ko ho kasi alam."

"Iyon ay nauunawaan ko naman, anak. At nagpapasalamat akong hindi ka nagsasamantala sa anak ko kahit na halos isubo na niya ang sarili niya sa iyo."

"Babae rin ho kasi ang anak ko, Vice. Kung may gagago rin ho sa anak ko ay talagang makakapatay ako ng tao."

Ngumiti lang siya saka saglit akong itinuro na parang may natumbok akong tamang sagot.

"Ilang taon kang inilakad sa akin ni Aly. Kung ang panig ko ang tatanungin mo ay mas nauna ka niyang niligawan bago ikaw sa kanya. Kahit si Ruth, nag-vouch na para sa 'yo."

Natatahimik ako. Hindi ko alam kung anong sasabihin ko. Parang ang laki ng kasalanan ko kahit na wala akong kasalanan.

"Ang akin lang, tumagal ang paghihintay ni Aly sa iyo nang ilang taon, sana ay masuklian mo naman ang paghihintay ng anak ko. Hindi kami tutol sa inyo ng Mami niya. Kaya ang pakiusap ko na lang sa iyo, anak, sana ay alagaan mo siya gaya ng pag-aalaga namin ng Mami niya sa kanya."

Habang nakikinig ako kay Vice, naalala ko si Tatay Gerardo kapag pinangangaralan kami ni Pol. Parang maiiyak pa tuloy ako kasi naalala ko na naman yung dalawa.

"Kung may hindi man siya nagagawang hindi mo gusto ay pagpasensiyahan mo na lamang. At kung sakali mang mabigat ang atraso ng anak ko, tawagan mo 'ko any time, sabihin mo 'O, Daddy, si Aly, may ginagawa na namang hindi maganda,' at nang mapagsabihan ko agad. Iyan naman ay makikinig kapag napagsasabihan."

"Oho." Napatango na lang ako. "Aalagaan ko ho nang mabuti si Alyna. Alam naman ho niya 'yon. Sila nga lang ho ni Chamee ang dahilan kaya nagpapakahirap akong magtrabaho. Wala naman ho akong ibang pamilya kundi sila lang."

"May mapagkakasunduan naman pala tayo." Naglahad siya ng palad kaya nakipagkamay agad ako.

"Salamat ho nang marami."

Tinapik niya ako sa braso saka ako nginitian. "Tapusin mo na ang ipinagagawa ni Ruth at nang makapahinga ka na rin."

"Kayo rin ho. Magandang gabi ho, Vice."

"Umaga na."

Pilit akong napangiti. "Sabi ko nga ho."

Lahat ng bigat na naramdaman ko sa bahay na 'to, lahat ng iyon, parang biglang nawala.

Ang bait naman ng tatay ni Alyna. Akala ko, papatayin ako kasi kinakana ko nang walang paalam ang anak niya.

Ito namang si Alyna, sumbong naman nang sumbong.

Pero ayos lang. Sulit naman lahat. Mukhang okay naman na pala ako sa parents ng babaeng 'yon. Kung alam ko lang e.

Pagbalik ko sa kuwarto, sumaglit ako ng daan sa kama kung saan yakap ni Alyna ang isang puting unan niya.

"Lyn,"

"Hmm . . ."

Saglit ko siyang hinalikan sa pisngi. "I love you."

"Hmm . . ."

Inayos ko na lang ang kumot niya bago ko binalikan ang trabaho ko.

Tatlong taon ko ring na-friendzone si Alyna. Hindi naman dahil sa hindi ko siya gusto kasi crush ko naman siya noon pa man. Pero natatakot kasi ako sa pamilya niya. Hindi ko kasi linya yung kanila e. Ni wala nga akong pamilyang maihaharap sa mga magulang niya.

Pero siguro nga, nasobrahan yata ako sa kapapanood ng TV, nakalimutan ko na simpleng mga magulang lang din ang mga magulang ni Alyna. Kung ano ang tingin nila e makabubuti para sa anak nila, 'yon ang pipiliin nila. Ako, 'yon din ang gagawin ko kung si Chamee naman ang malalagay sa posisyon niya. Sa dami ng gago ngayon, ayoko ng kung sino lang din para sa anak ko.

Laking pasasalamat ko talaga na may pasok na si Vice at sinundo na agad kahit hindi pa sumisikat ang araw. Ang aga kong nagising kasi kung late akong bumangon, katakot-takot na sermon ang aabutin ko kay Boss Ruth kasi sabi nga niya, 8 ng umaga, dapat na-send na ang file. Nai-send ko naman na kaso baka may revision, manggulo bigla habang natutulog ako.

Mula sa terrace, naghihikab ako nang maputol kasi may tatlong puting van na nakaparada sa may parking lot. Ang daming bodyguard na naka-barong saka mukhang dadalo ng kasal. May mga two-way radio pa sila kasi hanggang sa labas ng gate, may bantay.

Bigla akong kinilabutan kasi parang eksena sa pelikula 'tapos magkakabarilan sa kung saan.

May mga dala silang baril, oo. Yung ibang naka-army uniform na bantay sa labas, armalite pa yata ang mga dala kasi malalaki talaga at dalawang kamay ang panghawak.

Nagtago tuloy ako sa gilid, sa likod ng kurtina, para hindi ako makita.

Naka-barong na asul si Vice paglabas 'tapos may tinatawagan. Ang layo na ng itsura niya kaninang alas-tres saka ngayon. Mukha na talaga siyang politiko. Hindi ko rin alam kung nakatulog ba siya o hindi.

Ang alam ko, 7 a.m. may flag raising sa provincial hall e malayo 'yon dito sa kanila kaya dapat maaga pa lang, nasa biyahe na.

Nakakatakot pala kapag sinusundo si Vice. Parang may shootout e.

"Huy."

"Ay, put—ano ba? Bakit nanggugulat ka?" malakas na bulong ko sabay tapik sa kamay ni Alyna sa braso ko.

"Sino'ng sinisilip mo diyan?" tanong niya saka ako niyakap mula sa likod.

"Daddy mo, paalis na."

"Uhm . . ." Tumango lang siya saka isinubsob ang mukha sa likod ko.

"Inaantok ka pa?" tanong ko habang hawak-hawak din ang kamay niyang nasa may tiyan ko nakasalikop.

"Uhm-hmm."

"Bakit hindi ka matulog ulit?"

"Magbaba-bye kasi ako kay Daddy." Bumitiw na rin siya sa 'kin saka lumapit sa may terrace. Nagtago pa rin ako. Nakasilip na lang ako sa may bintana. "Daddy!"

Pagtingin ko sa ibaba, may katawagan si Vice pero napatingala sa puwesto namin.

"Ingat ka, I love you!" sigaw ni Alyna habang nagpa-flying kiss pa.

Saglit na kumaway si Vice sa kanya saka nag-flying kiss din bago sumakay sa van habang gina-guide ng mga bodyguard niya.

Habang pinanonood ko sila, parang hindi naman pala nakakatakot sa personal yung setup. Nasobrahan ako sa kapapanood ng Ang Probinsyano.

Painat-inat na bumalik si Alyna sa loob kaya hinuli ko agad ang baywang niya saka ko siya ninakawan ng halik sa labi.

"Eh?"

Natawa ako sa gulat niya.

"'Yan, matapang ka kasi umalis na si Daddy."

"Hoy, kaninang madaling-araw pa kaya kita hinahalikan. Nandito pa daddy mo n'on."

"Tsk." Inirapan lang niya 'ko saka umikot ang mata. May tampo pa rin siguro 'to kasi hindi napagbigyan kagabi. "Ang daya."

"Si Chamee pala, ayaw ipauwi muna ni Boss kaya kukuha ako ng gamit sa bahay. Uuwi akong Caloocan. Sama ka?"

Yung mukha niyang nagsusungit, biglang napalitan ng nagpipigil na ngiti habang nakaiwas ang tingin sa 'kin.

Ayaw pang sabihing oo, nag-iinarte pa e.

"Sige na nga," sabi niya sabay irap.

"Anong sige na nga. Ang sabihin mo, 'Yes, of course!'" Itinulak ko agad ang noo niya. "Kunwari ka pa, pagnanasaan mo lang naman ako sa bahay ko."

Nahampas tuloy ako sa dibdib. "Ang kapal!"

"Ay, hindi ba?" Dinuro ko siya sa mukha. "Walang gagapang sa 'kin mamaya, ha. Ibabato kita sa balcony."

Ito, kunwari pa 'to. Hindi na lang sabihing matagal na 'tong may masamang balak sa 'kin.

Sabihin ko na lang kay Boss na bukas na kami uuwi ni Alyna. Mas gusto ko pa ring matulog sa bahay kaysa rito.


♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top